Lumang Tipan 2022
Agosto 29–Setyembre 4. Mga Kawikaan 1–4; 15–16; 22; 31; Eclesiastes 1–3; 11–12: “Ang Takot sa Panginoon ang Pasimula ng Kaalaman”


“Agosto 29–Setyembre 4. Mga Kawikaan 1–4; 15–16; 22; 31; Eclesiastes 1–3; 11–12: ‘Ang Takot sa Panginoon ang Pasimula ng Kaalaman,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Agosto 29–Setyembre 4. Mga Kawikaan 1–4; 15–16; 22; 31; Eclesiastes 1–3; 11–12,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
lalaking nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Agosto 29–Setyembre 4

Mga Kawikaan 1–4; 15–16; 22; 31; Eclesiastes 1–3; 11–12

“Ang Takot sa Panginoon ang Pasimula ng Kaalaman”

Isipin kung paano ka matutulungan ng iyong pag-aaral ng Mga Kawikaan at Eclesiastes na “ikiling mo sa karunungan ang iyong pandinig, at sa pang-unawa ang puso mo ay iyong ihilig” (Mga Kawikaan 2:2).

Itala ang Iyong mga Impresyon

Sa unang kabanata ng aklat ng Mga Kawikaan, makikita natin ang mga salitang ito: “Anak ko, dinggin mo ang turo ng iyong ama, at huwag mong pabayaan ang aral ng iyong ina” (Mga Kawikaan 1:8). Ang Mga Kawikaan ay maituturing na koleksyon ng matatalinong kasabihan mula sa mapagmahal na magulang, na ang pangunahing mensahe ay na dumarating ang kapayapaan at tagumpay sa mga naghahangad ng karunungan—lalo na sa uri ng karunungang iniaalok ng Diyos. Ngunit ang Mga Kawikaan ay sinusundan ng aklat ng Eclesiastes, na tila nagsasabing, “Hindi iyan ganoon kasimple.” Ang Mangangaral na binanggit sa Eclesiastes ay nagsabing “ginamit [niya ang kanyang isipan] upang alamin ang karunungan” ngunit natagpuan pa rin ang [“paggambala ng espiritu”] at “maraming kalungkutan” (Eclesiastes 1:17–18). Sa iba’t ibang paraan, itinatanong ng aklat, “Magkakaroon ba ng tunay na kahulugan sa isang mundo kung saan ang lahat ay tila walang kabuluhan, pansamantala, at walang katiyakan?”

Subalit, kahit na ang dalawang aklat ay tumitingin sa buhay mula sa magkaibang pananaw, parehong katotohanan ang itinuturo ng mga ito. Sabi sa Eclesiastes: “Ito ang wakas ng bagay; lahat ay narinig: ikaw ay matakot sa Dios, at sundin mo ang kaniyang mga utos; sapagkat ito ang buong katungkulan ng tao” (Eclesiastes 12:13). Ito rin ang alituntuning matatagpuan sa buong Mga Kawikaan: “Tumiwala ka sa Panginoon ng buong puso mo. … Huwag kang magpakapantas sa iyong sariling mga mata; matakot ka sa Panginoon” (Mga Kawikaan 3:5,7). Anuman ang mangyari sa buhay, kahit tila nakalilito at paiba-iba ito, mas makabubuti palagi kapag nagtitiwala tayo sa Panginoong Jesucristo.

Para sa buod ng mga aklat na ito, tingnan sa “Kawikaan” at “Eclesiastes” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Mga Kawikaan 1–4; 15–16

“Ikiling mo sa karunungan ang iyong pandinig.”

Ang aklat ng mga Kawikaan ay puno ng mga ideya tungkol sa karunungan. Isiping markahan ang salitang “karunungan” at ang kaugnay na mga salita, gaya ng “kaalaman” at “pag-unawa,” kapag nakita mo ang mga ito sa mga kabanata 1–4 at 15–16. Paano naaapektuhan ng mga talatang ito ang paraan ng pag-iisip mo tungkol sa karunungan? Batay sa napag-alaman mo, paano mo ilalarawan ang karunungang “ibinibigay ng Panginoon”? (Mga Kawikaan 2:6). Isipin kung paano ka humihingi ng tulong sa Panginoon na magkaroon ng “pantas na puso” (Mga Kawikaan 16:21). Ano ang mga pagpapalang nagmumula sa karunungan ng Diyos?

Tingnan din sa Mga Kawikaan 8–9; Mateo 7:24–27; 25:1–13.

Mga Kawikaan 1:7; 2:5; 16:6; 31:30; Eclesiastes 12:13

Ano ang “pagkatakot sa Panginoon”?

Si Elder David A. Bednar ay nagpaliwanag na: “Di-tulad ng makalupang takot na lumilikha ng pangamba at pagkabalisa, ang takot sa Diyos ay pinagmumulan ng kapayapaan, katiyakan, at tiwala. … [Ito ay] sumasaklaw sa matinding damdamin ng pagpipitagan, paggalang, at paghanga sa Panginoong Jesucristo; pagsunod sa Kanyang mga kautusan; at pag-asam sa Huling Paghuhukom at katarungan sa Kanyang kamay. … Ang takot sa Diyos ay pagmamahal at pagtitiwala sa Kanya” (“Anupa’t Nabawasan ang Kanilang Pagkatakot,” Liahona, Mayo 2015, 48–49).

Tingnan din sa Mga Kawikaan 8:13.

Mga Kawikaan 4

“Papanatagin mo ang landas ng iyong mga paa.”

Inilalarawan sa Mga Kawikaan 4 ang karunungan at kabutihan bilang “landasin” o “daan” (tingnan din sa Mga Kawikaan 3:5–6). Habang binabasa mo ang kabanatang ito, maaari kang makakita ng mga talata na tutulong sa iyo na pagnilayan “ang landas ng iyong mga paa” (talata 26) at paano ka mas inilalapit ng iyong mga hakbang sa Panginoon. Halimbawa, ano ang itinuturo ng mga talata 11–12 at 18–19 tungkol sa mga pagpapala ng pagsunod sa tamang landas? Ano ang kahulugan sa iyo ng mga talata 26 at 27?

Tingnan din sa 2 Nephi 31:18–21.

Mga Kawikaan 15:1–2, 4, 18, 28; 16:24–32

“Nakapapawi ng poot ang sagot na malumanay.”

Ang ilan sa mga kawikaan sa mga kabanata 15 at 16 ay maaaring magbigay sa iyo ng inspirasyon na pagbutihin pa ang pakikipag-ugnayan mo sa iba, lalo na sa mga mahal sa buhay. Halimbawa, isipin ang mga partikular na pagkakataon na gumamit ka sana ng “malumanay na sagot” sa halip na “magaspang na salita” (Mga Kawikaan 15:1). Paano nakatutulong sa iyo ang payo sa Mga Kawikaan 16:24–32 na pag-isipan ang mga salitang ginagamit mo?

Pag-isipan ang ideyang ito mula kay Elder W. Craig Zwick: “Ang ‘mahinahong sagot’ ay binubuo ng isang makatwiran na sagot—mga disiplinadong salita mula sa pusong mapagpakumbaba. Hindi ibig sabihin na magpaliguy-ligoy tayo o ikompromiso natin ang katotohanan ng doktrina. Ang mga salitang sinabi nang tapatan ay maaaring may magandang layunin” (“Ano Ba ang nasa Isip Mo?Liahona, Mayo 2014, 42).

Larawan
babaeng nagpapakain ng mga seagull

Sinong Makatatagpo ng Isang Butihing Babae?II, ni Louise Parker

Mga Kawikaan 31:10–31

“Ang babaing natatakot sa Panginoon, ay papupurihan.”

Inilalarawan ng Mga Kawikaan 31:10–31 ang “isang mabuting babae,” o isang babae na may espirituwal na lakas, kakayahan, at impluwensya. Maaari mong subukang ibuod sa sarili mong mga salita ang sinasabi ng bawat isa sa mga talatang ito tungkol sa kanya. Ano ang ilan sa mga katangian niya na maaari mong tularan?

Eclesiastes 1–312

Ang mortal na buhay ay pansamantala lamang.

Bakit mahalagang tandaan ninyo na marami sa mundong ito, ayon sa Eclesiastes 1–2, ay “walang kabuluhan” (o pansamantala lamang at madalas na hindi mahalaga)? Ano ang nakita mo sa kabanata 12 na nagbibigay ng walang-hanggang kahalagahan sa buhay?

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Mga Kawikaan.Maaaring masiyahan ang inyong pamilya sa paglikha ng sarili ninyong “aklat ng mga Kawikaan”—isang koleksyon ng matalinong payo mula sa mga banal na kasulatan at sa mga propeta sa mga huling araw.

Mga Kawikaan 1:7; 2:5; 16:6; Eclesiastes 12:13–14.Para matulungan ang mga miyembro ng pamilya na maunawaan ang Mga Kawikaan 1:7; 2:5; 16:6; Eclesiastes 12:13, maaaring makatulong na palitan ang salitang takot ng mga salitang tulad ng pagpipitagan, pagmamahal, o pagsunod (tingnan din sa Mga Hebreo 12:28). Paano nito naaapektuhan ang paraan ng ating pag-iisip tungkol sa mga talatang ito? Paano natin maipakikita na may takot tayo sa Panginoon?

Mga Kawikaan 3:5–7.Para matulungan ang mga miyembro ng pamilya na mailarawan sa isipan ang itinuturo ng mga talatang ito, maaari mo silang anyayahan na sumandal sa isang bagay na matibay at matatag, tulad ng isang dingding o pader. Pagkatapos ay maaari nilang subukang sumandal sa isang bagay na hindi matibay, tulad ng walis. Bakit hindi tayo dapat “manalig sa [ating] sariling kaunawaan”? Paano natin maipakikita na nagtitiwala tayo kay Jesucristo nang ating buong puso?

Mga Kawikaan 15:1–2, 18; 16:24, 32.Paano naaapektuhan ng ating mga salita ang diwa sa ating tahanan? Marahil maaaring magpraktis ang mga miyembro ng pamilya na magbigay ng “malumanay na sagot” sa “magaspang na mga salita” at sikaping gamitin ang natutuhan nila sa interaksiyon nila sa bawat isa. Ang awiting tulad ng “Sa Akin Nagmumula ang Kabaitan” (Aklat ng mga Awit Pambata, 83) ay makatutulong sa pagpapatibay ng alituntuning ito.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awit: “Kung Saan Naroon ang Pag-ibig,” Aklat ng mga Awit Pambata, 76.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Angkop sa lahat ang mga salita sa mga banal na kasulatan. Ang ilang talata sa banal na kasulatan ay tumutukoy lamang sa kalalakihan o sa kababaihan (tulad ng Mga Kawikaan 3:13; 31:10). Gayunman, kadalasan, ang mga alituntunin sa mga talatang ito ay angkop sa lahat.

Larawan
inaakay ni Jesus ang dalawang tupa sa kagubatan

“Kilalanin mo siya sa lahat ng iyong mga lakad, at kaniyang ituturo ang iyong mga landas” (Mga Kawikaan 3:6). Pinapatnubayan Niya Ako, ni Yongsung Kim, havenlight.com