2017
Pag-asa sa Sarili at Pag-aaral ng Ebanghelyo
June 2017


Pag-asa sa Sarili at Pag-aaral ng Ebanghelyo

Kapag umasa tayo sa sarili bilang mga mag-aaral ng ebanghelyo, alam natin kung paano espirituwal na pakakainin ang ating sarili at palalakasin ang ating kaugnayan sa Diyos.

Larawan
image from Bible video

Minsan ay inobserbahan ng isang guro sa kindergarten ang mga bata sa kanyang klase habang nagdodrowing sila. Habang lumilibot siya para tingnan ang drowing ng bawat bata, tinanong niya ang isang batang babae, “Ano ang idinodrowing mo?” Sagot ng bata, “Ang Diyos po.” Medyo nagulat, sabi ng guro, “Pero walang nakakaalam sa hitsura ng Diyos.” Walang pag-aatubiling sumagot ang bata, “Malalaman po nila maya-maya.”

Hindi ba mabuting magkaroon ng gayong tiwala? Ang totoo, nais ng Ama sa Langit na maging tiwala tayo sa ating kaalaman tungkol sa Kanya. Sinabi ng Panginoon kay Jeremias na hindi natin dapat ipagkapuri ang ating karunungan o ating kapangyarihan o ating kayamanan. Sa halip, sabi Niya, “magmapuri sa ganito ang lumuluwalhati, na kaniyang nauunawa, at kaniyang nakikilala ako” (tingnan sa Jeremias 9:23–24).

Itinuro ni Propetang Joseph Smith (1805–44), “Hindi naghayag ng anuman ang Diyos kay Joseph, maliban sa ipapaalam Niya sa Labindalawa, at maging ang pinakaabang Banal ay malalaman ang lahat ng bagay ayon sa bilis ng kakayahan niyang unawain ito, sapagka’t darating ang araw na hindi na kailangang sabihin pa ng tao sa kanyang kapwa, Iyong kilalanin ang Panginoon; sapagka’t makikita nilang lahat [Siya] … mula sa kaliit-liitan sa kanila hanggang sa kadaki-dakilaan sa kanila.”1

Ang maging tiwala sa ating kaalaman tungkol sa Diyos ay hindi nangyayari nang walang personal na pagsisikap. Makakatulong ang mga magulang at guro, ngunit kailangan tayong umasa sa sarili bilang mga mag-aaral ng ebanghelyo. Tulad ng natututo tayong pisikal na pakainin ang ating sarili para lumakas ang ating katawan, kailangan tayong matutong espirituwal na pakainin ang ating sarili para palakasin ang ating espiritu.

Maraming taon na ang nakararaan sa St. Augustine, Florida, USA, nagkamatay sa gutom ang mga tagak. Sa loob ng maraming henerasyon natuto ang mga tagak na umasa sa mga nanghuhuli ng hipon para makakain sila ng mga tira-tira mula sa kanilang mga lambat. Kalaunan ay lumipat ng lugar ang mga nanghuhuli ng hipon. Hindi pa natuto ang mga tagak na manghuli ng isda para sa kanilang sarili; ni hindi nila naturuan ang kanilang mga anak kung paano manghuli. Dahil dito, nagkamatay ang malalaki at magagandang ibon kahit maraming isda sa buong paligid nila sa tubig.2

Hindi natin matutulutang makatulad ng mga tagak; ni hindi natin matutulutang umasa sa atin, o sa iba, ang ating mga anak habambuhay para sa kanilang kaalaman tungkol sa Panginoon. “Ang ating mga pagsisikap,” sabi ni Pangulong Marion G. Romney (1897–1988), Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “ay kailangang ituon palagi ang mga taong may kakayahan na umasa sa sarili.”3 Kapag umasa tayo sa sarili bilang mga mag-aaral ng ebanghelyo, alam natin kung paano espirituwal na pakakainin ang ating sarili at palalakasin ang ating kaugnayan sa Diyos.

Itinuro ni Pangulong Boyd K. Packer (1924–2015), Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, na “Ang espirituwal na pag-asa sa sarili ang nagpapalakas na kapangyarihan sa Simbahan. Kung aagawin namin iyan sa inyo, paano ninyo matatanggap ang paghahayag na may propeta ng Diyos? Paano ninyo matatanggap ang mga sagot sa panalangin? Paano ninyo malalaman? Kung agad kaming kikilos para sagutin ang lahat ng tanong ninyo at magbibigay ng napakaraming paraan para malutas ang lahat ng problema ninyo, baka pahinain pa namin kayo, sa halip na palakasin.”4

Habang nalulugod tayong matuto at tumanggap ng inspirasyon sa simbahan, hindi tayo maaaring umasa na lamang diyan para sa ating espirituwal na kalakasan. Ipinaliwanag ni Pangulong George Albert Smith (1870–1951), “Nangangamba ako na bilang mga miyembro ng Simbahan ay labis tayong umaasa sa mga auxiliary organization, at sa tagubilin at payo ng mga hindi natin kapamilya. Narinig na natin ang marami sa mga pagpapalang naibigay sa atin ng Panginoon sa mga sagradong talaang iningatan hanggang sa ating panahon, at naglalaman iyan ng tagubilin at payo ng napakatalinong Ama. Tila kakatwa na napakarami sa ating mga tao … ang hindi pamilyar sa mga nilalaman ng mga sagradong talaang ito.”5

Nasisiyahan akong pag-aralan ang ebanghelyo sa simbahan, ngunit mas nasasabik ako tungkol sa ebanghelyo kapag natutuklasan ko ang mga inspiradong ideya sa aking personal na pag-aaral. Wala nang mas nakatutuwa para sa akin kaysa makakita ng munting yaman ng katotohanan sa mga banal na kasulatan na nagpapalinaw sa aking pang-unawa at pinupuspos ako ng Espiritu ng Panginoon.

Pag-aralan Kung Paano Matuto

Larawan
young adult man studing scriptures

Pagbalik ko mula sa aking misyon, nalaman ko na kailangang magpunta sa mga fireside at debosyonal halos linggu-linggo para mapangalagaan ko ang aking espirituwalidad. Pinakain ako ng mga tagapagsalita ng mga ideya nila tungkol sa ebanghelyo, at pinasalamatan ko ang ipinadama sa akin ng mga ideyang iyon. Napag-aralan at naituro ko ang ebanghelyo sa loob ng dalawang taon, ngunit parang wala sa akin ang mga kasanayan para pakainin ang sarili ko nang regular. Binasa ko lang ang mga banal na kasulatan at hindi ko talaga masigasig na sinaliksik ito.

Ang pag-aaral ng ebanghelyo ay parang pag-aaral na magpinta. Hindi ito likas o natural para sa lahat. Hindi natin iisiping bigyan ang isang tao ng paint palette at aasahang maging pintor kaagad ang taong iyon. Gayon din ang maging mag-aaral ng ebanghelyo na umaasa sa sarili. Hindi natin maaasahang makatuklas ng magagandang ideya nang regular kung hindi pa natin natututuhan ang ilang pangunahing kasanayan sa pag-aaral ng ebanghelyo. Ipinaliwanag ni Pangulong Packer na ang mga banal na kasulatan “ay naglalaman ng kabuuan ng walang-hanggang ebanghelyo, isang walang-hanggang kaalaman. Ngunit kailangang matutuhan ng isang tao na gamitin ito o manghihina ang loob niya sa pagsasaliksik.”6

Gayon ang nangyari sa akin—nakakapanghina ng loob—nang una kong sikaping maghanap ng kabuluhan at patnubay sa pag-aaral ko ng mga banal na kasulatan. Kaya sinimulan kong suriin kung paano nakuha ng mga tagapagsalita ang kanilang mga ideya. Matagal-tagal din, ngunit kalaunan ay nakita ko kung paano sila nakakuha ng partikular na mga pahayag ng doktrina mula sa mga banal na kasulatan; paano sila nakatuklas ng makahulugang mga turo tungkol sa Tagapagligtas mula sa mga talata; paano sila nakalikha ng mga alituntuning gumagabay sa buhay mula sa mga kataga ng banal na kasulatan; paano nila nabigyan ng kahulugan ang mga simbolo; at paano nila naiugnay ang mga turo ng mga propeta at apostol sa partikular na mga talata ng banal na kasulatan.

Habang patuloy kong pinag-aaralan ang mga banal na kasulatan at mga turo ng mga propeta at apostol, nasumpungan kong itanong:

  • Anong doktrina ang itinuturo sa mga talatang ito, at ano ang natututuhan ko sa doktrinang iyan?

  • Saan at kailan ko nakita na epektibong iangkop ang alituntuning ito ng ebanghelyo?

  • Ano ang natututuhan ko tungkol sa Ama sa Langit at sa Kanyang plano para sa aking kaligayahan?

  • Ano ang natututuhan ko tungkol kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala?

  • Ano ang nais ng Panginoon na matutuhan ko mula rito?

  • Anong mga inspiradong ideya at damdamin ang natatanggap ko habang nagbabasa ako?

  • Mayroon bang anuman dito na nakakatulong sa akin sa kasalukuyang mga hamon sa buhay ko?

  • Ano ang natututuhan ko na makakatulong sa akin na mamuhay sa araw-araw?

Mabisa at Nakakukumbinsing mga Guro

Nang magbago ang pag-aaral ko ng mga banal na kasulatan, gayon din ang pagtuturo ko. Naging mas interesado ako sa pagtulong sa mga tao na tuklasin ang mga katotohanan ng ebanghelyo na gagabay sa kanila kaysa sa sabihin sa kanila ang kahulugan sa akin ng mga talata.7 Natuwa akong makita ang kagalakang nadama ng iba nang may natuklasan silang bago. Noon, at ngayon, isa ito sa pinaka-nakasisiyang mga karanasan ko sa pagtuturo.

Nakita ko rin na nang tulungan ko ang mga tinuruan ko na patuloy na gamitin ang mga kasanayan at tanong na nabanggit sa itaas, bumilis ang kakayahan nilang umasa sa sarili bilang mga mag-aaral ng ebanghelyo. Hindi na nila kinailangang dumaan sa mahabang prosesong pinagdaanan ko.

Mag-aral muna bago magturo, at ang mahuhusay na mag-aaral ay nagiging mas espirituwal at nagbibigay-inspirasyong mga guro. “Huwag hangaring ipahayag ang aking salita,” sabi ng Panginoon, “kundi hangarin munang matamo ang aking salita, at pagkatapos ay kakalagan ang iyong dila; pagkatapos, kung iyong nanaisin, mapapasaiyo ang aking Espiritu at ang aking salita, oo, ang kapangyarihan ng Diyos sa ikahihikayat ng mga tao” (D at T 11:21). Sino ba naman ang aayaw sa malaking pagpapalang iyon!

Binigyang-diin ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol ang lumalaking pangangailangan nating umasa sa sarili bilang mga mag-aaral ng ebanghelyo:

“Palagay ko nagbibigay-diin tayo at mas marami tayong alam tungkol sa isang gurong nagtuturo sa pamamagitan ng Espiritu kaysa sa mag-aaral na natututo sa pamamagitan ng pananampalataya. Malinaw na ang mga alituntunin at proseso kapwa ng pagtuturo at pag-aaral ay espirituwal na mahalaga. Gayunman, kapag umasa tayo sa hinaharap at inasahan natin na lalong gugulo at maliligalig ang mundo kung saan tayo maninirahan, naniniwala ako na magiging mahalaga sa ating lahat na pag-ibayuhin ang kakayahan nating maghangad na matuto sa pamamagitan ng pananampalataya. …

“Sa huli, ang responsibilidad para matuto sa pamamagitan ng pananampalataya at ipamuhay ang espirituwal na katotohanan ay nakasalalay sa bawat isa sa atin. Ito ay patuloy na nagiging seryoso at mahalagang responsibilidad sa mundo kung saan nabubuhay tayo at mabubuhay pa. Sa tanong na ano, paano, at kailan tayo matututo ay nakatutulong ang—ngunit hindi depende sa—guro, paraan ng paglalarawan, o sa isang tiyak na paksa o pormat ng lesson.”8

Mga Pagpapala ng Pag-asa sa Sarili Bilang Mag-aaral

Larawan
young adult woman studying scriptures

Talagang pinagpala tayo ng mga inspiradong turo ng mga magulang at guro sa Simbahan, ngunit marahil ay mas mahalaga ang pag-aaral na bigyang-inspirasyon ang ating sarili. Kapag umasa tayo sa sarili bilang mga mag-aaral ng ebanghelyo, mas nakatatanggap tayo ng personal na paghahayag. Hindi kailangan ng mga mag-aaral ng ebanghelyo na umaasa sa sarili ang mga pampasigla para regular na mag-aral nang higit pa sa pagkaalam na sa susunod na mag-aral sila ay sisigla sila sa halip na mainip. Ang mga mag-aaral ng ebanghelyo na umaasa sa sarili ay mas nalalagpasan ang pagdagsa ng mga maling ideyang laganap sa ating lipunan ngayong ika-21 siglo.

Isa sa mga pangako ng Panginoon ang tila nauukol talaga sa mga mag-aaral ng ebanghelyo na umaasa sa sarili: “Sinuman ang magpapahalaga sa aking salita, ay hindi malilinlang” (Joseph Smith—Matthew 1:37).

Ipinangako ni Pangulong Thomas S. Monson, “Kung kayo ay masigasig na mag-aaral ng mga banal na kasulatan, ang kapangyarihan ninyong umiwas sa tukso at tumanggap ng patnubay ng Espiritu Santo sa lahat ng inyong ginagawa ay mag-iibayo.”9

Nararanasan ng mga mag-aaral ng ebanghelyo na umaasa sa sarili ang pangako ng Tagapagligtas:

“Kung ang sinomang tao’y nauuhaw, ay pumarito siya sa akin, at uminom.

“Ang sumasampalataya sa akin, gaya ng sinabi ng kasulatan, ay mula sa loob niya ay aagos ang mga ilog ng tubig na buhay” (Juan 7:37–38).

Marami pa akong kailangang maunawaan, ngunit ang pagiging isang mag-aaral ng ebanghelyo na umaasa sa sarili ay isa sa pinakamagagandang bagay na nagawa ko. Napagpala nito ang lahat ng aspeto ng buhay ko.

Mga Tala

  1. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 313.

  2. Tingnan sa “Fable of the Gullible Gull,” Reader’s Digest, Okt. 1950, 32.

  3. Marion G. Romney, “The Celestial Nature of Self-reliance,” Ensign, Nob. 1982, 91.

  4. Boyd K. Packer, “Self-Reliance,” Ensign, Ago. 1975, 87.

  5. George Albert Smith, sa Conference Report, Abr. 1929, 30; tingnan din sa The Teachings of George Albert Smith, inedit nina Robert at Susan McIntosh (1996), 53.

  6. Boyd K. Packer, “Agency and Control,” Ensign, Mayo 1983, 67.

  7. Itinuro ni Pangulong Heber J. Grant (1856–1945), “Ang layunin ng Simbahan ay tulungan ang mga tao na tulungan ang kanilang sarili” (sa Conference Report, Okt. 1936, 3).

  8. David A. Bednar, “Maghangad na Matuto sa Pamamagitan ng Pananampalataya,” Liahona, Set. 2007, 17, 21.

  9. Thomas S. Monson, “Kayo ay Magpakahusay,” Liahona, Mayo 2009, 68.