Lumang Tipan 2022
Setyembre 19–25. Isaias 40–49: “Inyong Aliwin ang Aking Bayan”


“Setyembre 19–25. Isaias 40-49: ‘Inyong Aliwin ang Aking Bayan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Setyembre 19–25. Isaias 40-49,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
pinagagaling ni Jesus ang isang lalaking bulag

Pagpapagaling sa Lalaking Bulag, ni Carl Heinrich Bloch

Setyembre 19–25

Isaias 40–49

“Inyong Aliwin ang Aking Bayan”

Madalas gumamit noon si Isaias ng simbolikong pananalita. Pag-ukulan ng pansin ang mga kaisipan at damdaming hatid ng mga simbolong ito sa inyong puso’t isipan. Maaaring makatulong ito sa inyo na mas maunawaan ang itinuro niya.

Itala ang Iyong mga Impresyon

“Aliwin” ang unang salita ng Isaias kabanata 40. Ito ay tanda ng pagsisimula ng ibang tono, ng ibang pagbibigay-diin sa mensahe ng propeta. Dito binalaan ng mga naunang isinulat ni Isaias ang Israel at Juda tungkol sa pagkawasak at pagkabihag na darating dahil sa kanilang mga kasalanan. Ang mga propesiyang ito ay nilayong aliwin ang mga Judio sa loob ng mahigit 150 taon sa hinaharap—matapos wasakin ang Jerusalem, lapastanganin ang templo, at bihagin ng Babilonia ang mga tao. Ngunit higit pa sa panahong natalo at nawalan ng pag-asa ang mga Israelita ang sakop ng mga propesiyang ito. Nangungusap ang mga ito maging sa atin, na kung minsan ay nakararamdam din ng pagkatalo, lungkot, at pagkaligaw.

Ang mensahe ni Isaias sa kanila at sa atin ay simple lamang: “Huwag kang matakot” (Isaias 43:1). Hindi nawala ang lahat. Hindi ka nalilimutan ng Panginoon, at may kapangyarihan Siya sa mga sitwasyon na tila hindi mo kontrolado. Hindi ba’t ang Panginoon ang “siya na lumikha ng langit, at … ang siyang naglatag ng lupa, at … ang nagbibigay ng hininga sa mga tao nito”? (Isaias 42:5). Hindi ba’t mas makapangyarihan Siya kaysa sa Babilonia, kaysa sa kasalanan, kaysa sa anumang bumibihag sa inyo? “Manumbalik ka sa akin,” pakiusap Niya, “sapagka’t tinubos kita” (Isaias 44:22). Kaya ka Niyang pagalingin, ibalik sa dati, palakasin, patawarin, at aliwin—anuman ang kailangan mo, sa iyong sitwasyon, para matubos.

Upang malaman kung paano inihalintulad nina Nephi at Jacob ang Isaias 48–49 sa kanilang mga tao, tingnan sa 1 Nephi 22 at 2 Nephi 6.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Isaias 40–49

Maaaring bigyan ako ni Jesucristo ng kapanatagan at pag-asa.

Maaaring nakapanghihina-ng-loob, nakapanlulumo, na makita ng mga Israelita na bihag sila sa Babilonia. Maaaring inisip ng marami kung habampanahon nang nawala ang kanilang kalagayan bilang hinirang at mga pinagtipanang tao ng Diyos. Habang binabasa mo ang Isaias 40–49, hanapin ang mga talatang maaaring nagbigay sa kanila ng kapanatagan at pag-asa. Sa bawat talatang makikita mo, isiping mabuti at itala kung ano ang maaaring sinasabi sa iyo ng Panginoon sa mga talatang ito. Narito ang ilang ideya na maaari mong simulan:

Paano mo maibabahagi ang mga mensaheng ito sa isang taong nangangailangan ng panghihikayat o pag-asa? (tingnan sa Isaias 40:1–2).

Tingnan din sa Jeffrey R. Holland, “Ganap na Kaliwanagan ng Pag-asa,” Ensign o Liahona, Mayo 2020, 81–84.

Larawan
ilog sa gubat

Sa pagsunod sa Panginoon, maaari tayong magkaroon ng “kapayapaan … parang isang ilog” (Isaias 48:18).

Isaias 40:3–8, 15–23; 42:15–16; 47:7–11

Ang kapangyarihan ng Diyos ay mas dakila kaysa makalupang kapangyarihan.

Paulit-ulit na ipinaalala ni Isaias sa kanyang mga tao ang walang kapantay na kapangyarihan ng Diyos, kumpara sa matinding makalupang kapangyarihang nakapaligid sa kanila. Hanapin ang mensaheng ito habang binabasa mo ang Isaias 40:3–8, 15–23; 42:15–16; at 47:7–11 (tandaan na ang kabanata 47 ay patungkol sa bumihag sa Israel, ang Babilonia). Ano ang itinuturo sa iyo ng mga talatang ito tungkol sa mga bagay na makalupa? Ano ang itinuturo sa iyo ng mga ito tungkol sa Diyos? Pag-isipan kung bakit naging mahalaga ang mensaheng ito sa mga Judio na nasa pagkabihag. Bakit ito mahalaga sa iyo?

Tingnan din sa “Manatili sa Piling Ko!Mga Himno, blg. 97.

Isaias 41:8–13; 42:1–7; 43:9–12; 44:21–28; 45:1–4; 48:10; 49:1–9

“Ikaw ay aking tagapaglingkod.”

Sa buong Isaias 40–49 binanggit ng Panginoon ang Kanyang “lingkod” at Kanyang “mga saksi.” Sa ilang talata tila baga ang mga salitang ito ay tumutukoy kay Jesucristo (tingnan sa Isaias 42:1–7), ang iba naman ay tumutukoy sa sambahayan ni Israel (tingnan sa Isaias 45:4), subalit ang iba naman ay tumutukoy kay Haring Cyrus, na nagtulot sa mga Judio na bumalik sa Jerusalem at muling itayo ang templo (tingnan sa 44:26–45:4). Gayunman, sa bawat sitwasyon, maaari mo ring isipin kung paano angkop sa iyo ang mga talata bilang tagapaglingkod at saksi ng Panginoon. Halimbawa, pag-isipan ang mga tanong na tulad nito:

Isaias 41:8–13; 42:6; 44:21. Ano ang ipinagagawa sa iyo ng Panginoon? Ikonsidera ang pormal na mga tungkulin sa Simbahan gayundin ang iba pang mga responsibilidad sa tipan upang makapaglingkod sa Kanya. Paano ka Niya sinusuportahan at “hinahawakan ang [iyong] kamay” (Isaias 42:6) habang ikaw ay naglilingkod? Paano ka Niya “hinubog” upang maging Kanyang lingkod? (tingnan din sa Isaias 48:10).

Isaias 43:9–12. Sa anong paraan ka sumasaksi kay Jesucristo? Anong mga karanasan mo sa buhay ang nagpakita sa iyo na Siya ang Tagapagligtas?

Isaias 49:1–9. Anong mga mensahe ang nakikita mo sa mga talatang ito na maaaring makatulong kapag ang iyong mga pagsisikap at paglilingkod ay tila “sa wala at walang kabuluhan”? (talata 4).

Tingnan din sa Mosias 18:9; Henry B. Eyring, “Anak at Disipulo,” Ensign o Liahona, Mayo 2003, 29–32.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Isaias 40:3–4.Upang malaman ang maaaring ibig sabihin ng “ihanda … ang daan ng Panginoon,” maaaring ituwid ng inyong pamilya ang isang bagay na baluktot, alisin ang kalat sa sahig, o gumawa ng malinaw na landas sa mabatong lupa. Maaari ka ring magpakita ng mga larawan nina Juan Bautista at Joseph Smith (tingnan sa Aklat ng Sining ng Ebanghelyo, blg. 35, 87). Paano nila inihanda ang daan para sa pagdating ng Panginoon? (tingnan sa Lucas 3:2–18; Doktrina at mga Tipan 135:3). Paano tayo tumutulong na ihanda ang daan para sa Kanya? (halimbawa, tingnan sa Doktrina at mga Tipan 33:10).

Isaias 40:28; 43:14–15; 44:6.Anong mga pangalan at titulo ni Jesucristo ang nakikita natin sa mga talatang ito? Ano ang itinuturo sa atin ng bawat pangalan tungkol sa Kanya?

Isaias 41:10; 43:2–5; 46:4.Ang mga talatang ito ay makikita sa himnong “Saligang Kaytibay” (Mga Himno, blg. 47). Maaaring masiyahan ang inyong pamilya sa sama-samang pagkanta ng himno at paghahanap ng mga kataga na katulad ng mga kataga na nasa mga talatang ito. Ano ang itinuturo sa atin ng mga katagang ito tungkol kay Jesucristo?

Isaias 44:3–4; 45:8.Matapos basahin ang mga talatang ito, maaaring diligan ng inyong pamilya ang isang halaman habang nag-uusap kayo tungkol sa mga pagpapalang ibinuhos ng Panginoon sa kanila. Ano ang nangyayari sa isang halaman kapag dinidiligan natin ito? Ano ang inaasahan sa atin ng Panginoon habang pinagpapala Niya tayo?

Isaias 48:17–18.Isiping magpakita ng mga larawan o video ng mga ilog at alon ng karagatan. Paano natutulad ang kapayapaan sa isang ilog? Paano magiging tulad ng mga alon ang kabutihan?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Saligang Kaytibay,” Mga Himno, blg. 47.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Ipaliwanag ang mga salita. Subukang tingnan ang kahulugan ng mga salita sa mga talata ng banal na kasulatan na hindi mo nauunawaan—pati na rin ang mga salitang inaakala mong nauunawaan mo na. Kung minsan matutulungan ka ng mga kahulugan na basahin sa ibang paraan ang isang talata at magkaroon ng bagong espirituwal na mga ideya.

Larawan
si Jesus kasama ang batang babae at lalaki

“Inaliw ng Panginoon ang kanyang bayan, at mahahabag sa kanyang mga nahihirapan” (Isaias 49:13).Balsamo ng Galaad, ni Ann Adele Henrie