Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin
Mga Tinig ng Pagpapanumbalik: Mga Naunang Convert


“Mga Tinig ng Pagpapanumbalik: Mga Naunang Convert,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)

“Mga Naunang Convert,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025

icon ng mga tinig ng pagpapanumbalik

Mga Tinig ng Pagpapanumbalik

Mga Naunang Convert

Bago pa man inorganisa ang Simbahan noong Abril 1830, ipinahayag ng Panginoon, “Ang bukid ay puti na upang anihin” (Doktrina at mga Tipan 4:4). Ang pahayag na ito ay napatunayang totoo sa mga buwang sumunod, nang maraming naghahanap ng katotohanan ang inakay ng Espiritu ng Diyos na makita ang ipinanumbalik na Simbahan ni Jesucristo.

Marami sa mga naunang convert na ito ang naging kasangkapan sa paglalatag ng pundasyon ng Pagpapanumbalik, at ang mga kuwento ng kanilang pagbabalik-loob ay mahalaga sa atin ngayon. Ang pananampalatayang ipinakita nila ang pananampalatayang kailangan din natin para magbalik-loob sa ebanghelyo ni Jesucristo.

Abigail Calkins Leonard

Noong si Abigail Calkins Leonard ay mga 35 taong gulang, nakadama siya ng pagnanais na mapatawad sa kanyang mga kasalanan. Nagbabasa siya ng Biblia paminsan-minsan, at binibisita siya ng mga tao mula sa mga simbahang Kristiyano sa bahay niya, ngunit nalilito siya kung ano ang ipinagkaiba ng mga simbahang ito sa isa’t isa. “Isang umaga,” wika niya, “kinuha ko ang aking Biblia at nagpunta ako sa kakahuyan, at lumuhod.” Taimtim siyang nagdasal sa Panginoon. “Agad akong nakakita ng isang pangitain,” wika niya, “at isa-isang nagdaan sa harap ko ang iba’t ibang sekta, at isang tinig ang tumawag sa akin, na nagsasabing: ‘Ang mga ito ay itinayo para sa pakinabang.’ Pagkatapos, sa banda roon, nakakita ako ng maningning na liwanag, at isang tinig mula sa itaas ang nagsabing: ‘Magbabangon Ako ng mga tao, na Aking kalulugdang angkinin at pagpalain.’” Hindi nagtagal, narinig ni Abigail ang tungkol sa Aklat ni Mormon. Bagama’t wala pa siyang kopya, hinangad niyang “malaman ang katotohanan ng aklat na ito, sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Espiritu Santo,” at “agad [niyang] nadama ang presensya nito.” Nang mabasa niya sa wakas ang Aklat ni Mormon, siya ay “handa nang tanggapin ito.” Nabinyagan siya at ang kanyang asawang si Lyman noong 1831.

Thomas B. Marsh

Noong binata pa si Thomas B. Marsh, pinag-aralan niya ang Biblia at sumapi sa isang simbahang Kristiyano. Ngunit hindi siya nasiyahan, at sa huli’y lumayo sa lahat ng simbahan. “May kaunti akong diwa ng propesiya,” wika niya, “at sinabi ko [sa pinuno ng isang simbahan] na umaasa ako na may isang bagong simbahang lilitaw, na taglay ang dalisay na katotohanan.” Hindi nagtagal pagkatapos nito, may natanggap si Thomas na isang espirituwal na pahiwatig na iwanan ang bahay niya sa Boston, Massachusetts, at maglakbay pakanluran. Matapos manatili nang tatlong buwan sa kanlurang New York nang hindi natatagpuan ang hinahanap niya, naglakbay na siya pauwi. Habang daan, isang babae ang nagtanong kay Thomas kung nabalitaan na niya ang tungkol sa “Gintong Aklat na natagpuan ng isang binatilyong nagngangalang Joseph Smith.” Naging interesado sa narinig, agad naglakbay si Thomas papuntang Palmyra at nakilala si Martin Harris sa palimbagan, habang kasalukuyang inililimbag ang unang 16 na pahina ng Aklat ni Mormon. Pinahintulutan si Thomas na kumuha ng kopya ng 16 na pahinang iyon, at iniuwi niya ito sa kanyang asawang si Elizabeth. “Tuwang-tuwa siya” sa aklat, paggunita niya, “naniniwala na ito ay gawain ng Diyos.” Kalaunan ay lumipat sa New York sina Thomas at Elizabeth kasama ang kanilang mga anak at nabinyagan. (Para sa iba pang impormasyon tungkol kay Thomas B. Marsh, tingnan sa Doktrina at mga Tipan 31.)

Parley at Thankful Pratt

Tulad ni Thomas Marsh, tumugon sina Parley at Thankful Pratt sa espirituwal na pahiwatig na iwanan ang kanilang maunlad na sakahan sa Ohio para ipangaral ang ebanghelyo ayon sa pagkaunawa nila rito mula sa Biblia. Tulad ng sinabi ni Parley sa kanyang kapatid, “Ang diwa ng mga bagay na ito ay nakaapekto nang husto sa aking isipan nitong huli kaya hindi ako mapanatag.” Nang makarating sila sa silangang New York, nahiwatigan ni Parley na manatili sandali sa lugar. Si Thankful naman ay magpapatuloy nang wala siya ayon sa napagpasiyahan nila. “May gagawin ako sa rehiyong ito ng bansa,” sabi ni Parley sa kanya, “at kung ano ito, o gaano ito katagal gawin, hindi ko alam, ngunit darating ako kapag tapos na ito.” Doon unang narinig ni Parley ang tungkol sa Aklat ni Mormon. “Kakaiba ang nadama kong interes sa aklat,” wika niya. Humingi siya ng kopya at buong magdamag itong binasa. Kinaumagahan, alam na niya na totoo ang aklat, at pinahalagahan ito “nang higit kaysa lahat ng kayamanan ng mundo.” Sa loob ng ilang araw nabinyagan si Parley. Pagkatapos ay binalikan niya si Thankful, na nagpabinyag din. (Para sa iba pang impormasyon tungkol kay Parley P. Pratt, tingnan sa Doktrina at mga Tipan 32.)

3:32

Parley at Thankful Pratt: May pananampalatayang sundin ang Espiritu

Si Parley Pratt habang nagbabasa

Parley P. Pratt Reads the Book of Mormon [Binabasa ni Parley P. Pratt ang Aklat ni Mormon], ni Jeff Hein

Sidney at Phebe Rigdon

Mula sa New York papunta sa isang misyon sa Missouri, tumigil si Parley Pratt at kapwa niya mga manggagawa sa Mentor, Ohio, sa bahay nina Sidney at Phebe Rigdon—matatagal nang kaibigang nakilala ni Parley noong siya ay nasa Ohio. Si Sidney ay isang Kristiyanong pastor, at si Parley ay dating miyembro ng kanyang kongregasyon at itinuring siyang isang espirituwal na guro. Sabik na ikinuwento ni Parley sa kanyang mga kaibigan ang tungkol sa Aklat ni Mormon at sa Pagpapanumbalik ng ebanghelyo ni Jesucristo. Matagal nang naghahanap si Sidney ng pagpapanumbalik ng totoong Simbahan na nakita niyang inilarawan sa Bagong Tipan, bagama’t sa una ay nag-alinlangan siya tungkol sa Aklat ni Mormon. “Pero, babasahin ko ang aklat mo,” sabi niya sa kanyang kaibigang si Parley, “at sisikapin kong tiyakin, kung ito nga ay isang paghahayag mula sa Diyos o hindi.” Pagkaraan ng dalawang linggong pag-aaral at pagdarasal, nakumbinsi silang dalawa ni Phebe na totoo ang aklat. Ngunit alam din ni Sidney na ang pagsapi sa Simbahan ay magiging malaking sakripisyo para sa kanyang pamilya. Tiyak na mawawalan siya ng trabaho bilang pastor, pati na ng katayuan sa komunidad. Habang pinag-uusapan nila ni Phebe ang posibilidad na ito, ipinahayag ni Phebe, “Naisip ko na ang ibubunga nito, at … hangad kong gawin ang kalooban ng Diyos, sa buhay man o kamatayan.”

2:24

Sidney at Phebe Rigdon: Pagbabago ng kanilang buhay para tanggapin ang ebanghelyo

Mga Tala

  1. Tingnan sa Edward W. Tullidge, The Women of Mormondom (1877), 160–63.

  2. “History of Thos. Baldwin Marsh,” Deseret News, Mar. 24, 1858, 18.

  3. Autobiography of Parley P. Pratt (1938), 34.

  4. Autobiography of Parley P. Pratt, 36.

  5. Autobiography of Parley P. Pratt, 37.

  6. Autobiography of Parley P. Pratt, 39; tingnan din sa Mga Banal, 1:105–107.

  7. History, 1838–56 (Manuscript History of the Church), tomo A-1, 73, josephsmithpapers.org.

  8. Sa History, 1838–56 (Manuscript History of the Church), ‘tomo A-1, 75, josephsmithpapers.org