Doktrina at mga Tipan 2021
Abril 26–Mayo 2. Doktrina at mga Tipan 45: “Ang mga Pangako … ay Matutupad”


“Abril 26–Mayo 2. Doktrina at mga Tipan 45: ‘Ang mga Pangako … ay Matutupad,’” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: Doktrina at mga Tipan 2021 (2020)

“Abril 26–Mayo 2. Doktrina at mga Tipan 45,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Indibiduwal at Pamilya: 2021

Larawan
mga kabataan sa labas ng templo

Abril 26–Mayo 2

Doktrina at mga Tipan 45

“Ang mga Pangako … ay Matutupad”

Itinuro ni Pangulong Russell M. Nelson: “Isulat ang mga naiisip ninyo. Itala ang inyong nadama at isagawa ang mga kilos na nahihikayat kayong gawin” (“Paghahayag para sa Simbahan, Paghahayag para sa Ating Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2018, 95).

Itala ang Iyong mga Impresyon

Nabubuhay tayo sa mapanganib na panahon, at nakakabagabag iyan. Maging ang mga disipulo ni Jesus, nang marinig nila na nagpopropesiya Siya tungkol sa mga kalamidad na mangyayari sa ating panahon, ay “nabagabag” (Doktrina at mga Tipan 45:34). Ang naunang mga Banal sa Kirtland, Ohio, ay nabagabag din ng mapanganib nilang panahon. Bukod sa iba pang bagay, “maraming maling ulat … at hangal na kuwento” ang sumisira sa mensahe ng ebanghelyo (Doktrina at mga Tipan 45, section heading). Ngunit ang sagot ng Panginoon, noon at ngayon ay, “huwag kayong mabagabag” (talata 35). Oo, nariyan ang kasamaan, ngunit may katibayan din na pinabibilis ng Diyos ang Kanyang gawain. Oo, may mga panganib na ipinropesiyang darating bago ang Ikalawang Pagparito, at dapat alam natin ang tungkol sa mga ito. Ngunit ang mga ito ay hindi lamang mga babala ng panganib; ang mga ito ay tanda rin na malapit nang matupad ang mga pangako ng Diyos. Marahil ito ang dahilan kung bakit ang Doktrina at mga Tipan 45—isang paghahayag na naglalarawan nang detalyado sa marami sa mga palatandaang ito—ay natanggap “sa kagalakan ng mga Banal” (section heading).

Larawan
icon ng personal na pag-aaral

Mga Ideya para sa Personal na Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Doktrina at mga Tipan 45:1–5

Si Jesucristo ang ating Tagapamagitan sa Ama.

Naramdaman mo na ba na may kakulangan ka o hindi ka karapat-dapat sa harapan ng Diyos? Maaari mong matagpuan ang katiyakan sa Doktrina at mga Tipan 45:1–5. Ano ang ipinahihiwatig sa iyo ng mga salitang tulad ng “tagapamagitan” at “nagsusumamo”? Paano namamagitan ang Tagapagligtas para sa iyo, o isinasamo ang iyong kapakanan? Ano ang ibig sabihin sa iyo ng malaman na si Cristo ang iyong Tagapamagitan?

Ang mga salita ni Pangulong Joseph Fielding Smith ay makatutulong sa iyo na pag-isipan ang mga talatang ito: “Si Jesus [ay] ating Tagapamagitan, na nagsusumamo para sa atin bilang ating tagapamagitan sa pamamagitan ng kanyang ministeryo at gawain upang ipagkasundo tayo, upang iayon tayo sa Diyos” (sa Conference Report, Okt. 1953, 58).

Tingnan din sa 2 Nephi 2:8–9; Mosias 15:7–9; Moroni 7:27–28; Doktrina at mga Tipan 29:5; 62:1.

Doktrina at mga Tipan 45:9–10

Ang ebanghelyo ay isang sagisag sa mga bansa.

Noong unang panahon, ang sagisag ay isang bandila o watawat na dinadala sa digmaan. Tinitipon at pinagkakaisa nito ang mga kawal at nakatutulong sa kanila na malaman kung saan magtitipon at ano ang gagawin. Ang sagisag ay isang halimbawa rin o patakaran na maaaring maging sukatan ng iba pang mga bagay. Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 45:9–10, pag-isipan kung paano naging isang pamantayan para sa iyo ang mga tipan ng ebanghelyo. Ano ang mababago sa buhay mo kung wala sa iyo ang mga tipang ito?

Tingnan din sa Isaias 5:26; 11:10–12; Doktrina at mga Tipan 115:5–6.

Doktrina at mga Tipan 45:11–75

Ang mga pangako ng Panginoon ay matutupad.

Magkakaroon ng digmaan, kasamaan, at pagkawasak bago ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas. Ngunit “huwag kayong mabagabag,” ang sabi ng Panginoon, “sapagkat, sa panahong ang mga bagay na ito ay mangyari, malalaman ninyo na ang mga pangakong ginawa sa inyo ay matutupad” (Doktrina at mga Tipan 45:35).

Kapag pinag-aralan mo ang Doktrina at mga Tipan 45:11–75, maaari kang magtuon hindi lamang sa mga nakababagabag na pangyayari na ipinropesiya kundi pati sa mga pagpapalang ipinangako ng Panginoon (halimbawa, ang mga pangako sa mga talata 54–59 tungkol sa paghahari ng Tagapagligtas sa milenyo). Magagawa mo ito sa pamamagitan ng paglilista o paglalagay ng label o pagmamarka sa mga talata. Ano ang nakikita mong makatutulong sa iyo upang “huwag mabagabag” tungkol sa mga huling araw?

Doktrina at mga Tipan 45:31–32, 56–57

“Tatayo sa mga banal na lugar,” at hindi matitinag.

Ang isang dahilan kung bakit tinuturuan tayo ng Tagapagligtas at ng Kanyang mga propeta tungkol sa mga palatandaan ng Ikalawang Pagparito ay upang tulungan tayong maghanda. Ano ang natutuhan mo sa Doktrina at mga Tipan 45:31–32, 56–57 tungkol sa paghahanda para sa Ikalawang Pagparito ng Panginoon? Maaaring makatulong na rebyuhin ang talinghaga tungkol sa sampung dalaga, na matatagpuan sa Mateo 25:1–13. Ikinumpara ng Tagapagligtas ang langis sa talinghagang ito sa katotohanan at sa Banal na Espiritu (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 45:57). Anong mga kaalaman ang natamo mo nang basahin mo ang talinghaga sa ganitong paraan?

Larawan
ang sampung dalaga

Parable of the Ten Virgins, ni Dan Burr

Doktrina at mga Tipan 45:11–15, 66–71

Ang Sion ay isang lugar ng kaligtasan para sa mga Banal ng Diyos.

Matindi ang pagnanais ng mga Banal sa panahon ni Joseph Smith na itayo ang Sion, ang Bagong Jerusalem, tulad ng inilarawan sa Aklat ni Mormon (tingnan sa Eter 13:2–9) at sa inspiradong rebisyon ng Biblia ni Joseph Smith (tingnan sa Moises 7:62–64). Ano ang natutuhan mo tungkol sa Sion—kapwa sa sinaunang lungsod noong panahon ni Enoc at sa lungsod sa mga huling araw—mula sa Doktrina at mga Tipan 45:11–15, 66–71?

Ngayon ang utos na itayo ang Sion ay tumutukoy sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos saanman tayo nakatira—saanman magtipon ang mga anak ng Diyos tungo sa kaligtasan ng Kanyang “walang hanggang tipan” (talata 9). Ano ang magagawa mo upang makatulong sa pagtatayo ng Sion saan ka man naroon?

Tingnan din sa Gospel Topics, “Zion,” topics.ChurchofJesusChrist.org.

Larawan
icon ng pag-aaral ng pamilya

Mga Ideya para sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Pamilya at Family Home Evening

Doktrina at mga Tipan 45:3–5.Ano ang ginagawa ng isang tagapamagitan para sa atin? Pag-usapan kung bakit tinatawag ang Tagapagligtas na ating Tagapamagitan.

Doktrina at mga Tipan 45:9–10.Kung ang inyong pamilya ay may “sagisag,” o bandila, na kakatawan sa inyong katapatan sa ebanghelyo, ano ang magiging hitsura nito? Maaaring masayang sama-samang gumawa ng bandila ng pamilya at talakayin kung paano ninyo matutulungan ang iba na sundin ang mga pamantayan ng ebanghelyo.

Doktrina at mga Tipan 45:32.Ano ang ating “mga banal na lugar”? Ano ang ibig sabihin ng “hindi matitinag”? Paano natin magagawang isang banal na lugar ang ating tahanan?

Doktrina at mga Tipan 45:39–44.Paano ninyo matutulungan ang mga miyembro ng pamilya na maunawaan ang ibig sabihin ng maghintay sa Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas? Siguro maaari kayong mag-isip ng isang kaganapan na inaasam ninyo at ibahagi ang mga paraan ng “paghihintay” ninyo sa kaganapang iyon. O maaari kayong magluto ng pagkain nang magkakasama at hintayin ang mga palatandaan na ito ay puwede nang kainin. Ano ang ginagawa natin para mahintay ang Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas?

Doktrina at mga Tipan 45:55.Ang pagbabasa ng 1 Nephi 22:26 at Apocalipsis 20:1–3 ay makatutulong sa inyong pamilya na maunawaan kung paano “igagapos” si Satanas sa panahon ng Milenyo. Paano natin maigagapos si Satanas sa ating buhay?

Para sa iba pang mga ideya sa pagtuturo sa mga bata, tingnan sa outline para sa linggong ito sa Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Primary.

Iminumungkahing awit: “Sa Kanyang Pagbabalik,” Aklat ng mga Awit Pambata, 46; tingnan din sa “Mga Ideya para Mapagbuti ang Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan ng Inyong Pamilya.”

Pagpapabuti ng Personal na Pag-aaral

Gamitin ang mga tulong sa pag-aaral. Gamitin ang mga footnote, at ang Gabay sa mga Banal na Kasulatan upang magkaroon ng kaalaman tungkol sa mga banal na kasulatan.

Larawan
si Cristo na bumababa

The Coming of Christ, ni Jubal Aviles Saenz