Lumang Tipan 2022
Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Ang Tabernakulo at Sakripisyo


“Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Ang Tabernakulo at Sakripisyo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Mga Kaisipan na Dapat Tandaan: Ang Tabernakulo at Sakripisyo,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
icon ng kaisipan

Mga Kaisipan na Dapat Tandaan

Ang Tabernakulo at Sakripisyo

Sa pagbabasa natin ng Lumang Tipan, kung minsan ay nakakakita tayo ng mahahabang talata tungkol sa mga bagay na malinaw na mahalaga sa Panginoon ngunit maaaring hindi kaagad akma sa atin ngayon. Ang Exodo 25–30; 35–40; Levitico 1–9; 16–17 ay mga halimbawa. Inilalarawan ng mga kabanatang ito ang detalye ng tabernakulo ng Israel sa ilang at ang sakripisyo ng mga hayop na isasagawa doon.1 Ang tabernakulo ay isang nabubuhat (portable) na templo, ang tahanan ng Panginoon sa gitna ng Kanyang mga tao.

Ang ating makabagong mga templo ay may pagkakatulad sa tabernakulo ng Israel, ngunit tiyak na hindi ito tugma sa paglalarawan dito sa Exodo. At hindi tayo pumapatay ng mga hayop sa ating mga templo—winakasan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ang pag-aalay ng mga hayop sa loob ng nakalipas na mahigit 2,000 taon. Ngunit sa kabila ng mga pagkakaibang ito, mahalaga sa ngayon ang pagbabasa tungkol sa mga paraan ng pagsamba ng sinaunang Israel, lalo na kung nakikita natin sila sa paraan ng pagkakita sa kanila ng mga tao ng Diyos sa Aklat ni Mormon—bilang paraan “para palakasin ang kanilang pananampalataya kay Cristo” (Alma 25:16; tingnan din sa Jacob 4:5; Jarom 1:11). Kapag nauunawaan natin ang simbolismo ng tabernakulo at ng sakripisyo o pag-aalay ng hayop, magkakaroon tayo ng mga espirituwal na pananaw na magpapalakas din sa ating pananampalataya kay Cristo.

Larawan
ang mga tao ay nagdadala ng kordero sa mga saserdote sa tabernakulo

Paglalarawan ng mga Israelita na nagdadala ng kordero sa tabernakulo, ni Robert T. Barrett

Ang Tabernakulo ay Nagpapatatag ng Pananampalataya kay Jesucristo

Nang inutusan ng Diyos si Moises na magtayo ng tabernakulo sa kampo ng mga Israelita, sinabi Niya ang layunin nito: “upang ako’y makapanirahan sa gitna nila” (Exodo 25:8). Sa loob ng tabernakulo, ang presensya ng Diyos ay kinakatawan ng kaban ng tipan—isang kahon na yari sa kahoy, na natatakpan ng ginto, na naglalaman ng nakasulat na tala ng tipan ng Diyos sa Kanyang mga tao (tingnan sa Exodo 25:10–22). Ang kaban ay inilagay sa pinakabanal, pinakaloob na silid, na nakahiwalay sa iba pang bahagi ng tabernakulo sa pamamagitan ng isang tabing. Ang tabing na ito ay simbolo ng ating pagkawalay sa presensya o kinaroroonan ng Diyos dahil sa Pagkahulog.

Maliban kay Moises, isang tao lang ang alam natin na maaaring pumasok sa “dakong kabanal-banalan” (Exodo 26:34)—ang mataas na saserdote. Tulad ng iba pang mga saserdote, kailangan muna siyang mahugasan at pahiran ng langis (tingnan sa Exodo 40:12–13) at magbihis ng sagradong kasuotan na simbolo ng kanyang katungkulan (tingnan sa Exodo 28). Minsan sa isang taon, sa tinatawag na Araw ng Pagbabayad-sala, ang mataas na saserdote ay nag-aalay ng mga hain para sa kapakanan ng mga tao bago pumasok nang mag-isa sa tabernakulo. Sa tabing, susunugin niya ang insenso (tingnan sa Levitico 16:12). Ang mabangong usok na umaakyat sa langit ay sumasagisag sa mga panalangin ng mga taong umaakyat sa Diyos (tingnan sa Awit 141:2). Pagkatapos ang mataas na saserdote, dala ang dugo mula sa isang hain na hayop, ay daraan sa tabing at lalapit sa trono ng Diyos, na isinasagisag ng kaban ng tipan (tingnan sa Levitico 16:14–15).

Batid ang nalalaman mo tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang papel sa plano ng Ama sa Langit, nakikita mo ba kung paano tayo itinuturo ng tabernakulo sa Tagapagligtas? Tulad ng tabernakulo, at ng kaban sa loob nito, na sumasagisag sa presensya ng Diyos sa gitna ng Kanyang mga tao, si Jesucristo ang presensya ng Diyos sa gitna ng Kanyang mga tao (tingnan sa Juan 1:14). Tulad ng mataas na saserdote, si Jesucristo ang Tagapamagitan sa pagitan natin at ng Diyos Ama. Dumaan Siya sa tabing para mamagitan para sa atin sa bisa ng dugo ng Kanyang sariling sakripisyo (tingnan sa Mga Hebreo 8–10).

Ang ilang aspeto ng tabernakulo sa Israel ay maaaring pamilyar sa iyo, lalo na kung nakapunta ka na sa templo para tanggapin ang sarili mong mga ordenansa. Tulad ng kabanal-banalang dako ng tabernakulo, ang selestiyal na silid ng templo ay sumasagisag sa presensya ng Diyos. Upang makapasok, kailangan muna tayong mahugasan at mapahiran ng langis. Nagsusuot tayo ng sagradong kasuotan. Nagdarasal tayo sa isang altar kung saan umaakyat ang mga panalangin sa Diyos. At sa wakas ay dumaraan tayo sa tabing tungo sa presensya ng Diyos.

Marahil ang pinakamahalagang pagkakatulad ng mga makabagong templo at ng sinaunang tabernakulo ay na ang mga ito, kung mauunawaan nang tama, ay parehong nagpapalakas ng ating pananampalataya kay Jesucristo at pinupuspos tayo ng pasasalamat sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Nais ng Diyos na makapasok sa Kanyang kinaroroonan ang lahat ng Kanyang mga anak; nais Niya ng “isang kaharian ng mga pari” at mga babaing pari (Exodo 19:6). Ngunit ang ating mga kasalanan ang humahadlang sa atin sa pagkakamit ng pagpapalang iyan, dahil “walang maruming bagay ang makapananahanang kasama ng Diyos” (1 Nephi 10:21). Kaya isinugo ng Diyos Ama si Jesucristo, ang “pinakapunong pari ng mabubuting bagay na darating” (Mga Hebreo 9:11). Hinahawi Niya ang tabing para sa atin at nagbibigay-kakayahan sa lahat ng tao ng Diyos na “lumapit tayong may katapangan sa trono ng biyaya, upang tayo’y tumanggap ng awa” (Mga Hebreo 4:16).

Ngayon, ang layunin ng mga templo ay higit pa sa pagtatamo ng kadakilaan para sa ating sarili. Matapos matanggap ang sarili nating mga ordenansa, makatatayo tayo sa lugar ng ating mga ninuno, na tatanggap ng mga ordenansa para sa kanila. Sa isang banda, maaari tayong maging katulad ng sinaunang mataas na saserdote—at ng Dakilang Mataas na Saserdote—na nagbubukas ng daan tungo sa presensya ng Diyos para sa iba.

Ang Sakripisyo ay Nagpapatatag ng Pananampalataya kay Jesucristo

Ang mga alituntunin ng pagbabayad-sala at pagkakasundo ay mabisang itinuro sa sinaunang kaugalian ng pag-aalay ng hayop, na matagal na umiral sa batas ni Moises. Dahil sa ipinanumbalik na ebanghelyo, alam natin na nag-alay ng hain sina Eva at Adan, naunawaan ang simbolikong pagbanggit nito sa sakripisyo ng Tagapagligtas, at itinuro ito sa kanilang mga anak (tingnan sa Moises 5:4–12; tingnan din sa Genesis 4:4).

Ang simbolismo ng pag-aalay ng hayop ay tila lalong naging mas matindi sa Araw ng Pagbabayad-sala sa sinaunang Israel (“Yom Kippur” sa Hebreo). Ang pangangailangan sa taunang seremonyang ito ay ipinahayag sa Levitico 16:30: “Sa araw na ito, ang pari ay gagawa ng pagtubos sa inyo upang linisin kayo sa lahat ng inyong mga kasalanan; kayo ay magiging malinis sa harapan ng Panginoon.” Sa gayon ay mananatili ang presensya ng Diyos sa mga tao. Ang pagbabayad-salang ito ay isinasagawa noon sa pamamagitan ng iba’t ibang seremonya. Sa isa sa mga ito, isang kambing ang pinapatay bilang hain para sa mga kasalanan ng mga tao, at dinadala ng mataas na saserdote ang dugo ng kambing sa kabanal-banalang dako. Kalaunan, ipinapatong ng mataas na saserdote ang kanyang mga kamay sa isang buhay na kambing at ipinagtatapat ang mga kasalanan ng mga anak ni Israel—na sagisag ng paglilipat ng mga kasalanang iyon sa kambing. Pagkatapos ay pinaaalis ang kambing sa kampo ng Israel.

Sa ritwal na ito, ang mga kambing ay sumasagisag kay Jesucristo, na lumalagay sa katayuan ng mga taong makasalanan. Ang kasalanan ay hindi dapat pahintulutan sa presensya ng Diyos. Ngunit sa halip na wasakin o itaboy ang mga makasalanan, naglaan ng ibang paraan ang Diyos—isang kambing ang papatayin o itataboy. “Dadalhin ng kambing ang lahat ng mga kasamaan nila” (Levitico 16:22).

Ang simbolismo ng mga ritwal na ito ay tumutukoy sa paraan na inilaan ng Diyos upang maibalik tayo sa Kanyang piling—si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala. Ang Tagapagligtas ay “pinasan ang ating mga karamdaman, at dinala ang ating mga kapanglawan,” maging ang “ating mga kasamaan” (Isaias 53:4, 6). Tumayo Siya sa ating lugar, ibinuwis ang Kanyang buhay upang mabayaran ang parusa ng kasalanan, at pagkatapos ay dinaig ang kamatayan sa pamamagitan ng Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli (tingnan sa Mosiah 15:8–9). Ang sakripisyo ni Jesucristo ay ang “dakila at huling hain; oo, hindi isang paghahain ng tao, ni ng hayop” kundi “isang walang katapusan at walang hanggang hain” (Alma 34:10). Siya ang katuparan ng lahat ng ginawang mga sinaunang sakripisyo noon.

Dahil dito, matapos makumpleto ang Kanyang sakripisyo, sinabi Niya, “Hindi na kayo mag-aalay pa sa akin ng pagbubuhos ng dugo; oo, ang iyong mga alay … ay tatanggalin na. … At mag-aalay kayo bilang pinaka-hain sa akin ng isang bagbag na puso at nagsisising espiritu” (3 Nephi 9:19–20).

Kaya kapag nakakakita ka ng mga talata sa Lumang Tipan tungkol sa mga hain at sa tabernakulo (o kalaunan, sa templo)—at marami kang makikitang ganito—tandaan na ang pangunahing layunin ng lahat ng ito ay palakasin ang iyong pananampalataya sa Mesiyas, si Jesucristo. Hayaan ang iyong puso at isipan na bumaling sa Kanya. Pag-isipang mabuti kung ano ang ginawa Niya para maibalik ka sa piling ng Diyos—at ano ang gagawin mo para makasunod sa Kanya.

Tala

  1. Ang Exodo 33:7 – 11 ay bumabanggit sa isang “toldang tipanan,” kung saan nakipag-ugnayan si Moises sa Panginoon, ngunit hindi ito ang lugar para sa mga hain o alay na inilarawan sa Exodo at Levitico. Ang mga sakripisyong iyon ay isinagawa sa tabernakulo na inilarawan sa Exodo 25–30, na iniutos ng Diyos kay Moises na itayo at itinayo ng mga anak ni Israel (tingnan sa Exodo 35–40). Ang tabernakulong ito, kung saan isinagawa ni Aaron at ng kanyang mga anak ang mga pag-aalay ng hayop, ay madalas ding tinutukoy na “toldang tipanan” (tingnan, halimbawa, sa Exodo 28:43; 38:30; Levitico 1:3).