Lumang Tipan 2022
Abril 25–Mayo 1. Exodo 24; 31–34: “Ako’y Sasaiyo”


“Abril 25–Mayo 1. Exodo 24; 31–34: ‘Ako’y Sasaiyo,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Lumang Tipan 2022 (2021)

“Abril 25–Mayo 1. Exodo 24; 31–34,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2022

Larawan
Nagpakita si Jehova kay Moises at sa mga elder o matatanda ng Israel

Paglalarawan kay Jehova na nagpakita kay Moises at sa 70 mga elder o matatanda ng Israel, ni Jerry Harston

Abril 25–Mayo 1

Exodo 24; 31–34

“Ako’y Sasaiyo”

Hindi lahat ng makabuluhang alituntunin sa mga banal na kasulatan ay maaaring mabigyang-diin ng mga outline na ito. Pakinggan ang Espiritu para matulungan kang magtuon sa mga katotohanang kailangan ninyo.

Itala ang Iyong mga Impresyon

May dahilan noon para umasa na mananatiling tapat sa Diyos ang mga anak ni Israel matapos Niyang ihayag ang Kanyang batas sa kanila (tingnan sa Exodo 20–23). Kahit na bumulung-bulong sila at nag-alinlangan sa nakaraan, nang binasa ni Moises ang batas sa paanan ng bundok ng Sinai, ginawa nila ang tipang ito: “Lahat ng sinabi ng Panginoon ay aming gagawin, at kami ay magiging masunurin” (Exodo 24:7). Pagkatapos ay pinapunta ng Diyos si Moises sa bundok, na sinasabi sa kanya na magtayo ng isang tabernakulo “upang ako’y makapanirahan sa gitna nila” (Exodo 25:8; tingnan sa mga kabanata 25–30).

Ngunit habang nasa tuktok ng bundok si Moises na inaalam kung paano mapapasa mga Israelita ang presensya ng Diyos, ang mga Israelita ay nasa paanan ng bundok na gumagawa ng gintong diyus-diyusan para sambahin sa halip na sambahin ang Diyos. Kapapangako pa lang nila na “hindi sila magkakaroon ng ibang mga dios,” ngunit “sila’y madaling lumihis” sa mga utos ng Diyos (Exodo 20:3; 32:8; tingnan din sa Exodo 24:3). Nakakagulat ang nangyari, ngunit alam natin mula sa karanasan na ang pananampalataya at katapatang iyon ay maaaring madaig kung minsan ng pagkabagot, takot, o pag-aalinlangan. Kapag hangad natin ang presensya ng Panginoon sa ating buhay, nakakahikayat na malaman na hindi pinabayaan ng Panginoon ang sinaunang Israel at hindi Niya tayo pababayaan—sapagkat Siya ay “puspos ng kahabagan at mapagpala, hindi magagalitin, at sagana sa wagas na pag-ibig at katapatan” (Exodo 34:6).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Exodo 24:1–11

Ipinakikita ng aking mga tipan ang kahandaan kong sundin ang batas ng Diyos.

Habang binabasa mo ang Exodo 24:3–8 tungkol sa mga pakikipagtipan ng mga Israelita na sundin ang batas ng Diyos, maaaring bumaling ang iyong isipan sa mga tipang ginawa mo sa Diyos. Kabilang sa tipan ng Israel ang mga ritwal na naiiba sa hinihingi ng Diyos ngayon, ngunit maaari ninyong mapansin ang ilang pagkakatulad, lalo na kung iisipin ninyo ang mga walang-hanggang katotohanang isinasagisag ng mga ritwal na ito.

Halimbawa, ang mga talata 4, 5, at 8 ay bumanggit sa altar, pag-aalay ng hayop, at dugo. Ano ang maaaring isagisag ng mga bagay na ito, at paano ito nauugnay sa iyong mga tipan? Paano ka matutulungan ng iyong mga tipan na gawin ang “lahat ng sinabi ng Panginoon”? (talata 7).

Tingnan din sa Moises 5:4–9; Becky Craven, “Maingat bersus Kaswal,” Liahona, Mayo 2019, 9–11.

Exodo 32–34

Ang kasalanan ay pagtalikod sa Diyos, ngunit Siya ay nagbibigay ng daan pabalik.

Sa pagninilay kung paano napakabilis na “nagpakasama” ang mga Israelita (Exodo 32:7) sa paglabag sa kanilang mga tipan, maiiwasan natin ang gayon ding mga pagkakamali. Habang binabasa mo ang Exodo 32:1–8, subukang ilagay ang iyong sarili sa lugar ng mga Israelita—nasa ilang ka, 40 araw nang wala si Moises, hindi mo alam kung babalik ba siya o kailan siya babalik, at ang pagharap sa mga Cananeo sa lupang pangako ay naghihintay sa hinaharap (tingnan din sa Exodo 23:22–31). Bakit kaya gusto ng mga Israelita ng isang gintong diyus-diyusan? Bakit napakabigat ng kasalanan ng mga Israelita? Maaaring ipahiwatig sa iyo ng mga talatang ito na pag-isipan ang mga paraan na maaari kang matukso na magtiwala sa isang tao o sa isang bagay maliban sa Tagapagligtas. Mayroon ka bang anumang gusto mong gawin para mas lubos mong unahin ang Diyos sa iyong buhay? Ano ang nagbibigay-inspirasyon sa iyo tungkol sa pakiusap ni Moises sa Panginoon sa Exodo 33:11–17?

Bagama’t mabigat ang kasalanan ng mga Israelita, kabilang din sa kuwentong ito ang mensahe tungkol sa awa at pagpapatawad ng Diyos. Ano ang itinuturo sa iyo ng Exodo 34:1–10 tungkol sa Tagapagligtas? Paano ipinapaalala sa iyo ng mga ginawa ni Moises para sa mga Israelita ang ginawa ni Jesucristo para sa lahat ng tao? (tingnan sa Exodo 32:30–32; Mosias 14:4–8; 15:9; Doktrina at mga Tipan 45:3–5).

Pagsasalin ni Joseph Smith, Exodo 34:1–2 (sa Bible appendix)

Ano ang pagkakaiba ng dalawang tapyas na bato na ginawa ni Moises?

Nang bumaba sa bundok si Moses, dinala niya ang batas na nakasulat sa mga tapyas na bato. Matapos malaman na nilabag ng mga Israelita ang kanilang tipan, sinira ni Moises ang mga tapyas na bato (tingnan sa Exodo 31:18; 32:19). Kalaunan, inutusan ng Diyos si Moises na tumabas ng isa pang set ng mga tapyas na bato at ibalik ang mga ito sa bundok (tingnan sa Exodo 34:1–4). Nililinaw ng Joseph Smith Translation, Exodus 34:1–2 (sa Bible appendix) na ang unang set ng mga tapyas na bato ay kinabibilangan ng mga ordenansa ng “banal na utos” o ng Melchizedek Priesthood. Ang ikalawang set ay kinapalooban ng “batas ng makalupang mga kautusan.” Ito ay mas mababang batas na pinapangasiwaan ng “nakabababang pagkasaserdote” (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 84:17–27), na nilayong ihanda ang mga Israelita para sa mas mataas na batas at nakatataas na pagkasaserdote upang mas lubusan silang makapasok sa presensya ng Diyos.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Exodo 31:12–3, 16–17Matapos basahin ang mga talatang ito, maaaring talakayin ng inyong pamilya ang tanong ni Pangulong Russell M. Nelson tungkol sa ating pag-uugali sa araw ng Sabbath: “Anong tanda ang ibibigay ninyo sa Panginoon para ipakita ang pagmamahal ninyo sa Kanya?” (“Ang Sabbath ay Nakalulugod,” Liahona, Mayo 2015, 130). Maaaring gumawa ang inyong pamilya ng ilang karatula na ilalagay sa inyong tahanan para ipakita kung paano kayo magpapakita ng pagmamahal sa Panginoon sa araw ng Sabbath. (Tingnan din ang koleksyon ng video na “Sabbath Day—At Home” [ChurchofJesusChrist.org].)

Larawan
mga taong naglalakad sa harap ng simbahan

Sa paggalang sa araw ng Sabbath, ipinapakita natin ang ating pagmamahal sa Panginoon.

Exodo 32:1–8.Upang matulungan ang inyong pamilya na talakayin kung paano tumalikod ang mga Israelita sa Diyos, isiping gumawa ng landas sa sahig (o hanapin ang isang malapit sa inyong tahanan). Habang naglalakad sa landas, maaaring pag-usapan ng mga miyembro ng pamilya ang mga tuksong nakakaharap natin para talikuran ang “landas na ipinag-uutos ng [Panginoon].” Paano tayo mananatili sa landas? Kung naligaw tayo ng landas, paano tayo makakabalik dito? Paano tayo tinutulungan ng Tagapagligtas?

Exodo 32:26.Matapos matagpuan ang mga Israelita na sumasamba sa diyus-diyusan, itinanong ni Moises, “Sino ang nasa panig ng Panginoon?” Paano natin maipapakita na tayo ay nasa panig ng Panginoon?

Exodo 33:14–15.Maaaring magbahagi ang mga miyembro ng pamilya ng mga karanasan noong nadama nila ang ipinangako ng Diyos kay Moises: “Ako’y sasaiyo, at ikaw ay aking bibigyan ng kapahingahan.” Maaari ninyong kantahin ang isang himno tungkol sa pagsalig natin sa Diyos, tulad ng “Manatili sa Piling Ko!” (Mga Himno, blg. 97.

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Sino’ng Panig sa Diyos?Mga Himno, blg. 162.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Anyayahan ang Espiritu. Isipin kung paano nakakaimpluwensya ang sagradong musika, sining, at pagpapakita ng pagmamahal sa espirituwal na kapaligiran sa pagtuturo ninyo sa inyong pamilya (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 15).

Larawan
sinisira ni Moises ang mga tapyas na bato

Pagsamba sa Guya, ni W. C. Simmonds