“Mga Aktibidad para I-assess ang Iyong Pagkatuto para sa mga Lesson sa Paghahanda sa Buhay,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)
“Mga Aktibidad para I-assess ang Iyong Pagkatuto para sa mga Lesson sa Paghahanda sa Buhay,” Manwal ng Guro ng Seminary para sa Lumang Tipan
Appendix
Mga Aktibidad para I-assess ang Iyong Pagkatuto para sa mga Lesson sa Paghahanda sa Buhay
Pagkatapos mong ituro ang isa sa mga kategorya ng mga lesson sa Paghahanda sa Buhay, maaari mong tulungan ang mga estudyante na pagnilayan ang kanilang pagkatuto at pag-unlad. Para magawa ito, maaari mong isama ang isa o higit pa sa mga sumusunod na aktibidad sa paparating na lesson na I-assess ang Iyong Pagkatuto. Maaaring iakma ang mga aktibidad na ito upang pinakamatugunan ang mga pangangailangan ng iyong mga estudyante.
Mga Kasanayan sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan
Ipakita ang kakayahang gamitin ang mga banal na kasulatan para makatanggap ng tulong at inspirasyon
Mag-isip ng kawili-wiling paraan para matulungan ang mga estudyante na maghandang pagnilayan ang mga kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan na ginamit nila kamakailan para ihanda sila sa pagtanggap ng tulong mula sa Ama sa Langit. Maghanap ng mga paraan upang gawin itong kawili-wili at nauugnay sa mga estudyante. Maaari kang gumawa ng isang bagay tulad ng pagtukoy ng mga kasanayan upang epektibong maghanap sa internet (tulad ng aktibidad sa ibaba) o, kung may karanasan ang mga estudyante sa paggamit ng AI, maaari nilang talakayin ang tungkol sa mga kasanayan sa paggawa ng epektibong AI prompt.
Maaaring gamitin ang sumusunod na sitwasyon:
Ipagpalagay na naghahanda kayo para sa isang proyekto sa paaralan at kailangan ninyong gumamit ng internet para sa resources.
-
Anong mga kasanayan ang natutuhan ninyo para maging mas epektibo o hindi gaanong epektibo ang paghahanap sa internet?
Sabihin sa mga estudyante na ilista sa pisara ang mga kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan na natutuhan nila. Sa tabi ng bawat kasanayan, maaari nilang ibahagi kung paano sila matutulungan ng mga tool na ito na makatanggap ng tulong at inspirasyon mula sa Panginoon. Kabilang sa mga kasanayang maaaring natutuhan ng iyong klase ay:
-
Pagtuon kay Jesucristo
-
Paghahanap ng mga simbolo ni Jesucristo
-
Paghahambing
-
Pag-anyaya sa Espiritu Santo sa pamamagitan ng panalangin, pag-aalis ng mga panggambala, at pagninilay
-
Pagmamarka o pag-highlight ng mga salita at parirala
-
Pagtatala
-
Pag-cross reference o pag-uugnay ng mga talata
-
Pagtukoy sa mga ipinahiwatig o malinaw na ipinahayag na katotohanan
Kung natuto at nagsanay ng mga karagdagang kasanayan ang iyong klase, maaari mong idagdag ang mga ito sa listahang ginawa ng mga estudyante.
Para matulungan ang mga estudyante na magpakita ng kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan na natutuhan nila, pumili ng isang scripture passage na mapagsasanayan ng mga estudyante. Maaaring isa itong doctrinal mastery passage o makabuluhang passage na hindi napag-aralan ng mga estudyante sa seminary.
Ipakita ang iyong kakayahang gumamit ng mga kasanayan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan upang makatanggap ng tulong at inspirasyon mula sa Panginoon sa pamamagitan ng paggawa ng sumusunod:
-
Basahin ang passage nang ilang beses.
-
Tukuyin kung aling kasanayan sa pag-aaral ng banal na kasulatan ang iyong gagamitin upang maghangad ng pag-unawa o inspirasyon at isulat ang mga kasanayang ito sa iyong study journal.
-
Gawin ang bawat isa sa mga kasanayang ito gamit ang passage na iyong pinili.
-
Isulat sa iyong study journal ang natutuhan mo sa pamamagitan ng paggamit ng mga kasanayang ito.
Kapag natapos na ang mga estudyante, maaari mong ipabahagi sa kanila sa klase o sa maliliit na grupo kung aling mga kasanayan ang kanilang ginamit at kung ano ang natutuhan nila mula sa karanasan. Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maaari kang magtanong ng mga follow-up na tanong tungkol sa kung paano makatutulong sa kanila ang paggamit ng mga kasanayang ito sa kanilang personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan na mas mapalapit sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.
Para sa Lakas ng mga Kabataan: Paggawa ng mga Pagpili
Tumanggap ng lakas mula sa Panginoon na gumawa ng mga inspiradong pagpili
Maaari mong isulat sa pisara ang salitang Mga Pagpili. Ipakita sa mga estudyante ang mga sumusunod na item at hilingin sa kanila na magbahagi ng isang mahalagang pagpili o mga pagpili na nauugnay sa item na iyon. (Ang bawat item ay kumakatawan sa isang lesson sa kategoryang Para sa Lakas ng mga Kabataan.)
Isang cell phone
Isang patriarchal blessing
Isang gabay na aklat na Para sa Lakas ng mga Kabataan
Isang papel na may pamagat na “Mga Mithiin,” at nakasulat ang ilang mithiin dito
Sa inyong study journal, maglaan ng isang minuto upang maglista ng mahahalagang pagpiling ginawa ninyo, o nahirapan kayong gawin, sa nakalipas na ilang linggo. Maaari nilang isama ang mga pagpiling nauugnay sa mga item na ipinapakita, tulad ng teknolohiya, mga patriarchal blessing, mga paksa sa Para sa Lakas ng mga Kabataan, o pagtatakda ng mga mithiin. Itala ang inyong mga sagot sa mga sumusunod na tanong:
-
Paano mo hinangad ang lakas, tulong, o gabay ng Panginoon sa paggawa ng mga pagpili kamakailan?
-
Paano mo nadama ang Kanyang lakas, tulong, o gabay sa paggawa ng mga inspiradong pagpili?
-
Aling mga hamon ang kinaharap mo o maaari mong kaharapin kapag gumagawa ng mga inspiradong pagpiling ito?
Pagkatapos magnilay at magsulat ng mga estudyante, maaari mong anyayahan ang ilang boluntaryo na magbahagi. Habang ibinabahagi ng mga estudyante kung paano nila nadama ang lakas ng Panginoon, bigyang-diin ang kahandaan ng Panginoon na tulungan tayo. Habang nagbabahagi ang mga estudyante ng mga hamon na kinakaharap nila, anyayahan ang klase na sandaling pag-isipan kung paano sila maaaring makatulong. Maaari silang maghanap ng mga banal na kasulatan o pahayag sa gabay na aklat na Para sa Lakas ng mga Kabataan o pag-isipan ang kanilang sariling mga karanasan. Anyayahan sila na magbahagi.
Sabihin sa mga estudyante na tapusin ang aktibidad na ito sa pamamagitan ng pagsusulat ng nadarama nila na nais ng Panginoon na gawin nila bilang susunod nilang hakbang.
Pagkakaroon ng Pag-asa sa Sariling Kakayahan o Self-Reliance
Magkaroon ng pag-asa sa sariling kakayahan o self-reliance sa paraan ng Panginoon
Maaari kang magpakita ng isang larawan na nagpapakita kay Jose ng Egipto at anyayahan ang mga estudyante na alalahanin ang natutuhan nila tungkol sa self-reliance mula sa pag-aaral ng kuwento tungkol sa kanya (tingnan sa Genesis 37–47). Maaaring makatulong sa kanila na tingnan ang mga tala sa kanilang mga journal o banal na kasulatan habang pinagninilayan nila ang kanilang natutuhan.
Maaari mong ibigay ang ilan, o ang lahat ng, sumusunod na scripture reference para matingnan ng mga estudyante:
-
Genesis 41:37–43, 49, 54–55 (Si Jose ng Egipto ay nag-imbak ng mga butil para sa mangyayaring taggutom sa hinaharap dahil nakatanggap siya ng paghahayag mula sa Panginoon)
-
Genesis 45:4–11; 47:11–12 (Napagpala ni Jose ng Egipto ang kanyang pamilya dahil sa kanyang mga pagsisikap na maging self-reliant)
-
Malakias 3:8–11 (pagsunod sa batas ng ikapu ng Panginoon)
-
Moises 4:23–25; 5:1 (Nagtrabaho sina Adan at Eva para magkaroon sila ng pagkain sa halip na ibigay lamang ito sa kanila ng Diyos)
Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong at isulat ang mga naiisip ninyo sa inyong study journal:
-
Anong mga paraan ang ginagawa mo para lalo kang maging self-reliant?
-
Anong mga hamon ang kinakaharap mo sa pagsisikap mong maging self-reliant?
-
Paano mo aanyayahan ang Diyos na tulungan kang patuloy na maging self-reliant?
Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na ibahagi ang kanilang mga naiisip.
Pisikal at Emosyonal na Kalusugan
Ipamuhay ang mga alituntunin at kasanayan upang maging mas malusog sa pisikal at emosyonal
Maaari mong ipakita ang larawan ng isang punong hinahampas ng hangin, o maaari kang magdrowing ng puno sa pisara. Kung nagdrowing ang mga estudyante ng puno sa kanilang study journal habang pinag-aaralan nila ang Lesson 181: “Pagkakaroon ng Katatagan ng Damdamin sa Panginoon,” sabihin sa kanila na balikan ang mga hamon sa katatagan ng damdamin na isinulat nila sa kanilang puno.
Bilang alternatibo, maaaring magsulat ang mga estudyante ng ilan sa mga hamon sa damdamin na naranasan o maaaring maranasan nila sa hinaharap sa paligid ng isang bagong drowing na puno.
-
Paano magiging tila mga buhawi ang mga hamon sa damdamin na kinakaharap natin sa buhay?
-
Ano ang natutuhan ninyo kamakailan sa seminary sa kung paano harapin ang mga hamon sa damdamin?
Habang nagbabahagi ang mga estudyante, maghanap ng mga pagkakataong magpatotoo na malalampasan natin ang mga emosyonal na buhawi sa pamamagitan ng pag-asa sa lakas at kapangyarihang ipinangako ng Ama sa Langit at ni Jesucristo (tingnan sa Helaman 5:12).
-
Ano ang ilang alituntunin o kasanayan na nasubukan ninyong ipamuhay para makatanggap ng katatagan ng damdamin mula sa Ama sa Langit at kay Jesucristo?
-
Ano ang nakatulong? Ano ang natutuhan ninyo o gusto pa rin ninyong subukan?
Kung nagbabahagi ang mga estudyante ng mga paghihirap o hamon, humingi ng inspirasyon para malaman kung paano makatulong. Maaaring tulungan ng mga miyembro ng klase ang isa’t isa sa pamamagitan ng pagpapakita ng awa at pag-unawa.
Paghahanda para sa Edukasyon at Trabaho sa Hinaharap
Unawain ang kahalagahan ng panghabambuhay na temporal at espirituwal na edukasyon
Ang sumusunod na aktibidad ay nagbibigay sa mga estudyante ng pagkakataong ipaliwanag ang kahalagahan ng panghabambuhay na espirituwal at temporal na edukasyon.
Anyayahan ang mga estudyante na isipin ang sumusunod na sitwasyon. Maaari kang gumawa ng mga pagbabago sa sitwasyon para umangkop sa mga pangangailangan ng iyong klase.
Hiniling sa iyong magsalita sa isang youth event sa simula ng school year. Layunin ng event na patatagin ang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Ang paksang ibinigay sa iyo ay “Ang kahalagahan ng espirituwal at temporal na edukasyon sa pagsunod sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.”
Magsulat ng outline para sa dalawa hanggang tatlong minutong mensahe. Isaalang-alang ang mga sumusunod bilang bahagi ng iyong outline:
-
Ang kahalagahan ng espirituwal at temporal na edukasyon sa plano ng Ama sa Langit
-
Isa o mahigit pang banal na kasulatan o pahayag ng mga propetang sumusuporta sa iyong mensahe. (halimbawa, Doktrina at mga Tipan 88:77–80)
-
Isang karanasan mo o ng iba na nakatulong sa iyo na madama ang kahalagahan ng habang buhay na pag-aaral at pagkatuto
Pagkatapos ng sapat na oras, maaari mong anyayahan ang mga estudyante na ibahagi ang kanilang mga outline sa maliliit na grupo o anyayahan ang ilang boluntaryo na magbahagi sa klase.
Gumawa ng plano para sa edukasyon at trabaho sa hinaharap
Kung nagkaroon ng pagkakataon ang mga estudyante na gumawa ng mga plano para sa espirituwal at temporal na edukasyon sa hinaharap, anyayahan silang rebyuhin ang mga planong ginawa nila. Kung hindi pa nakakapagplano ang mga estudyante, anyayahan silang gamitin ang oras na ito sa paggawa ng plano kung paano nila gustong ipagpatuloy ang pagtatamo ng espirituwal at temporal na edukasyon sa paraang maisasali ang Panginoon sa kanilang mga plano.
Kabilang sa mga tanong na maaaring makatulong sa talakayan ang sumusunod:
-
Paano ninyo isinasali o paano ninyo maisasali ang Ama sa Langit at si Jesucristo sa inyong mga plano?
-
Anong mga tanong ang mayroon pa rin kayo tungkol sa mga opsiyon sa espirituwal o temporal na edukasyon sa hinaharap?
-
Aling mga susunod na hakbang ang maaari ninyong gawin bilang bahagi ng inyong plano?
Pagtatagumpay sa Paaralan
Ipamuhay ang mga kasanayan upang magtagumpay sa paaralan
Maaari mong isulat sa pisara ang mga sumusunod na pamagat ng lesson:
Pagsali sa Panginoon sa iyong pagkatuto
Pagiging responsable sa iyong pag-aaral
Pag-aayos ng mga gawain at priyoridad
Pagdaig sa pagpapaliban
Sabihin sa mga estudyante na basahin ang mga pamagat at pagnilayan kung paano nila naipamuhay ang mga kasanayang ito sa kanilang gawain sa paaralan. Upang magawa ito, maaari mo silang anyayahang gawin ang sumusunod.
Magdrowing ng dalawang stick figure at speech bubble. Isipin na kunwari ay may dalawang taong nag-uusap tungkol sa isang bagay na gusto mong pagbutihin para magtagumpay sa paaralan.
Sa unang bubble, kumpletuhin ang pangungusap na: “Kapag tungkol sa paaralan, nahihirapan ako sa ”
Sa pangalawang bubble, kumpletuhin ang sumusunod ng kung ano ang nasubukan mong gawin para maipamuhay ang mga alituntunin at kasanayang natutuhan mo kamakailan sa seminary para matulungan kang magtagumpay sa paaralan:
“Narito ang ilang bagay na nasubukan ko …”
“Sinusubukan kong ipagpatuloy o ayusin ang …”
Maaari kang mag-anyaya ng ilang boluntaryo para ibahagi sa klase ang kanilang mga drowing. Hikayatin ang mga estudyante na pakinggang mabuti ang kanilang mga kaklase. Itanong kung mayroon pa silang mga karagdagang karanasan o alituntunin mula sa mga lesson na maaaring makatulong. Habang nakikinig ang mga estudyante sa isa’t isa, maaari nilang maramdamang hinihimok sila ng Espiritu Santo na subukan ang ilan sa mga kasanayan na naging kapaki-pakinabang sa iba.
Paghahanda ng Missionary
Makadama ng mas matinding hangaring ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa iba
Para maihanda ang mga estudyante na pagnilayan ang kanilang mga nadarama tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo sa iba, maaari mong bahagyang balikan ang ilan sa mga bagay na natutuhan o naipamuhay nila mula sa mga lesson sa paghahanda ng missionary. Halimbawa, kung pinag-aralan ng mga estudyante ang Lesson 198: “Pagpili na Maglingkod sa Misyon,” maaari mong itaas ang isang salamin at itanong ang sumusunod.
-
Ano ang mga naranasan ninyo sa pagbabahagi ng ebanghelyo ni Jesucristo sa iba gamit ang “mirror quality na pag-uusap” o kapag tinalakay ng isang tao ang isang paksa, ang kausap ay kadalasang nagkokomento at nagtatanong? Ano ang ilan pang paraan na sinubukan mong ibahagi ang ebanghelyo kamakailan?
Habang ibinabahagi ng mga estudyante ang kanilang mga karanasan, maaari mo ring itanong kung aling mga katotohanan ang ibinahagi nila tungkol sa Tagapagligtas o kung aling mga paanyaya ang naipaabot nila. Maaari mong ipaalala sa mga estudyante na sa Lesson 197: “Pagbabahagi ng Ebanghelyo sa mga Likas na Paraan” hinanap nila ang mga katotohanan tungkol kay Jesucristo na nasasabik silang ibahagi sa mga minamahal nila (tingnan sa Isaias 1:18; 25:4, 8–9; 40:28–31; 43:25; 54:10).
Pagnilayan ang mga bagay na maaaring natutuhan o naipamuhay mo mula sa mga lesson sa paghahanda ng missionary. Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong study journal:
-
Nadama mo bang nadagdagan, nabawasan, o nanatili ang iyong hangaring ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa iba?
-
Ano sa iyong palagay ang nakatulong sa nadarama mo tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo?
Maaari mong anyayahan ang ilang boluntaryo na ibahagi ang isinulat nila. Hikayatin ang mga estudyante na patuloy na magkaroon ng hangarin at maghanap ng mga pagkakataong ibahagi ang ebanghelyo ni Jesucristo sa iba.
Paghahanda para sa Templo
Makadama ng mas matinding hangaring makipagtipan sa Diyos sa templo
Maaari mong gamitin ang isa o higit pa sa mga sumusunod na aktibidad upang matulungan ang mga estudyante na i-assess ang kanilang hangaring makipagtipan sa Diyos sa templo.
Sabihin sa mga estudyante na pagnilayan ang mga alituntuning natutuhan nila mula sa mga lesson sa Paghahanda para sa Templo. Maaari nilang balikan ang kanilang mga banal na kasulatan at mga study journal para maalala ang natutuhan nila tungkol sa mga batas ng sakripisyo at pagsunod, kung paano nagtuturo ang templo tungkol kay Jesucristo, at kung paano maghandang maging karapat-dapat na pumasok sa templo sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga tanong sa temple recommend. Kung kinakailangan, maaari mong ipagawa ang sumusunod:
Balikan ang mga sumusunod na scripture reference at pahayag ni Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa mga pagpapalang matatanggap ng mga sumasamba sa templo:
Exodo 25:8; 1 Mga Hari 6:12–13; Hagai 2:6–9
[Ang] mga taong naglilingkod at sumasamba sa bahay ng Panginoon … [ay makakaasa] na makatanggap ng mga sagot sa panalangin, personal na paghahayag, higit na pananampalataya, lakas, kapanatagan, higit na kaalaman, at higit na kapangyarihan. (“Magalak sa Kaloob na mga Susi ng Priesthood,” Liahona, Mayo 2024, 121)
Pagkatapos magkaroon ng pagkakataon ang mga estudyante na balikan ang kanilang mga banal na kasulatan at mga tala, ipakita ang sumusunod para matulungan ang mga estudyante na pagnilayan kung paano naapektuhan ng mga lesson na ito ang kanilang hangaring makipagtipan sa Diyos sa Kanyang bahay.
Pumili ng isa sa mga sumusunod:
-
Magpakita ng isang larawan ng templo at ibahagi kung paano naipapaalala sa iyo ng templo si Jesucristo. Kung kinakailangan, makakahanap ka ng larawan sa media gallery sa temples.ChurchofJesusChrist.org. Ibahagi ang iyong mga naiisip at nadarama tungkol sa paggawa at pagtupad ng mga tipan sa Ama sa Langit sa Kanyang templo.
-
Sa isa sa mga lesson sa paghahanda para sa templo, natutuhan mo ang kahalagahan ng paghahanda upang maging karapat-dapat na makapasok sa templo. Mayroon ka bang anumang natutuhan o nadama kamakailan na nakaimpluwensya sa hangarin mong gumawa at tumupad ng mga tipan sa Ama sa Langit sa templo? Kung mayroon, magsulat ng tala para sa iyong sarili sa iyong study journal.
Mga Turo ng mga Lider ng Simbahan
Unawain at ipamuhay ang mga turo ng mga lider ng Simbahan sa kanilang buhay
Sa buong kurso, nagkaroon ng mga pagkakataon ang mga estudyante na pag-aralan at ipamuhay ang mga turo mula sa mga lider ng Simbahan. Para sa aktibidad na ito, maaari mong ipaalala sa mga estudyante ang mga partikular na mensaheng pinag-aralan ninyo bilang klase. Maaari mong isulat sa pisara ang mga pamagat ng mga mensahe. Anyayahan ang mga estudyanteng pumili ng isa sa mga mensahe at balikan ang mensahe at ang anumang tala na maaaring nasulat nila. Pagpartner-partnerin ang mga estudyante, kung maaari ay sa isang taong pumili ng ibang mensahe. Ipabahagi sa bawat kapartner ang kanilang sagot sa sumusunod na dalawang tanong.
-
Paano mo ibubuod ang mensaheng iyong pinili?
-
Bakit maaaring maging mahalaga ang mensaheng iyon sa mga tinedyer ngayon?
Pagkatapos magbahagi ng bawat kapartner, sabihin sa mga estudyante na isipin kung paano nila sinubukang ipamuhay ang mga turo ng mensaheng pinili nila. Maaari mo silang tanungin tungkol sa mga tagumpay o pagkabigong naranasan nila sa pagsasabuhay ng mga turong ito.