“Mga Tinig ng Pagpapanumbalik: Kampo ng Sion,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Kampo ng Sion,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Mga Tinig ng Pagpapanumbalik
Kampo ng Sion
Dahil hindi kailanman ipinanumbalik ng Kampo ng Sion ang mga Banal sa kanilang mga lupain sa Jackson County, nadama ng maraming tao na ang kanilang gawain ay nabigo. Gayunman, maraming kalahok sa Kampo ng Sion ang nagbalik-tanaw sa kanilang karanasan at nakita kung paano tinupad ng Panginoon ang isang mas mataas na layunin sa kanilang buhay at sa Kanyang kaharian. Narito ang ilan sa kanilang mga patotoo.
Joseph Smith
Mahigit 40 taon matapos ang Kampo ng Sion, iniulat ni Joseph Young, na isang miyembro ng kampo, na sinabi ni Joseph Smith ang sumusunod:
“Mga kapatid, ang ilan sa inyo ay galit sa akin, dahil hindi kayo nakipaglaban sa Missouri; ngunit hayaan ninyong sabihin ko sa inyo, hindi nais ng Diyos na makipaglaban kayo. Hindi niya maitatayo ang kanyang kaharian sa pamamagitan ng labindalawang kalalakihang magbubukas ng mga pinto ng ebanghelyo sa mga bansa sa daigdig, at pitumpung kalalakihan sa ilalim ng pangangasiwa ng mga ito na sumunod sa kanilang landas, maliban na lamang kung kinuha niya ang mga ito mula sa grupo ng kalalakihang inialay ang kanilang mga buhay, at gumawa ng sakripisyong kasing-dakila ng ginawa ni Abraham.
“Ngayon, mayroon na ang Panginoon ng kanyang Labindalawa at kanyang Pitumpu, at may tatawaging iba pang mga korum ng Pitumpu, na magsasakripisyo, at ang mga taong hindi nagawa ang kanilang mga sakripisyo at mga handog ngayon, ay gagawin ito pagkatapos.”
Brigham Young
“Nang dumating kami sa Missouri, ang Panginoon ay nangusap sa kanyang tagapaglingkod na si Joseph at sinabing, ‘Tinanggap ko ang inyong handog,’ at nagkaroon kami ng pribilehiyong makabalik muli. Sa aking pagbabalik, maraming kaibigan ang nagtanong sa akin kung ano ang kapakinabangan sa pagtawag ng mga tao mula sa kanilang paggawa upang magtungo sa Missouri at pagkatapos ay bumalik, nang tila walang anumang naisasagawa. ‘Sino ang nakinabang dito?’ tanong nila. ‘Kung iniutos ng Panginoon na gawin ito, ano ang pakay niya sa paggawa nito?’ … Sinabi ko sa mga kapatid na iyon na nabayaran ako nang maayos—nabayaran nang may malaking tubo—oo, na ang aking sukatan ay umaapaw sa kaalaman na natanggap ko sa pamamagitan ng paglalakbay kasama ang Propeta.”
Wilford Woodruff
“Ako ay nasa Kampo ng Sion kasama ang Propeta ng Diyos. Nakita ko ang pakikitungo ng Diyos sa kanya. Nakita ko ang kapangyarihan ng Diyos sa kanya. Nakita ko na siya ay isang Propeta. Ang ipinakita sa kanya sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos sa misyong iyon ay napakahalaga sa akin at sa lahat ng taong tumanggap ng kanyang mga tagubilin.”
“Nang tawagin ang mga miyembro ng Kampo ng Sion, marami sa amin ang hindi pa kailanman nagkita; hindi kami magkakakilala at marami ang hindi pa nakakita sa propeta. Kami ay ikinalat sa ibang bayan, tulad ng mais na niliglig sa isang pansala, sa buong bansa. Kami ay mga kabataang lalaki, at tinawag sa unang araw na iyon para pumunta at tubusin ang Sion, at ang kailangan naming gawin ay kailangang gawin namin nang may pananampalataya. Kami ay magkakasamang nagtipon mula sa iba’t ibang Estado sa Kirtland at humayo upang tubusin ang Sion, bilang katuparan ng mga kautusan ng Diyos sa amin. Tinanggap ng Diyos ang aming mga gawa tulad ng pagtanggap Niya sa mga gawa ni Abraham. Marami kaming naisagawa, kahit maraming beses nagtanong ang mga nag-apostasiya at di-nananampalataya ng, ‘ano ang mga nagawa ninyo?’ Nagtamo kami ng karanasang hindi namin makukuha [sa] anumang ibang paraan. Nagkaroon kami ng pagkakataong makita ang mukha ng propeta, at pribilehiyong maglakbay nang ilang libong milya na kasama niya, at makita ang pagkilos ng espiritu ng Diyos sa kanya, at ang mga paghahayag ni Jesucristo sa kanya at ang katuparan ng mga paghahayag na iyon. At nagtipon siya ng mga dalawandaang elder mula sa buong bansa noon at isinugo kami sa daigdig upang ipangaral ang ebanghelyo ni Jesucristo. Kung hindi ako sumama sa Kampo ng Sion sana ay wala ako dito ngayon [sa Salt Lake City, na naglilingkod sa Korum ng Labindalawang Apostol]. … Sa pagpunta roon isinabak kami sa olibohan upang ipangaral ang ebanghelyo, at tinanggap ng Panginoon ang aming mga gawa. At sa lahat ng aming mga gawain at pang-uusig, na kadalasan ay nakataya ang aming buhay, kinailangan kaming magtrabaho at mamuhay nang may pananampalataya.”
“Ang karanasan na natamo [namin] sa paglalakbay sa Kampo ng Sion ay mas mahalaga kaysa ginto.”