Doktrina at mga Tipan 2021
Mayo 3–9. Doktrina at mga Tipan 46–48: “Masigasig Ninyong Hanapin ang mga Pinakamahusay na Kaloob”


“Mayo 3–9. Doktrina at mga Tipan 46–48: ‘Masigasig Ninyong Hanapin ang mga Pinakamahusay na Kaloob,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Mayo 3–9. Doktrina at mga Tipan 46–48,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

Larawan
mga tao na nagmimiting sa tabi ng lawa

The Camp Meeting, ni Worthington Whittredge

Mayo 3–9

Doktrina at mga Tipan 46–48

“Masigasig Ninyong Hanapin ang mga Pinakamahusay na Kaloob”

Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 46–48, isulat ang mga impresyong natatanggap mo. Pagkatapos ay maaari mong itanong, tulad ng iminungkahi ni Elder Richard G. Scott, na “May dapat pa ba akong malaman?” (“Upang Magtamo ng Espirituwal na Patnubay,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 8).

Itala ang Iyong mga Impresyon

Habang sina Parley P. Pratt, Oliver Cowdery, Ziba Peterson, at Peter Whitmer Jr. ay paalis ng Kirtland at may iba nang gagawin, iniwan nila ang mahigit isandaang mga convert na lubos na masisigasig ngunit walang gaanong karanasan o direksyon. Noon ay walang mga hanbuk na naglalaman ng mga tagubilin, walang mga leadership training meeting, walang mga brodkast ng pangkalahatang kumperensya—sa katunayan, ni hindi rin marami ang kopya ng Aklat ni Mormon na magagamit. Marami sa mga bagong mananampalatayang ito ang naakit sa ipinanumbalik na ebanghelyo dahil sa pangako na kagila-gilalas na mga pagpapahayag ng Espiritu, lalo na sa nalaman nila tungkol sa pag-aaral ng Bagong Tipan (tingnan, halimbawa, sa I Mga Taga Corinto 12:1–11). Hindi nagtagal, ilang di-pangkaraniwang paraan ng pagsamba—kabilang na ang pagbagsak sa lupa o pamimilipit na parang ahas—ang pinasimulan sa mga miting nila sa Simbahan. Nahirapan ang marami na mahiwatigan kung aling mga pagpapahayag ang mula sa Espiritu at alin ang hindi. Sa nakitang pagkalito, nagdasal si Joseph Smith para humingi ng tulong. Ang sagot ng Panginoon ay mahalaga pa rin ngayon, kapag tinatanggihan o binabalewala kadalasan ng mga tao ang mga bagay na nauugnay sa Espiritu. Inihayag ng Panginoon na totoo ang mga espirituwal na pagpapahayag at nilinaw kung ano ang mga ito—mga kaloob mula sa mapagmahal na Ama sa Langit, na “ibinigay para sa kapakinabangan ng mga yaong nagmamahal sa [Kanya] at sumusunod sa lahat ng [Kanyang] kautusan” (Doktrina at mga Tipan 46:9).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 46:1–6

Lahat ng masigasig na naghahanap ay malugod na tinatanggap upang sumamba sa Simbahan ng Panginoon.

Ang mga miting ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay dapat kabilang sa mga pagtitipon sa mundo na pinaka nakapagpapadama ng pagtanggap at pinaka nakapagbibigay-inspirasyon. Paano tayo pinapayuhan ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 46:1–6 na tanggapin ang mga dumadalo sa mga miting natin? Nadarama ba ng iyong mga kaibigan at ng mga tao sa iyong paligid ang malugod na pagtanggap sa kanila sa mga oras ng pagsamba sa inyong ward? Ano ang ginagawa mo upang ang mga miting ng Simbahan ay maging mga lugar na nais balikan ng mga tao? Pag-isipan kung paano makakaapekto sa iyong karanasan ang iyong mga pagsisikap na sundin ang Espiritu Santo sa mga miting ng Simbahan.

Tingnan din sa 3 Nephi 18:22–23; Moroni 6:5–9; “Welcome,” video, ComeUntoChrist.org; “Religious Enthusiasm among Early Ohio Converts,” Revelations in Context, 105–11.

Doktrina at mga Tipan 46:7–33

Ang Diyos ay nagbigay ng mga espirituwal na kaloob upang pagpalain ang Kanyang mga anak.

Ang naunang mga Banal ay naniwala sa mga espirituwal na kaloob ngunit nangailangan ng kaunting paggabay tungkol sa layunin ng mga ito. Sa pag-aaral mo ng tungkol sa mga kaloob ng Espiritu gamit ang Doktrina at mga Tipan 46:7–33, isipin kung bakit mahalaga na “alalahanin [mo] sa tuwina kung para saan ibinigay ang mga ito” (talata 8). Isipin kung paano naaangkop ang mga talatang ito sa pahayag na ito mula kay Elder Robert D. Hales: “Ang mga kaloob na ito ay ibinigay sa mga taong tapat kay Cristo. Tutulungan tayo ng mga ito na malaman at maituro ang mga katotohanan ng ebanghelyo. Tutulungan tayo ng mga ito na pagpalain ang iba. Gagabayan tayo ng mga ito pabalik sa ating Ama sa Langit” (“Gifts of the Spirit,” Ensign, Peb. 2002, 16). Ano pa ang natutuhan mo mula sa mga talatang ito tungkol sa mga espirituwal na pagpapahayag? Paano makatutulong ang mga katotohanang ito upang ikaw ay “hindi malinlang”? (talata 8).

Isipin kung ano ang iyong mga espirituwal na kaloob—at kung paano mo magagamit ang mga ito “para sa kapakinabangan ng mga anak ng Diyos” (talata 26). Kung mayroon kang patriarchal blessing, malamang na tinukoy nito ang mga kaloob na ibinigay sa iyo.

Tingnan din sa Gospel Topics, “Kaloob ng Espiritu, Mga,” scriptures.ChurchofJesusChrist.org.

Doktrina at mga Tipan 47

Nais ng Panginoon na sumulat o mag-ingat ng kasaysayan ang Kanyang Simbahan.

Ang tungkulin ni John Whitmer na sumulat o mag-ingat ng kasaysayan ng Simbahan ay pagpapatuloy sa matagal nang tradisyon ng mga tagapag-ingat ng talaan sa mga tao ng Diyos (tingnan sa 2 Nephi 29:11–12; Moises 6:5; Abraham 1:28, 31). Sa katunayan, mayroon pa ring tungkulin na Church Historian at Recorder ngayon. Bakit kaya napakahalaga sa Panginoon ang pagsusulat o pag-iingat ng kasaysayan? Pag-isipan ito habang binabasa mo ang Kanyang mga tagubilin kay John Whitmer tungkol sa tungkuling ito sa bahagi 47. Isaalang-alang mo rin kung anong mga personal na karanasan ang kailangan mong isulat o irekord. Halimbawa, ano ang itinuro sa iyo ng Panginoon na gusto mong maalala palagi?

Habang pinag-iisipan mo ang mga tanong na ito, isaalang-alang ang kabatirang ito mula kay Elder Marlin K. Jensen ng Pitumpu, na naglingkod bilang Church Historian at Recorder mula 2005 hanggang 2012:

“Nag-iingat tayo ng talaan upang tulungan tayong makaalala. … Nais nating tulungan ang mga miyembro ng Simbahan na alalahanin ang mga dakilang bagay na nagawa ng Diyos para sa Kanyang mga anak. … Ang mga aral mula sa nakaraan ay tumutulong sa atin na makaagapay sa ating kasalukuyan at nagbibigay sa atin ng pag-asa para sa ating hinaharap” (“There Shall Be a Record Kept among You,” Ensign, Dis. 2007, 28, 33).

Para malaman pa ang tungkol sa gawain sa kasalukuyan na ginagawa sa ilalim ng pamamahala ng Church Historian, bisitahin ang history.ChurchofJesusChrist.org.

Larawan
John Whitmer

Si John Whitmer ay tinawag na magsulat o mag-ingat ng kasaysayan ng Simbahan.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Doktrina at mga Tipan 46:2–6.Ano ang magagawa natin bilang pamilya para matiyak na nadarama ng iba na malugod silang tinatanggap sa ating mga miting sa Simbahan? (tingnan din sa 3 Nephi 18:22–23). Ang larawan na kasama sa outline na ito ay makadaragdag sa talakayang ito.

Doktrina at mga Tipan 46:7–26.Anong mga espirituwal na kaloob ang nakikita natin sa isa’t isa? Paano mapagpapala ng mga kaloob na iyon ang ating pamilya?

Doktrina at mga Tipan 47.Paano ninyo mahihikayat ang inyong pamilya na itala ang kanilang mga personal na kasaysayan sa buong linggo? Maaari ninyong ibahagi ang ilan sa mga isinulat ninyo sa inyong personal journal o ikuwento ang tungkol sa isang ninuno (tingnan sa FamilySearch.org). May mga pamilyang naglalaan ng ilang minuto bawat linggo para makapagsulat ang lahat sa kanilang journal. Maaari kayong magbigay ng ilang mga ideya kung ano ang isusulat sa journal, tulad ng “Ano ang nangyari sa linggong ito na gusto ninyong malaman ng inyong mga apo?” o “Paano ninyo nakita ang impluwensya ng Panginoon sa inyong buhay sa linggong ito?” Maaaring idrowing ng maliliit na bata ang mga nangyari sa kanila, o maaari mo silang irekord habang nagkukuwento sila. Anong mga pagpapala ang nagmumula sa pag-iingat ng “maayos na kasaysayan”? (talata 1).

Doktrina at mga Tipan 48.Iniutos sa mga Banal sa Ohio na ibahagi ang kanilang lupain sa mga taong lumilipat noon sa Ohio mula sa silangang bahagi ng Estados Unidos. Ano ang maaari nating ibahagi upang matugunan ang mga pangangailangan ng ibang tao?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan ang outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awitin: “Ako Ba’y May Kabutihang Nagawa?” (Mga Himno, blg. 135).

Pagpapahusay ng Ating Pagtuturo

Gumamit ng mga kuwento at halimbawa. Ang Tagapagligtas ay kadalasang gumagamit noon ng mga kuwento at talinghaga upang ituro ang mga alituntunin ng ebanghelyo. Mag-isip ng mga halimbawa at kuwento mula sa sarili ninyong buhay na maaaring magbigay-buhay sa isang alituntunin ng ebanghelyo para sa inyong pamilya (tingnan sa Pagtuturo sa Paraan ng Tagapagligtas, 22).

Larawan
mga tao sa simbahan

Ang Ama sa Langit ay nagbibigay sa Kanyang mga anak ng mga espirituwal na kaloob upang pagpalain ang buhay ng ibang tao.