2016
Makilala ang Panguluhang Diyos
Enero 2016


PAGKILALA SA Panguluhang Diyos

Mula sa mensaheng, “The Godhead,” na ibinigay sa seminar para sa mga bagong mission president sa Provo Missionary Training Center noong Hunyo 23, 2013.

Dapat nating makilala ang mga Banal na Nilalang na ito sa abot ng ating makakaya. Mahalin natin Sila, lumapit tayo sa Kanila, sundin Sila, at sikaping maging katulad Nila.

Larawan
Painting of the first vision by Walter Rane. The Father and Son appear to Joseph Smith in the sacred grove.

Unang Pangitain, ni Walter Rane

Sinabi ni Propetang Joseph Smith, “Unang alituntunin ng ebanghelyo ang malaman nang may katiyakan ang katangian ng Diyos.”1 Bukod dito, sinabi pa niya, “Sapagkat nais kong makilala ninyo Siya, at maging malapit kayo sa Kanya.”2 Kailangang magkaroon tayo ng “wastong ideya tungkol sa kanyang … kasakdalan, at mga katangian” at paggalang sa “kadakilaan ng [Kanyang] pagkatao.”3

Nais kong bigyang-diin ang paanyaya ng Propeta sa atin at sabihin na dapat talagang malaman natin at ng ating mga missionary, mga miyembro, at investigator ang katangian ng mga miyembro ng Panguluhang Diyos. Kailangang magkaroon tayo ng wastong ideya tungkol sa Kanilang kani-kanyang kasakdalan at katangian at paggalang sa kadakilaan ng Kanilang pagkatao.

Hindi nagkataon lamang na ang unang saligan ng ating pananampalataya ay “Naniniwala [tayo] sa Diyos, ang Amang Walang Hanggan, at sa Kanyang Anak, na si Jesucristo, at sa Espiritu Santo” (Saligan ng Pananampalataya 1:1). Ang mensahe ay malinaw sa lahat ng nagtuturo ng ebanghelyo. Walang kahihinatnan ang pagtalakay sa iba pang mga katotohanang pinaniniwalaan natin kung hindi natin naitanim sa isipan natin at ng mga tinuturuan natin ang pinakadakilang ginagampanan ng Panguluhang Diyos sa ating doktrina at sa ating walang hanggang tadhana. Dapat nating kilalanin ang mga Banal na Nilalang na ito sa abot ng ating makakaya. Mahalin natin Sila, lumapit tayo sa Kanila, sundin Sila, at sikaping maging katulad Nila.

Kapag nagdadala tayo ng mga tao sa Simbahan, hindi natin sila binibinyagan sa Simbahan ng isang tao, maging iyon man ay si Joseph Smith o si Brigham Young o Thomas S. Monson—bagama’t iginagalang natin ang mga propetang ito. At hindi natin sila binibinyagan sa Simbahan ng masasayang pamilya o ng Mormon Tabernacle choir.

Kapag nagdadala tayo ng mga tao sa Simbahan, binibinyagan natin sila sa pangalan ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo. Sa paggawa nito, inaakay natin sila pabalik sa piling ng Ama sa pamamagitan ng ministeryo, Pagbabayad-sala at biyaya ng Kanyang Anak, nang may impluwensya ng Espiritu Santo na pumapatnubay sa kanila sa mithiing ito. Lagi nating isaisip ang ginagampanang ito ng Panguluhang Diyos bilang isang mithiin at paraan habang isinasagawa natin ang gawain ng kaligtasan.

Kung, tulad ng ipinayo ni Haring Benjamin, talagang kilala natin ang mga Banal na Nilalang na ito na ating pinaglilingkuran at nakatitiyak na hindi Sila dayuhan sa atin at hindi malayo sa ating pag-iisip at mga hangarin ng ating puso (tingnan sa Mosias 5:13), sa gayon matatamo natin ang mga bunga na nakamtan ni Haring Benjamin. At ano ang mga iyon? Naranasan ng kanyang mga tao ang “malaking pagbabago,” “wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi patuloy na gumawa ng mabuti,” at “nahahandang makipagtipan … gawin ang kalooban [ng Diyos], at maging masunurin sa kanyang mga kautusan sa lahat ng bagay na kanyang ipag-uutos sa [kanila], sa lahat ng nalalabi [nilang] mga araw” (Mosias 5:2, 5).

Larawan
Large out door scene with a market square/campsite in the foreground and green hills in the background. In the right foreground there is the side of alarge stuped tent; the tent has an awning supported by ropes and poles. Hanging from the awning is a series of poles. Underneath the awning is a mother with several children all in highly colored tunics and skirts. In the left foreground is another family. This family has a father with a daughter in hi lap, two women beside him (one with a child in her lap) and a young boy with no shirt. Behind the man is another figure with a bowed head. Threre are several other figures and tents in the picture, but they are across the ones in the foreground. A large tower is the focus of the painting. The tower appears like scaffolding with a shaded top. On top of the tower are three men. One wears a blue robe and speaks with outstretched arms. The other two seem to be recording his words. Behind the tower is a stone building with step shapped sides. "Walter Ranes '03" appears in the lower right corner in red. The Reverse side reads, "Walter Rane 2003/ In the Service of Your God Mosiah 2:17/ King Benjamin Addresses his People".

Kaliwa: Sa Paglilingkod sa Inyong Diyos, ni Walter Rane, sa kagandahang-loob ng Church History Museum; kanan: detalye mula sa Binyag, ni J. Kirk Richards

Iyan ang epekto ng mga turo ni Haring Benjamin sa kanyang kongregasyon, at ito ay isang perpektong pakahulugan ng banal na kasulatan sa totoong pag-unlad ng ating mga nabinyagan na binibigyang-diin natin habang itinatatag natin ang Simbahan sa “buong sanglibutan” (Marcos 16:15).

Tulad ng itinuro ng Tagapagligtas, ang gawaing misyonero—ang gawain ng kaligtasan—ay parang lambat na inihahagis natin hanggang sa umabot sa lahat ng bansa, kultura, at mga tao. Sa gayon, titipunin natin, tulad ng sabi sa talinghaga, ang “sarisaring” isda (Mateo 13:47). Marami sa mga “isda” na iyon sa malaking bahagi ng mundo ang hindi nakakikilala sa Diyos o sa pagiging Ama Niya; hindi nila kilala kung sino talaga si Jesucristo o kung bakit tanging ang pangalan Niya ang ibinigay sa silong ng langit upang tayo ay maligtas (tingnan sa Mga Gawa 4:12); hindi nila kilala ang Espiritu Santo o kung bakit ang miyembrong ito ng Panguluhang Diyos ay “isinugo upang magturo ng katotohanan” (D at T 50:14).

Kaalaman tungkol sa Panguluhang Diyos

Mangyari pa, maraming iba pang bagay ang hindi alam ng mga taong ito na tinuturuan natin, ngunit kung kanilang tatanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo at talagang maghahanap ng kaligtasan para sa kanilang mga kaluluwa, dapat itong magsimula sa ilang kaalaman at pag-unawa tungkol sa mga miyembro ng Panguluhang Diyos. Sa huli, “ang totoo at nakapagliligtas na pagsamba ay matatagpuan lamang sa mga taong alam ang katotohanan tungkol sa … Panguluhang Diyos at nauunawaan ang totoong kaugnayan ng tao sa bawat miyembro ng Walang Hanggang Panguluhang iyon [na titulong ibinigay ng isa sa Mga Kapatid].”4

Ipinaalala sa atin ni Elder Bruce R. McConkie (1915–85) ng Korum ng Labindalawang Apostol na alam ni Lucifer ang kahalagahan ng doktrina iyan, kahit hindi natin alam. Sabi niya:

“Walang kaligtasan sa paniniwala sa … maling doktrina, lalo na sa mali o hangal na pananaw tungkol sa Panguluhang Diyos o sa sinuman sa mga miyembro nito. …

“Kaya ang diyablo ay mas magpapalaganap ng maling doktrina tungkol sa Diyos at sa Panguluhang Diyos, at lilikha ng maling damdamin hinggil sa sinuman sa kanila, kaysa sa ibang bagay na magagawa niya.”5

Kaya walang investigator ang mapapabilang sa Simbahang ito nang may tunay na patotoo, tunay na pagbabalik-loob, sa yaong hinahanap natin at tinatawag na totoong pag-unlad sa bawat bagong binyag, maliban kung siya ay nagkaroon sa simula pa lang ng ilang personal, espirituwal, totoong karanasan sa Diyos. Ang ganyang totoong karanasan ay dumarating lamang kapag naunawaan ng tao na Siya ay totoong nilalang, tunay na personahe, literal na Ama na may laman at buto na nagsasalita at nakakakita at nakadarama, na nalalaman ang pangalan ng lahat ng Kanyang anak at lahat ng kanilang pangangailangan, naririnig ang lahat ng kanilang mga panalangin, at nagnanais na mapabilang ang lahat ng Kanyang anak sa Kanyang Simbahan. Kailangang malaman ng mga investigator na ito na may plano Siya para sa kanilang kaligtasan at na nagbigay Siya ng mga kautusan upang makabalik tayo sa Kanya.

Ang Diyos na nagmamalasakit sa kanila tulad ng isang mapagmahal na magulang na nagmamalasakit sa anak ay hindi maaaring maging isang nilalang na walang pakialam o espirituwal na nilalang na walang pisikal na kaanyuan. Dapat Siyang makilala kung sino talaga Siya—isang maawain, at mahabaging Ama, na kung kaninong larawan ay nilikha ang bawat isa sa Kanyang mga anak at na sa Kanyang harapan balang-araw tayong lahat ay muling tatayo—at magsisiluhod! Makikilala ng ilan sa mga investigator natin ang gayong uri ng Diyos ngayon, kabilang man sila o hindi sa Simbahang Kristiyano sa panahong ito.

Patungkol sa bagay na iyan, napakahalagang ang lesson 1 sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo ay nagsisimula sa simpleng pahayag na “Ang Diyos ang ating Ama sa Langit.”6 Sa lesson na iyan ang unang dapat gawin ng mga missionary ay alamin kung ano ang nauunawaan ng bawat taong tinuturuan tungkol sa totoong katangian ng Diyos.

Kung maipapaunawang mabuti ng mga missionary ang tungkol sa Diyos sa isipan at puso ng kanilang mga investigator sa simula ng kanilang pagtuturo, lahat ng iba pang bagay na ituturo ay mas madaling mauunawaan.

Ang Misyon at Mensahe ni Jesucristo

Larawan
Jesus Christ being baptized by John the Baptist.

Kaliwa: Sa Paglilingkod sa Inyong Diyos, ni Walter Rane, sa kagandahang-loob ng Church History Museum; kanan: detalye mula sa Binyag, ni J. Kirk Richards

Dapat ding mas pahalagahan pa ng bawat elder, sister, at investigator ang karingalan ng misyon at mensahe ni Jesucristo, na bumaba mula sa Ama at nagturo ng mga bagay na itinuro sa Kanya ng Ama. Dapat maunawaan ng lahat na naparito sa mortalidad si Jesus upang ipakita sa atin ang daan, katotohanan, at buhay. Tunay ngang Siya ang tanging daan, ang buong katotohanan, at ang may sakdal na buhay. Dahil diyan, Siya ang nag-iisang anak sa buong sangkatauhan na kung kanino ay masasabi nang ganap at lubos ng Ama, “Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan” (Mateo 17:5).

Dapat tayong manampalataya kay Cristo, magtiwalang tinubos Niya tayo mula sa kamatayang pisikal at espirituwal mula sa impiyerno, tanggapin ang Kanyang Pagbabayad-sala bilang tanging paraan sa pakikipagkasundo natin sa Diyos, at kilalanin na walang ibang daan tungo sa kaligtasan. Ang sangkatauhan, kung nais nitong matubos, ay dapat lumuhod at ipagtapat na si Jesus ang Cristo, ang buhay na Anak ng Diyos na buhay. Kailangan nating ituro nang may pananampalataya at sigasig “ang doktrina ni Cristo” (Sa Mga Hebreo 6:1; II Ni Juan 1:9; 2 Nephi 31:2, 21; 32:6; Jacob 7:2, 6) tulad ng nakasaad sa mga banal na kasulatan at ibinuod sa lesson 3 ng Mangaral ng Aking Ebanghelyo.

Kailangang malaman ng ating mga investigator na ang Espiritu Santo ay miyembro ng Panguluhang Diyos na madalas na maghihikayat sa kanila kapag tinanggap nila ang mga missionary at nanalangin na patnubayan tungkol sa mensahe nila. Ang miyembrong ito ng Panguluhang Diyos ang aakay sa mga investigator tungo sa katotohanan at magpapatotoo sa katotohanan kapag narinig nila ito. Dapat maturuan ang mga investigator na makilala ang Espiritu kapag nagpahiwatig ito sa oras na itinuturo ang mga lesson. Talagang dapat maunawaan ng mga missionary ang banal na tungkulin ng Espiritu Santo sa proseso ng pagbabalik-loob at sikaping mapasakanila sa tuwina ang Espiritu.

“Saan ba kayo inordenan?” tanong ng Panginoon. “Ang mangaral ng aking ebanghelyo sa pamamagitan ng Espiritu, maging ang Mang-aaliw na isinugo upang magturo ng katotohanan. …

“Dahil dito, siya na nangangaral at siya na nakatatanggap, ay nauunawaan ang isa’t isa, at sila ay kapwa pinagtitibay at magkasamang magsasaya” (D at T 50:13–14, 22).

Talagang hindi ito magiging madali—para sa mga missionary o para sa kanilang mga investigator—kung hindi natin wastong maituturo ang tungkol sa Panguluhang Diyos. Unahin nating ituro at patotohanan ang tungkol sa Panguluhang Diyos bago ang tungkol sa mga mortal na lider. Unahin nating ituro ang mga pangunahing katotohanan bago ang mga katotohanang sumusuporta lamang dito. Huwag nating madaliin ang binyag at mithiing magkaroon ng bagong miyembro sa halip ay ituro muna natin ang tunay na pananampalataya sa Diyos, ipaliwanag na kailangan ang tunay na pagsisisi kay Cristo, at tiyakin na ang simula ng paglago ng patotoo ng bagong miyembro ay matibay at matatag sa pamamagitan ng nagpapalakas na impluwensya ng Banal na Espiritu.

Pagkalito ng mga Kristiyano

Tungkol sa malinaw at magkakaibang katangian ng mga Banal na Nilalang na ito, itinuro sa mga paghahayag sa mga huling araw na “ang Ama ay may katawang may laman at mga buto na nahihipo gaya ng sa tao; ang Anak din; subalit ang Espiritu Santo ay walang katawang may laman at mga buto, kundi isang personaheng Espiritu” (D at T 130:22).

Larawan
Jesus Christ depicted standing with His arms outstretched as an invitation for people to come to Him. Several people are gathered around Christ. Most of the people are looking up at Christ. An elderly man is kneeling on the ground. The man is clasping the robe of Christ and resting his head against Christ's side. Another elderly man is seated by Christ. He is resting his head on Christ's other side.

Detalye mula sa Pagpapagaling sa Lalaking Bulag, ni Carl Heinrich Bloch

Wala nang iba pang pahayag na mas malinaw kaysa riyan! Ngunit ang malungkot, ang halos dalawang libong taon ng kasaysayan ng Kristiyano ay nakagawa ng matinding kalituhan at kamalian tungkol sa katangian ng Diyos. Maraming pagbabago at bersyon ng mga paniniwala ang sumira sa kasimplehan at kalinawan ng totoong doktrina, nagpapahayag na ang Ama, Anak, at Espiritu Santo ay walang katawan, pinakadakila at makapangyarihan sa lahat, kagila-gilalas, laging sumasalahat ng lugar at oras, maaaring umiral sa ibang anyo, walang hanggan, at hindi kayang arukin, walang katawan o damdamin, at nananahan sa lugar na di sakop ng sansinukob at panahon.

Sa ganitong mga paniniwala, lahat ng tatlong miyembro ay magkakahiwalay na indibiduwal, ngunit iisa lang sila, ang madalas banggiting “misteryo ng tatlong persona.” Sila ay tatlong magkakahiwalay na indibiduwal, gayunman hindi tatlong Diyos kundi iisa. Ang tatlong ito ay hindi maunawaan, gayunman ito ay isang Diyos na hindi maunawaan.

Sumasang-ayon tayo sa ating mga kritiko kahit paano sa puntong iyan—na ang gayong ideya ukol sa pagkadiyos ay talagang hindi mauunawaan. Sa nakalilitong pakahulugang ito tungkol sa Diyos na ipinapatupad sa Simbahan, hindi nakapagtatakang ang isang monghe ng ikaapat na siglo ay nagsabing, “Sa aba ko! Inilayo nila sa akin ang Diyos, … at hindi ko alam kung sino ang aking sasambahin at kanino ako mananalangin.”7 Paano natin pagtitiwalaan, mamahalin at sasambahin, o sisikaping maging katulad ng Nilalang na di-maunawaan at di-kayang arukin? Paano natin uunawain ang panalangin ni Jesus na ito ang “buhay na walang hanggan, na ikaw ay makilala nila na iisang Dios na tunay, at siyang iyong isinugo, samakatuwid baga’y si Jesucristo”? (Juan 17:3; idinagdag ang pagbibigay-diin).

Hindi natin gustong maliitin ang paniniwala ng sinumang tao ni ang doktrina ng alinmang relihiyon. Nirerespeto natin ang kanilang doktrina tulad ng hinihingi nating pagrespeto sa ating doktrina. (Iyan ay saligan din ng ating pananampalataya.) Ngunit ang mapagkakatiwalaang Harper’s Bible Dictionary, na itinuturing na may awtoridad sa larangan ng pag-aaral ng Biblia, ay nagsabing “ang pormal na doktrina ng Tatlong Persona batay sa paglalarawan ng malaking kapulungan ng simbahan noong ikaapat at ikalimang siglo ay hindi matatagpuan [kahit saan] sa [Bagong Tipan].”8

Kaya talagang madali sa atin na ipaalam na hindi tayo naniniwala sa ideya ng ikaapat o ikalimang siglo na naimpluwensyahan ng pananaw ng mga pagano tungkol sa Panguluhang Diyos, at gayon din ang mga unang Banal na Kristiyano na mga saksi ng buhay na Cristo.9 Tayo ay mga Kristiyano tulad ng mga nasa Bagong Tipan—hindi tulad ng mga taong sumusunod sa Nicene Creed.

Ang Pagkakaisa ng Panguluhang Diyos

Gayunman, agad kong binibigyang-diin na kapag itinuro natin na magkakahiwalay at magkakaiba ng katangian ang Panguluhang Diyos, mahalaga ring bigyang-diin kung gaano Sila nagkakaisa at paano talaga Nagkakaisa ang Panguluhang Diyos. Palagay ko malaya kong masasabi na isa sa mga dahilan kung bakit hindi tayo maunawaan ng iba ayon sa tradisyon ng mga Kristiyano ay dahil itinuturo natin na magkakahiwalay ang tatlong miyembro ng Panguluhang Diyos, at hindi lamang natin ito tinatanggap kundi binibigyang-diin rin ang Kanilang pagkakaisa na makikita sa lahat ng iba pang bagay. Dahil dito nabatikos tayo, at lalo pa nating pinahirap ang pag-unawa sa mga alituntunin ng ebanghelyo na itinuturo natin.

Sa katunayan, ang magandang talata sa 2 Nephi 31 tungkol sa “doktrina ni Cristo” ay nagtatapos sa pahayag na ito: “Ito ang doktrina ni Cristo, at ang tangi at tunay na doktrina ng Ama, at ng Anak, at ng Espiritu Santo, na isang Diyos, na walang katapusan” (2 Nephi 31:21).

Nabasa nating lahat ang Namamagitang Panalangin ng Tagapagligtas sa Juan 17. Alam natin na ito ay pahayag ng pagkakaisa ng Ama at ng Anak, at Nila at tayo, na Kanilang mga disipulo dito sa mundo. Basahin ito nang madalas, yamang tinawag ito minsan ni Pangulong David O. McKay (1873–1970) na “pinakadakilang panalanging … inusal sa mundong ito.”10 Dapat tayong magsikap na maging kaisa ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo, tulad ng idinalangin ni Jesus na dapat nating gawin.

Patotoo ng Apostol

Magtatapos ako sa pagpapatotoo tungkol sa bawat isa sa mga Banal na Nilalang na ito, na siyang bumubuo sa “Walang Hanggang Panguluhan” na nabanggit. Pinatototohanan ko ang Espiritu Santo sa pamamagitan ng diwa ng Espiritu Santo, dahil ang pagpapatotoo at pagsaksi ay dalawa sa mga dakilang tungkulin nito. Pinatototohanan ko na ang Espiritu Santo ay guro, Mang-aaliw, at naghahatid ng personal na paghahayag. Pinatototohanan ko na ipapaalala sa atin ng Espiritu Santo ang lahat ng bagay—isang partikular na pagpapala dahil ang pag-alaala ay isa sa mga dakilang kautusan na ibinigay sa atin, pati na sa mga panalangin ng sakramento (tingnan sa D at T 20:77, 79).

Pinatototohanan ko na sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, maaalis sa atin ang kadiliman at mababalaan sa panganib at kasinungalingan. Pinatototohanan ko na ang Espiritu Santo ay siya ring Banal na Espiritu ng Pangako, nagpapatibay sa mga tipan at ordenansa at sa huli ay ibinubuklod ang lahat ng nakapagliligtas na pagpapala sa buhay na walang hanggan. Namangha ako na maaari nating makasama ang isang miyembro ng Panguluhang Diyos at makasama ito palagi at paulit-ulit kung mamumuhay tayo nang marapat dito. Ipinahahayag ko ang halos hindi ko masambit na pasasalamat sa kaloob na Espiritu Santo.

Pinatototohanan ko si Jesucristo, ang buhay na Anak ng buhay na Diyos, na nagbayad-sala upang mapalaya ang inyong kaluluwa at ang aking kaluluwa at ang kaluluwa ng bawat lalaki, babae, at bata mula kay Adan hanggang sa katapusan ng mundo. Pinatototohanan ko na ang unang alituntunin ng ebanghelyo ay pananampalataya sa Panginoong Jesucristo at na ito ang pundasyon at pinakamahalagang mensahe ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.

Larawan
Jesus Christ depicted leaning on a rock in the Garden of Gethsemane. The image depicts the Atonement of Christ.

Kaliwa: Huwag Mangyari ang Aking Kalooban, Kundi ang Iyo, ni Harry Anderson; kanan: detalye mula sa Christus CONSOLATOR, ni Carl Heinrich Bloch

Pinatototohanan ko na bawat nilalang na isinilang sa mundong ito ay isinilang na may Liwanag ni Cristo sa kanyang kaluluwa. Pinatototohanan ko na Siya ang Una at ang Huli, ang Simula at ang Wakas, ang Alpha at Omega ng ating kaligtasan. Ipinahahayag ko na Siya ang dakilang Jehova, ang manunubos na Ako, ang Kordero ng Diyos na pinatay bago pa ang pagkakatatag ng daigdig. Pinatototohanan ko na Siya ay sakdal at na Siya ay isinilang, nabuhay at namatay na isang sakdal at walang kasalanang Tao, walang kapintasan at walang bahid-dungis.

Nagpapasalamat ako na ang awtoridad ni Jesucristo, na namamahala sa lahat ng bagay na may walang hanggang kahalagahan sa sansinukob na ito, ay nagtataglay ng Kanyang pangalan—ang Banal na Pagkasaserdote alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos. Kung mabubuhay ako nang isang libong taon, hindi ko kailanman sapat na maipahahayag ang aking pagkamangha at kakulangan na matawag bilang isa sa Kanyang mga Apostol, isang saksi sa Kanyang pangalan sa buong mundo.

Ako ay namangha sa pag-ibig ni Jesus,

Humanga sa pagpapalang alay N’yang lubos.11

Pinatototohanan ko ang Diyos Amang Walang Hanggan, ang dakilang Elohim, ang aking Ama at inyong Ama, na nagbigay sa atin ng espirituwal na buhay. Pinatototohanan ko na Siya ay Tao ng Kabanalan, na ang mga salitang gaya ng awa at kabutihan, pagmamahal at pagkahabag ay simula lamang ng paglalarawan sa Kanyang pangunahin at walang-hanggang mga katangian. Pinatototohanan ko na si Cristo ay naparito upang ipakilala sa atin ang Ama at dahil diyan ay marapat na tawaging Anak ng Tao (ng Kabanalan).

Pinatototohanan ko na ang ating Diyos Ama ang may-akda ng dakilang plano ng kaligtasan at na ang nakilalang ebanghelyo ni Jesucristo ay kilala rin bilang “ang evangelio ng Dios” (Mga Taga Roma 1:1; tingnan din sa mga talata 2–3). Pinatototohanan ko na ang Ama ang Lumikha ng lahat ng bagay, sa pamamagitan ni Jehova at ng iba pang nilalang sa langit upang isakatuparan ang Paglikha at ibinahagi ang titulong Lumikha sa Kanyang Pinakamamahal na Anak. Pinatototohanan ko na dapat tayong maglingkod sa Ama sa pangalan ng Anak tulad ng pagdarasal natin sa Ama sa pangalan ng Anak.

Pinatototohanan ko na si Jesucristo ay naparito upang gawin ang kalooban ng Ama, ituro ang doktrina ng Ama, at isakatuparan ang Kanyang sariling kaligtasan sa pamamagitan ng Ama. Taimtim kong pinatototohanan na mahal ng Ama ang sanlibutan, ang Kanyang mga anak, kaya’t Kanyang ibinigay ang Kanyang pinakadakilang anak, Kanyang perpektong anak, Kanyang Bugtong na Anak, upang ang sinumang maniwala sa Kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan (tingnan sa Juan 3:36; 6:47; Helaman 14:8).

Nagpapasalamat ako sa Ama, sa Anak, at sa Espiritu Santo, na sa Kanilang mga pangalan ang sagrado at nakapagliligtas na mga ordenansa mula sa binyag hanggang sa pagbubuklod sa templo ay isinasagawa sa Simbahang ito. Inaanyayahan ko ang bawat isa sa inyo na kilalanin nang husto ang mga Banal na Nilalang na ito.

Mga Tala

  1. Joseph Smith, sa History of the Church, 6:305.

  2. Joseph Smith, sa History of the Church, 6:305.

  3. Lectures on Faith (1985), 38, 42.

  4. Bruce R. McConkie, “Our Relationship with the Lord” (Brigham Young University devotional, Mar. 2, 1982), 1, speeches.byu.edu.

  5. Bruce R. McConkie, “Our Relationship with the Lord,” 1–2.

  6. Mangaral ng Aking Ebanghelyo: Gabay sa Paglilingkod ng Misyonero (2004), 33.

  7. Sa Owen Chadwick, ed., Western Asceticism (1958), 235.

  8. Paul J. Achtemeier, ed., Harper’s Bible Dictionary (1985), 1099.

  9. Para sa masusing pagtalakay sa isyung ito, tingnan sa Stephen E. Robinson, Are Mormons Christians? (1991), 71–89; tingnan din sa Robert L. Millet, Getting at the Truth: Responding to Difficult Questions about LDS Beliefs (2004), 106–22.

  10. David O. McKay, sa Conference Report, Okt. 1967, 5.

  11. “Ako ay Namangha,” Mga Himno, blg. 115.