Seminary
Moises 6:1–39: Ang Pagtawag kay Enoc


“Moises 6:1–39: Ang Pagtawag kay Enoc,“ Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan (2026)

“Moises 6:1–39: Ang Pagtawag kay Enoc,“ Manwal ng Titser ng Seminary para sa Lumang Tipan

Genesis 5; Moises 6; Lesson 13

Moises 6:1–39

Ang Pagtawag kay Enoc

Si Enoc na nangangaral ng pagsisisi

Nang tawagin si Enoc para mangaral ng pagsisisi sa isang masamang grupo ng mga tao, nakadama siya ng kakulangan. Siya ay tinulungan at pinalakas ng Panginoon upang maisakatuparan ang inakala niyang hindi niya magagawa. Ang lesson na ito ay makatutulong sa mga estudyante na magtiwala sa Panginoon at sa Kanyang kapangyarihang tulungan at palakasin sila.

Paghahanda ng estudyante: Anyayahan ang mga estudyante na mag-isip ng mga pagkakataon kung kailan naranasan ng mga tao ang kapangyarihan ng Panginoon nang tulungan Niya sila na makayanan ang mga paghihirap. Hikayatin sila na maghanap ng mga halimbawa sa mga banal na kasulatan.

Mga Posibleng Aktibidad sa Pag-aaral

Pakiramdam na may kakulangan

Maaari kang magdispley sa pisara ng mga pahayag na tulad ng mga sumusunod: Hindi ko kaya. Hindi ako ganoon kagaling. Masyado itong mahirap.

  • Ano ang mga sitwasyon kung saan maaaring maranasan ng mga tinedyer ang ganitong mga uri ng damdamin?

Maaari mong ilista sa pisara ang mga sitwasyong ibinabahagi ng mga estudyante.

Mag-isip ng sitwasyon sa sarili ninyong buhay na maaaring nagdudulot sa iyo ng pakiramdam na may kakulangan kayo o nahihirapan kayo. Maglaan ng sandali at pag-isipan ang tanong na ito:

  • Gaano kalaki ang tiwala mo na tutulungan ka ng Panginoon sa sitwasyong ito?

Hikayatin ang mga estudyante na isipin ang kanilang sariling sitwasyon habang pinag-aaralan nila ang tawag kay Enoc na maging propeta. Anyayahan sila na hingin ang patnubay ng Espiritu Santo upang madagdagan ang kanilang tiwala sa kakayahan ng Panginoon na tulungan at palakasin sila.

Naranasan ni Enoc ang kapangyarihan ng Panginoon

Ilang henerasyon pagkatapos ni Adan, isa sa kanyang mga inapo, si Enoc, ay namuhay kasama ng may matitigas na puso at masasamang tao. Basahin ang Moises 6:26–28, at alamin kung ano ang iniutos ng Panginoon na gawin ni Enoc.

  • Ano ang inyong madarama kung kayo si Enoc? Bakit?

icon ng handout Upang matulungan ang mga estudyante na pag-aralan ang karanasan ni Enoc sa Panginoon, maaari mong gamitin ang handout na may pamagat na “Naranasan ni Enoc ang Kapangyarihan ng Panginoon.” Maaaring gawin ng mga estudyante ang handout nang may kapartner. Para maiba, maaari silang magpalitan ng mga kapartner pagkatapos ng bawat aktibidad sa pag-aaral. Maaari mo ring gamitin ang mga ideya sa handout para matulungan ang mga estudyante na sama-samang pag-aralan ang karanasan ni Enoc bilang isang klase.

icon ng training Nahihirapan ang ilang estudyante na alamin kung paano sisimulan ang isang pag-uusap na nakatuon sa ebanghelyo. Kasama sa handout ang ilang tanong sa talakayan. Ang pagbibigay ng mga tanong sa talakayan tulad ng mga ito ay makatutulong sa mga estudyante na magsanay na ibahagi ang kanilang mga iniisip at nadarama tungkol sa pinag-aaralan nila sa mga banal na kasulatan o sa mga salita ng mga propeta. (Para sa karagdagang training sa mga talakayan, tingnan ang “Hikayatin ang mga mag-aaral na ibahagi ang mga katotohanang natututuhan nila” sa Mga Kasanayan para sa Pag-unlad ng Guro.)

handout 1

Bigyan ng oras ang mga estudyante na ibahagi ang natutuhan nila mula sa kanilang pag-aaral at talakayan, kabilang ang mga katotohanang natukoy nila sa Aktibidad sa Pag-aaral 4. Gamit ang sarili nilang mga salita, maaaring nakatukoy ang mga estudyante ng katotohanang tulad ng sumusunod: Kung tapat nating gagawin ang iniuutos ng Panginoon, tutulungan at palalakasin Niya tayo.

Ang tulong at lakas ng Panginoon sa inyong buhay

Upang matulungan ang mga estudyante na maunawaan ang alituntunin sa itaas, maaari kang magpakita ng ilang halimbawa mula sa banal na kasulatan o sa makabagong panahon. Sabihin sa mga estudyante na basahin (o panoorin) ang halimbawa at maghandang ibahagi kung paano tinulungan at pinalakas ng Panginoon ang mga tao sa halimbawa. Maaaring kasama sa mga halimbawa si Nephi at ang kanyang pamilya sa ilang (tingnan sa 1 Nephi 5:7–8; 7:16–18; 17:1–3; 18:1–4), Si Alma at ang kanyang mga tao sa pagkaalipin (tingnan sa Mosias 24:10–22), o si Propetang Joseph Smith sa Liberty Jail (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 121:1–10; 122:7–9). Maaari mo ring ipakita ang halimbawang ibinahagi ni Pangulong Russell M. Nelson mula sa kanyang buhay sa “Becoming True Millennials“ (time code na 9:05 hanggang 12:29). Makikita ang video na ito sa ChurchofJesusChrist.org.

30:35
  • Paano ninyo nakita o naranasan ang kapangyarihan ng Panginoon na magbigay ng tulong at lakas sa inyong buhay?

Maaari kang magbahagi ng sarili mong mga personal na karanasan sa kapangyarihan ng Panginoon.

Pagnilayan ang natutuhan ninyo

Bigyan ng oras ang mga estudyante na pagnilayan ang kanilang natutuhan at nadama ngayon mula sa mga banal na kasulatan, sa isa’t isa, at sa Espiritu. Ang isang paraan para magawa ito ay sa pamamagitan ng pagpapakita ng sumusunod na tanong at pagbibigay sa mga estudyante ng oras para isulat ang mga sagot nila sa kanilang study journal.

  • Ano ang natutuhan o nadama ko ngayon tungkol sa Panginoon na makatutulong sa akin kapag nakadarama ako ng kakulangan, pinanghihinaan ako ng loob, o hindi sapat ang aking lakas?

Maaari mong anyayahan ang ilang estudyante na handang magbahagi sa klase ng kanilang isinulat. Patotohanan ang Tagapagligtas at ang Kanyang kapangyarihan na palakasin at tulungan tayo.