6
Pakikipagtulungan sa Isang Mentor o Guro
-
Magreport:Ibahagi (o itala sa iyong journal) ang pag-unlad na ginawa mo sa linggong ito sa iyong buwanang mithiin.
Ang Papel ng Mentor o Guro sa Plano ng Diyos
-
Basahin:Kailangan natin ng mentor o guro sa ating espirituwal at temporal na pag-unlad. Ang mabubuting mentor o guro ay tumutulong sa atin na makita ang ating sarili tulad ng pagtingin sa atin ng Diyos at tinutulungan tayong gumawa at tumupad ng mga pangako na maging higit na katulad ng taong nais Niyang kahinatnan natin. Ang mga mentor o guro ay itinataas ang ating pananaw, hinahamon ang ating di magandang kaisipan at pag-uugali, at binibigyan tayo ng inspirasyong magpakabuti pa kaysa sa magagawa natin nang mag-isa lang tayo.
Ang mga banal na kasulatan ay naglalaman ng ilang halimbawa ng mga dakilang mentor o guro. Tinuruan ni Eli si Samuel (tingnan sa I Samuel 3). Tinuruan ni Alma si Amulek (tingnan sa Alma 8–16). Tinuruan ni Mormon si Moroni (tingnan sa Moroni 9), at tinuruan ni Naomi si Ruth (tingnan sa Ruth 1–4). Marami pa tayong makikitang mga halimbawa ng mga tao sa loob at labas ng Kristiyanismo na naging mas dakila dahil sa isang mentor o guro kaysa magagawa nila kung mag-isa lang sila.
Si Jesucristo ang pinakamahusay na mentor o guro. Sa kabila ng mga pagkukulang ni Pedro, matiyagang tinuruan ni Jesus si Pedro at tinulungan siyang maging ang lider na mapagkakatiwalaan ni Cristo na mamuno sa Kanyang Simbahan (tingnan sa Mateo 16:18–19). Tinuruan ni Cristo si Pedro sa pamamagitan ng pagmamahal sa kanya at pagtingin sa kanyang potensyal, sa pagtatanong sa kanya na naging hamon para makita at mag-isip siya sa kakaibang paraan (tingnan sa Mateo 17:14–21), at sa pag-anyaya sa kanya na gumawa at tumupad ng mga pangako na magpapatatag at huhubog sa kanya (tingnan sa Juan 21:15–17).
-
Pag-isipang mabuti:Anong mga hamon ang makakaharap mo sa susunod na ilang taon na kung saan ay matutulungan ka ng isang mentor o guro? Paano ka matutulungan ng isang mentor o guro na magkaroon ng malakas na espirituwal na gawi pagkatapos ng misyon mo?
Paghahanap ng Mentor o Guro
-
Panoorin:“Thy Friends Do Stand by Thee” sa srs.lds.org/mcm. (Walang video? Basahin ang sumusunod.)
Elder Ronald A. Rasband: “Ang ilang kaibigan ay matatalino at mapagkakatiwalaang mga tagapagturo. Sila ay mga espesyal na uri ng kaibigan; sila ay naunang naglakbay sa atin, at alam nila ang daan. … Ang isang mas bihasa at pinagkakatiwalaang tao ay nagiging isang epektibong gabay at tagapayo ng isang hindi pa gaanong bihasa. Tinutulungan niyang mahubog ang pang-unawa ng taong iyon at tinuturuan niya itong maging mas epektibo, mas malakas, mas matalino, at mas kapaki-pakinabang na tagapaglingkod ng Diyos.
“Hayaan ninyong bigyan ko kayo ng halimbawa mula sa sarili kong buhay. … Una kong nakilala si Jon Huntsman noong 1975, noong ako ay 24 anyos. Ako ay isang elders quorum president sa ward para sa mga may asawa sa University of Utah, at si Jon Huntsman ang high council adviser ko. Naging magkaibigan kami, at sa aking senior year, habang naghahanda akong tapusin ang aking pag-aaral sa unibersidad, kinuha ako ni Brother Huntsman bilang sales representative sa kanyang kompanya ng plastik.
“Ang isa sa aking mga pinakaunang asaynment ay ang Avon, ang malaking kompanya ng cosmetics na nakahimpil sa New York City. Para tulungan ako sa pagsisimula ko sa importanteng kliyenteng ito, personal akong sinamahan ni Brother Huntsman sa New York City para sa paunang pagpapakilala sa akin. Dahil sabik sa pagsisimula sa bagong trabaho at naghahangad na makagawa ng magandang impresyon, isinuot ko ang aking pinakamagandang brown na Amerikana sa college na may brown na kurbata at brown na sapatos. Nang magkita kami sa airport, napansin ko na kakaiba ang titig sa akin ni Mr. Huntsman. Ngunit wala siyang sinabi na kahit ano!
“Pagdating namin sa New York City, sinabi niya sa akin na may kailangan kaming daanan bago tawagan ang Avon. Dumiretso kami sa isang sikat na bilihan ng mga damit na panlalaki na tinatawag na Brooks Brothers sa magarang kalye ng Madison Avenue. Habang nasa daan, naaalala kong sinabi niya sa akin, ‘Ngayon, Ron, kung magiging salesman ka sa aking kompanya, at magiging kinatawan kita sa Avon, kailangan mong matutunang manamit, kumilos, at maglingkod sa bagong kapaligirang ito sa New York City!’ Magiging kinatawan lang naman ako ni Jon Hunstman!
“Kilala ni Jon ang mga tao sa Brooks Brothers, at pinanood niya habang sinusukat nila sa akin ang magandang Amerikana na dark grey at may pinong stripes—ang pinakamaganda na nakita ko at siguradong ang pinakamagandang amerikana ko. Pagkatapos itong kunin para baguhin ang sukat para maging perpekto ang lapat, kumuha kami ng kamiseta, ilang kurbata, isang sinturon, at lahat ng accessory. Pagkatapos ay pumunta kami sa shoe department kung saan binigyan ako ni Jon ng pinakauna kong pormal na pares ng itim na wing tip na sapatos. …
“… Naaalala ko ang pasasalamat ko kay Jon sa pagkakaligtas sa akin mula sa kahihiyan nang makipagkita ako na suot ang aking damit sa kolehiyo. … Pagkatapos ay nagtungo kami sa Avon kung saan ipinakilala niya ako bilang bagong kinatawan ng kanilang account na mula sa kanyang kompanya. Higit pa sa pananamit ng maayos ang itinuro sa akin ni Jon. Ipinakita niya sa akin ang isang bagong paraan ng pag-iisip, ng paggawa ng mga bagay, ng pagpapakilala ng sarili ko sa iba. Tinuruan niya ako. Ito ang una sa maraming mahahalagang aral na natutuhan ko sa kanya” (“Thy Friends Do Stand by Thee” [Church Educational System devotional, Mar. 7, 2010]; si.lds.org).
-
Pag-isipang mabuti:Paano pinabilis ng isang mentor ang pag-unlad ni Elder Rasband? Kailan mo nadama na ang isang tao ay talagang naunawaan ka at ang sitwasyong kinakaharap mo? Paano ka nila ginabayan, iwinasto, o binigyang-inspirasyon?
-
Activity:Anyayahan ang isang tao na maging mentor o guro mo. May ilang paraan na makabubuo ka ng kaugnayan sa isang mentor. Ang sumusunod na mga hakbang ay naglalarawan ng isang paraan na maaari mong gawin.
-
Sa iyong journal ilista ang ilang tao na makatutulong para turuan ka. Isipin ang mga tao na nakauunawa sa mundo na sinisikap mong tuklasin at nagpapakita ng halimbawa ng mga pag-uugali at katangian na mahalaga sa iyo.
-
Ipagdasal ang mga tao na nasa listahan mo at hilingin sa Ama sa Langit na tulungan kang matukoy ang isang tao na magiging positibong mentor sa iyong buhay. Hayaang gabayan ka ng Banal na Espiritu.
-
Matapos mapili ang isang taong sa pakiramdam mo ay makakatulong sa iyo, hilingin sa kanya na maging mentor mo siya. Ibahagi sa kanya ang iyong mga mithiin at humingi ng tulong at patnubay sa pagkakamit ng iyong mga mithiin.
-
Kung papayag ang tao na tulungan ka, talakayin ang mga inaasahan ninyo sa isa’t isa. Halimbawa, maaari ninyong pag-usapan kung gaano kayo kadalas magkikita para pag-usapan ang inyong mga mithiin.
-
Ang mga self-reliance group ay nakatuon sa pag-aaral, trabaho, maliliit na negosyo, at personal na pananalapi. Bawat isa ay makakatulong sa paghahanap mo ng mga mentor at kaibigan na tutulong sa iyong landas tungo sa self-reliance. Kontakin ang inyong stake self-reliance specialist para sa karagdagang impormasyon.
-
- Mangakong Gawin:
-
Isipin ang mga missionary at miyembro na nagkaroon ng pinaka-positibong epekto sa iyo sa iyong misyon. Itala sa iyong journal ang tungkol sa kanila at paano sila kumilos na nakatulong sa iyo.
-
Tukuyin at anyayahan ang isang tao na maging mentor mo. Manalangin para malaman kung sino ang dapat mong turuan.
-
Ibahagi ang natutuhan mo ngayon sa isa pang returned missionary, young single adult, o sa miyembro ng iyong pamilya.
-