Lumang Tipan 2022
Oktubre 17–23. Jeremias 30–33; 36; Mga Panaghoy 1; 3: “Gagawin Kong Kagalakan ang Kanilang Pagluluksa”


“Oktubre 17–23. Jeremias 30–33; 36; Mga Panaghoy 1; 3: ‘Gagawin Kong Kagalakan ang Kanilang Pagluluksa’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Oktubre 17–23. Jeremias 30–33; 36; Mga Panaghoy 1; 3,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
inukit na larawan ng propetang si Jeremias

Ang Sigaw ng Propetang si Jeremias, mula sa isang inukit na larawan ng Nazarene School

Oktubre 17–23

Jeremias 30–33; 36; Mga Panaghoy 1; 3

“Gagawin Kong Kagalakan ang Kanilang Pagluluksa”

Habang itinatala mo ang iyong mga impresyon, pag-isipan kung paano nauugnay ang mga alituntunin sa Jeremias at Mga Panaghoy sa iba pang mga bagay na natutuhan mo sa Lumang Tipan.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Nang unang tawagin ng Panginoon si Jeremias na maging propeta, sinabi Niya na ang kanyang misyon ay “bumunot, at magpabagsak” (Jeremias 1:10)—at sa Jerusalem, maraming kasamaan ang kailangang bunutin at pabagsakin. Ngunit bahagi lamang ito ng misyon ni Jeremias—tinawag din siyang “magtayo at magtanim” (Jeremias 1:10). Ano ang maaaring maitayo o maitanim sa mapanglaw na mga guho na iniwan ng paghihimagsik ng Israel? Gayundin naman na kapag iniwang nakaguho ng kasalanan o paghihirap ang ating buhay, paano tayo muling magtatayo at muling magtatanim? Ang sagot ay nasa “matuwid na sanga” (Jeremias 33:15), ang ipinangakong Mesiyas. Ang Mesiyas ay naghahatid ng “panibagong tipan” (Jeremias 31:31)—isang nangangailangan ng higit pa sa mababaw na pangako o panlabas na pagpapakita ng katapatan. Ang Kanyang batas ay dapat na “nasa [ating] kalooban,” nakasulat “sa [ating] mga puso.” Iyan ang tunay na kahulugan ng “maging [ating] Diyos” ang Panginoon at “[maging Kanyang] bayan” tayo (Jeremias 31:33). Ito ay habambuhay na proseso, at magkakamali pa rin tayo at may dahilan para paulit-ulit tayong magdalamhati. Ngunit kapag ginagawa natin ito, nasa atin ang pangakong ito mula sa Panginoon: “Gagawin kong kagalakan ang kanilang pagluluksa” (Jeremias 31:13).

Para sa maikling paliwanag tungkol sa Mga Panaghoy, tingnan sa “Panaghoy, Aklat ng mga” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan (scriptures.ChurchofJesusChrist.org).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Jeremias 30–31; 33

Ilalabas ng Panginoon ang Israel mula sa pagkabihag at titipunin sila.

Sa Jeremias 30–31; 33 kinilala ng Panginoon ang “panaghoy, at mapait na pag-iyak” (Jeremias 31:15) na mararanasan ng mga Israelita kapag nabihag na sila. Gayunman, nag-alok din Siya ng mga salita ng kapanatagan at pag-asa. Anong mga kataga sa mga kabanatang ito ang sa palagay mo ay makapagbibigay sana ng kapanatagan at pag-asa sa mga Israelita? Ano ang nakikita mong mga pangako ng Panginoon sa Kanyang mga tao? Paano kaya angkop sa iyo ngayon ang mga pangakong ito?

Jeremias 31:31–34; 32:37–42

“Ako’y magiging kanilang Diyos at sila’y magiging aking bayan.”

Bagama’t nilabag ng mga Israelita ang kanilang tipan sa Panginoon, nagpropesiya si Jeremias na muling itatatag ng Panginoon ang isang “panibago” at “walang hanggang tipan” sa Kanyang mga tao (Jeremias 31:31; 32:40). Ang panibago at walang hanggang tipan ay “ang kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo [tingnan sa Doktrina at mga Tipan 66:2]. Ito ay bago sa tuwing ihahayag ito kasunod ng panahon ng apostasiya. Ito ay walang-hanggan dahil ito ay tipan ng Diyos at tinatamasa sa bawat dispensasyon ng ebanghelyo kung saan handang tanggapin ito ng mga tao” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Bago at Walang Hanggang Tipan,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org; idinagdag ang italics).

Habang binabasa mo ang Jeremias 31:31–34; 32:37–42, pagnilayan kung ano ang ibig sabihin sa iyo ng maging bahagi ng pinagtipanang mga tao ng Diyos. Paano naaapektuhan ng mga talatang ito ang pananaw mo sa kaugnayan mo sa Diyos sa tipan? Ano ang ibig sabihin ng nakasulat sa iyong puso ang Kanyang batas? (tingnan sa Jeremias 31:33).

Tingnan din sa Jeremias 24:7; Mga Hebreo 8:6–12.

Larawan
batang babaeng nag-aaral ng mga banal na kasulatan

Tayo ay mabibigyang-inspirasyon ng mga banal na kasulatan na magsisi at lumapit sa Panginoon.

Jeremias 36

May kapangyarihan ang mga banal na kasulatan na ilayo ako sa kasamaan.

Inutusan ng Panginoon si Jeremias na itala ang kanyang mga propesiya sa “isang balumbon [ng aklat],” o scroll, na nagpapaliwanag na kung diringgin ng mga tao ang mga propesiyang ito, maaaring “humiwalay ang bawat isa sa kanyang masamang lakad, upang aking maipatawad ang kanilang kasamaan at kasalanan” (Jeremias 36:2–3). Habang binabasa mo ang Jeremias 36, isiping pansinin kung ano ang nadama ng mga taong ito tungkol sa mga propesiyang ito:

Ang Panginoon:

Jeremias:

Baruc:

Jehudi at Haring Jehoiakim:

Elnatan, Delaias, at Gemarias:

Pagnilayan kung ano ang nadarama mo sa mga talata at ang papel nito sa iyong buhay. Paano ka natulungan ng mga ito na talikuran ang kasamaan?

Tingnan din sa Julie B. Beck, “Ang Aking Kaluluwa ay Nalulugod sa mga Banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 107–9.

Mga Panaghoy 1; 3

Maaaring pagaanin ng Panginoon ang kalungkutang nararanasan natin dahil sa kasalanan.

Ang aklat na Mga Panaghoy ay koleksyon ng mga tula na isinulat matapos mawasak ang Jerusalem at ang templo nito. Sa palagay mo, bakit mahalaga na napangalagaan at naisama ang mga panaghoy na ito sa Lumang Tipan? Isipin kung ano ang mga talinghaga sa Mga Panaghoy 1 at 3 na tumutulong sa iyo na maunawaan ang matinding kalungkutang nadama ng Israel. Anong mga mensahe ng pag-asa kay Cristo ang nakikita mo? (tingnan lalo na ang Mga Panaghoy 3:20–33; tingnan din sa Mateo 5:4; Santiago 4:8–10; Alma 36:17–20).

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Jeremias 31:3.Paano ipinakita ng Ama sa Langit at ni Jesucristo ang Kanilang “walang-hanggang pag-ibig” para sa atin? Ang pagpapakita ng mga bagay na nilikha ni Cristo para sa atin o ginawa Niya noong Kanyang mortal na ministeryo ay makatutulong sa inyong pamilya na madama ang Kanyang “kagandahang-loob.”

Jeremias 31:31–34; 32:38–41.Isiping gumawa ng listahan ng mga bagay sa mga talatang ito na ipinapangako ng Panginoon kapag nakikipagtipan tayo sa Kanya. Ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa kahalagahan ng ating mga tipan?

Maaari ding isulat ng mga miyembro ng pamilya (o idrowing) sa pusong papel ang isang bagay na nagpapakita sa nadarama nila tungkol sa Tagapagligtas. Ano ang ibig sabihin ng nakasulat sa ating mga puso ang Kanyang batas? (tingnan sa Jeremias 31:33). Paano natin ipinapakita sa Panginoon na gusto nating maging Kanyang bayan o mga tao?

Jeremias 36.Paano mo magagamit ang Jeremias 36 para matulungan ang inyong pamilya na malaman ang kahalagahan ng mga banal na kasulatan? (tingnan, halimbawa, sa mga talata 1–6, 10, 23–24, 27–28, 32). Maaari mong hilingin sa isang miyembro ng pamilya na basahin ang isang talata mula sa kabanatang ito habang isinusulat ito ng ibang miyembro ng pamilya, tulad ng ginawa ni Baruc para kay Jeremias. Bakit tayo nagpapasalamat sa mga pagsisikap ng mga taong tulad ni Baruc, na nagpreserba sa mga salita ng mga propeta? Ano ang magagawa natin para maipakita sa Panginoon na pinahahalagahan natin ang Kanyang mga salita sa mga banal na kasulatan?

Mga Panaghoy 3:1–17, 21–25, 31–32.Bilang pamilya, maaari ninyong pag-usapan kung paanong ang damdaming ipinahayag sa Mga Panaghoy 3:1–17 ay maaaring maiugnay sa nadarama natin kapag nagkakasala tayo. Paano naiimpluwensyahan ng mga mensahe sa mga talata 21–25, 31–32 ang ating buhay?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 42–43.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Hangarin ang paghahayag. Habang nagninilay ka sa buong maghapon, maaari kang makatanggap ng karagdagang mga ideya at impresyon tungkol sa mga banal na kasulatan na pinag-aralan mo. Huwag isipin na ang pag-aaral ng ebanghelyo ay isang bagay na pinag-uukulan lamang ng oras kundi isang bagay na palaging ginagawa. (Tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 12.)

Larawan
Lalaki sa yungib na mukhang malungkot habang nasusunog sa labas ang lungsod.

Nananaghoy si Jeremias sa Pagkawasak ng Jerusalem, ni Rembrandt Van Rijn