Bagong Tipan 2023
Enero 23–29. Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3: “Ihanda Ninyo ang Daan ng Panginoon”


“Enero 23–29. Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3: ‘Ihanda Ninyo ang Daan ng Panginoon,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Enero 23–29. Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

Larawan
binibinyagan ni Juan Bautista si Jesus

Stained-glass window sa Nauvoo Illinois Temple, ni Tom Holdman

Enero 23–29

Mateo 3; Marcos 1; Lucas 3

“Ihanda Ninyo ang Daan ng Panginoon”

Magsimula sa pagbasa ng Mateo 3; Marcos 1; at Lucas 3. Habang ipinagdarasal mo na tulungan ka ng Espiritu Santo na maunawaan ang mga kabanatang ito, bibigyan ka Niya ng mga ideya na para lamang sa iyo. Itala ang mga impresyong ito, at magplanong kumilos ayon sa mga ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Maaari kang baguhin ni Jesus at ng Kanyang ebanghelyo. Binanggit ni Lucas ang isang sinaunang propesiya ni Isaias na naglarawan sa magiging epekto ng pagparito ng Tagapagligtas: “Bawat libis ay matatambakan, at bawat bundok at burol ay papatagin, at ang liko ay tutuwirin, at ang mga baku-bakong daan ay papantayin” (Lucas 3:5; tingnan din sa Isaias 40:4). Ito ay isang mensahe para sa ating lahat, pati na sa mga taong nag-iisip na hindi nila kayang magbago. Kung maaaring patagin ang isang bagay na kasing permanente ng bundok, tiyak na matutulungan tayo ng Panginoon na ituwid ang sarili nating mga baluktot na landas (tingnan sa Lucas 3:4–5). Kapag tinanggap natin ang paanyaya ni Juan Bautista na magsisi at magbago, inihahanda natin ang ating puso’t isipan na tanggapin si Jesucristo upang atin ding “[makita] ang pagliligtas ng Diyos” (Lucas 3:6).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Sino si Marcos?

Sa lahat ng may-akda ng mga Ebanghelyo, pinakakaunti ang alam natin tungkol kay Marcos. Alam natin na siya ay naging missionary companion nina Pablo, Pedro, at ng ilang iba pang missionary. Maraming iskolar ng Biblia ang naniniwala na inutusan ni Pedro si Marcos na itala ang mga pangyayari sa buhay ng Tagapagligtas. Ang Ebanghelyo ni Marcos ay malamang na isinulat bago ang tatlong iba pa.

Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Marcos.”

Mateo 3:1–12; Marcos 1:1–8; Lucas 3:2–18

Ang pagsisisi ay isang malaking pagbabago ng puso’t isipan.

Ang misyon ni Juan Bautista ay ang ihanda ang puso ng mga tao na tanggapin ang Tagapagligtas at maging lalong katulad Niya. Paano niya ginawa iyon? Ipinahayag niya, “Magsisi kayo” (Mateo 3:2). At gumamit siya ng mga imaheng tulad ng prutas at trigo para magturo tungkol sa pagsisisi (tingnan sa Lucas 3:9, 17).

Anong iba pang mga imahe ang nakita mo sa mga salaysay tungkol sa ministeryo ni Juan Bautista? (tingnan sa Mateo 3:1–12; Marcos 1:1–8; Lucas 3:2–18). Isiping markahan ang mga ito sa iyong mga banal na kasulatan o gumuhit ng mga larawan ng mga ito. Ano ang itinuturo ng mga imaheng ito tungkol sa doktrina at pangangailangang magsisi?

Ang tunay na pagsisisi ay “ang pagbabago ng pag-iisip at kalooban na nagdudulot ng pangkalahatang bagong saloobin sa Diyos, sa sarili, at sa buhay. … [Nangangahulugan ito] na ang isang tao ay … itinutuon ang kanyang puso at kalooban sa Diyos” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Magsisi, Pagsisisi”). Sa Lucas 3:7–14, anong mga pagbabago ang ipinagawa ni Juan sa mga tao upang maghanda sa pagtanggap kay Cristo? Paano maaaring umangkop sa iyo ang payong ito? Paano mo maipapakita na tunay ka nang nagsisi? (tingnan sa Lucas 3:8).

Tingnan din sa Russell M. Nelson, “Maaari Tayong Gumawa nang Mas Mahusay at Maging Mas Mahusay,” Liahona, Mayo 2019, 67–69; Dallin H. Oaks, “Nalinis sa Pamamagitan ng Pagsisisi,” Liahona, Mayo 2019, 91–94.

Mateo 3:7; Lucas 3:7

Sino ang mga Fariseo at Saduceo?

Ang mga Fariseo ay mga miyembro ng isang pangkat ng relihiyong Judio na nagmalaki na mahigpit nilang sinusunod ang batas ni Moises at ang mga ritwal nito. Ang mga Saduceo ay isang klase ng mayayamang Judio na may malaking impluwensya sa relihiyon at pulitika; hindi sila naniwala sa doktrina ng pagkabuhay na mag-uli. Ang dalawang grupong ito ay lumihis sa orihinal na layunin ng mga batas ng Diyos.

Tingnan din sa Mateo 23:23–28; Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Fariseo, Mga” “Saduceo, Mga.”

Mateo 3:11, 13–17; Marcos 1:9–11; Lucas 3:15–16, 21–22

Si Jesucristo ay bininyagan upang “ganapin ang lahat ng katwiran.”

Noong bininyagan ka, sinunod mo ang halimbawa ng Tagapagligtas. Ikumpara ang natutuhan mo mula sa mga salaysay tungkol sa binyag ng Tagapagligtas sa nangyari noong bininyagan ka.

Ang Binyag ng Tagapagligtas

Ang Aking Binyag

Ang Binyag ng Tagapagligtas

Sino ang nagbinyag kay Jesus, at anong awtoridad ang hawak niya?

Ang Aking Binyag

Sino ang nagbinyag sa iyo, at anong awtoridad ang hawak niya?

Ang Binyag ng Tagapagligtas

Saan bininyagan si Jesus?

Ang Aking Binyag

Saan ka bininyagan?

Ang Binyag ng Tagapagligtas

Paano bininyagan si Jesus?

Ang Aking Binyag

Paano ka bininyagan?

Ang Binyag ng Tagapagligtas

Bakit bininyagan si Jesus?

Ang Aking Binyag

Bakit ka bininyagan?

Ang Binyag ng Tagapagligtas

Paano ipinakita ng Ama sa Langit na nalugod Siya kay Jesus?

Ang Aking Binyag

Paano ipinakita ng Ama sa Langit na nalugod Siya noong bininyagan ka? Paano Niya ipinakita ang Kanyang pagsang-ayon simula noon?

Tingnan din sa 2 Nephi 31; Mosias 18:8–11; Doktrina at mga Tipan 20:37, 68–74.

Mateo 3:16–17; Marcos 1:9–11; Lucas 3:21–22

Ang mga miyembro ng Panguluhang Diyos ay tatlong magkakahiwalay na personahe.

Ang Biblia ay naglalaman ng maraming katibayan na ang mga miyembro ng Panguluhang Diyos ay tatlong magkakahiwalay na personahe. Ang mga salaysay tungkol sa binyag ng Tagapagligtas ay isang halimbawa. Habang binabasa mo ang mga salaysay na ito, pagnilayan ang natututuhan mo tungkol sa Panguluhang Diyos. Bakit mahalaga ang mga doktrinang ito sa iyo?

Tingnan din sa Genesis 1:26; Mateo 17:1–5; Juan 17:1–3; Mga Gawa 7:55–56; Doktrina at mga Tipan 130:22.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Mateo 3.Hawak noon ni Juan Bautista ang Aaronic Priesthood. Ano ang matututuhan natin mula sa halimbawa ni Juan tungkol sa mga layunin ng Aaronic Priesthood? Anong mga pagpapala ang natatanggap natin dahil sa Aaronic Priesthood? Kung may binatilyo sa inyong pamilya, maaari kayong maglaan ng oras para ipaunawa sa kanya kung paano niya magagamit ang Aaronic Priesthood para pagpalain ang iba. (Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 13:1; 20:46–60.)

Larawan
binatang nagbibinyag sa isa pa

Nahuhugasan ang ating mga kasalanan habang binibinyagan tayo.

Mateo 3:11–17; Marcos 1:9–11; Lucas 3:21–22Nakakita na ba ng isang taong binibinyagan o kinukumpirmang miyembro ng Simbahan ang mga miyembro ng inyong pamilya? Ano ang nadama ng mga miyembro ng pamilya? Marahil ay maaari kang magturo sa kanila tungkol sa simbolismo ng binyag at kumpirmasyon. Paano parang panibagong pagsilang ang mabinyagan at makumpirma? Bakit tayo inilulubog nang lubusan sa tubig kapag binibinyagan tayo? Bakit tayo nagsusuot ng puting damit kapag binibinyagan tayo? Bakit inilalarawan ang kaloob na Espiritu Santo bilang “pagbibinyag ng apoy”? (Doktrina at mga Tipan 20:41; tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagbibinyag, Binyagan,” “Espiritu Santo”).

Mateo 3:17; Marcos 1:11; Lucas 3:22.Kailan natin nadama na nalugod ang Diyos sa atin? Ano ang magagawa natin bilang pamilya para malugod sa atin ang Diyos?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Pagbibinyag,” Aklat ng mga Awit Pambata, 54–55.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Humingi ng tulong sa Panginoon. Ang mga banal na kasulatan ay ibinigay sa pamamagitan ng paghahayag, at kailangan natin ng personal na paghahayag para talagang maunawaan ang mga ito. Nangako ang Panginoon, “Humingi kayo, at kayo ay bibigyan; humanap kayo, at kayo ay makakatagpo, tumuktok kayo, at kayo’y pagbubuksan” (Mateo 7:7).

Larawan
si Juan na binibinyagan si Jesus

John the Baptist Baptizing Jesus [Binibinyagan ni Juan Bautista si Jesus], ni Greg K. Olsen