Lumang Tipan 2022
Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Mga Propeta at Propesiya


“Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Mga Propeta at Propesiya,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Mga Propeta at Propesiya,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
icon ng kaisipan

Mga Kaisipan na Dapat Tandaan

Mga Propeta at Propesiya

Sa tradisyunal na Kristiyanong dibisyon ng Lumang Tipan, ang huling bahagi (Isaias hanggang Malakias) ay tinatawag na “ang mga Propeta.”1 Ang bahaging ito, na mga isang-kapat ng kabuuan ng Lumang Tipan, ay naglalaman ng mga salita ng mga awtorisadong lingkod ng Diyos, na nakipag-usap sa Panginoon at nagsalita para sa Kanya, na ibinahagi ang Kanyang mensahe sa mga tao sa pagitan ng mga 900 at 500 BC.2

Ang mga propeta at propesiya ay may malaking papel na ginagampanan sa buong Lumang Tipan. Ang mga patriarch na sina Abraham, Isaac, at Jacob ay nakakita ng mga pangitain at nakipag-usap sa mga sugo ng langit. Nakipag-usap si Moises sa Diyos nang harapan at ipinabatid ang Kanyang kalooban sa mga anak ni Israel. Isinasalaysay ng mga aklat ng Una at Ikalawang Mga Hari ang di-malilimutang mga gawa at mensahe ng mga propetang sina Elijah at Eliseo. Ang Lumang Tipan rin ay tungkol sa propetisang tulad ni Miriam (tingnan sa Exodo 15:20) at ni Debora (tingnan sa Mga Hukom 4), kasama ang iba pang kababaihan na biniyayaan ng diwa ng propesiya, tulad ni Rebecca (tingnan sa Genesis 25:21–23) at ni Ana (tingnan sa 1 Samuel 1:20–2:10). At kahit hindi isinulat ng mga pormal na propeta ang Mga Awit, ang mga ito ay puspos ng diwa ng propesiya, lalo na kapag inaasam nila ang pagparito ng Mesiyas.

Para sa mga Banal sa mga Huling Araw, hindi na ito nakakagulat. Sa katunayan, itinuturo sa atin ng ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo na ang mga propeta ay hindi lamang nakatutuwang bahagi ng kasaysayan kundi mahalagang bahagi ng plano ng Diyos. Bagama’t maaaring ang tingin ng ilan sa mga propeta ay natatangi sila sa panahon ng Lumang Tipan, nakikita natin na karaniwan lamang sila sa atin gaya noong panahon ng Lumang Tipan.

Gayunpaman, ang pagbabasa ng isang kabanata mula sa Isaias o Ezekiel ay maaaring parang kaiba sa pagbabasa ng mensahe ng pangkalahatang kumperensya mula sa kasalukuyang Pangulo ng Simbahan. Kung minsan maaaring mahirap makita na may sasabihin sa atin ang mga sinaunang propeta. Kung tutuusin, ang mundong ginagalawan natin ngayon ay ibang-iba sa mundo nila kung saan sila nangaral at nagpropesiya. At ang katotohanan na tayo ay may buhay na propeta ay maaaring magkaroon ng isang tanong: Bakit sulit ang pagsisikap—at kailangan talaga ng pagsisikap—na basahin ang mga salita ng mga sinaunang propeta?

Talagang may sasabihin sila sa atin

Kadalasan, ang mga tao ngayon ay hindi ang pangunahing tagapakinig ng mga propeta ng Lumang Tipan. Ang mga propetang iyon ay kaagad na nagkaroon ng mga problema sa kanilang panahon at lugar—tulad ng pagtugon ng ating mga propeta sa mga huling araw sa ating mga problema ngayon.

Gayunpaman, higit pa sa mga problemang kasalukuyan nilang dinaranas ang maaaring makita ng mga propeta. Nagtuturo din sila ng mga walang-hanggang katotohanan, na nauukol sa anumang panahon. At, dahil biniyayaan ng paghahayag, nakikita nila ang mas malaking larawan, ang mas malawak na pananaw tungkol sa gawain ng Diyos. Halimbawa, hindi lamang pagbababala sa mga tao sa kanyang panahon tungkol sa kanilang mga kasalanan ang kayang gawin ni Isaias—maaari rin niyang isulat ang tungkol sa pagliligtas sa mga Israelita na mabubuhay 200 taon sa hinaharap at, kasabay nito, ituro ng tungkol sa pagkaligtas na hangad ng lahat ng tao ng Diyos. Bukod pa rito, maaari niyang isulat ang mga propesiya na, kahit ngayon, ay naghihintay pa rin ng ganap na katuparan ng mga ito—gaya ng mga pangako ng “isang bagong daigdig” (Isaias 65:17) na “puno ng kaalaman sa Panginoon” (Isaias 11:9), kung saan nakatipon ang nawalang mga lipi ni Israel at kung saan “ang mga bansa” ay hindi “natututo ng digmaan” (Isaias 2:4). Bahagi ng kagalakan at inspirasyon na nagmumula sa pagbabasa ng mga salita ng mga propeta sa Lumang Tipan na tulad ni Isaias ay ang pagkatanto na may gagampanan tayong papel sa maluwalhating araw na kanilang nakinita.3

Kaya kapag binabasa mo ang sinaunang mga propesiya, makabubuting alamin ang tungkol sa konteksto kung saan ito isinulat. Ngunit dapat mo ring makita ang iyong sarili sa mga ito, o “ihalintulad ang mga ito sa [iyong sarili],” tulad ng sabi ni Nephi (tingnan sa 1 Nephi 19:23–24). Kung minsan ang ibig sabihin nito ay pagkilala sa Babilonia bilang simbolo ng kamunduhan at kapalaluan, hindi lamang bilang sinaunang lungsod. Maaaring ibig sabihin nito ay pag-unawa sa Israel bilang mga tao ng Diyos sa anumang panahon at sa Sion bilang layunin sa mga huling araw na gagampanan ng mga tao ng Diyos, sa halip na isa pang salita para sa Jerusalem.

Maihahalintulad natin ang mga banal na kasulatan dahil nauunawaan natin na ang isang propesiya ay maaaring matupad sa maraming paraan.4 Isang magandang halimbawa nito ang propesiya sa Isaias 40:3: “Ang tinig ng isang sumisigaw, ihanda ninyo sa ilang ang daan ng Panginoon.” Sa mga bihag na Judio sa Babilonia, ang pahayag na ito ay maaaring nakapatungkol sa Panginoon na naglalaan ng daan mula sa pagkabihag at pagbalik sa Jerusalem. Sa Mateo, Marcos, at Lucas, ang propesiyang ito ay natupad kay Juan Bautista, na naghanda ng daan para sa mortal na ministeryo ng Tagapagligtas.5 At tumanggap si Joseph Smith ng paghahayag na ang propesiyang ito ay natutupad pa rin sa mga huling araw bilang paghahanda sa ministeryo ni Cristo sa milenyo.6 Sa mga paraang mauunawaan pa rin natin, talagang nangusap sa atin ang mga sinaunang propeta. At marami silang itinuro na mahahalagang katotohanan na mahalaga sa atin tulad noon sa sinaunang Israel.

Larawan
sinaunang propetang nagsusulat

Kaganapan ng Panahon, ni Greg K. Olsen

Ang mga ito ay nagpatotoo tungkol kay Jesucristo

Marahil mas mahalaga pa kaysa makita ang iyong sarili sa mga propesiya sa Lumang Tipan ang makita si Jesucristo sa mga ito. Kung hahanapin mo Siya, matatagpuan mo Siya, kahit hindi binanggit ang Kanyang pangalan. Maaaring makatulong na tandaan na ang Diyos ng Lumang Tipan, ang Panginoong Jehova, ay si Jesucristo. Anumang oras na inilalarawan ng mga propeta ang ginagawa o gagawin ng Panginoon, ang tinutukoy nila ay ang Tagapagligtas.

Makakakita ka rin ng mga reperensya sa Isang Hinirang (tingnan sa Isaias 61:1), isang Manunubos (tingnan sa Oseas 13:14), at magiging Hari mula sa lipi ni David (tingnan sa Isaias 9:6–7; Zacarias 9:9). Lahat ng ito ay mga propesiya tungkol kay Jesucristo. Higit sa lahat, marami ka pang mababasa tungkol sa pagliligtas, pagpapatawad, pagtubos, at pagpapanumbalik. Kung nasa iyong puso’t isipan ang Tagapagligtas, natural na ituturo ka ng mga propesiyang ito sa Anak ng Diyos. Sapagkat ang pinakamainam na paraan para maunawaan ang propesiya ay ang magkaroon ng “diwa ng propesiya,” na sinasabi sa atin ni Juan na “patotoo ni Jesus” (Apocalipsis 19:10).

Mga Tala

  1. Ang Isaias, Jeremias, Ezekiel, at Daniel ay kadalasang tinutukoy bilang mga Pangunahing Propeta dahil sa haba ng kanilang mga aklat. Ang iba pang mga propeta (Hoseas, Joel, Amos, Obadias, Jonas, Mikas, Nahum, Habakuk, Zefanias, Hagai, Zacarias, at Malakias) ay tinatawag na mga Pumapangalawang Propeta dahil ang kanilang mga libro o aklat ay mas maikli. Ang aklat na Mga Panaghoy ay itinuturing na bahagi ng mga Isinulat, hindi ng mga Propeta.

  2. Hindi natin alam kung paano natipon ang mga aklat ng mga propeta. Sa ilang pagkakataon, maaaring pinangangasiwaan ng propeta ang koleksyon ng kanyang mga isinulat at propesiya. Sa ibang pagkakataon, maaaring naitala at natipon ang mga ito pagkamatay niya.

  3. “Isipin na lang ninyo ang kagalakan at kahalagahan nito: bawat propeta simula kay Adan ay nakita ang panahon natin. At bawat propeta ay nagsalita tungkol sa panahon natin, kung kailan matitipon ang Israel at ang mundo ay magiging handa sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Isipin ninyo ito! Sa dinami-dami ng mga taong tumira sa ating planeta, tayo ang mga makikilahok sa huli at malaking pagtitipon na ito. Talagang nakatutuwa ito!” (Russell M. Nelson, “Pag-asa ng Israel” [pandaigdigang debosyonal para sa mga kabataan, Hunyo 3, 2018], suplemento sa New Era at Ensign, 8, ChurchofJesusChrist.org). Tingnan din sa Ronald A. Rasband, “Katuparan ng Propesiya,” Ensign o Liahona, Mayo 2020, 75–78.

  4. Sinabi ng Tagapagligtas, sa pagsasalita kay Isaias, “Lahat ng bagay na kanyang sinabi ay nangyari at mangyayari , maging alinsunod sa mga salitang kanyang sinabi” (3 Nephi 23:3; idinagdag ang italics).

  5. Tingnan sa Mateo 3:1–3; Marcos 1:2–4; Lucas 3:2–6.

  6. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 33:10; 65:3; 88:66.