“Mga Tinig ng Pagpapanumbalik: Pagtitipon sa Ohio,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Pagtitipon sa Ohio,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Mga Tinig ng Pagpapanumbalik
Pagtitipon sa Ohio
Kirtland Village, ni Al Rounds
Phebe Carter
Kabilang sa mga Banal na nagtipon sa Ohio noong 1830s si Phebe Carter. Sumapi siya sa Simbahan sa hilagang-silangang Estados Unidos noong siya ay mga 25 taong gulang, ngunit hindi sumapi ang kanyang mga magulang. Kalaunan ay isinulat niya ang kanyang pasiya na pumunta sa Ohio para makiisa sa mga Banal:
“Nabigla ang mga kaibigan ko sa aking pasiya, tulad ko, ngunit may nagtulak sa akin na gawin iyon. Ang kalungkutan ng aking ina sa pag-alis ko ay halos hindi ko makayanan; at kung hindi lang dahil sa tulak ng espiritu ay baka hindi rin ako umalis. Sinabi ni Inay sa akin na mas mabuti pang makita niya akong ilibing kaysa mag-isang humayo sa mundong puno ng kalupitan.
“‘[Phebe],’ sabi niya, nang buong pagmamahal, ‘babalik ka ba sa akin kung malaman mo na hindi totoo ang Mormonismo?’
“Sumagot ako ng, ‘opo, Inay, babalik ako.’ … Nawala ang pag-aalala niya sa sagot ko; ngunit lungkot na lungkot kaming lahat na magkahiwalay. Nang oras na para umalis hindi ko magawang magpaalam, kaya’t sumulat ako ng pamamaalam sa bawat isa, at iniwan ko ang mga ito sa aking mesa, at tumakbo ako pababa ng hagdan at sumakay sa karuwahe. Gayon ko nilisan ang pinakamamahal na tahanang kinalakhan ko upang mamuhay sa piling ng mga banal ng Diyos.”
Sa isa sa mga mensahe ng pamamaalam na iyon, isinulat ni Phebe:
“Mahal kong mga magulang—Lilisanin ko na po sandali ang tahanan ninyo … hindi ko po alam kung gaano katagal—ngunit nagpapasalamat po ako sa kabutihan ninyo sa akin mula nang isilang ako hanggang ngayon—ngunit ang Diyos ang nag-utos nito. Ipaubaya po natin ang lahat ng ito sa mga kamay ng Diyos at magpasalamat na natulutan tayong magkasama nang matagal nang maginhawa tulad ngayon, na naniniwala na lahat ng bagay ay para sa ating ikabubuti kung sukdulan nating mamahalin ang Diyos. Unawain po natin na maaari tayong manalangin sa isang Diyos na makikinig sa taimtim na mga panalangin ng lahat ng kanyang nilikha at ibibigay ang pinakamabuti para sa atin. …
“Inay, naniniwala po ako na kalooban ng Diyos na magtungo ako sa kanluran at naniniwala ako na noon pa man ay ito na ang Kanyang kalooban. Ngayon ay maaari na akong umalis … ; naniniwala ako na ang espiritu ng Panginoon ang gumawa niyon na sapat para sa lahat ng bagay. Huwag po kayong mag-alala sa inyong anak; aaliwin po ako ng Panginoon. Naniniwala ako na aalagaan ako ng Panginoon at ibibigay sa akin yaong pinakamabuti. … Aalis ako dahil tinatawag ako ng aking Panginoon—nilinaw na niya sa akin ang aking tungkulin.”