“Mga Tinig ng Pagpapanumbalik: Ang mga Saksi ng Aklat ni Mormon,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: Doktrina at mga Tipan 2025 (2025)
“Ang mga Saksi ng Aklat ni Mormon,” Pumarito Ka, Sumunod Ka sa Akin—Para sa Tahanan at Simbahan: 2025
Mga Tinig ng Pagpapanumbalik
Ang mga Saksi ng Aklat ni Mormon
Ipinakita ng anghel na si Moroni ang mga laminang ginto kina Joseph Smith, Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris sa kakahuyan malapit sa tahanan ng mga Whitmer sa Fayette, New York. Bumibisita noon ang mga magulang ni Joseph sa mga Whitmer. Inilarawan ni Lucy Mack Smith, ina ni Joseph, ang epekto ng mahimalang karanasang ito sa mga saksi:
“Nasa pagitan iyon ng alas-tres at alas-kuwatro. Nakaupo kami nina Gng. Whitmer at G. Smith sa isang kuwarto. Nakaupo ako sa tabi ng kama. Pagpasok ni Joseph, umupo siya sa tabi ko. ‘Itay! Inay!’ sabi niya. ‘Hindi ninyo alam kung gaano ako kasaya. Pumayag na ang Panginoon na ipakita ang mga lamina sa tatlo pang tao maliban sa akin, na nakakita rin ng isang anghel at kailangang sumaksi sa katotohanan ng aking sinabi. Sapagkat alam nila sa kanilang sarili na hindi ko nililinlang ang mga tao. At talagang nadarama ko na parang gumaan ang isang mabigat na pasanin, na halos hindi ko makayang tiisin. Ngunit ngayon ay magiging kabahagi na sila sa pasaning ito, at nagagalak ang aking kaluluwa na hindi na ako lubos na nag-iisa sa mundo.’ Pagkatapos ay pumasok si Martin Harris. Tila halos mapuspos siya ng labis na kagalakan. Pagkatapos ay nagpatotoo siya sa nakita at narinig niya, gayon din ang iba pa na sina Oliver at David. Ang kanilang patotoo ay kapareho ng nilalaman ng Aklat ni Mormon. …
“Si Martin Harris lalo na ay tila hindi lubos na maibulalas ang naramdaman niya. Sabi niya, ‘Nakakita na ako ngayon ng isang anghel mula sa Langit na tunay na nagpatotoo sa katotohanan ng lahat ng aking narinig hinggil sa talaan, at nakita siya ng aking mga mata. Nakita ko rin ang mga lamina at nahawakan ang mga ito ng aking mga kamay at makapagpapatotoo ako sa buong mundo tungkol dito. Ngunit nakatanggap ako sa aking sarili ng isang patotoo na hindi maipahayag sa mga salita, na hindi mailarawan ng dila, at nagpapasalamat ako sa Diyos nang buo kong kaluluwa na malugod niya akong ginawa, maging ako, na isang saksi sa kadakilaan ng kanyang gawain at mga plano para sa mga anak ng tao.’ Nakisali rin sa kanya sina Oliver at David sa taimtim na mga papuri sa Diyos para sa kanyang kabutihan at awa. Umuwi kami [sa Palmyra, New York,] kinabukasan na isang masaya at nagagalak na maliit na grupo.”
Oliver Cowdery, David Whitmer, at Martin Harris
Naroon din si Lucy Mack Smith nang magbalik ang Walong Saksi mula sa kanilang karanasan:
“Nang makabalik sa bahay ang mga saksing ito, muling nagpakita ang anghel kay Joseph; sa panahong iyan ibinalik ni Joseph sa kanya ang mga lamina. Nang gabing iyon nagpulong kami, kung saan nagpatotoo ang lahat ng saksi sa mga katotohanan tulad ng nakasaad sa itaas; at lahat ng aming pamilya, maging si Don Carlos [Smith], na 14 na taong gulang pa lamang noon, ay nagpatotoo tungkol sa katotohanan ng dispensasyon sa mga huling araw—kaya noon iyon ganap na nagsimula.”
Relief carving ni Joseph Smith at ng Walong Saksi
Bukod pa sa Tatlong Saksi at Walong Saksi, si Mary Whitmer, na ina ni David Whitmer, ay pinagpala rin na maging saksi sa mga laminang ginto. Ipinakita ng anghel na si Moroni ang mga ito sa kanya bilang pagkilala sa mga sakripisyong ginawa niya habang nakatira sina Joseph, Emma, at Oliver sa kanyang tahanan. “Ikaw ay lubos na matapat at masipag sa iyong mga gawain,” sabi sa kanya ni Moroni. “Nararapat, kung gayon, na tumanggap ka ng pagpapatotoo upang mapalakas ang iyong pananampalataya.”