Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Abril 7–13: “Itaas ang Inyong mga Tinig … upang Ipahayag ang [Aking] Ebanghelyo”: Doktrina at mga Tipan 30–36


“Abril 7–13: ‘Itaas ang Inyong mga Tinig … upang Ipahayag ang [Aking] Ebanghelyo’: Doktrina at mga Tipan 30–36,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)

“Doktrina at mga Tipan 30–36,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025

mga unang missionary

Abril 7–13: “Itaas ang Inyong mga Tinig … upang Ipahayag ang [Aking] Ebanghelyo”

Doktrina at mga Tipan 30–36

Mga isang buwan nang miyembro ng Simbahan si Parley P. Pratt nang papuntahin siya “sa ilang” para ipangaral ang ebanghelyo (Doktrina at mga Tipan 32:2). Wala pa man lang isang buwang miyembro si Thomas B. Marsh nang sabihan siya na, “Ang oras ng iyong misyon ay dumating na” (Doktrina at mga Tipan 31:3). Sina Orson Pratt, Edward Partridge, at marami pang iba ay halos kabibinyag pa lang din nang dumating ang kanilang mission call. Marahil ay may aral din sa huwarang ito para sa atin ngayon: kung sapat na ang alam mo para tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo sa pamamagitan ng pagpapabinyag, sapat na ang alam mo para ibahagi ito sa iba. Siyempre pa, gusto nating dagdagan palagi ang ating kaalaman tungkol sa ebanghelyo, ngunit hindi nag-atubili ang Diyos kailanman na tawagin ang “mga mangmang” para ipangaral ang Kanyang ebanghelyo (Doktrina at mga Tipan 35:13). Sa katunayan, inaanyayahan Niya tayong lahat, “Magbukas ng iyong bibig upang ipahayag ang aking ebanghelyo” (Doktrina at mga Tipan 30:5). At ginagawa natin iyan nang napakahusay hindi sa pamamagitan ng ating sariling karunungan at karanasan kundi “sa pamamagitan ng kapangyarihan [ng] Espiritu” (Doktrina at mga Tipan 35:13).

Tingnan din sa “The Faith and Fall of Thomas Marsh,” “Ezra Thayer: From Skeptic to Believer,” “Orson Pratt’s Call to Serve,” sa Revelations in Context, 54–69.

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan

Doktrina at mga Tipan 30–36

icon ng seminary
Ako ay tinawag na maging saksi ni Jesucristo.

Mayroon ka mang pormal na tungkulin bilang missionary o wala, maaari kang maging saksi ni Jesucristo “sa lahat ng panahon, at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” (Mosias 18:9). Habang pinag-aaralan mo ang Doktrina at mga Tipan 30–36, itala ang natututuhan mo tungkol sa iyong mga oportunidad na ibahagi ang ebanghelyo. Maaari kang gumawa ng listahan ng mga bagay na hinihiling sa iyo ng Panginoon at ng isa pang listahan ng mga pangako ng Panginoon kapag ibinahagi mo ang ebanghelyo (halimbawa, tingnan sa Doktrina at mga Tipan 30:8; 31:3–5; 32:1, 5; 35:13–1524). Maaari ka ring maghanap ng mga alituntunin na makakatulong sa iyo na ibahagi ang ebanghelyo. Ano ang nakita mo na naghihikayat sa iyo na “[ipahayag] ang [mabuting] balita ng [malaking] kagalakan”? (Doktrina at mga Tipan 31:3).

Itinuro ni Elder Gary E. Stevenson na ang pangangaral ng ebanghelyo ay “maisasakatuparan … sa simple at madaling maunawaang mga alituntunin na itinuro sa bawat isa sa atin noong bata pa tayo: magmahal, magbahagi, at mag-anyaya” (“Magmahal, Magbahagi, Mag-anyaya,” Liahona, Mayo 2022, 85). Isiping pag-aralan ang kanyang mensahe habang iniisip ang iyong mga kakilala, kaibigan, at pamilya. Anong mga ideya ang dumarating sa iyo kung paano mo maaaring ibahagi sa kanila “kung ano ang gustung-gusto [mo] tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo”? Sa anong mga paraan mo sila maaaring anyayahang “pumarito at tingnan,” “pumarito at maglingkod,” at “pumarito at mapabilang”? Habang kinakanta o pinakikinggan mo ang “Tutungo Ako Saanman” (Mga Himno, blg. 171) o ang isang nauugnay na himno, maaari mong itanong sa iyong sarili, “Ano ang nais ng Panginoon na sabihin ko at maging ako upang maibahagi ko ang Kanyang ebanghelyo?”

Tingnan din sa Marcos A. Aidukaitis, “Pasiglahin ang Iyong Puso at Magalak,” Liahona, Mayo 2022, 40–43; Mga Paksa at Tanong, “Inviting All to Receive the Gospel of Jesus Christ [Pag-anyaya sa Lahat na Tanggapin ang Ebanghelyo ni Jesucristo],” “Ministering as the Savior Does [Paglilingkod Tulad ng Ginagawa ng Tagapagligtas],” Gospel Library; “Inviting All to Come unto Christ: Sharing the Gospel” (video), Gospel Library.

4:30

Inviting All to Come unto Christ: Sharing the Gospel

mga sister missionary na nagtuturo sa isang grupo ng kababaihan

Doktrina at mga Tipan 31:1–2, 5–6, 9, 13

Matutulungan ako ng Panginoon sa mga relasyon ko sa aking pamilya.

Ang mga pamilya noong 1830s ay nahirapan sa marami sa mga isyung kinakaharap rin ng mga pamilya ngayon. Anong patnubay at mga pangako ang ibinigay ng Panginoon kay Thomas B. Marsh tungkol sa kanyang pamilya sa Doktrina at mga Tipan 31? (tingnan lalo na sa mga talata 1–2, 5–6, 9, 13). Paano ka matutulungan ng Kanyang mga salita sa mga relasyon mo sa iyong pamilya?

Para sa iba pang impormasyon tungkol kay Thomas B. Marsh, tingnan sa Mga Banal, 1:90–91, 136–37.

Doktrina at mga Tipan 32–33; 35

Inihahanda ako ng Panginoon para sa gawaing nais Niyang ipagawa sa akin.

Ang pag-aaral tungkol sa buhay ng mga taong pinag-uukulan ng Doktrina at mga Tipan 32–33; 35 ay makakatulong sa iyo na mapansin kung paano ka inihahanda ng Panginoon para sa Kanyang gawain. Halimbawa, maaari kang magbasa tungkol sa kaugnayan sa pagitan nina Parley P. Pratt at Sidney Rigdon sa “Mga Tinig ng Pagpapanumbalik: Mga Naunang Convert.” Paano pinagpala ng relasyong ito ang mga anak ng Diyos? (tingnan sa Doktrina at mga Tipan 35).

Narito ang isa pang halimbawa: Isinulat ni Ezra Thayer na bago siya nabinyagan, nagkaroon siya ng isang pangitain kung saan “lumapit ang isang lalaki at dinalhan ako ng isang rolyong papel at ibinigay iyon sa akin, at ng isa ring trumpeta at sinabihan ako na [hipan] iyon. Sinabi ko sa kanya na hindi pa ako [nakaihip] ng ganoon sa buhay ko. Sinabi niya na maaari mong [hipan] iyan, subukan mo. … Iyon ang pinakamagandang tunog na narinig ko” (“Revelation, October 1830–B, Revelation Book 1,” historical introduction, josephsmithpapers.org). Nang tumanggap ng paghahayag si Joseph Smith kalaunan para kina Ezra Thayer at Northrop Sweet, na nakatala ngayon bilang Doktrina at mga Tipan 33, ipinakahulugan ni Ezra na ang paghahayag na iyon ang rolyo ng papel sa kanyang pangitain. Paano inihahanda noon ng Panginoon si Ezra para sa misyon na ibinigay Niya rito sa Doktrina at mga Tipan 33:1–13?

Anong katibayan ang nakikita mo na ang mga kamay ng Panginoon ay nasa ng buhay ng mga naunang miyembrong ito ng Simbahan? Sino ang inilagay ng Panginoon sa iyong buhay para matulungan kang lumapit kay Cristo? Paano ka Niya inihahanda para pagpalain ang iba sa pamamagitan ng iyong katapatan, pagmamahal, o pag-anyaya?

Tingnan din sa “A Mission to the Lamanites,” sa Revelations in Context, 45–49.

Doktrina at mga Tipan 33:12–18

Kung itatatag ko ang aking buhay sa ebanghelyo ng Tagapagligtas, hindi ako babagsak.

Ang Doktrina at mga Tipan 33 ay para kina Northrop Sweet at Ezra Thayer, dalawang bagong miyembro ng Simbahan. Nilisan kaagad ni Northrop ang Simbahan matapos maibigay ang paghahayag na ito. Naglingkod nang tapat si Ezra nang ilang panahon, ngunit nag-apostasiya rin siya kalaunan. Ang pagbabasa tungkol sa kanila sa bahaging ito ay maaaring maghikayat sa iyo na isipin kung gaano ka katibay na nakatayo “sa ibabaw ng bato” (talata 13) ng ebanghelyo. Anong mga katotohanan sa mga talatang ito ang makakatulong sa iyo na manatiling tapat sa Tagapagligtas?

Tingnan din sa Helaman 5:12.

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.

Mga Tao, Lugar, Pangyayari

Magklik para makita pa ang iba

icon ng pag-aaral

Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata

Doktrina at mga Tipan 30:1–2

Dapat akong mas magtuon sa mga bagay ng Diyos kaysa sa mga bagay ng mundo.

  • Maaaring maging masaya para sa iyong mga anak na subukang gawin nang sabay ang dalawang gawain, tulad ng pagbigkas ng mga salita sa isang paboritong awitin habang isinusulat ang mga pangalan ng lahat ng miyembro ng kanilang pamilya. Bakit mahirap gawin nang sabay ang dalawang bagay? Pagkatapos ay maaari ninyong sama-samang basahin ang Doktrina at mga Tipan 30:1–2. Ano ang ilang “bagay ng mundo” na maaaring makagambala sa atin sa pag-alaala kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo? Paano natin mapapanatili ang ating pokus sa Kanya?

Doktrina at mga Tipan 33:2–3, 6–10

Maibabahagi ko ang ebanghelyo ni Jesucristo.

  • Para maipaunawa sa iyong mga anak ang Doktrina at mga Tipan 33:8–10, maaari mo silang anyayahan na subukang magsabi ng isang parirala nang sarado ang kanilang bibig habang hinuhulaan ninyo ng iba mo pang mga anak ang sinasabi nila. Basahin ang mga talata 8–10 at hilingin sa kanila na ibuka ang kanilang bibig tuwing mauulit ang pariralang “ibuka ang inyong mga bibig.” Bakit nais ng Ama sa Langit na ibuka natin ang ating bibig at ibahagi ang ebanghelyo sa iba? Ano ang masasabi natin sa ating pamilya at mga kaibigan tungkol sa Tagapagligtas o sa Kanyang ebanghelyo? Maaari din ninyong kantahin ang isang awitin tungkol sa pagbabahagi ng ebanghelyo, tulad ng “Katotohanan Niya’y Dadalhin Natin sa Mundo” (Aklat ng mga Awit Pambata, 92–93).

  • Isiping magbahagi ng mga naging karanasan mo na nauugnay sa mga alituntunin o pangako sa Doktrina at mga Tipan 30–34. Ano ang natutuhan o nadama mo tungkol sa iyong Tagapagligtas at sa Kanyang gawain nang maglingkod ka sa Kanya?

    3:9

    Ibinahagi ni Samuel Smith ang Aklat ni Mormon: Maraming buhay ang pinagpapala ng isang aklat

    1:33

    Isang Misyon sa mga Katutubong Amerikano: Narinig ng mga Delaware Indian ang ebanghelyo

grupo ng mga batang nagbubuklat ng magasin

Maraming paraan para maibahagi ang ebanghelyo.

Magpatotoo tungkol sa ipinangakong mga pagpapala. Kapag inaanyayahan mo ang mga bata na ipamuhay ang isang alituntunin ng ebanghelyo, maaari mong ibahagi ang mga pangakong ginawa ng Diyos sa mga taong sumusunod sa alituntuning iyon. Halimbawa, maaari kang magpatotoo tungkol sa mga pagpapalang ibinibigay Niya sa atin kapag ibinubuka natin ang ating bibig at ibinabahagi ang ebanghelyo.

Doktrina at mga Tipan 33:12–13

Maaari kong itatag ang aking buhay sa ebanghelyo ni Jesucristo.

  • Maaari mong dalhin sa labas ang iyong mga anak para makita nila ang pundasyon ng kanilang tahanan o ng gusali ng Simbahan at hilingin sa kanila na ilarawan iyon. Bakit kailangan ng isang gusali ng matatag at matibay na pundasyon? Basahin ninyo ang Doktrina at mga Tipan 33:12–13, at ibahagi sa isa’t isa ang nadarama ninyo kung bakit nais ng Panginoon na itatag natin ang ating buhay sa Kanyang ebanghelyo. Bakit magandang salita ang “bato” para ilarawan ang ebanghelyo? Paano natin maitatatag ang ating buhay sa bato ng ebanghelyo? (tingnan din sa Mateo 7:24–29).

Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.

mga missionary noon na naglalakbay sa niyebe

Go into the Wilderness [Magtungo sa Ilang], ni Robert T. Barrett

pahina ng aktibidad para sa mga bata