“Pebrero 3–9: ‘Ito ang Diwa ng Paghahayag’: Doktrina at mga Tipan 6–9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Doktrina at mga Tipan 6–9,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Pebrero 3–9: “Ito ang Diwa ng Paghahayag”
Doktrina at mga Tipan 6–9
Noong taglagas ng 1828, isang bata pang guro na nagngangalang Oliver Cowdery ang naging guro sa Manchester, New York, at nakitira sa pamilya nina Lucy at Joseph Smith Sr. Nakarinig na si Oliver tungkol sa anak nilang si Joseph at sa mga pambihirang karanasan nito, at nagnais si Oliver, na itinuring ang kanyang sarili na isang taong naghahanap ng katotohanan, na malaman ang iba pa. Inilarawan ng mga Smith ang mga pagdalaw ng mga anghel, ang isang sinaunang talaan, at ang kaloob na magsalin sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos. Nagkainteres si Oliver. Totoo kaya ito? Binigyan siya nina Lucy at Joseph Sr. ng payo na angkop din sa sinumang naghahanap ng katotohanan: manalangin at magtanong sa Panginoon.
Sinunod ito ni Oliver, at sumagot ang Panginoon, na nangungusap ng “kapayapaan sa [kanyang] isipan” (Doktrina at mga Tipan 6:23). Natuklasan ni Oliver na ang paghahayag ay hindi lamang para sa mga propetang tulad Joseph Smith. Ito ay para sa sinumang nagnanais nito at masigasig itong hinahangad. Marami pa ring kailangang matutuhan si Oliver, ngunit sapat na ang alam niya para gawin ang susunod niyang hakbang. Alam niyang may ginagawang mahalaga noon ang Panginoon sa pamamagitan ni Joseph Smith, at nais ni Oliver na maging bahagi nito.
Tingnan din sa Mga Banal, 1:67–73; “Days of Harmony” (video), Gospel Library.
Mga Taon ng Masayang Pagsasama
Mga Ideya para sa Pag-aaral sa Tahanan at sa Simbahan
Nangungusap sa akin ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
Noong tagsibol ng 1829, nagboluntaryo si Oliver Cowdery na maging tagasulat ni Joseph Smith habang patuloy niyang isinasalin ang Aklat ni Mormon. Natuwa siya sa naranasan, at nag-isip kung maaari din siyang tumanggap ng paghahayag at ng kaloob na magsalin. Gayunman, hindi naging maganda ang una niyang pagsubok.
Kung nahirapan ka nang makatanggap o makaunawa ng paghahayag, maaari ka sigurong makaugnay sa karanasan ni Oliver—at matuto mula roon. Habang binabasa mo ang Doktrina at mga Tipan 6, 8, at 9, pansinin kung ano ang itinuro ng Panginoon kay Oliver tungkol sa personal na paghahayag. Halimbawa:
-
Ano ang ipinahihiwatig sa Doktrina at mga Tipan 6:5–7; 8:1; 9:7–8 kung ano ang ipinagagawa sa iyo ng Panginoon bago Niya ihayag ang Kanyang kalooban?
-
Ano ang natutuhan mo mula sa Doktrina at mga Tipan 6:14–17, 22–24; 8:2–3; 9:7–9 tungkol sa iba’t ibang paraan na maaaring dumating ang paghahayag? Paano mo ito mapapansin?
-
Ano pa ang natutuhan mo tungkol sa paghahayag mula sa mga bahaging ito?
Ang mga karanasan ni Oliver ay maaaring maging dahilan para “ipako mo ang [iyong] isipan” sa mga sandali na nadama mo na nangungusap ang Panginoon sa iyo (Doktrina at mga Tipan 6:22). Naitala mo na ba ang mga naisip o nadama mo tungkol sa mga karanasang ito? Kung gayon, isiping basahin ang isinulat mo. Kung hindi, mag-ukol ng oras na isulat kung ano ang naaalala mo. Isipin kung paano ka patuloy na makahuhugot ng lakas mula sa mga karanasang ito. Para sa ilang ideya, tingnan ang mensahe ni Elder Neil L. Andersen na “Mga Alaala na Espirituwal na Nagpapatibay” (Liahona, Mayo 2020, 18–22).
Ibinahagi na ng ilang lider ng Simbahan ang kanilang mga karanasan sa paghahayag sa video collection na “Pakinggan Siya.” Matapos panoorin ang isa o mas marami pa sa mga video na ito, maaari kang mabigyang-inspirasyon na itala ang sarili mong mga karanasan, at ibahagi kung paano nangusap sa iyo ang Panginoon.
Tingnan din sa Mga Paksa at Tanong, “Personal Revelation [Personal na Paghahayag],” Gospel Library; “Oliver Cowdery’s Gift,” sa Revelations in Context, 15–19.
Doktrina at mga Tipan 6:18–21, 29–37
Isaalang-alang si Cristo sa bawat pag-iisip.
Alam ng Panginoon na si Joseph Smith ay daranas ng “mahihirap na kalagayan” sa darating na mga taon (Doktrina at mga Tipan 6:18). Alam din Niya kung anong mga pagsubok ang makakaharap mo. Ano ang nakita mo sa Kanyang payo kina Joseph at Oliver sa Doktrina at mga Tipan 6:18–21, 29–37 na tumutulong sa iyo na magtiwala sa Kanya?
Ano ang ibig sabihin ng “isaalang-alang [si Cristo] sa bawat pag-iisip”? (talata 36). Paano mo ito magagawa nang mas palagian—sa mabubuting panahon at “mahihirap na kalagayan”? Isipin ang payong ito mula kay Pangulong Russell M. Nelson: “Kailangang mag-isip nang husto sa pagsisikap na magtuon sa Kanya sa bawat pag-iisip. Ngunit kapag ginawa natin ito, mawawala ang ating mga pagdududa at takot” (“Paghugot ng Lakas kay Jesucristo sa Ating Buhay,” Liahona, 41).
Tingnan din sa Neil L. Andersen, “Naapuhap ng Aking Isipan ang Kaisipang Ito Tungkol kay Jesucristo,” Liahona, Mayo 2023, 91–94.
Huwag Mag-alinlangan, Huwag Matakot
Detalye ng Behold My Hand [Masdan ang Aking Kamay], ni Jeffrey Ward
“Huwag matakot na gumawa ng mabuti.”
Bakit tayo “[takot] na gumawa ng mabuti” kung minsan? (talata 33). Ano ang nakita mo sa Doktrina at mga Tipan 6:29–37 na nagbibigay sa iyo ng lakas-ng-loob na gumawa ng mabuti? Isiping kantahin o pakinggan ang isang himno na nagbibigay-inspirasyon sa iyo na magkaroon ng lakas-ng-loob kay Cristo, tulad ng “Magpatuloy Tayo” (Mga Himno, blg. 148).
Doktrina at mga Tipan 6–7; 9:3, 7–14
“Maging anuman ang naisin mo sa akin ito ay mapapasaiyo.”
Pansinin kung ilang beses lumilitaw ang mga salitang “naisin” o “hangarin” sa mga bahagi 6 at 7. Ano ang natutuhan mo mula sa mga bahaging ito tungkol sa pagpapahalaga ng Diyos sa iyong mga naisin? Itanong sa iyong sarili ang tanong ng Panginoon sa Doktrina at mga Tipan 7:1: “Ano ang ninanais mo?”
Ang isa sa mga matwid na hangarin ni Oliver Cowdery—ang magsalin na tulad ni Joseph Smith—ay hindi natupad. Nang basahin mo ang Doktrina at mga Tipan 9:3, 7–14, anong mga impresyon ang natanggap mo na maaaring makatulong sa iyo kapag hindi natutupad ang iyong mga matwid na hangarin sa ngayon?
Tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 11:8; Dallin H. Oaks, “Hangarin,” Liahona, Mayo 2011, 42–45.
Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang mga isyu ng mga magasing Liahona at Para sa Lakas ng mga Kabataan sa buwang ito.
Mga Tao, Lugar, Pangyayari
Mga Ideya para sa Pagtuturo sa mga Bata
Doktrina at mga Tipan 6:5, 15–16, 22–23; 8:2; 9:7–9
Nangungusap sa akin ang Ama sa Langit sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
-
Ang mga katotohanang natutuhan ni Oliver Cowdery tungkol sa personal na paghahayag ay makakatulong sa iyong mga anak sa paglinang nila ng kakayahang makilala ang Espiritu Santo. Maaari mong gamitin ang “Kabanata 5: Sina Joseph Smith at Oliver Cowdery” (sa Mga Kuwento sa Doktrina at mga Tipan, 22–25, o ang katumbas na video nito sa Gospel Library) para maituro sa kanila ang tungkol kay Oliver at kung ano ang natutuhan niya. Ibahagi sa isa’t isa ang mga paborito ninyong bahagi ng kuwento. Habang ginagawa ninyo ito, bigyang-diin ang mga bagay na itinuro ng Panginoon kay Oliver kung paano marinig ang tinig ng Diyos, at basahin ang kaugnay na mga talata, tulad ng Doktrina at mga Tipan 6:23 o 9:7–9.
3:11Ipinadala ng Panginoon si Oliver Cowdery: Alamin kung paano tayo kinakausap ng Diyos
Nalaman ni Oliver Cowdery ang tungkol sa paghahayag habang tinutulungan niya si Joseph Smith na isalin ang Aklat ni Mormon.
-
Maaari mo ring anyayahan ang iyong mga anak na hawakan ang kanilang ulo at ang kanilang dibdib kapag nabasa mo ang mga salitang “isipan” at “puso” sa Doktrina at mga Tipan 8:2. Sabihin sa iyong mga anak, mula sa iyong mga karanasan, kung ano ang pakiramdam kapag nangungusap ang Espiritu Santo sa iyong puso’t isipan. Tulungan silang makahanap ng mga sagot sa tanong na “Paano nangungusap ang Espiritu Santo sa atin?” sa mga talatang ito: Doktrina at mga Tipan 6:15–16, 22–23; 8:2; 9:7–9.
Gumamit ng mga kuwento. Ang mga kuwento ay tumutulong sa mga bata na maunawaan ang mga alituntunin ng ebanghelyo dahil ipinapakita ng mga ito kung paano ipinamumuhay ng ibang mga tao ang mga alituntuning ito. Habang nagtuturo ka, maghanap ng mga paraan para magsama ng mga kuwento—mula sa mga banal na kasulatan, mula sa kasaysayan ng Simbahan, o sa sarili mong buhay—na nagpapakita ng mga alituntunin sa mga banal na kasulatan.
Dahil kay Jesucristo, maaari akong “[hindi] matakot.”
-
Sinabi ng Panginoon kina Joseph at Oliver, “Huwag matakot, munting kawan” (Doktrina at mga Tipan 6:34). Maaari mong anyayahan ang iyong mga anak na ulitin ninyo ang parirala nang ilang beses. Maaari din silang masiyahan sa pagkukunwari na isa silang kawan ng mga takot na tupa. Ano ang maaaring katakutan ng mga tupa? Pagkatapos ay maaari ninyong tingnan ng iyong mga anak ang isang larawan ng Tagapagligtas bilang isang pastol (may isa sa dulo ng outline na ito) at pag-usapan kung paano Niya tayo binabantayan tulad ng isang pastol na nagbabantay sa Kanyang mga tupa.
-
Isiping tugtugin o kantahin ang isang awitin tungkol sa pagkakaroon ng lakas-ng-loob kay Cristo, tulad ng “Maglakas-loob, Tama’y Gawin” (Aklat ng mga Awit Pambata, 80) o “Magpatuloy Tayo” (Mga Himno, blg. 148). Ano ang itinuturo ng awitin kung paano tayo tinutulungan ng Tagapagligtas na huwag matakot?
Maaari akong umasa kay Jesucristo sa bawat pag-iisip.
-
Matapos basahin nang sama-sama ang Doktrina at mga Tipan 6:36, maaari kayong magdrowing ng iyong mga anak para matulungan kayong maalala na “isaalang-alang [si Jesucristo] sa bawat pag-iisip.” Ibahagi sa isa’t isa ang inyong mga drowing, at tulungan ang iyong mga anak na mag-isip ng mga lugar kung saan nila ito mailalagay para madalas nilang makita ang mga ito.
Para sa iba pang mga ideya, tingnan ang isyu ng magasing Kaibigan sa buwang ito.