Seminary
I-assess ang Iyong Pagkatuto, Bahagi 2: Isaias 1–2; 6; 9; 11–12; 29; 49; 53; 58; 61; Mga Awit 23–24; Daniel 1–3; 6; Malakias 3


“I-assess ang Iyong Pagkatuto, Bahagi 2: Isaias 1–2; 6; 9; 11–12; 29; 49; 53; 58; 61; Mga Awit 23–24; Daniel 1–3; 6; Malakias 3,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“I-assess ang Iyong Pagkatuto, Bahagi 2: Isaias 1–2; 6; 9; 11–12; 29; 49; 53; 58; 61; Mga Awit 23–24; Daniel 1–3; 6; Malakias 3,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan

Appendix

I-assess ang Iyong Pagkatuto, Bahagi 2

Isaias 1–2; 6; 9; 11–12; 29; 49; 53; 58; 61; Mga Awit 23–24; Daniel 1–3; 6; Malakias 3

Ang paglalaan ng oras upang matukoy ang paglago at espirituwal na pag-unlad ay makapagpapatibay sa ating ugnayan sa Ama sa Langit at kay Jesucristo at makahihikayat sa atin na manatili sa landas ng tipan. Matutulungan ka ng lesson na ito na suriin ang iyong espirituwal na pag-unlad mula sa pag-aaral mo ng Isaias 1–2; 6; 9; 11–12; 29; 49; 53; 58; 61; Mga Awit 23–24; Daniel 1–3; 6; Malakias 3. Maghanap ng mga pagkakataon upang ibahagi ang ilan sa iyong mga sagot sa mga kaibigan o kapamilya.

Paalala: Bago gawin ang assessment na ito, tiyaking kumpletuhin ang mga kinakailangang basahin kung hindi mo pa ito nagagawa: Isaias 1–2; 6; 9; 11–12; 29; 49; 53; 58; 61; Mga Awit 23–24; Daniel 1–3; 6; Malakias 3.

Isang porsyento na mas mahusay

Bike Race in Albany, GA

Sa loob ng mahigit isang siglo, nahirapan ang pambansang team ng mga siklista ng Great Britain at iilang gintong medalya lang ang napanalunan nila sa pakikipagpaligsahan sa Olympics. Ngunit noong 2003, natagpuan ng coach ng team ang isang porsyentong pagpapahusay na maaari nilang gawin sa mga aspektong hindi napansin at hindi inaasahan para maging mas mahusay ang team. Dahil dito, mula noong 2003, anim na beses nang nanalo ang mga siklistang Briton sa Tour de France. Sila rin ang nanalo ng pinakamaraming medalyang ginto sa pagbibisikleta noong 2020 Summer Olympics (tingnan sa Michael A. Dunn, “Isang Porsyento na Mas Mahusay,” Liahona, Nob. 2021).

Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder David A. Bednar, Quorum of the Twelve Apostles official portrait. 2020.

Ang maliit, matatag, at nag-iibayong espirituwal na pagpapaunlad ay ang mga hakbang na gusto ng Panginoon na gawin natin. (“Malilinis na Kamay at Dalisay na Puso,” Liahona, Nob. 2007, 82)

Maaari mong isulat sa study journal ang iyong mga sagot sa mga sumusunod na tanong o ibahagi ang mga ito sa isang kaibigan o kapamilya:

  • Ano ang ilang espirituwal na impresyon na natanggap mo kamakailan mula sa Espiritu Santo? Paano ka kumilos ayon dito?

  • Ano ang ilang maliliit na espirituwal na pagpapaunlad na nagawa mo na sa iyong pagiging disipulo ni Jesucristo?

  • Ano ang ilang aspeto kung saan maaaring kailanganin mo pa ring gumawa ng maliliit na espirituwal na pagpapaunlad?

Ipaliwanag ang mga titulo at tungkulin ni Jesucristo

Habang pinag-aaralan natin ang mga salita ng Panginoon sa Lumang Tipan, marami pa tayong natututuhan tungkol sa Kanyang mga titulo at mga tungkulin. Gamitin ang diagram na ito para gawin ang mga sumusunod:

2026 Old Testament Seminary Teacher Materials
  1. Isulat ang “Jesucristo“ sa bilog sa gitna.

  2. Sa iba pang bilog, isulat ang ilan sa mga titulo at tungkulin ni Jesucristo na napag-aralan mo sa Lumang Tipan at isang talata kung saan mo makikita ang mga ito. Maaari kang magdagdag ng mga bilog para sa bawat titulong nakita mo. Maaaring makatulong na balikan ang Isaias 9:6–7; 53:3–5. (Maaari kang makakita ng iba pang titulo at tungkulin sa Isaias 7:14; 33:22; 40:28; 43:3; 48:17; Jeremias 17:13; Ezekiel 34:11–13. Maaari mo ring hanapin ang Ang mga Pangalan ni Cristo na matatagpuan sa ChurchofJesusChrist.org.)

Habang pinagninilayan mo kung ano ang itinuturo sa atin ng mga titulo at tungkulin ni Jesucristo tungkol sa Kanya, pumili ng isang titulo o tungkulin na pinakamahalaga para sa iyo. Pagtuunan ang titulo o tungkuling iyon habang sinasagot mo ang isa sa mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng titulo o tungkuling ito tungkol kay Jesucristo?

  • Sa anong mga sitwasyon sa iyong buhay makatutulong ang pag-alaala sa titulo o tungkuling ito ni Jesucristo?

  • Paano mo nakikitang ginagampanan ng Tagapagligtas ang titulo o tungkuling ito sa iyong buhay o sa buhay ng iba sa panahon ngayon?

Ipaliwanag ang mga propesiya mula sa Lumang Tipan hinggil sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo sa mga huling araw

Kunwari ay may kaibigan ka na interesadong matuto pa tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Gusto mong ipakita sa iyong kaibigan na itinuturo ng Biblia ang tungkol sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Pag-isipan kung ano ang maaari mong ibahagi sa iyong kaibigan. Pagkatapos ay balikan ang mga sumusunod na doctrinal mastery passage. Tukuyin ang isang aspeto ng Pagpapanumbalik na ipinropesiya sa Lumang Tipan na maaari mong ibahagi sa iyong kaibigan.

Isaias 29:13–14

Ezekiel 37:15–17

Daniel 2:44–45

  • Paano mo ipapaliwanag sa iyong kaibigan ang propesiyang ito mula sa Lumang Tipan?

  • Ano ang itinuturo sa iyo ng propesiyang ito tungkol sa Tagapagligtas at sa Kanyang Simbahan?

Isulat ang iyong mga sagot sa iyong study journal o magsanay na ibahagi kung paano mo ipapaliwanag ang propesiya sa isang kaibigan, kapamilya, o sa iyong titser.

Makadama ng mas matinding hangaring madaig ang kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Sa Isaias 1:18, gumamit ang Panginoon ng matalinghagang paglalarawan upang tulungan tayong maunawaan kung ano ang magagawa ng Tagapagligtas sa ating buhay kapag nadaig natin ang kasalanan sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Isipin na hiniling sa iyo na magbigay ka ng tatlo hanggang limang minutong mensahe tungkol sa pagdaig sa kasalanan sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Sumulat ng maikling outline ng kung ano ang maaaring laman ng mensahe mo na kinabibilangan ng sumusunod:

  1. Ang natutuhan mo mula sa Lumang Tipan. Maaaring kabilang sa ilang halimbawa ang Isaias 1:18 at Isaias 53:3–5.

  2. Ang itinuro sa iyo ng Espiritu tungkol sa Tagapagligtas at pagsisisi.

  3. Ang nadarama mo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang sakripisyo na ginagawang posible na malinis tayo mula sa ating mga kasalanan.