2017
Pagpili ni Martin
June 2017


Pagpili ni Martin

Ang mga awtor ay naninirahan sa Utah, USA.

Alam ni Martin na hindi siya dapat uminom ng tsaa. Ano ang dapat niyang gawin?

“Maging tapat, totoo, at panindigan ang tama” (Children’s Songbook, 159).

Larawan
martins choice

Unti-unting gumising si Martin. Niyuyugyog ng nanay niya ang kanyang balikat.

“Martin,” sabi niya, “gising na.”

Kinusot ni Martin ang kanyang mga mata para mawala ang antok. Madilim pa ang langit, pero alam niya kung anong oras na. Gumigising ang pamilya niya nang alas-5:30 tuwing umaga para sama-sama silang magbasa ng Aklat ni Mormon. Hindi laging madaling gumising nang maaga.

Bumangon na si Martin at dahan-dahang naglakad papunta sa silid sa harapan. Nag-inat siya at naghikab nang todo. Mukhang inaantok pa rin ang mga kapatid niya, pero naroon na silang lahat.

Bawat isa ay magbabasa nang limang minuto. Noong una gusto nang bumalik ni Martin sa higaan. Pero patuloy siyang nakinig. Tila sa bawat talata ay bumubuti ang kanyang pakiramdam. Pagkatapos nilang magbasa, dama ni Martin na lumakas ang kanyang espiritu.

At kailangan ni Martin ng espirituwal na lakas araw-araw. Sa Kenya, iilan lang ang miyembro ng Simbahan na kaedad ni Martin, at magkakalayo sila ng tirahan. Pagkatapos ng klase nagpupunta si Martin sa isang boys’ club na pinangangasiwaan ng simbahang Katoliko. Isang linggong sama-samang nagtungo sa camping trip ang club.

Masayang-masaya si Martin. Kumanta siya ng mga awitin sa camping. Nagsibak siya ng kahoy. Tumulong pa siyang magparingas ng siga.

Ngunit sa ikalawang araw, naglabas ng tsaa ang isa sa mga lider. “Iinom tayo ngayon ng tsaa,” sabi ng lider.

Natuwa ang iba pang mga bata. Umiinom sila ng tsaa sa bahay kapag may espesyal na okasyon. Kumuha silang lahat ng tasa at naghintay na punuin ito ng lider.

Medyo kinabahan si Martin. Alam niya na hindi siya dapat uminom ng tsaa. Pero ayaw niyang magalit ang mga kaibigan niya.

Pagkatapos ay naalala niya kung ano ang nadama niya nang sundin niya ang mga kautusan. Nang sundin ng kanyang pamilya ang propeta at sama-sama nilang binasa ang Aklat ni Mormon, masaya siya. Kapag hindi sila nagbasa, hindi siya masaya.

Alam ni Martin kung ano ang kailangan niyang gawin.

“Ayaw ko po, salamat,” sabi niya sa lider nang pupunuin na nito ang tasa ni Martin. “Ayaw ko pong uminom ng tsaa.”

Mukhang nagulat ang pinuno, pero hinayaan nitong uminom si Martin ng tubig habang umiinom ng tsaa ang iba pang mga bata. Gustong malaman ng ilan sa mga bata kung bakit hindi umiinom ng tsaa si Martin, pero hindi nila siya pinagtawanan. Sumaya si Martin. Alam niya na palalakasin ng Word of Wisdom ang kanyang katawan. At natuwa siya na nagkaroon siya ng sapat na lakas para gawin ang tama.