Bagong Tipan 2023
Pebrero 6–12. Juan 2–4: “Kailangang Kayo’y Ipanganak na Muli”


“Pebrero 6–12. Juan 2–4: ‘Kailangang Kayo’y Ipanganak na Muli,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Bagong Tipan 2023 (2022)

“Pebrero 6–12. Juan 2–4,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2023

Larawan
si Jesus na kausap si Nicodemo

Pebrero 6–12

Juan 2–4

“Kailangang Kayo’y Ipanganak na Muli”

Habang binabasa mo ang Juan 2–4, tuturuan ka ng Espiritu ng mga bagay tungkol sa sarili mong pagbabalik-loob. Itala ang Kanyang mga pahiwatig. Maaari kang makakita ng karagdagang espirituwal na mga kabatiran mula sa mga ideya sa pag-aaral sa outline na ito.

Itala ang Iyong mga Impresyon

Sa isang piging sa kasal sa Cana, ginawang alak ni Cristo ang tubig—isang pangyayaring tinawag ni Juan na “una sa kanyang mga [himala]” (Juan 2:11). Totoo iyan hindi lamang sa iisang paraan. Bagama’t ito ang unang himalang ginawa ni Jesus sa harap ng publiko, maaari din itong sumagisag sa isa pang mahimalang simula—sa proseso ng pagbabago ng ating puso habang lalo tayong nagiging katulad ng ating Tagapagligtas. Ang himalang ito ng isang buhay ay nagsisimula sa desisyong sundin si Jesucristo, magbago at magkaroon ng mas magandang buhay sa pamamagitan Niya. Ang himalang ito ay maaaring lubhang nakapagpapabago ng buhay kaya ang “ipanganak na muli” ay isa sa pinakamaiinam na paraan para mailarawan ito (Juan 3:7). Ngunit ang pagsilang na muli ay simula pa lamang ng landas tungo sa pagkadisipulo. Ang mga salita ni Cristo sa Samaritana sa tabi ng balon ay nagpapaalala sa atin na kung magpapatuloy tayo sa landas na ito, ang ebanghelyo kalaunan ay magiging “isang bukal ng tubig” sa ating kalooban, na “tungo sa buhay na walang hanggan” (Juan 4:14).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Juan 2:1–11

Ang mga himala ni Jesucristo ay “[naghayag ng] kanyang kaluwalhatian.”

Habang binabasa mo na ginawang alak ng Tagapagligtas ang tubig sa Juan 2:1–11, maaari kang magkaroon ng karagdagang mga kabatiran sa pamamagitan ng pagsasaalang-alang sa mga pananaw ng iba’t ibang tao na naroon, kabilang na si Maria, ang mga disipulo, at iba pa. Kung nasaksihan mo ang mga pangyayaring inilarawan dito, ano kaya ang magiging impresyon mo kay Jesus? Ano ang itinuturo sa iyo ng himalang ito tungkol kay Jesus?

Juan 3:1–21

Kailangan akong ipanganak na muli upang makapasok sa kaharian ng Diyos.

Nang lihim na pinuntahan ni Nicodemo si Jesus, maingat siyang nagmasid. Gayunman, kalaunan, hayagan niyang ipinagtanggol si Jesus (tingnan sa Juan 7:45–52) at sumama siya sa mga nananalig nang ilibing ang Tagapagligtas (tingnan sa Juan 19:38–40). Anong mga turo ang nakikita mo sa Juan 3:1–21 na maaaring nagbigay-inspirasyon kay Nicodemo na sundin si Jesus at ipanganak na muli?

Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Ang pagkapanganak na muli, ay ipinararating ng Espiritu ng Diyos sa pamamagitan ng mga ordenansa” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 112). Anong papel ang ginampanan ng iyong binyag at kumpirmasyon—ng “ipanganak ng tubig at ng Espiritu” (Juan 3:5)—sa iyong pagkapanganak na muli? Ano ang ginagawa mo para maipagpatuloy ang prosesong ito ng pagbabago? (tingnan sa Alma 5:11–14).

Tingnan din sa Mosias 5:7; 27:25–26; David A. Bednar, “Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli,” Liahona, Mayo 2007, 19–22.

Juan 3:16–17

Ipinapakita ng Ama sa Langit ang Kanyang pagmamahal sa akin sa pamamagitan ni Jesucristo.

Itinuro ni Elder Jeffrey R. Holland, “Ang una at dakilang katotohanan sa kawalang-hanggan ay [na] mahal tayo ng Diyos nang buo Niyang puso, kakayahan, pag-iisip, at lakas” (“Bukas ay Gagawa ng mga Kababalaghan ang Panginoon sa Inyo,” Liahona, Mayo 2016, 127). Paano mo nadama ang pagmamahal ng Diyos sa pamamagitan ng kaloob ng Kanyang Anak?

Ang sakramento ay nagbibigay ng oras upang magmuni-muni tungkol sa pagmamahal ng Diyos at sa kaloob ng Kanyang Anak. Anong mga himno sa sakramento ang nagpapadama sa iyo ng pagmamahal na ito? Ano ang magagawa mo para maging mas makabuluhan ang sakramento?

Habang patuloy kang nagbabasa tungkol sa mga turo at ministeryo ng Tagapagligtas, itanong sa iyong sarili kung paano naipauunawa at naipadarama sa iyo ng mga bagay na binabasa mo ang pagmamahal ng Diyos.

Juan 4:24

Ang Diyos ba ay espiritu?

Maaaring naguguluhan ang ilan sa sinabi ni Jesus na ang Diyos ay isang espiritu. Ang Pagsasalin ni Joseph Smith ng talatang ito ay nagbibigay ng mahalagang paglilinaw: “Sapagkat sa mga yaon ipinangako ng Diyos ang kanyang Espiritu” (sa Pagsasalin ni Joseph Smith, Juan 4:26 sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan). Itinuturo din ng makabagong paghahayag na ang Diyos ay may katawang may laman at mga buto (tingnan sa Doktrina at Mga Tipan 130:22–23; tingnan din sa Genesis 5:1–3; Mga Hebreo 1:1–3).

Juan 4:5–26

Inaalok sa akin ni Cristo ang Kanyang tubig na buhay.

Ano kaya ang ibig sabihin ni Jesus nang sabihin Niya sa Samaritana na sinumang uminom ng tubig na inaalok Niya ay hindi mauuhaw kailanman? Paano naging katulad ng tubig na buhay ang ebanghelyo?

Larawan
batis ng tubig

Ang ebanghelyo ni Cristo ang tubig na buhay na bumubusog sa ating kaluluwa.

Ang isa sa mga mensahe ng Tagapagligtas sa Samaritana ay na mas mahalaga ang paraan ng ating pagsamba kaysa kung saan tayo sumasamba (tingnan sa Juan 4:21–24). Ano ang ginagawa mo upang “[sambahin] ang Ama sa espiritu at katotohanan”? (Juan 4:23).

Tingnan din sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Pagsamba,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org; Dean M. Davies, “Ang mga Pagpapala ng Pagsamba,” Liahona, Nob. 2016, 93–95.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Home Evening

Juan 2–4.Habang binabasa ng inyong pamilya ang mga kabanatang ito ngayong linggo, bigyan ng espesyal na pansin kung paano ginamit ng Tagapagligtas ang mga bagay sa araw-araw—pagsilang, hangin, tubig, at pagkain—para magturo ng mga espirituwal na katotohanan. Anong mga bagay sa inyong tahanan ang magagamit mo para magturo ng mga espirituwal na katotohanan?

Juan 2:13–17.Anong maruruming impluwensya ang hindi dapat ipasok ng inyong pamilya sa inyong tahanan para manatili itong isang sagradong lugar—tulad ng templo? Ano ang gagawin mo para hindi makapasok ang mga bagay na ito?

Juan 3:1–6.Kausapin ang inyong pamilya tungkol sa himala ng pagbubuntis at panganganak—ang proseso ng paglikha ng isang buhay at matalinong nilalang. Itinuro ni Jesus na kailangan tayong isilang na muli bago makapasok sa kaharian ng Diyos. Bakit magandang metapora ang pagsilang na muli para sa pagbabagong kailangan nating gawin bago tayo makapasok sa kaharian ng Diyos? Paano natin mararanasan ang proseso ng espirituwal na pagsilang na muli?

Juan 3:16–17.Anyayahan ang mga miyembro ng pamilya na muling ipahayag ang mga talatang ito sa sarili nilang mga salita na para bang ipinaliliwanag nila ang mga ito sa isang kaibigan. Paano tayo natulungan ni Jesucristo na madama ang pagmamahal ng Diyos?

Juan 4:5–15.Ano ang itinuturo sa atin ng Tagapagligtas nang ikumpara Niya ang Kanyang ebanghelyo sa tubig na buhay? Maaari sigurong tingnan ng inyong pamilya ang dumadaloy na tubig at ilarawan ang mga katangian ng tubig. Bakit tayo kailangang uminom ng tubig araw-araw? Sa anong mga paraan natutulad ang ebanghelyo ni Jesucristo sa “isang bukal ng tubig tungo sa buhay na walang hanggan”? (Juan 4:14).

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Aking Nadarama ang Pag-ibig ni Cristo,” Aklat ng mga Awit Pambata, 42.

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Maghanap ng mga simbolo. Ang mga banal na kasulatan ay kadalasang gumagamit ng mga bagay, pangyayari, o kilos upang sumagisag sa mga espirituwal na katotohanan. Mapagyayaman ng mga simbolong ito ang pag-unawa mo sa doktrinang itinuturo. Halimbawa, itinulad ng Tagapagligtas ang pagbabalik-loob sa pagsilang na muli.

Larawan
si Jesus at ang Samaritana sa tabi ng balon

Living Water [Tubig na Buhay], ni Simon Dewey