Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Setyembre 15–21: “Pagkaraan ng Maraming Paghihirap … Darating ang Pagpapala”: Doktrina at mga Tipan 102–105


“Setyembre 15–21: ‘Pagkaraan ng Maraming Paghihirap … Darating ang Pagpapala’: Doktrina at mga Tipan 102–105,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa mga Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)

“Doktrina at mga Tipan 102–105,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025

Kampo ng Sion

C.C.A. Christensen (1831–1912), Zion’s Camp [Kampo ng Sion], c. 1878, tempera on muslin, 78 x 114 na pulgada. Brigham Young University Museum of Art, regalo ng mga apo ni C.C.A. Christensen, 1970.

Setyembre 15–21: “Pagkaraan ng Maraming Paghihirap … Darating ang Pagpapala”

Doktrina at mga Tipan 102–105

Nalungkot ang mga Banal sa Kirtland na marinig na ang kanilang mga kapatid sa Jackson County, Missouri, ay pinalalayas sa kanilang tahanan. Kaya nga malamang na lumakas ang loob nila nang ipahayag ng Panginoon na “ang pagtubos [sa] Sion” ay “[darating] sa pamamagitan ng kapangyarihan” (Doktrina at mga Tipan 103:15). Taglay ang pangakong iyon sa puso nila, mahigit 200 kalalakihan at mga 25 kababaihan at mga bata ang sumali sa tinatawag nilang Kampo ng Israel, na kalaunan ay nakilala bilang Kampo ng Sion. Ang misyon nito ay magmartsa patungong Missouri at tubusin ang Sion.

Sa mga miyembro ng kampo, ang pagtubos sa Sion ay nangahulugan ng pagbabalik ng mga Banal sa kanilang lupain. Ngunit bago sila dumating sa Jackson County, sinabi ng Panginoon kay Joseph Smith na buwagin ang Kampo ng Sion. Nalito at nagalit ang ilang miyembro ng kampo; tila nabigo ang ekspedisyon at hindi natupad ang mga pangako ng Panginoon. Gayunman, iba ang tingin dito ng ibang mga tao. Bagama’t hindi nabawi ng ipinatapong mga Banal ang kanilang lupain at tahanan, kahit paano ay naghatid ng kaunting “pagtubos” sa Sion ang karanasan, at totoong ito ay “dumating sa pamamagitan ng kapangyarihan.” Nagpatotoo ang matatapat na miyembro ng Kampo ng Sion, na ang marami kalaunan ay naging mga pinuno ng Simbahan, na pinalalim ng karanasang ito ang kanilang pananampalataya sa kapangyarihan ng Diyos, sa banal na tungkulin ni Joseph Smith, at sa Sion—hindi lamang sa Sion na lugar kundi sa Sion na mga tao ng Diyos. Sa halip na pagdudahan ang kahalagahan ng gawaing ito na tila nabigo, nalaman nila na ang tunay na gawain ay ang sundin ang Tagapagligtas, kahit na hindi natin nauunawaan ang lahat ng bagay. Sa huli, sa ganitong paraan tutubusin ang Sion.

Tingnan sa Mga Banal, 1:224–238; “The Acceptable Offering of Zion’s Camp,” sa Revelations in Context, 213–18.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Doktrina at mga Tipan 102:12–23

Ano ang layunin ng mga membership council?

Ang bahagi 102 ay naglalaman ng katitikan ng pulong sa Kirtland, Ohio, kung saan inorganisa ang unang high council ng Simbahan. Sa mga talata 12–23, inilalarawan ng Panginoon ang mga pamamaraang sinusunod ng mga high council sa pagdaraos ng mga membership council para sa mga taong nakagawa ng mabibigat na kasalanan.

Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard, “Kung minsan ay itinatanong ng mga miyembro kung bakit idinaraos ang mga [membership] council ng Simbahan. Ang layunin ay tatlo: iligtas ang kaluluwa ng nagkasala, protektahan ang walang kasalanan, at pangalagaan ang kadalisayan, integridad, at magandang pangalan ng Simbahan” (“A Chance to Start Over: Church Disciplinary Councils and the Restoration of Blessings,” Ensign, Set. 1990, 15).

Tingnan din sa Mga Paksa at Tanong, “Membership Councils,” Gospel Library.

Doktrina at mga Tipan 103:1–12, 36; 105:1–19

Ang Sion ay maitatayo lamang ayon sa mga alituntunin ng kabutihan.

Bakit nawala sa mga Banal ang kanilang lupang pangako sa Missouri? Maaaring maraming dahilan—at ang isa sa mga ito, wika ng Panginoon, ay “ang mga paglabag ng aking mga tao.” Kung hindi dahil diyan, “maaaring … natubos” ang Sion (Doktrina at mga Tipan 105:2). Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 103:1–12, 36; 105:1–19, maaaring mapansin mo ang ilang bagay na nakahadlang sa pagtatatag ng Sion sa Missouri at iba pa na sana’y nakatulong. Ano ang natutuhan mo na maaaring makatulong sa iyo na itatag ang Sion sa iyong puso, tahanan, at komunidad?

Doktrina at mga Tipan 103:12–13, 36; 105:1–6, 9–19

icon ng seminary
Ang mga pagpapala ay dumarating pagkaraan ng mga pagsubok sa pananampalataya.

Sa maraming paraan, ang pagsali sa Kampo ng Sion ay isang pagsubok sa pananampalataya. Mahaba ang paglalakbay, mainit ang panahon, at kung minsa’y kakaunti ang pagkain at tubig. At pagkatapos ng lahat ng kanilang tiniis, hindi pa rin nagtagumpay ang Kampo ng Sion na maibalik ang mga Banal sa kanilang lupain. Kunwari ay nagkaroon ka ng oportunidad na sumulat sa isang miyembro ng Kampo ng Sion na humina ang pananampalataya sa Panginoon dahil sa kanyang karanasan. Ano ang maaari mong sabihin para palakasin ang loob ng taong ito? Anong mga katotohanan ang nakita mo sa Doktrina at mga Tipan 103:5–7, 12–13, 36; 105:1–6, 9–19 na maaaring makatulong?

Pagkatapos ay maaari kang mag-isip ng isang mas makabagong halimbawa ng isang pagsubok na gaya ng Kampo ng Sion—tulad ng isang missionary na masipag, pero walang sumapi sa Simbahan nang dahil sa kanyang mga pagsisikap. Batay sa napag-aralan mo, paano mo matutulungan ang missionary na makita na matagumpay pa rin ang kanyang misyon?

Paano ka napagpala ng Panginoon “pagkaraan ng maraming paghihirap”? (Doktrina at mga Tipan 103:12).

Tingnan din sa 1 Nephi 11:16–17; Alma 7:11–12; Doktrina at mga Tipan 6:33–36; 84:88; 101:35–36; David A. Bednar, “Sa Panig ng Panginoon: Mga Aral mula sa Kampo ng Sion,” Ensign, Hulyo 2017, 26–35, o Liahona, Hulyo 2017, 14–23; Mga Paksa at Tanong, “Magiging Tapat Hanggang Wakas,” Gospel Library; “Saligang Kaytibay,” Mga Himno, blg. 47.

Maghanda sa pamamagitan ng pag-aaral ng konteksto ng kasaysayan ng mga paghahayag. Ang pag-unawa sa tagpo ng mga paghahayag sa Doktrina at mga Tipan ay maaari makatulong sa iyo na maunawaan at maipamuhay ang mga alituntuning itinuturo ng mga ito. Ang Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin ay nagbibigay ng mga link sa marami sa resources na ito. Para sa Doktrina at mga Tipan 102–5, tingnan sa Mga Banal, 1:224–238; “The Acceptable Offering of Zion’s Camp,” sa Revelations in Context, 213–18; at “Mga Tinig ng Panunumbalik: Kampo ng Sion.”

ilog sa Missouri, USA

Humimpil ang Kampo ng Israel sa gilid ng pampang ng Little Fishing River.

Ano ang layunin ng mga pagsubok?

Isipin ang payo ni Elder Orson F. Whitney tungkol sa layunin ng mga pagsubok: “Anumang sakit o pagsubok na ating pinagdaraanan ay hindi nasasayang. Ito ay nagdaragdag sa ating edukasyon, nagpapalakas ng ating mga katangian tulad ng pagtitiis, pananampalataya, katatagan, at pagpapakumbaba. Lahat ng ating dinaranas, lahat ng ating tinitiis, lalo na kung matiyaga natin itong pinagtitiisan, ay nagpapalakas ng ating pagkatao, nagpapadalisay sa ating puso, nagpapalawak ng ating kaluluwa, at nagpapalambot ng ating puso at ginagawa tayong higit na mapagkawanggawa sa kapwa, at higit na marapat na tawaging mga anak ng Diyos … at sa pamamagitan ng kalungkutan at paghihirap, paggawa at pagdurusa, nakatatamo tayo ng edukasyon na siyang layon nating matamo sa mundo at gagawin tayong higit na katulad ng ating Ama at Ina sa langit” (sa Spencer W. Kimball, Faith Precedes the Miracle [1972], 98).

Doktrina at mga Tipan 104:11–18, 78–83

Ginawa na ako ng Panginoon na isang “katiwala sa mga makalupang pagpapala.”

Bukod pa sa mga pagsubok sa Missouri, noong 1834 ay naharap ang Simbahan sa mga problema sa pananalapi, kabilang na ang malalaking pagkakautang at gastusin. Nagpayo ang Panginoon sa bahagi 104 sa sitwasyon ng pananalapi ng Simbahan. Paano mo maipamumuhay ang mga alituntunin sa mga talata 11–18 at 78–83 sa sarili mong mga desisyon ukol sa pananalapi?

Tingnan din sa “Treasure in Heaven: The John Tanner Story” at “The Labor of His Hands” (mga video), Gospel Library.

20:32

Treasure in Heaven: The John Tanner Story

3:48

Ang Gawain ng Kanyang mga Kamay

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Tao, Lugar, Pangyayari

Magklik para makita pa ang iba

icon 01 ng bahaging pambata

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Doktrina at mga Tipan 103:9

Maaari akong maging “isang ilaw sa sanlibutan” sa pamamagitan ng pagsunod kay Jesus.

  • Maaari mong anyayahan ang iyong mga anak na hawakan ang mga larawan ng isang bombilya, kandila, o iba pang pinagmumulan ng liwanag habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 103:9. Paano tayo maaaring maging isang ilaw sa iba kapag sinusunod natin si Jesucristo? Tingnan din sa “Isang Sinag ng Araw” (Aklat ng mga Awit Pambata, 38–39).

nakasinding kandila

Maaari akong maging katulad ng isang ilaw sa iba kapag sinusunod ko si Jesucristo.

Doktrina at mga Tipan 104:13–18

Nais ng Panginoon na ibahagi ko sa mga nangangailangan kung ano ang mayroon ako.

  • Maaari mong bigyan ng ilang minuto ang iyong mga anak para ilista ang mga pagpapalang naibigay sa kanila ng Diyos (tulad ng pagkain, damit, mga talento, pananampalataya, at isang tahanan). Hikayatin silang maglista nang marami hangga’t kaya nila. Pagkatapos ay maaari ninyong basahin nang sama-sama ang Doktrina at mga Tipan 104:13–18, na naghahanap ng mga sagot sa mga tanong na gaya nito: Sino ang tunay na may-ari ng lahat ng bagay? Ano ang nais Niyang gawin natin sa mga bagay na ito? Maaari kayong magbahagi ng iyong mga anak ng mga karanasan kung kailan may nagbigay sa iyo ng isang bagay na kailangan mo (tingnan din sa “The Coat” [video], Gospel Library).

    2:14

    The Coat

Doktrina at mga Tipan 104:42

Pagpapalain ako ng Panginoon kung sinusunod ko ang Kanyang mga utos.

  • Ilang beses na nangako ang Panginoon sa bahagi 104 ng “pagkarami-raming pagpapala” sa mga taong tapat na sumusunod sa Kanyang mga utos. Para maipaunawa sa mga bata ang ibig sabihin ng “pagkarami-rami,” maaari kang magdrowing ng isang bilog at hilingin sa iyong mga anak na tulungan kang paramihin ang bilang ng mga bilog—magdrowing ng dalawa, pagkatapos ay apat, pagkatapos ay walo, pagkatapos ay labing-anim, at iba pa. Tuwing nagdaragdag kayo ng mga bilog, tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng isang pagpapalang naibigay sa kanila ng Ama sa Langit.

Doktrina at mga Tipan 105:38–40

Maaari akong maging isang tagapamayapa.

  • Para matulungan ang iyong mga anak na malaman ang kuwento ng Kampo ng Sion, maaari mong ibahagi ang “Kabanata 36: Ang Kampo ng Sion” (sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 135–39, o ang katumbas na video nito sa Gospel Library). Tumigil paminsan-minsan para pag-usapan ang mga aral na matututuhan natin mula sa Kampo ng Sion—halimbawa, na nais ng Panginoon na tayo ay maging payapa at magtulungan sa halip na magtalu-talo at mag-away-away (tingnan din sa Russell M. Nelson, “Kailangan ng mga Tagapamayapa,” Liahona, Mayo 2023, 98–101).

  • Maaari mo ring basahin ang Doktrina at mga Tipan 105:38–40, at hilingin sa mga bata na tumayo tuwing maririnig nila ang salitang “kapayapaan.” Ipaliwanag na nais ng Panginoon na makipagkasundo ang mga Banal sa mga taong hindi mabait. Tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng mga bagay na magagawa nila para maging mga tagapamayapa, at anyayahan silang isadula ang ilang sitwasyon.

4:24

Ang Kampo ng Israel: Matutong magtiwala sa Panginoon

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

ipinintang larawan ng Kampo ng Sion

Zion’s Camp (Zion’s Camp at Fishing River) [Kampo ng Sion (Kampo ng Sion sa Fishing River)], ni Judith A. Mehr

pahina ng aktibidad para sa mga bata