Mga Hanbuk at Calling
1. Ang Plano ng Diyos at ang Papel na Ginagampanan Mo sa Kanyang Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan


“1. Ang Plano ng Diyos at ang Papel na Ginagampanan Mo sa Kanyang Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan,” Pangkalahatang Hanbuk: Paglilingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw (2024).

“1. Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan ng Diyos,” Pangkalahatang Hanbuk.

Larawan
mga lalaking nagtatayo ng bahay

1.

Ang Plano ng Diyos at ang Papel na Ginagampanan Mo sa Kanyang Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan

1.0

Pambungad

Ikaw ay tinawag na maglingkod sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Maraming salamat sa iyong paglilingkod. Maraming buhay ang mapagpapala mo at magkakaroon ka ng kagalakan habang tapat kang naglilingkod.

Tutulungan ka ng hanbuk na ito na matutuhan ang mga alituntunin ng paglilingkod na tulad ng kay Cristo at maunawaan ang iyong mga responsibilidad. Ikaw ay magiging pinakamabisa kapag iniayon mo ang iyong paglilingkod sa Simbahan sa gawain ng Diyos Ama at ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Ang kabanatang ito ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang:

  • Plano ng kaligayahan ng Diyos.

  • Ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos.

  • Layunin ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

1.1

Plano ng Kaligayahan ng Diyos

Ibinigay ng Ama sa Langit ang plano ng kaligayahan upang matamasa natin ang lahat ng Kanyang mga pagpapala. Ang Kanyang gawain at kaluwalhatian ay “ang isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39). Ang imortalidad o kawalang-kamatayan ay ang mabuhay magpakailanman na mayroong nabuhay na mag-uling katawan. Ang buhay na walang hanggan, o kadakilaan, ay ang maging katulad ng Diyos at mamuhay sa piling Niya nang walang hanggan bilang mga pamilya.

Si Jesucristo ay sentro sa plano ng Diyos. Dahil sa walang-hanggang pagmamahal ng Ama sa Langit para sa atin, isinugo Niya ang Kanyang Anak upang tubusin tayo mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo (tingnan sa Juan 3:16). Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, tiniyak ni Jesucristo na bawat isa sa atin na isinilang sa mundo ay mabubuhay na mag-uli at magtatamo ng imortalidad.

Upang matanggap ang buhay na walang hanggan, kailangan tayong “lumapit kay Cristo” (Moroni 10:32). Ginawang posible ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na maging malinis tayo mula sa kasalanan at mabago ang ating puso upang matanggap natin ang buhay na walang hanggan at ang ganap na kagalakan. Nais ng Ama sa Langit na ang lahat ng Kanyang mga anak ay piliing bumalik sa Kanya.

1.2

Gawain ng Kaligtasan at Kadakilaan ng Diyos

Habang lumalapit tayo kay Cristo at tinutulungan ang iba na gayon din ang gawin, nakikibahagi tayo sa gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos. Ang gawaing ito ay ginagabayan ng dalawang dakilang utos na mahalin ang Diyos at mahalin ang ating kapwa (tingnan sa Mateo 22:37–39).

Ang gawain ng kaligtasan at kadakilaan ng Diyos ay nakatuon sa apat na responsibilidad na ibinigay ng Diyos. Ang mga ito ay nakasaad sa ibaba.

Ang hanbuk na ito ay tutulong sa iyo na maunawaan ang apat na aspektong ito ng gawain ng Diyos.

1.2.1

Pagsasabuhay ng Ebanghelyo ni Jesucristo

Ang pagsasabuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo ay kinabibilangan ng:

  • Pagsampalataya kay Cristo, pagsisisi araw-araw, paggawa ng mga tipan sa Diyos kapag tinanggap natin ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan, at pagtitiis hanggang wakas sa pamamagitan ng pagtupad ng mga tipan na iyon (tingnan sa 3.5.1).

  • Pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo ni Jesucristo sa tahanan at sa simbahan.

  • Pagiging self-reliant o pag-asa sa sariling kakayahan sa paglalaan para sa ating sarili at sa ating pamilya, kapwa sa espirituwal at temporal na aspekto ng buhay.

Larawan
mga sister missionary na tinuturuan ang isang babae

1.2.2

Pangangalaga sa mga Nangangailangan

Ang pangangalaga sa mga nangangailangan ay kinabibilangan ng:

  • Paglilingkod at pagminister sa mga indibiduwal, pamilya, at komunidad.

  • Pagbabahagi ng resources, kabilang na ang tulong mula sa Simbahan, sa mga nangangailangan.

  • Pagtulong sa iba na maging self-reliant.

1.2.3

Pag-anyaya sa Lahat na Tanggapin ang Ebanghelyo

Ang pag-anyaya sa lahat na tanggapin ang ebanghelyo ay kinabibilangan ng:

  • Pakikibahagi sa gawaing misyonero at paglilingkod bilang missionary.

  • Pagtulong sa mga bago at nagbabalik na miyembro na umunlad sa landas ng tipan.

1.2.4

Pagbubuklod ng mga Pamilya sa Walang-Hanggan

Ang pagbubuklod ng mga pamilya sa walang-hanggan ay kinabibilangan ng:

  • Paggawa ng mga tipan sa pagtanggap natin ng sarili nating mga ordenansa sa templo.

  • Pagtuklas sa ating mga yumaong ninuno at pagsasagawa ng mga ordenansa para sa kanila sa templo upang makagawa sila ng mga tipan sa Diyos.

  • Regular na pagpunta sa templo, kung saan posible, upang sumamba sa Diyos at magsagawa ng mga ordenansa para sa Kanyang mga anak.

1.3

Ang Layunin ng Simbahan

Itinatag ni Jesucristo ang Kanyang Simbahan upang tulungan ang mga indibiduwal at pamilya na tumulong sa Diyos sa pagsasakatuparan ng Kanyang gawain ng kaligtasan at kadakilaan (tingnan sa Efeso 4:11–13; tingnan din sa 2.2 ng hanbuk na ito). Upang makatulong sa pagsasakatuparan ng banal na layuning ito, ang Simbahan at mga lider nito ay naglalaan ng:

  • Awtoridad at mga susi ng priesthood.

  • Mga tipan at mga ordenansa.

  • Mga turo ng propeta.

  • Mga banal na kasulatan.

  • Suporta sa pag-aaral at pagtuturo ng ebanghelyo.

  • Mga pagkakataong maglingkod at mamuno.

  • Isang komunidad ng mga Banal.

1.3.1

Awtoridad at mga Susi ng Priesthood

Sa pamamagitan ng priesthood, isinasakatuparan ng Diyos ang Kanyang gawain ng kaligtasan at kadakilaan. Ang awtoridad at mga susi ng priesthood na kinakailangan upang pamahalaan ang gawain ng Diyos sa mundo ay ipinanumbalik kay Propetang Joseph Smith (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 110:11–16; 112:30; tingnan din sa 3.1 ng hanbuk na ito). Ang mga susing ito ay taglay ngayon ng mga lider ng Simbahan. Ang mga lider na ito ang tumatawag at nagbibigay ng awtorisasyon sa iba na tumulong sa gawain ng Diyos (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 107:8, 65–67).

1.3.2

Mga Tipan at mga Ordenansa

Sa plano ng Ama sa Langit, tayo ay gumagawa ng mga tipan kapag tinatanggap natin ang mga ordenansa ng kaligtasan at kadakilaan, tulad ng binyag (tingnan sa Juan 3:5; tingnan din sa kabanata 18 ng hanbuk na ito). Ang mga tipan at mga ordenansang ito ay mahalaga upang tayo ay maging higit na katulad ng Diyos at makabalik upang mamuhay sa Kanyang piling (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:19–22).

1.3.3

Mga Turo ng Propeta

Ang Diyos ay naghahayag ng katotohanan at nagbibigay ng mga inspiradong patnubay at babala sa pamamagitan ng Kanyang mga hinirang na propeta (tingnan sa Amos 3:7; Doktrina at mga Tipan 1:4). Ang patnubay na ito ay tumutulong sa atin na pumasok at manatili sa landas tungo sa buhay na walang hanggan.

1.3.4

Mga Banal na Kasulatan

Sa ilalim ng pamamahala ng mga propeta at mga apostol ng Panginoon, ibinibigay at pinangangalagaan ng Simbahan ang salita ng Diyos na matatagpuan sa mga banal na kasulatan. Ang mga banal na kasulatan ay nagpapatotoo kay Cristo, nagtuturo ng Kanyang ebanghelyo, at tinutulungan tayong sumampalataya sa Kanya (tingnan sa Jacob 7:10–11; Helaman 15:7).

1.3.5

Suporta sa Pag-aaral at Pagtuturo ng Ebanghelyo

Sinusuportahan ng Simbahan ang mga indibiduwal at pamilya sa kanilang responsibilidad na matutuhan ang mga katotohanan ng ebanghelyo at ituro ang mga katotohanang ito sa mga kapamilya at sa ibang tao (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 88:77–78, 118; tingnan din sa 2.2.3 ng hanbuk na ito).

1.3.6

Mga Pagkakataong Maglingkod at Mamuno

Ang Diyos ay nagbibigay sa mga miyembro ng mga pagkakataong maglingkod at mamuno sa pamamagitan ng mga calling at takdang-gawain sa Simbahan. Ang Simbahan ay naglalaan ng isang sistema para mapangalagaan ang mga miyembrong nangangailangan at para makapagbigay sa iba ng humanitarian relief (tingnan sa Mosias 18:27–29).

1.3.7

Isang Komunidad ng mga Banal

Bilang isang komunidad ng mga Banal, regular na nagtitipon ang mga miyembro ng Simbahan upang sambahin ang Diyos at alalahanin ang Tagapagligtas sa pamamagitan ng pakikibahagi sa sakramento (tingnan sa Moroni 6:4–6; Doktrina at mga Tipan 20:77). Ang mga miyembro ay kinakalinga at pinaglilingkuran din ang isa’t isa (tingnan sa Efeso 2:19).

Larawan
templo, Tijuana Mexico

1.4

Ang Papel na Ginagampanan Mo sa Gawain ng Diyos

Bilang lider sa Simbahan, ikaw ay tinawag upang turuan at suportahan ang mga pinaglilingkuran mo habang tinutulungan nila ang Diyos sa Kanyang gawain ng kaligtasan at kadakilaan (tingnan sa 1.2). Ang pagkakaroon ng malinaw na pang-unawa sa gawain ng Diyos, sa gawaing inanyayahan ka Niyang gawin, at sa layunin ng Kanyang Simbahan ay tutulong sa iyo na maituon ang iyong mga pagsisikap sa pagdadala ng mga kaluluwa kay Cristo.

Mapanalanging hangarin na malaman kung paano ka makatutulong na maisakatuparan ang mga layunin ng Diyos sa buhay ng mga pinaglilingkuran mo. Gagabayan ka ng Diyos sa pamamagitan ng mga pahiwatig ng Espiritu Santo (tingnan sa 2 Nephi 32:5). Ang paggawa kasama ng Panginoon sa Kanyang ubasan ay magdadala sa iyo ng malaking kagalakan (tingnan sa Jacob 5:70–72).