“Paglalagay ng Anotasyon sa mga Banal na Kasulatan: Pagpapabuti ng Ating Pag-aaral sa pamamagitan ng Pagmamarka, Pagdaragdag ng mga Tala, at Pag-uugnay sa Ating mga Banal na Kasulatan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Paglalagay ng Anotasyon sa mga Banal na Kasulatan: Pagpapabuti ng Ating Pag-aaral sa pamamagitan ng Pagmamarka, Pagdaragdag ng mga Tala, at Pag-uugnay sa Ating mga Banal na Kasulatan,” Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan
Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan: Lesson 168
Paglalagay ng Anotasyon sa mga Banal na Kasulatan
Pagpapabuti ng Ating Pag-aaral sa pamamagitan ng Pagmamarka, Pagdaragdag ng mga Tala, at Pag-uugnay sa Ating mga Banal na Kasulatan
Ang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay makatutulong sa atin na magkaroon ng mas matibay na ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang paglalagay ng anotasyon sa ating mga banal na kasulatan (pagmamarka, pagdaragdag ng mga tala, at pag-uugnay), ay makatutulong sa atin na mas mapagtuunan ang mga salitang pinag-aaralan natin at mas mapalapit tayo sa Ama sa Langit at kay Jesucristo bilang resulta. Sa lesson na ito, matututuhan ng mga estudyante na maglagay ng anotasyon sa kanilang mga banal na kasulatan sa paraang makatutulong sa kanila na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na itanong sa ilang tao sa kanilang pamilya, ward, o branch kung ano ang nalaman nilang kapaki-pakinabang sa pagmamarka ng mga banal na kasulatan. Dapat ay dumating sa klase ang mga estudyante na handang ibahagi ang natutuhan nila.
Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral
Access sa mga banal na kasulatan
Para simulan ang klase, maaari kang magpakita o magdrowing ng isang binatilyo mula sa panahon ng Lumang Tipan, tulad ng sumusunod. Sabihin sa mga estudyante na siya ay isang Israelitang binatilyo mula sa 600 BC na nagngangalang Jacob. Sabihin sa mga estudyante na kunwari ay iniinterbyu nila si Jacob. Anyayahan ang mga estudyante na talakayin sa kapartner o maliit na grupo kung paano nila sasagutin ang sumusunod na tatlong tanong.
-
Paano ginawa ang mga banal na kasulatan sa inyong panahon?
-
Ano ang kailangan ninyong gawin para matuto mula sa mga banal na kasulatan?
-
Paano ninyo pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan?
Kung kailangan ng mga estudyante ng tulong, maaari mong ibahagi na ang mga banal na kasulatan noong 600 BC ay nakaukit sa mga laminang metal at nakasulat sa mga tapyas na kahoy, o posibleng sa parchment. Malamang na kinailangan ni Jacob na maglakbay kung saan naroon ang mga kasulatan at makinig sa isang taong nagbabasa nito. Maaaring nakinig din siya sa mga taong nagbabahagi ng nalaman nila ayon sa natatandaan nila.
-
Kung iniinterbyu kayo ni Jacob, paano ninyo sasagutin ang mga tanong na ito?
-
Ano ang maaaring isipin niya tungkol sa inyong mga sagot?
Para matulungan ang mga estudyante na isipin ang kanilang natatanging pagkakataon na magkaroon ng access sa mga banal na kasulatan, ibahagi ang sumusunod na pahayag.
Itinuro ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol:
Pag-isipan ang dami ng ating biyaya sa pagkakaroon ng Banal na Biblia at mga 900 karagdagang mga pahina ng banal na kasulatan, kabilang ang Aklat ni Mormon, ang Doktrina at mga Tipan, at ang Mahalagang Perlas. Pagkatapos ay pag-isipan na, bukod dito, ang mga salitang binigkas ng mga propeta kapag sila ay nainspirasyunan ng Espiritu Santo sa mga pagkakataong tulad nito, na tinatawag ng Panginoon na banal na kasulatan (tingnan sa D at T 68:2–4), ay halos napapasaatin palagi. … Sa palagay ko ayon sa kasaysayan hindi kailanman nabiyayaan nang gayon karaming banal na kasulatan ang mga tao. At hindi lang iyan, bawat lalaki, babae, at bata ay maaaring magmay-ari at pag-aralan ang kanyang sariling kopya ng mga sagradong tekstong ito, karamihan sa sarili nilang wika. Marahil napakapambihira nito sa … mga Banal ng mga naunang dispensasyon! Tiyak na kaakibat ng pagpapalang ito ay sinasabi sa atin ng Panginoon na ang palagiang pagbaling sa mga banal na kasulatan ay higit na kailangan ngayon. (“Ang Biyaya ng Banal na Kasulatan,” Liahona, Mayo 2010, 35)
-
Ano ang pinakatumimo sa inyo sa pahayag ni Elder Christofferson?
-
Anong mga pakinabang ang maaaring idulot ng pagkakaroon ninyo ng sariling set ng mga banal na kasulatan?
Maaari mong ipakita ang iyong sariling set ng mga banal na kasulatan. (Kung mayroon ka nito, maaari mong dalhin ang unang set ng mga banal na kasulatan na pag-aari mo.) Maaari mong ibahagi sa mga estudyante kung ano ang kabuluhan sa iyo ng pagkakaroon ng sariling kopya ng mga banal na kasulatan sa iyong buhay.
Ibahagi sa mga estudyante na ang isa sa mga pagpapala ng pagkakaroon ng sariling banal na kasulatan ay maaari itong lagyan ng anotasyon (markahan, magtala, at mag-link o mag-ugnay ng mga talata).
-
Anong mga pakinabang ang maaaring magmula sa paglalagay ng anotasyon sa inyong sariling banal na kasulatan?
Sabihin sa mga estudyante na maghanap ng mga paraan kung paano nila mas magagamit ang kanilang sariling mga banal na kasulatan ngayon sa pamamagitan ng kasanayan sa paglalagay ng anotasyon.
Maaaring wala kang oras para ituro ang bawat isa sa tatlong kasanayan sa paglalagay ng anotasyon. Pumili ng isang kasanayan (o mahigit pa) na sa tingin mo ay pinakamakatutulong sa iyong mga estudyante. Kung nagtuturo ka ng maraming kasanayan, maaari mong ituro muna ang mga bahaging “Ipaliwanag” at “Ipakita” ng bawat kasanayan, pagkatapos ay hayaang “Magsanay” ng mga kasanayan ang mga estudyante nang sabay-sabay.
Bago ipakilala ang mga kasanayan, maaari mong ipakita o isulat sa pisara ang kumpletong talata ng Moises 7:18 (o ibang talata na pipiliin mo) upang mamarkahan ito sa iba’t ibang paraan sa buong lesson.
Kasanayan: Pagmamarka ng mga banal na kasulatan
Ipaliwanag
Ang pagmamarka ng mga banal na kasulatan ay isang paraan upang bigyang-diin ang isang salita, parirala, o talata na sa tingin ninyo ay mahalaga o makabuluhan. Makatutulong ito sa inyo na maalala kung ano ang itinuturo ng talata. Ang pagmamarka ng mga banal na kasulatan ay makatutulong din sa inyo na mas makapagtuon sa inyong binabasa, na magbubukas sa inyong isipan at puso sa mas malalim na pagkaunawa kay Jesucristo, sa Kanyang mga turo, at sa mga salita ng Kanyang mga tagapaglingkod.
Ipakita
Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na pumunta sa pisara para ilarawan ang iba’t ibang paraan kung paano nila maaaring markahan ang Moises 7:18, na nakasulat sa pisara.
-
Ano ang iba’t ibang paraan kung paano maaaring markahan ng mga tao ang kanilang mga banal na kasulatan?
Maaaring kabilang sa mga sagot ang pag-highlight ng isang talata, pagsalungguhit ng parirala, o pagbilog ng salita.
Maaari mong ipanood ang video na “A Marking System That Works for You” (1:56), kung saan tinatalakay ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pagmamarka ng mga banal na kasulatan. Pagkatapos ng video, maaari mong hilingin sa mga estudyante na magdagdag ng mga karagdagang paraan sa pagmamarka ng mga banal na kasulatan na hindi pa nakalista.
1:58Para sa mga digital na banal na kasulatan, maaari mong ipakita sa mga estudyante kung paano markahan ang kanilang mga banal na kasulatan sa iba’t ibang kulay gamit ang mga feature sa pag-highlight at pagsalungguhit. Ang mga feature na ito ay maaaring magbigay ng mas maraming iba’t ibang paraan kung paano magagawang personal ng mga estudyante ang kanilang mga anotasyon. Para sa tulong dito, i-click ang tatlong tuldok sa kanang sulok sa itaas ng Gospel Library app, pagkatapos ay i-click ang “Tulong.” Doon ay makikita ninyo ang isang video na pinamagatang “Highlighting a passage.”
-
Ano ang ilang dahilan kung bakit nagpasiya kayong markahan ang isang bagay sa inyong mga banal na kasulatan?
Magsanay
Ang isang paraan para matulungan ang mga estudyante na magsanay ay bigyan ang bawat estudyante ng kopya ng handout na “Magsanay sa Paglalagay ng Anotasyon sa mga Banal na Kasulatan.” Kung ang iyong mga estudyante ay gumagamit ng mga nakalimbag na banal na kasulatan, maaari mong kopyahin ang isang pahina ng banal na kasulatan na nakapaloob ang Mga Awit 116:1–9 para mapagsanayan ng mga estudyante sa halip na gamitin ang ibinigay na handout. Ang pagbibigay ng isa sa mga opsiyong ito ay nagbibigay-daan sa mga estudyante na sumubok ng iba’t ibang paraan ng pagmamarka upang makita kung paano nila nais markahan o hindi ang kanilang sariling mga banal na kasulatan. Maaaring basahin ng mga estudyante ang unang apat na talata ng handout (Mga Awit 116:1–4) gamit ang isang paraan sa pagmamarka at ang huling limang talata (Mga Awit 116:5–9) gamit ang ibang paraan ng pagmamarka. Kung gumagamit ang mga estudyante ng mga electronic na banal na kasulatan, maaari nilang basahin at markahan ang mga talata ring iyon sa Gospel Library gamit ang iba’t ibang paraan. Maaari mong ipakita sa kanila kung paano nila made-delete ang kanilang mga digital na pagmamarka, kung gusto nila itong gawin pagkatapos ng pagsasanay.
Kasanayan: Pagtatala
Ipaliwanag
Ang isa pang uri ng paglalagay ng anotasyon ay ang pagtatala.
Itinuro ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod tungkol sa kung paano at bakit tayo nagtatala:
Ang pagsusulat ng natututuhan, naiisip, at nadarama natin habang pinag-aaralan natin ang mga banal na kasulatan ay isa pang uri ng pagninilay at mabisang paanyaya sa Espiritu Santo para sa patuloy na pagtuturo. (“Because We Have Them before Our Eyes,” New Era, Abr. 2006, 6–7)
Ipakita
-
Ano ang iba’t ibang paraan kung paano natin maisusulat ang natututuhan, naiisip, o nadarama natin bilang bahagi ng pag-aaral natin ng mga banal na kasulatan?
Tulungan ang mga estudyante na maunawaan na maaari silang magsulat sa mga margin ng kanilang mga banal na kasulatan, sa study journal, o sa electronic note.
Gamit ang talata sa pisara, ipakita kung paano maaaring magsulat ng tala ang mga estudyante sa mga margin ng kanilang mga banal na kasulatan. Isiping magpakita ng halimbawa kung paano ka nagtala sa sarili mong mga banal na kasulatan o study journal. Maaari mo ring ipakita kung paano gumawa ng electronic note gamit ang note feature sa Gospel Library (tingnan ang “Itala ang iyong mga naiisip” sa bahaging “Tulong”).
Magsanay
Kung ginamit mo ang handout kanina, sabihin sa mga estudyante na pumili ng isang bagay na minarkahan nila mula sa Mga Awit 116. Pagkatapos ay anyayahan ang mga estudyante na magsulat sa mga margin ng isang bagay na natutuhan, naisip, o nadama nila habang nag-aaral sila. Kung gumagamit ang mga estudyante ng mga digital na banal na kasulatan, maaari silang magdagdag ng tala sa isa sa mga minarkahan nila mula sa mga talata ring iyon.
Kung may oras pa, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi sa klase o maliliit na grupo ang isinulat nila.
Kasanayan: Pag-uugnay ng mga talata
Ipaliwanag
Dahil ang mga banal na kasulatan ay maaaring magdagdag ng pag-unawa o suporta sa ibang mga banal na kasulatan, makatutulong ang pag-cross reference o pag-link o pag-ugnay sa mga banal na kasulatang iyon. Ang isang paraan na magagawa ito ay sa pamamagitan ng pagsulat ng isang banal na kasulatan sa margin ng ibang banal na kasulatan. Maaari mo ring gamitin ang function na “Link” sa Gospel Library.
Ipakita
Sumangguni sa banal na kasulatan sa pisara. Ipabasa sa mga estudyante ang sumusunod na banal na kasulatan bilang cross-reference. Kung pipili ka ng ibang talata na ilalagay sa pisara, maghanap ng naaangkop na talata na iuugnay rito.
Basahin ang Doktrina at mga Tipan 97:21 at alamin kung paano nauugnay ang talatang ito sa Moises 7:18.
-
Bakit makatutulong na iugnay ang dalawang talatang ito sa isa’t isa?
Isulat ang Doktrina at mga Tipan 97:21 sa tabi ng talata sa pisara na para bang isinusulat ito sa margin ng talata. Para sa mga digital na banal na kasulatan, ipakita sa mga estudyante kung paano iugnay ang mga talata gamit ang function na “Link” sa Gospel Library (tingnan ang “Link related content [I-link ang kaugnay na nilalaman]” sa bahaging “Tulong”).
Magsanay
Anyayahan ang mga estudyante na muling sumangguni sa handout. Para sa pagsasanay na ito, maaari mong hatiin ang mga estudyante sa maliliit na grupo at anyayahan silang mag-isip ng iba pang mga banal na kasulatan na nauugnay sa minarkahan nila sa kanilang papel. Habang naghahanap sila ng mga halimbawa, maaaring ibahagi ng mga estudyante ang mga ito sa kanilang mga grupo at basahin ang mga ito nang sabay-sabay. Pagkatapos ay maaaring idagdag ng mga estudyante ang mga cross-reference sa mga margin ng papel o magdagdag ng mga link sa pamamagitan ng paggamit ng link function sa kanilang mga digital na banal na kasulatan.
Pangwakas
Maaari mong anyayahan ang ilang boluntaryo na ibahagi ang natutuhan nila sa pagsasanay ng mga kasanayang ito sa paglalagay ng anotasyon. Maaari mong itanong sa kanila ang mga tanong na tulad ng dalawang tanong sa ibaba. Magpasalamat para sa mga sagot ng mga estudyante.
-
Paano nakatulong ang paglalagay ng anotasyon sa inyong mga banal na kasulatan para mas mapalapit kay Jesucristo sa inyong personal na pag-aaral?
-
Ano ang isang kabatiran o kasanayang natamo ninyo ngayon na makatutulong sa inyo na lalo pang pag-aralan nang mas makabuluhan ang mga banal na kasulatan?
Maaari mong ibahagi ang iyong patotoo kung paano naging pagpapala sa iyong buhay ang paglalagay ng anotasyon sa iyong sariling mga banal na kasulatan. Sabihin sa mga estudyante na sikaping mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo sa pamamagitan ng paglalagay ng anotasyon sa kanilang mga banal na kasulatan.
Sabihin sa mga estudyante na isipin kung gaano kahusay nilang ginagamit ang kasanayan sa paglalagay ng anotasyon at pumili ng isang kasanayan na natutuhan nila at subukan ito sa kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.