2018
Darren at Stacey Rea
August 2018


Mga Larawan ng Pananampalataya

Darren at Stacey Rea

Sydney, Australia

Larawan
Darren and Stacey with daughter at the beach

Nasisiyahan sina Darren at Stacey Rea na makasama ang kanilang anak na si Faith sa isang beach malapit sa bahay nila. Bago isinilang si Faith, naharap ang mga Rea sa malalaking pagsubok. Hindi alam ang gagawin, sinabi ni Darren, “Dumidilim ang aming kinabukasan. Hindi namin alam kung ano ang mangyayari sa amin.”

Larawan
Darren and Stacey

Naharap sa isang kinabukasan na walang katiyakan, natagpuan nina Darren at Stacey na nakatulong sa kanila ang kanilang pananampalataya kay Jesucristo na malagpasan ang kanilang mga pagsubok. “May tunay na kapayapaan at kaligayahan sa pagsunod kay Jesus at paggawa ng tama,” sabi ni Stacey.

Larawan
Reas playing the piano

Nagpapasalamat ang mga Rea sa espiritung nadarama nila sa kanilang tahanan. “Nasa ebangheyo ang lahat,” sabi ni Stacey. “Tinutulutan tayo nitong maging masaya sa buhay na ito.”

Larawan
Darren and Stacey with daughter

Si Faith ay isang paalala kina Darren at Stacey ng lahat ng pagpapalang natanggap nila. “Isang siyang tunay na sinag ng pag-asa at pananampalataya at kaluguran!” sabi ni Darren.

Ibinenta nina Darren at Stacey ang lahat ng ari-arian nila upang maabot ni Darren ang pangarap na magtrabaho bilang animator sa isang movie studio sa London, England. Ngunit nang mabatid nila na magkakaanak na sila matapos sumubok nang ilang taon, napagtanto nila na hindi nila kayang mabuhay roon na umaasa lang sa kanyang kita.

Christina Smith, retratista

Larawan
Darren and Stacey Rea

Stacey: Sinimulan naming pag-usapan ang pagbalik sa Australia. Sa Brisbane walang mga movie studio. Kakailanganing isuko ni Darren ang kanyang propesyon.

Darren: Dumidilim ang aming kinabukasan. Hindi namin alam kung ano ang mangyayari sa amin.

Stacey: Noong limang buwan na akong buntis, ora-orada akong pinagsalita sa sacrament meeting. Ang paksa ay tungkol sa pagsampalataya kay Jesucristo sa gitna ng mga pagsubok. Hanggang sa oras na iyon, hindi pa namin napagpapasiyahan ang ipapangalan sa aming anak na babae. Habang naghahanda ako ng mensahe, binasa ko ang Bible Dictionary at Topical Guide sa paksang “Faith [Pananampalataya].” Palagi kong nakikita ang salitang faith, faith, faith at lubos ko nang nasiguro kung ano ang ipapangalan sa aming anak. Tumingin ako kay Darren at sinabi ko, “Faith. Iyan ang magiging pangalan niya. Iyan ang gusto kong ipangalan sa anak natin.”

Darren: Talagang gumanda pareho ang pakiramdam namin tungkol sa pangalang Faith. Tila nakapaloob dito ang bawat karanasang pinagdaraanan namin noon.

Stacey: Kinailangan naming sumampalataya nang husto para isuko ni Darren ang kanyang propesyon, bumalik kami sa wala, at magsimulang muli na walang siguradong trabaho.

Darren: Kinailangan lang naming sumulong nang may pananampalataya at maniwala na maaayos din ang lahat. Umuwi kami sa amin at nagturo ako sa isang kaugnay na larangan sa isang unibersidad. Pagkatapos ay nabalian ako sa likod at kinailangan kong magbitiw sa pagtuturo.

Stacey: Nakitira kami sa mga magulang ko. Wala kaming pera at walang kotse.

Darren: Pakiramdam ko sagad na sagad na ako. Nagdadalantao ang asawa ko, ngunit wala akong trabaho at hindi namin kayang umupa ng sarili naming bahay.

Stacey: May isang pagkakataon sa labahan sa bahay ng mga magulang ko na lumuhod kami at nanalangin.

Darren: Hindi lang kami nanalangin, nagmakaawa kami na tulungan kaming malagpasan ito at makatayong muli sa sarili naming mga paa.

Stacey: Iyon na marahil ang pinakataimtim na dalanging sabay naming inusal. Kinabukasan, tumawag ang lola ko at sinabi na bibili siya ng bagong kotse at gusto niyang ibigay sa amin ang kanyang lumang kotse.

Darren: Nagulat kami roon.

Stacey: Pakiramdam namin tuwirang sagot iyon sa aming dalangin.

Darren: Pagkatapos ay nabalitaan namin na may magbubukas na bagong studio sa Brisbane. Nakakuha ako ng kontrata sa animation.

Stacey: Hindi namin akalain na magiging animator siya sa Brisbane!

Darren: At di-inaasahang dumalaw ang kapatid ko na may dalang ilang laruan para sa baby.

Stacey: Napakaraming ibinigay sa amin ng mga kaibigan at kapamilya para sa aming anak.

Pagkatapos ay isinilang si Faith at—ni hindi ko alam kung paano iyon ilalarawan—siya ang pinakamagandang bagay na nangyari sa amin. Ngayo’y mahigit dalawang taon na siya, at nakalipat na kami sa Sydney. Animator pa rin si Darren para sa mga pelikula, na hindi namin inakalang mangyayari. Talagang pakiramdam namin ay pinagpala kami. Inakay kami rito ng aming pananampalataya.

Darren: Talagang nakikita namin ang kamay ng Diyos sa aming buhay. Sana namana nang kaunti ng anak naming si Faith ang aming pananampalataya nang pagdaanan namin ang aming mga pagsubok . Isa siyang tunay na sinag ng pag-asa at pananampalataya at kaluguran!

Stacey: Nalaman namin na anuman ang aming pinagdaraanan, ang pinakamahalagang bagay na maaaring mapasaamin ay ang pananampalataya sa Ama sa Langit at kay Jesucristo.

Tuwing babaling kami kay Jesucristo at nanampalataya kami sa Kanya, lahat ay tila madaling kayanin. May tunay na kapayapaan at kaligayahan sa pagsunod kay Jesus at paggawa ng tama. Nasa ebanghelyo ang lahat. Tinutulutan tayo nitong maging masaya sa buhay na ito. Talagang masaya ako at alam ko na iyon ay dahil bumaling ako sa Panginoon, umasa sa ebanghelyo, at nanampalataya.

Darren: Nalaman ko na binibigyan tayo ng Diyos ng mga kautusan at batas upang gawing mas masaya ang ating buhay dahil mas malawak ang Kanyang pananaw. Kapag hindi natin nakikita ang mangyayari sa atin, kailangan nating umasa sa Kanya, sumunod sa Kanyang mga utos, at manalangin sa Kanya. Gagabayan Niya tayo sa ating mga pagsubok at tutulungan tayong pagandahin ang ating buhay.