Lumang Tipan 2022
Setyembre 26–Oktubre 2. Isaias 50–57: “Kanyang Pinasan ang Ating mga Karamdaman, at Dinala ang Ating mga Kalungkutan”


“Setyembre 26–Oktubre 2. Isaias 50–57: ‘“Kanyang Pinasan ang Ating mga Karamdaman, at Dinala ang Ating mga Kalungkutan,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Setyembre 26–Oktubre 2. Isaias 50–57,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
si Cristo na nakasuot ng koronang tinik at kinukutya ng kawal

Ang Pagkutya kay Cristo, ni Carl Heinrich Bloch

Setyembre 26–Oktubre 2

Isaias 50–57

“Kanyang Pinasan ang Ating mga Karamdaman, at Dinala ang Ating mga Kalungkutan”

Pagnilayan ang mga ideya sa Isaias 50–57 na tumutulong sa iyo na mas mapalapit sa Tagapagligtas. Itala ang mga impresyong natatanggap mo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Sa kanyang buong ministeryo, nagsalita si Isaias tungkol sa isang makapangyarihang tagapagligtas (tingnan, halimbawa, sa Isaias 9:3–7). Ang mga propesiyang ito ay lalong dapat naging mahalaga sa mga Israelita nang nabihag sila sa Babilonia makalipas ang ilang siglo. Ang isang taong makapagpapatumba sa mga pader ng Babilonia ay tunay na magiging makapangyarihang mananakop. Ngunit hindi iyan ang uri ng Mesiyas na inilarawan ni Isaias sa mga kabanata 52–53: “Siya ay hinamak at itinakuwil ng mga tao; isang taong nagdurusa at sanay sa kalungkutan: at gaya ng isa na pinagkublihan ng mukha ng mga tao. … Ating itinuring siya na hinampas, sinaktan ng Diyos at pinahirapan” (Isaias 53:3–4). Sa pagpapadala ng gayong di-inaasahang tagapagligtas, itinuro sa atin ng Diyos ang tunay na pagliligtas. Upang iligtas tayo mula sa pang-aapi at paghihirap, nagpadala ang Diyos ng Isa na Mismong “inapi, at … sinaktan.” Kung saan inasahan ng ilan na leon ang ipadadala, nagpadala Siya ng isang tupa (tingnan sa Isaias 53:7). Tunay na ang mga pamamaraan ng Diyos ay hindi natin pamamaraan (tingnan sa Isaias 55:8–9). Pinalaya tayo ni Jesucristo hindi lamang sa pamamagitan ng pagbubukas ng bilangguan kundi sa pag-ako sa ating katayuan doon. Inalis Niya sa atin ang ating mga tanikala ng pighati at kalungkutan sa pamamagitan ng Kanya mismong pagbabata sa mga ito (tingnan sa Isaias 53:4–5, 12). Hindi Niya tayo inililigtas mula sa malayo. Siya ay kasama nating nagdurusa, sa pagpapakita ng “walang-hanggang kagandahang-loob” na “hindi hihiwalay sa [inyo]” (Isaias 54:8, 10).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Isaias 50–52

Ang hinaharap ay maliwanag para sa mga tao ng Panginoon.

Kahit maraming taon sa pagkabihag ang mga Israelita—at kahit ang pagkabihag na iyon ay bunga ng kanilang mga maling pagpili—nais ng Panginoon na asamin nila ang kinabukasan nang may pag-asa. Anong mga mensahe ng pag-asa ang makikita mo sa Isaias 50–52? Ano ang itinuturo sa atin ng Panginoon tungkol sa Kanyang sarili sa mga kabanatang ito, at bakit ito nagbibigay ng pag-asa sa iyo? (tingnan, halimbawa, sa Isaias 50:2, 5–9; 51:3–8, 15–16; 52:3, 9–10).

Maaari mo ring isulat ang lahat ng nasa mga kabanata 51–52 na inaanyayahan ng Panginoon ang Israel na gawin upang magkatotoo ang kanilang pag-asa sa hinaharap. Ano sa palagay mo ang ipagagawa sa iyo ng Panginoon sa mga salitang ito? Halimbawa, ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “gumising” at “magbihis nang may lakas”? (Isaias 51:9; tingnan din sa Isaias 52:1; Doktrina at mga Tipan 113:7–10). Sa palagay mo, bakit madalas ulitin ang paanyayang “pakinggan” (o “makinig na may hangaring sumunod”)? (Russell M. Nelson, “Pakinggan Siya,” Liahona, Mayo 2020, 89).

Tingnan din sa Mosias 12:20–24; 15:13–18; 3 Nephi 20:29–46.

Larawan
lilok ng Cristo na nagpapasan ng krus

Dahil sa Pagmamahal, ng iskultor na si Angela Johnson

Isaias 53

Tinaglay ni Jesucristo sa Kanyang sarili ang aking mga kasalanan at pighati.

Iilan lamang ang mga kabanata sa banal na kasulatan na naglalarawan sa mapagtubos na misyon ni Jesucristo nang mas maganda kaysa sa Isaias 53. Mag-ukol ng panahon na pagnilayan ang mga salitang ito. Sa bawat talata, tumigil sandali para pag-isipan ang pinagdusahan ng Tagapagligtas—ang “mga pighati,” “kalungkutan,” at “mga kasalanang” tiniis Niya—para sa lahat ng tao at lalo na sa iyo. Maaari mong palitan ang mga salitang tulad ng “tayo” at “atin” at gawing “ako” at “aking” habang ikaw ay nagbabasa. Ano ang nadarama o naiisip mo sa mga talatang ito? Isiping isulat ang mga ito.

Maaari mong rebyuhin ang Mosias 14; 15:1–13 para malaman kung paano ginamit ng propetang si Abinadi ang mga salita ni Isaias sa pagtuturo tungkol sa Tagapagligtas.

Isaias 54; 57:15–19

Nais ni Jesucristo na magbalik ako sa Kanya.

Lahat tayo ay may mga panahon na dama nating malayo tayo sa Panginoon dahil sa ating mga kasalanan o kahinaan. Ang ilan ay maaaring nawalan na ng pag-asa na patatawarin Niya sila. Ang Isaias 54 at 57 ay mga kabanatang magandang basahin para sa muling pagtiyak at panghihikayat sa gayong mga panahon. Lalo na sa Isaias 54:4–10; 57:15–19, ano ang natutuhan mo tungkol sa awa ng Tagapagligtas at sa damdamin Niya tungkol sa iyo? Ano ang kaibhan na nagagawa sa iyong buhay ng kaalaman ukol sa mga bagay na ito tungkol sa Kanya?

Paanong angkop sa iyo ang mga pagpapalang inilarawan sa Isaias 54:11–17?

Isaias 55–56

Inaanyayahan ng Panginoon ang lahat na “taglayin ang aking tipan.”

Sa loob ng maraming henerasyon, tinukoy ang Israel bilang pinagtipanang mga tao ng Diyos. Gayunman, hindi isang bansa lamang ang kasama sa plano ng Diyos, dahil “ang bawat isa na nauuhaw” ay inaanyayahan na “pumarito sa mga tubig” (Isaias 55:1). Isaisip ito habang binabasa mo ang Isaias 55 at 56, at pagnilayan ang ibig sabihin ng maging mga tao ng Diyos. Ano ang mensahe ng Diyos sa mga taong nakadarama na sila ay “lubusang inihiwalay” sa Kanya? (Isaias 56:3). Maaari mong markahan ang mga talatang naglalarawan sa ugali at kilos ng mga taong “nag-iingat ng aking tipan” (tingnan sa Isaias 56:4–7).

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Isaias 51–52.Habang tinatalakay ninyo ang mga imbitasyon ng Panginoon sa mga kabanatang ito, maaari mong anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na isadula ang mga ito. Halimbawa, ano ang hitsura ng mga “itingin ninyo ang inyong mga mata sa langit,” “gumising ka, tumayo ka,” o “magpagpag ka ng alabok”? (Isaias 51:6,17; 52:2). Ano ang itinuturo sa atin ng mga katagang ito tungkol sa pagsunod kay Jesucristo?

Isaias 52:9.Matapos basahin ang talatang ito, ang inyong pamilya ay “magkakasamang umawit” ng isang himno o awiting pambata na nagdudulot sa kanila ng kagalakan. Anong mga pangako sa Isaias 52 ang dahilan para tayo ay “magpakagalak”?

Isaias 52:11; 55:7.Ang mga talatang ito ay maaaring humantong sa isang talakayan tungkol sa maaaring ibig sabihin ng mga katagang “Maging malinis ka.” Bilang bahagi ng talakayang ito, maaari ninyong rebyuhin ang mga paksa sa Para sa Lakas ng mga Kabataan (buklet, 2011) o magbasa ng mga talata tungkol sa mga pagpapala ng pagiging malinis sa espirituwal (tingnan sa 3 Nephi 12:8; Doktrina at mga Tipan 121:45–46).

Isaias 53.Para maipakilala ang paglalarawan ni Isaias sa Tagapagligtas, maaaring pag-usapan ng inyong pamilya kung paanong ang mga kuwento, pelikula, at iba pang media ay kadalasang naglalarawan sa mga bayani na sumasagip sa mga tao. Maihahambing mo ang mga pagpapakitang iyon sa mga paglalarawan ng Tagapagligtas na nabasa mo sa Isaias 53. Maaari din ninyong panoorin ang video na “My Kingdom Is Not of This World” (ChurchofJesusChrist.org) at pag-usapan kung paano natupad ang mga propesiya sa Isaias 53. Ano ang ilan sa mga pighati at kalungkutang tinitiis ng Tagapagligtas para sa atin?

Isaias 55:8–9.Paano tila naiiba ang mga bagay kapag ikaw ay mataas sa lupa? Ano ang ibig sabihin sa iyo ng ang mga paraan at kaisipan ng Diyos ay mas mataas kaysa sa ating paraan at kaisipan?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Ako ay Namangha,” Mga Himno, blg. 115.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Gumamit ng musika. Ang mga himno ay mabisang nagtuturo ng mga alituntunin ng ebanghelyo. Isiping pakinggan o basahin ang mga himno sa sacrament para tulungan kang maunawaan ang mga katotohanan tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa Isaias 53. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 22.)

Larawan
larawan ni Cristo

Kanyang Liwanag, ni Michael T. Malm