Lumang Tipan 2022
Mayo 16–22. Deuteronomio 6–8; 15; 18; 29–30; 34: “Ingatan Mo na Baka Iyong Malimutan ang Panginoon”


“Mayo 16–22. Deuteronomio 6–8; 15; 18; 29–30; 34: ‘Ingatan Mo na Baka Iyong Malimutan ang Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Mayo 16–22. Deuteronomio 6–8; 15; 18; 29–30; 34,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
Nakatayo si Moises sa ibabaw ng bundok

Paglalarawan kay Moises sa Bundok ng Nebo, © Providence Collection/lisensyado mula sa goodsalt.com

Mayo 16–22

Deuteronomio 6–8; 15; 18; 29–30; 34

“Ingatan Mo na Baka Iyong Malimutan ang Panginoon”

Inutusan ni Moises ang mga anak ni Israel na ituro ang mga salita ng Panginoon sa kanilang mga anak (tingnan sa Deuteronomio 6:7). Habang pinag-aaralan mo ang Deuteronomio sa linggong ito, humanap ng mga paraan para maibahagi ang natututuhan mo sa mga miyembro ng iyong pamilya.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Ang ministeryo ni Moises sa lupa ay nagsimula sa tuktok ng isang bundok, nang kausapin siya ng Diyos mula sa nagliliyab na palumpong (tingnan sa Exodo 3:1–10). Nagtapos rin ito sa tuktok ng isang bundok, makalipas ang mahigit 40 taon, nang ipatanaw ng Diyos kay Moises ang lupang pangako mula sa tuktok ng Bundok Nebo (tingnan sa Deuteronomio 34:1–4). Ginugol ni Moises ang kanyang buhay na inihahanda ang mga anak ni Israel sa pagpasok sa lupang pangako, at nakatala sa aklat ng Deuteronomio ang kanyang mga huling tagubilin, paalala, panghihikayat, at pakiusap sa mga Israelita. Sa pagbabasa ng kanyang mga salita ay malinaw na ang tunay na layunin ng ministeryo ni Moises—ang paghahandang kailangan ng mga tao—ay hindi tungkol sa pananatiling ligtas sa ilang, pagsakop sa mga bansa, o pagtatayo ng isang komunidad. Tungkol ito sa pagkatutong mahalin ang Diyos, pagsunod sa Kanya, at pananatiling tapat sa Kanya. Iyan ang paghahandang kailangan nating lahat upang makapasok sa lupang pangako ng buhay na walang-hanggan. Kaya bagaman hindi nakatuntong si Moses kailanman sa “lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot” (Exodo 3:8), dahil sa kanyang pananampalataya at katapatan, pumasok siya sa lupang pangako na inihanda ng Diyos para sa lahat ng sumusunod sa Kanya.

Para sa buod ng Deuteronomio, tingnan sa “Deuteronomio” sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan.

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Deuteronomio 6:4–7; 8:2–5, 11–17; 29:18–20; 30:6–10, 15–20

Nais ng Panginoon na mahalin ko Siya nang buong puso ko.

Sa kanyang mga huling turo, ipinaalala ni Moises sa mga anak ni Israel, “ang Panginoon mong Diyos ay nakasama mo nitong apatnapung taon at ikaw ay di kinulang ng anuman,” kahit na sa ilang (Deuteronomio 2:7). Ngayon na papasok na ang mga Israelita sa lupang pangako, na may “malalaki at mabubuting lunsod, na hindi [nila] itinayo, at mga bahay na puno ng lahat ng mabubuting bagay, na hindi [nila] pinuno” (Deuteronomio 6:10–11), natakot si Moises na baka patigasin nila ang kanilang mga puso at kalimutan ang Panginoon.

Isipin ang kalagayan ng iyong puso habang binabasa mo ang payo ni Moises. Maaari kang magtuon ng pansin sa mga sumusunod na talata at isulat ang iyong mga impresyon:

Ano ang magagawa mo para hindi tumigas ang puso mo at mahalin mo nang buong puso mo ang Panginoon? Ano ang kaugnayan na nakikita mo sa pagitan ng Deuteronomio 6:5–6 at ng Mateo 22:35–40? (tingnan din sa Levitico 19:18).

Tingnan din sa Dieter F. Uchtdorf, “Isang Pananabik sa Tahanan,” Liahona, Nob. 2017, 21–24.

Deuteronomio 6:4–12, 20–25

“Ingatan mo na baka iyong malimutan ang Panginoon.”

Karamihan sa henerasyon ng mga Israelita na papasok sa lupang pangako ay hindi nakasaksi sa mga salot sa Egipto o sa pagtawid sa Dagat na Pula. Alam ni Moises na sila—at ang mga darating na henerasyon—ay kakailanganing alalahanin ang mga himala ng Diyos at ang mga batas ng Diyos upang manatili silang mga tao ng Diyos.

Anong payo ang ibinibigay ni Moises sa Deuteronomio 6:4–12, 20–25 na maaaring makatulong sa iyo na maalala ang mga dakilang bagay na ginawa ng Diyos para sa iyo? Ano ang nadarama mo na dapat mong gawin upang ang salita ng Panginoon ay araw-araw na “ilalagay mo sa iyong puso”? (talata 6).

Paano mo ipapasa ang iyong pananampalataya sa darating na mga henerasyon?

Tingnan din sa Deuteronomio 11:18–21; Gerrit W. Gong, “Lagi Siyang Alalahanin,” Liahona, Mayo 2016, 108–11.

Deuteronomio 15:1–15

Kaakibat sa pagtulong sa mga nangangailangan ang pagiging mapagbigay sa iba at pagiging handa na sundin ang kalooban ng Panginoon.

Ang Deuteronomio 15:1–15 ay nagpapayo tungkol sa pagtulong sa mga maralita at nangangailangan, kabilang na ang ilang partikular na gawain na hindi sinusunod ngayon. Ngunit pansinin kung ano ang itinuturo ng mga talatang ito kung bakit dapat nating tulungan ang mga maralita at kung paanong ang ating mga saloobin sa pagtulong sa kanila ay mahalaga sa Panginoon. Ano sa palagay mo ang nais ng Panginoon na matutuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa paglilingkod sa iba?

Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Ang Pangalawang Dakilang Utos,” Liahona, Nob. 2019, 96–100.

Deuteronomio 18:15–19

Si Jesucristo ang Propetang ibabangon na katulad ni Moises.

Nagsalita sina Pedro, Nephi, Moroni, at ang Tagapagligtas tungkol sa propesiya sa Deuteronomio 18:15–19 (tingnan sa Mga Gawa 3:20–23; 1 Nephi 22:20–21; Joseph Smith—Kasaysayan 1:40; 3 Nephi 20:23). Ano ang natututuhan mo tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga talatang ito? Paanong ang Tagapagligtas ay “natutulad kay” Moises? (Deuteronomio 18:15).

Larawan
Nakaluhod si Jesus na hawak ang isang lalaki

Si Jesucristo ang propetang katulad ni Moises.

Deuteronomio 34:5–8

Ano ang nangyari kay Moises?

Kahit sinasabi sa Deuteronomio 34:5–8 na namatay si Moises, nililinaw ng pag-unawa sa mga huling araw na siya ay nagbagong-anyo (translated), o nagbago upang hindi siya dumanas ng sakit o kamatayan hanggang sa pagkabuhay na mag-uli (tingnan sa Alma 45:18–19; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Moises”; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Translated Beings,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org). Kinailangang magbagong-anyo si Moises dahil kailangan niyang magkaroon ng pisikal na katawan para maibigay ang mga susi ng priesthood kina Pedro, Santiago, at Juan sa Bundok ng Pagbabagong-anyo (tingnan sa Mateo 17:1–13).

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Deuteronomio 6:10–15.Maaaring mahikayat ng mga talatang ito ang mga miyembro ng inyong pamilya na mag-isip ng mga paraan na napagpala ang inyong pamilya. Paano natin masusunod ang payo na “ingatan mo na baka iyong malimutan ang Panginoon”? (Deuteronomio 6:12). Maaari mong itala ang iyong nadarama tungkol sa iyong mga pagpapala, marahil sa isang journal o sa FamilySearch.

Deuteronomio 6:13, 16; 8:3.Ang mga talatang ito ay nakatulong sa Tagapagligtas sa mahalagang sandali sa Kanyang buhay; para makita kung paano, basahin nang sabay-sabay ang Mateo 4:1–10. Anong mga talata sa banal na kasulatan ang nakatulong sa atin sa oras ng pangangailangan?

Deuteronomio 7:6–9.Gumawa ng isang bagay para tulungan ang mga miyembro ng inyong pamilya na madamang espesyal sila, tulad ng paghahanda ng paboritong pagkain. Pagkatapos ay maaari ninyong basahin ang Deuteronomio 7:6–9 at talakayin ang inaakala ninyong ibig sabihin ng maging “piniling bayan” (talata 6) sa Panginoon.

Deuteronomio 29:12–13.Ang pag-uusap tungkol sa Deuteronomio 29:12–13 ay nagbibigay ng pagkakataon sa mga miyembro ng inyong pamilya na talakayin ang mga tipang gagawin o ginawa nila sa Ama sa Langit. Ano ang ibig sabihin ng maging bayan ng Diyos? Paanong ang ating mga tipan ay “itatatag [tayo] … bilang isang bayan sa [Diyos]”? (talata 13).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Nais Kong Ipamuhay ang Ebanghelyo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 72.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Maghangad ng sarili mong espirituwal na mga kabatiran. Ang outline na ito ay nagmumungkahi ng mga talata at alituntuning pagtutuunan ng pansin, ngunit huwag hayaang limitahan ng mga mungkahing ito ang pag-aaral mo. Sa iyong pag-aaral, maaari mong malaman ang tungkol sa isang alituntunin na hindi nabanggit dito. Hayaang gabayan ka ng Espiritu sa kailangan mong matutuhan.

Larawan
Nakatayo si Moises sa ibabaw ng bundok

Ipinakita sa Kanya ng Panginoon ang Buong Lupain, ni Walter Rane.