2017
Isang Basbas para sa Isang Estranghero
June 2017


Mga Tinig ng mga Banal sa mga Huling Araw

Isang Basbas para sa Isang Estranghero

Larawan
missionaries looking over fence

Paglalarawan ni Allen Garns

Ilang taon matapos kaming sumapi ng pamilya ko sa Simbahan, nakatanggap ako ng tawag na maglingkod sa Nigeria Port Harcourt Mission. Isang maaliwalas na araw at halos kadarating ko pa lang sa una kong area, lumabas kaming magkompanyon para sa karaniwan naming pagtuturo at pagkontak.

Nang mapadaan kami sa isang mataong kalye, nakarinig kami ng mahinang tinig na tumatawag sa amin mula sa isang compound na mababa ang bakod. Tiningnan namin ang kabila ng bakod at nakita namin ang isang lalaking nasa katanghaliang-gulang na nakadapa malapit sa tarangkahan.

Sinenyasan niya kaming pumasok, pero walang paraan para makapasok kami sa compound. Nakakandado ang tarangkahan at naisip namin na hindi naman tama kung aakyat kami ng bakod. Naisip kong muling tingnan ang kandado sa tarangkahan. Pagkaraan ng ilang minuto, nagawa naming alisin ang kandado mula sa labas at buksan ang tarangkahan. Nakita namin na maysakit ang lalaki at walang nagbabantay. Ipinaliwanag niya na matagal na siyang maysakit at hindi siya makatayo dahil sa matinding sakit na nararamdaman niya.

Matapos siyang kausapin, sinundan namin siya habang pahilahod siyang pumasok sa bahay niya. Hiniling niyang ipagdasal namin siya, at nag-alok kaming basbasan siya. Nang ipatong namin ang aming mga kamay sa kanyang ulo, parang may bara ang lalamunan ko at hindi ako makapagsalita. Natakot ako, at nagsimula akong manginig at pawisan, at umagos ang luha sa mga pisngi ko. Nahirapan akong magdasal nang malakas, kaya lihim kong ipinagdasal na kalagan ng Ama sa Langit ang dila ko alinsunod sa Kanyang kalooban.

Bigla akong nakapagsalitang muli. Alam kong nagsasalita ako, pero hindi ko mapigil ang mga salita. Narinig ko na lang ang sarili kong boses na humihiling sa Ama sa Langit na pagalingin ang nagdurusang lalaking ito. Bago kami nagsabi ng amen, nakatulog na ang lalaki. Iniwan namin siya at nagpunta kami sa iba pa naming appointment ngunit nagplano kaming dumaan doon pag-uwi namin sa apartment para kumustahin siya.

Bumalik kami at laking gulat ko nang patakbo kaming lapitan ng lalaki, na sumisigaw ng, “Umepekto! Umepekto ang basbas! Tuwang-tuwa kami kaya hindi ko napigilang lumuha.

Sa sacrament meeting nang sumunod na Linggo, biglang tumahimik ang bishop sa pulpito at tumingin nang diretso sa pinto ng chapel. Lumingon kami at nakita namin ang lalaking binasbasan namin. Kilala siya ng bishop, na nagulat nang pumasok siya sa simbahan. Mula noon, regular nang dumalo ang lalaki sa mga sacrament meeting at iba pang mga klase. Kalaunan ay inilipat ako sa ibang lugar.

Kamangha-mangha ang paghihimala ng Diyos noong araw na iyon, at napakumbaba ako na natagpuan akong karapat-dapat ng Ama sa Langit. Alam ko na tayo ay mga kasangkapan sa mga kamay ng Diyos. Nabiyayaan ang lalaking iyon para gumaling, ngunit nabiyayaan ako ng mas malakas na patotoo at kagalakan.