2018
Paggamit ng Teknolohiya sa Pagtuturo: Paano Panatilihing Interesado ang mga Kabataan sa Paggamit ng Teknolohiya sa Mundo
August 2018


Paggamit ng Teknolohiya sa Pagtuturo: Paano Panatilihing Interesado ang mga Kabataan sa Paggamit ng Teknolohiya sa Mundo

Paano magiging kakampi sa halip na kaaway ang teknolohiya sa loob ng klase?

Larawan
phone on pause, phone on play

Kapag bumibisita ako sa mga ward at stake sa buong Simbahan, madalas itanong ng mga guro at lider ng mga kabataan na, “Paano namin mapapanatiling hindi nakakagambala sa klase ang mga digital device?” Kasabay niyon, marami sa pinakamagagaling na guro ng mga kabataan na naobserbahan ko ang nagsisimula ng kanilang klase sa mga katagang “Ilabas ninyo ang cell phone ninyo at hanapin ang …” Dahil dito, gusto kong ibahagi ang ilang bagay na natutuhan ko tungkol sa pagtulong sa mga kabataan na gumamit ng teknolohiya sa matwid at produktibong mga paraan sa loob ng klase ng ebanghelyo.

Mga Propesiya tungkol sa Teknolohiya

Nagsalita sa atin ang mga propeta at apostol tungkol sa mga pagpapala ng teknolohiya, at sinabi sa atin kung paano ibinigay sa atin ng Ama sa Langit ang teknolohiya upang tulungan tayong isulong ang Kanyang gawain sa mas mabilis na paraan. Noong 1862 itinuro ni Pangulong Brigham Young (1801–77): “Lahat ng tuklas sa siyensya at sining, na talagang totoo at kapaki-pakinabang sa sangkatauhan ay ibinigay sa pamamagitan ng tuwirang paghahayag mula sa Diyos. … Ibinigay ito na may layon na ihanda ang daan para sa huling tagumpay ng katotohanan, at pagtubos sa mundo mula sa kapangyarihan ng kasalanan at ni Satanas. Dapat nating samantalahin ang lahat ng magagandang tuklas na ito … at ibigay sa ating mga anak ang pakinabang ng bawat sangay ng makabuluhang kaalaman, upang ihanda silang sumulong at mahusay na gawin ang kanilang bahagi sa dakilang gawain.”1

Paggamit ng mga Digital Device sa Matwid na mga Aktibidad

Sa aking buhay, lubhang napayabong ang pag-aaral ko ng ebanghelyo sa paggamit ng mga banal na kasulatan at iba pang mga sanggunian sa Gospel Library mobile app.

Naihanda na ang ating mga kabataan na pag-aralan, ituro, at ipangaral ang ebanghelyo sa pang-araw-araw na buhay at bilang mga full-time missionary na gumagamit ng teknolohiya sa mga paraang kasisimula pa lang nating tuklasin. Dahil sinusubukan ng kaaway na gamitin ang bawat mabuti at makabuluhang imbensyon para maisakatuparan ang kanyang masasamang layunin, tungkulin natin bilang mga magulang, lider, at guro na tulungan ang mga kabataan na matutong gumamit ng teknolohiya sa matwid at produktibong mga paraan sa murang edad.

Ang tahanan ang pinakamainam na lugar para mangyari ito. (Maaaring isaalang-alang ng mga magulang na naghahanap ng makakatulong na mga sanggunian na gamitin ang ilan sa mga materyal ng Simbahan na nakalista sa sidebar na kasama rito.) Nagbibigay rin ng mahahalagang oportunidad ang klase ng ebanghelyo para tulungan ang mga kabataan na iugnay ang kanilang digital device sa matwid na mga aktibidad at madama ang Espiritu Santo. Narito ang ilang paraan na makakatulong ang mga guro at lider na mapangyari ito.

Magtakda ng mga Inaasahan Batay sa mga Alituntunin

Magtakda ng mga inaasahan sa paggamit ng teknolohiya sa loob ng klase batay sa mga alituntunin. Ang isang mahalagang alituntunin ay maaaring “Ang layunin natin sa klase ay pag-aralan ang ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Ang paggamit natin ng mga digital device ay dapat makatulong sa pagsisikap na ito, hindi makagambala rito.” Mas epektibo ito kaysa sa patakarang tulad ng “Hindi tayo gumagamit ng social media sa oras ng klase.” Ang patakarang ito ay nagpaparating ng mensahe na ang social media ay masama, samantalang ang alituntunin ay pinananatiling posible na gumamit ng social media sa klase sa wastong mga paraan, tulad ng pagpapaalam sa mga hindi nakakadalo sa klase kung ano ang hindi nila natutuhan at anyayahan silang dumalo sa susunod na linggo.

Ipinapahamak natin ang ating mga kabataan sa mga patakarang nagpapahiwatig na ang isang pag-uugali ay mali kahit hindi. Nakakalito ito sa paggamit ng teknolohiya sa iba pang mga sitwasyon at lumalagpas ang oportunidad na ituro kung paano gamitin nang wasto ang teknolohiya. Ang mga inaasahan na itinakda natin sa tulong ng mga kabataan sa ating mga klase ay dapat umangkop sa kanilang edad at kahustuhan ng isip.

Matuto tungkol sa Teknolohiya

Huwag hayaang makahadlang ang sarili ninyong takot o hindi pagkaunawa sa teknolohiya na payagang gumamit ang mga kabataan ng mga digital device sa wastong mga paraan. Inireport ng isang ward na nagdaraos sila ng training para sa mga guro kung paano gumamit ng mga digital device sa pag-aaral ng ebanghelyo. Nalaman nila na nang mas masanay na ang mga guro sa paggamit ng teknolohiya, mas nasabik din silang gumamit ng mga digital device sa pag-aaral ng ebanghelyo, at nawala ang isyu na nakakagambala ang mga digital device sa klase.

Larawan
apps on a tablet

Gawing Interactive ang mga Lesson

Nalaman ko na ang pinakamainam na paraan para matulungan ang mga estudyante na gamitin nang matwid ang teknolohiya ay gawing interactive ang mga lesson at isama ang mga digital device sa lesson plan. Bihira akong makakita ng mga estudyante na ginagamit ang kanilang cell phone sa maling paraan sa mga klase kung saan nagtatanong ng mga inspiradong bagay ang mga guro, nakikilahok ang mga estudyante sa lesson at nadarama nila na mahal sila ng guro, at naroon ang Espiritu Santo.

Saan man ito nangyayari, kadalasa’y sinisimulan ng guro ang klase sa pagtatanong ng isang inspiradong bagay at hinahayaan ang mga kabataan, kadalasa’y sa maliliit na grupo, na hanapin ang sagot sa tanong sa mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta. Sa buong lesson, pinapahanap ng guro sa mga estudyante ang mga talata sa banal na kasulatan, pinapaaral ang mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya, pinapanood sila ng mga video na gawa ng Simbahan, at tinatalakay nila ang kanilang natututuhan. Kapag mas nakilahok ang mga kabataan sa proseso ng pagkatuto, mas malamang na gamitin nila nang wasto ang kanilang digital device.

Alalay Lang

Kapag isinama natin ang teknolohiya sa ating mga lesson, mahalagang tandaan na kailangan ay alalay lang tayo sa paggamit ng teknolohiya. Kailangan tayong mag-ingat upang matiyak na hindi nagiging lesson o nakakagambala ang teknolohiya sa pagdama sa Espiritu Santo.

Dagdag pa rito, may ilang estudyante na walang digital device at hindi nila dapat madama na hindi sila kasali. Maliban sa panonood ng mga video na gawa ng Simbahan, dapat ay maaari ding gawin ang mga aktibidad na magagawa sa mga digital device sa loob ng klase sa aklat ng banal na kasulatan at mga kopya ng magasin ng Simbahan.

Bukod pa rito, may mga pagkakataon na maaaring hindi tamang gumamit ng mga digital device. Halimbawa, kapag ang mga estudyante o guro ay nagpapatotoo, maaaring makatwiran na mapagmahal na anyayahan ng mga guro ang mga estudyante na itago nila ang kanilang cell phone at pakiramdaman lang kung ano ang itinuturo sa kanila ng Espiritu.

Magpasensya

Sa huli, para sa ilang kabataan, ang pagkatutong gamitin nang wasto ang mga digital device sa klase ay maaaring mangailangan ng kaunting panahon. Ang mga gurong katulad ni Cristo sa anumang klase ay nagpapakita ng pasensya at pagmamahal sa mga nahihirapan.

Teknolohiya: Isang Tulong, Hindi Isang Banta

Ang pagtulong sa mga kabataan na gamitin nang wasto ang teknolohiya ay magpapala sa kanila habambuhay, at makakatulong ito sa ating mga klase. Tulad ng ibinahagi ni Elder Richard G. Scott (1928–2015) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang teknolohiya, kapag natutuhang mabuti at ginamit sa mabubuting layunin, ay hindi kailangang maging banta sa atin kundi isang bagay na nagpapalakas sa espirituwal na pakikipag-ugnayan.”2

Bilang Sunday School General Presidency, inaanyayahan namin ang mga guro na gamitin ang teknolohiya sa kanilang mga lesson at gawin ang lahat ng kanilang makakaya para tulungan ang mga kabataan na gamitin ang teknolohiya sa matwid na mga layunin. Kung hihingi kayo ng tulong sa Ama sa Langit sa inyong mga pagsisikap, sasagutin Niya ang mga panalanging iyon.

Mga Tala

  1. Discourses of Brigham Young, pinili ni John A. Widtsoe (1954), 18–19.

  2. Richard G. Scott, “Para sa Kapayapaan sa Tahanan,” Liahona, Mayo 2013, 30.