Bagong Tipan 2023
Enero 30–Pebrero 5. Mateo 4; Lucas 4–5: “Ang Espiritu ng Panginoon ay Nasa Akin”


“Enero 30–Pebrero 5. Mateo 4; Lucas 4–5: ‘Ang Espiritu ng Panginoon ay Nasa Akin,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Enero 30–Pebrero 5. Mateo 4; Lucas 4–5,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

Larawan
si Jesus na nakatayo sa ilang

Into the Wilderness [Patungo sa Ilang], ni Eva Koleva Timothy

Enero 30–Pebrero 5

Mateo 4; Lucas 4–5

“Ang Espiritu ng Panginoon ay Nasa Akin”

Ginamit ng Tagapagligtas ang mga banal na kasulatan para labanan ang mga tukso ni Satanas at magpatotoo tungkol sa Kanyang sariling banal na misyon (tingnan sa Lucas 4:1–21). Pagnilayan kung paano mapapalakas ng mga banal na kasulatan ang iyong pananampalataya at ang iyong desisyon na labanan ang tukso.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Mula sa Kanyang pagkabata, tila may kamalayan na si Jesus na mayroon Siyang natatangi at sagradong misyon. Ngunit nang maghanda si Jesus na simulan ang Kanyang ministeryo sa lupa, tinangka ng kaaway na magtanim ng pag-aalinlangan sa isipan ng Tagapagligtas. “Kung ikaw ang Anak ng Diyos,” sabi ni Satanas (Lucas 4:3, idinagdag ang italics). Ngunit nanalangin nang taimtim ang Tagapagligtas sa Kanyang Ama sa Langit. Alam Niya ang mga banal na kasulatan, at alam Niya kung sino Siya. Para sa Kanya, ang alok ni Satanas—“Ibibigay ko sa iyo ang lahat ng kapangyarihang ito” (Lucas 4:6)—ay hungkag, sapagkat ang habambuhay na paghahanda ng Tagapagligtas ay nagtulot sa Kanya na tanggapin ang “kapangyarihan ng Espiritu” (Lucas 4:14). Kaya sa kabila ng tukso, mga pagsubok, at hindi pagtanggap sa Kanya, hindi kailanman nag-alinlangan si Jesucristo mula sa gawaing iniatas sa Kanya: “Kailangan ko[ng] ipangaral ang … kaharian ng Diyos, sapagkat ako ay isinugo para sa layuning ito” (Lucas 4:43).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Mateo 4:1–2

Ang taimtim na pakikipag-ugnayan sa Diyos ay naghahanda sa akin na paglingkuran Siya.

Para makapaghanda para sa Kanyang misyon, nagtungo si Jesus sa ilang “upang makasama ang Diyos” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 4:1 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]). Isipin ang ginagawa mo para mapalapit sa Diyos. Paano ka nito inihahanda para sa gawaing nais Niyang gawin mo?

Mateo 4:1–11; Lucas 4:1–13

Nagpakita ng halimbawa si Jesucristo sa akin sa pamamagitan ng paglaban sa tukso.

Kung minsan ay nakokonsiyensya ang mga tao kapag natutukso silang magkasala. Ngunit maging ang Tagapagligtas, na nabuhay nang “walang kasalanan” (Mga Hebreo 4:15), ay tinukso. Alam ni Jesucristo ang mga tuksong kinakaharap natin at kung paano tayo tutulungang madaig ang mga ito (tingnan sa Mga Hebreo 2:18; Alma 7:11–12).

Habang binabasa mo ang Mateo 4:1–11 at Lucas 4:1–13, ano ang natututuhan mo na makakatulong sa iyo kapag nahaharap ka sa mga tukso? Maaari mong iorganisa ang iyong mga ideya sa isang table na katulad nito:

Jesucristo

Ako

Jesucristo

Tinukso ni Satanas si Cristo na gawin ang anong bagay?

Ako

Tinutukso ako ni Satanas na gawin ang anong bagay?

Jesucristo

Paano naghanda si Cristo na labanan ang tukso?

Ako

Paano ako magiging handang labanan ang tukso?

Jesucristo

Ako

Anong karagdagang mga kabatiran ang natatamo mo mula sa Pagsasalin ni Joseph Smith ng Mateo 4? (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan).

Tingnan din sa 1 Corinto 10:13; Alma 13:28; Moises 1:10–22.

Lucas 4:16–32

Si Jesucristo ang ipinropesiyang Mesiyas.

Kung hihilingan kang ilarawan ang ipinagagawa kay Jesucristo kaya siya isinugo sa lupa, ano ang sasabihin mo? Sa pagbanggit sa isa sa mga propesiya ni Isaias tungkol sa Mesiyas, inilarawan ng Tagapagligtas ang mga aspeto ng Kanyang sariling misyon (tingnan sa Lucas 4:18–19; Isaias 61:1–2). Ano ang natututuhan mo tungkol sa Kanyang misyon habang binabasa mo ang mga talatang ito?

Ano ang ilang paraan na inaanyayahan kayo ng Tagapagligtas na makibahagi sa Kanyang gawain?

Larawan
si Jesus na nakatayo sa sinagoga

Kahit maraming siglo nang hinihintay ng mga Judio ang katuparan ng propesiya ni Isaias, maraming hindi tumanggap na si Jesus ang Mesiyas nang ipahayag Niyang, “Ngayo’y naganap ang kasulatang ito sa inyong pandinig” (Lucas 4:21). Habang binabasa mo ang Lucas 4:20–30 (tingnan din sa Marcos 6:1–6), subukang ilagay ang iyong sarili sa lugar ng mga mamamayan ng Nazaret. Mayroon bang anumang bagay na maaaring humadlang sa iyo na lubos na tanggapin si Cristo bilang personal mong Tagapagligtas?

Tingnan din sa Mosias 3:5–12.

Mateo 4:18–22; Lucas 5:1–11

Habang nagtitiwala ako sa Panginoon, matutulungan Niya akong maabot ang aking banal na potensyal.

Itinuro ni Pangulong Ezra Taft Benson, “Matutuklasan ng mga lalaki at babaeng isinusuko ang kanilang buhay sa Diyos na mas marami Siyang magagawa sa kanilang buhay kaysa magagawa nila” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Ezra Taft Benson [2014], 49–50). Pansinin kung paano ito nangyari kay Simon Pedro at sa kanyang mga kapwa mangingisda. Nakita ni Jesus ang isang bagay na mas dakila sa kanila kaysa sa nakita nila sa kanilang sarili. Ninais Niyang gawin silang “mga mamamalakaya ng mga tao” (Mateo 4:19; tingnan din sa Lucas 5:10).

Habang binabasa mo ang Mateo 4:18–22 at Lucas 5:1–11, pagnilayan kung anong klase ng tao ang tinutulungan ka ni Jesucristo na maging. Paano mo nadama na inaanyayahan ka Niyang sundin Siya? Paano mo maipapakita sa Panginoon na handa kang talikuran ang lahat para masunod Siya? (tingnan sa Lucas 5:11).

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Mateo 4:1–2; Lucas 4:1–2Anong mga kabatiran ang matatamo natin mula sa salaysay na ito tungkol sa kapangyarihan ng pag-aayuno? Para matulungan ang inyong pamilya na matutuhan ang tungkol sa pag-aayuno, maaari mong gamitin ang “Pag-aayuno at mga Handog-ayuno” sa Mga Paksa ng Ebanghelyo (topics.ChurchofJesusChrist.org). Maaaring magbahagi ang mga miyembro ng pamilya ng naging mga karanasan nila sa pag-aayuno. Marahil ay maaari kayong mapanalanging magplano na sama-samang mag-ayuno para sa isang partikular na layunin.

Mateo 4:3–4; Lucas 4:3–4Nang tuksuhin ni Satanas si Cristo na gawing tinapay ang isang bato, hinamon niya ang banal na pagkatao ni Cristo sa pagsasabing, “Kung ikaw ang Anak ng Diyos” (Mateo 4:3, idinagdag ang italics). Bakit sinisikap ni Satanas na pagdudahin tayo tungkol sa banal na pagkatao natin—at ng Tagapagligtas? Paano niya sinisikap na gawin ito? (Tingnan din sa Moises 1:10–23.)

Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 4:11.Matapos subukan si Jesus sa pisikal at espirituwal, bumaling ang Kanyang isipan sa mga pangangailangan ni Juan Bautista, na nakabilanggo: “At ngayon napag-alaman ni Jesus na si Juan ay itinapon sa bilangguan, at nagsugo siya ng mga anghel, at masdan, sila ay nagsidating at naglingkod sa kanya [kay Juan]” (Pagsasalin ni Joseph Smith, Mateo 4:11 [sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan]). Paano tayo pinagpapala kapag tinutuluran natin ang halimbawa ni Cristo na isipin ang iba?

Lucas 4:16–21.May kilala ba tayong sinuman na nagdadalamhati o kailangang “palayain”? (Lucas 4:18). Paano natin matutulungan ang iba na matanggap ang pagpapagaling at pagpapalaya ng Tagapagligtas? Maaari mo ring talakayin kung paano tumutulong ang pagsasagawa ng mga ordenansa sa templo sa “[pagpapalaya] sa mga bihag” (Lucas 4:18).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing himno: “Magsisunod Kayo sa Akin,” Mga Himno, blg. 67.

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Ipamuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. “Ang pinakamahalagang bagay marahil na magagawa mo [bilang magulang o guro] ay … ipamuhay ang ebanghelyo nang buong puso. … Ito ang pangunahing paraan para maging karapat-dapat sa patnubay ng Espiritu Santo. Hindi mo kailangang maging perpekto, magsikap lang nang masigasig—at hangaring mapatawad sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas kapag nagkamali ka” (Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas13).

Larawan
si Jesus na tinatawag ang mga Apostol na maging mga mamamalakaya ng mga tao

Christ Calling the Apostles James and John [Tinatawag ni Cristo ang mga Apostol na sina Santiago at Juan], Edward Armitage (1817–96)/Sheffield Galleries and Museums Trust, UK/© Museums Sheffield/The Bridgeman Art Library International