2014
Unahin Ninyong Manampalataya
Nobyembre 2014


Unahin Ninyong Manampalataya

Sa kabila ng lahat ng mahihirap na hamon sa ating buhay, kailangan nating gumugol ng panahon na masigasig na manampalataya.

Noong si Adan at si Eva ay nasa Halamanan ng Eden, lahat ng kanilang kakainin sa araw-araw ay saganang ibinigay sa kanila. Wala silang mga paghihirap, hamon, o pasakit. Dahil hindi pa sila nakaranas ng mahihirap na sandali, hindi nila alam na maaari silang maging maligaya. Hindi pa sila nakadama ng kaligaligan, kaya hindi sila makadama ng kapayapaan.

Kalaunan ay lumabag sina Adan at Eva sa utos na huwag kumain ng bunga ng punungkahoy ng pagkakilala ng mabuti at masama. Sa paggawa nito wala na sila sa kalagayan ng kawalang-muwang. Nagsimula silang makaranas ng mga oposisyon. Nagsimula silang makaranas ng sakit na nagpahina sa kanilang kalusugan. Nagsimula silang makadama ng kalungkutan pati na ng kagalakan.

Dahil sa pagkain nina Adan at Eva ng ipinagbawal na bunga, ang kaalaman tungkol sa mabuti at masama ay napasimulan sa mundo. Dahil sa pagpili nila naging posibleng pumarito ang bawat isa sa atin sa daigdig na ito upang subukan at patunayan.1 Biniyayaan tayo ng kalayaan, ang kakayahan nating gumawa ng mga desisyon at panagutan ang mga desisyong iyon. Ginawang posible ng Pagkahulog na makadama tayo kapwa ng kaligayahan at kalungkutan sa buhay. Nauunawaan natin ang kapayapaan dahil nakadarama tayo ng kaligaligan.2

Alam ng Ating Ama sa Langit na mangyayari ito sa atin. Lahat ng ito ay bahagi ng Kanyang perpektong plano ng kaligayahan. Naghanda siya ng daan sa pamamagitan ng buhay ng Kanyang ganap na masunuring Anak na si Jesucristo, ang ating Tagapagligtas, upang madaig ng Kanyang Pagbabayad-sala ang bawat paghihirap na maaari nating maranasan sa mortalidad.

Nabubuhay tayo sa mga panahon ng pagsubok. Hindi ko na kailangang isa-isahin pa ang lahat ng pinagmumulan ng kasamaan sa mundo. Hindi na kailangan pang ilarawan ang lahat ng posibleng hamon at dalamhati na bahagi ng buhay na ito. Bawat isa sa atin ay dama at batid ang sarili nating mga paghihirap sa tukso, pasakit, at kalungkutan.

Itinuro sa atin sa premortal na daigdig na ang ating layunin sa pagparito ay upang mapatunayan, masubukan, at magtiis.3 Alam natin na mahaharap tayo sa mga kasamaan ng kaaway. Kung minsan maaaring mas mamalayan natin ang mga negatibong bagay sa buhay na ito kaysa mga positibo. Itinuro ng propetang si Lehi, “Sapagkat talagang kinakailangan, na may pagsalungat sa lahat ng bagay.”4 Sa kabila ng lahat ng mahihirap na hamon sa ating buhay, kailangan nating gumugol ng panahon na masigasig na manampalataya. Ang gayong pagsampalataya ay nag-aanyaya ng positibo at puno ng pananampalatayang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa ating buhay.

Binigyan tayo ng Ating Ama sa Langit ng mga kasangkapan upang tulungan tayong lumapit kay Cristo at sumampalataya sa Kanyang Pagbabayad-sala. Kapag ang mga kasangkapang ito ay naging pangunahing pag-uugali, ito ang pinakamadaling paraan para magkaroon ng kapayapaan sa mga hamon ng buhay. Ngayon naipasiya kong talakayin ang apat sa mga kasangkapang ito. Habang nagsasalita ako, isiping suriin ang personal na paggamit ninyo ng bawat kasangkapan; pagkatapos ay hangarin ang patnubay ng Panginoon para malaman kung paano ninyo higit na mapapakinabangan ang bawat isa sa mga ito.

Panalangin

Ang unang kasangkapan ay panalangin. Magpasiyang kausapin nang madalas ang inyong Ama sa Langit. Mag-ukol ng oras araw-araw na ibahagi sa Kanya ang naiisip at nararamdaman ninyo. Sabihin sa Kanya ang lahat ng problema ninyo. Interesado Siya sa pinakamahalaga pati na sa pinaka-karaniwang mga aspeto ng inyong buhay. Ibahagi sa Kanya ang buong damdamin at karanasan ninyo.

Dahil iginagalang Niya ang inyong kalayaan, hindi kayo kailanman pipilitin ng Ama sa Langit na manalangin sa Kanya. Ngunit kapag ginamit ninyo ang kalayaang iyan at isinama ninyo Siya sa lahat ng aspeto ng inyong buhay araw-araw, ang inyong puso ay magsisimulang mapuspos ng sigla ng kapayapaan. Ang kapayapaang iyan ay magtutuon ng walang-hanggang liwanag sa inyong mga pagpapakasakit. Tutulungan kayo nitong harapin ang mga hamong iyon nang may walang-hanggang pananaw.

Mga magulang, tumulong na protektahan ang inyong mga anak sa umaga at gabi sa pagbibigay sa kanila ng sandata ng kapangyarihan ng panalangin ng pamilya. Ang mga bata ay nalalantad araw-araw sa mga kasamaan ng pagnanasa, kasakiman, kapalaluan, at napakaraming iba pang makasalanang pag-uugali. Protektahan ang inyong mga anak mula sa araw-araw na mga makamundong impluwensya sa pamamagitan ng pagpapatibay sa kanila gamit ang makapangyarihang mga pagpapalang nagmumula sa panalangin ng pamilya. Ang panalangin ng pamilya ay dapat ninyong unahin palagi sa inyong buhay araw-araw.

Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan

Ang pangalawang kasangkapan ay pag-aralan ang salita ng Diyos sa mga banal na kasulatan at sa mga salita ng mga buhay na propeta. Nakakausap natin ang Diyos sa pamamagitan ng panalangin. Kadalasan ay nakikipag-ugnayan Siya sa atin sa pamamagitan ng Kanyang nakasulat na salita. Para malaman kung ano ang tunog at pakiramdam ng marinig ang tinig ng Diyos, basahin ang Kanyang mga salita, pag-aralan ang mga banal na kasulatan, at pagnilayan ang mga ito.5 Gawing mahalagang bahagi ito ng buhay araw-araw. Kung nais ninyong makilala, maunawaan, at sundin ng inyong mga anak ang mga pahiwatig ng Espiritu, dapat ninyong pag-aralan ang mga banal na kasulatan na kasama sila.

Huwag magpadala sa kasinungalingan ni Satanas na wala kayong oras na pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Magpasiyang gumugol ng oras na pag-aralan ito. Ang pagpapakabusog sa salita ng Diyos bawat araw ay mas mahalaga kaysa pagtulog, pag-aaral, pagtatrabaho, mga palabas sa telebisyon, video games, o social media. Maaari ninyong kailanganin na muling ayusin ang inyong mga prayoridad para makapaglaan ng oras sa pag-aaral ng salita ng Diyos. Kung gayon, gawin ito!

Maraming pangako ang propeta tungkol sa mga pagpapalang hatid ng araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan.6

Idinaragdag ko ang aking tinig sa pangakong ito: kapag naglaan kayo ng oras araw-araw, nang personal at kasama ang inyong pamilya, sa pag-aaral ng salita ng Diyos, mananaig ang kapayapaan sa inyong buhay. Ang kapayapaang iyan ay hindi magmumula sa labas. Magmumula iyan sa inyong tahanan, sa loob ng inyong pamilya, sa sarili ninyong puso. Ito ay magiging isang kaloob ng Espiritu. Mababanaag ito sa inyo upang makaimpluwensya sa mga ibang nakapaligid sa inyo. May gagawin kayong isang napakahalagang bagay na magdaragdag sa kabuuang kapayapaan sa mundo.

Hindi ko sinasabing mawawalan na kayo ng mga hamon sa buhay. Alalahanin na noong sina Adan at Eva ay nasa halamanan, walang mga hamon sa kanilang buhay, ngunit hindi sila nakadama ng kaligayahan, galak, at kapayapaan.7 Ang mga hamon ay mahalagang bahagi ng mortalidad. Sa araw-araw at patuloy na pag-aaral ng mga banal na kasulatan, makasusumpong kayo ng kapayapaan sa kaligaligang nakapaligid sa inyo at ng lakas na labanan ang mga tukso. Magkakaroon kayo ng malakas na pananampalataya sa biyaya ng Diyos at malalaman ninyo na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay maitatama ang lahat ayon sa takdang panahon ng Diyos.

Family Home Evening

Habang sinisikap ninyong mapatatag ang inyong pamilya at magkaroon ng kapayapaan, alalahanin ang pangatlong kasangkapang ito: lingguhang family home evening. Iwasang magdaos ng family home evening dahil lang sa hindi na kayo abala sa araw na iyon. Magpasiya na tuwing Lunes ng gabi ay magkasama-sama ang inyong pamilya sa bahay. Huwag hayaang maging mas mahalaga ang trabaho, isports, extracurricular activities, takdang-aralin, o anupaman kaysa sa oras na ginugugol ninyo sa bahay sa piling ng inyong pamilya.

Ang mga ginagawa ninyo sa gabi ay hindi kasinghalaga ng oras na inilaan ninyo rito. Ang ebanghelyo ay dapat ituro kapwa sa pormal at impormal na paraan. Gawin itong makabuluhang karanasan para sa bawat miyembro ng pamilya. Ang family home evening ay mahalagang oras para magpatotoo sa isang ligtas na kapaligiran; para matutong magturo, magplano, at mag-organisa; para patatagin ang ugnayan ng pamilya; para magkaroon ng mga tradisyon sa pamilya; para mag-usap-usap; at ang mas mahalaga, para sama-samang magsaya!

Sa kumperensya noong Abril, hayagang sinabi ni Sister Linda S. Reeves: “Dapat akong magpatotoo tungkol sa mga pagpapala ng araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pagdarasal at family home evening linggu-linggo, Ang mga kaugaliang ito mismo ang tumutulong para maalis ang pagkabalisa, nagbibigay ng patnubay sa ating buhay, at nagdaragdag ng proteksyon sa ating mga tahanan.”8 Si Sister Reeves ay isang napakatalinong babae. Lubos ko kayong hinihimok na magtamo ng sariling patotoo sa tatlong mahalagang gawaing ito.

Pagdalo sa Templo

Ang ikaapat na kasangkapan ay makapasok sa templo. Alam nating lahat na wala nang mas payapang lugar sa daigdig na ito maliban sa mga templo ng Diyos. Kung wala kayong temple recommend, maging karapat-dapat na makakuha nito. Kapag may recommend na kayo, gamitin ito nang madalas.9 Magtakda ng regular na oras para sa pagpasok sa templo. Huwag hayaang hadlangan kayo ng sinuman o anuman na makapunta roon.

Habang kayo ay nasa templo, pakinggan ninyo ang mga salita ng mga ordenansa, pagnilayan ang mga ito, ipagdasal ito, at hangaring maunawaan ang kahulugan nito. Ang templo ay isa sa pinakamagagandang lugar para maunawaan ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Hanapin Siya roon. Alalahanin na mas marami pang pagpapala ang nagmumula sa paglalaan ng sarili ninyong pangalan ng pamilya sa templo.

Ang apat na kasangkapang ito ay mahahalagang kaugalian para makamtan ang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa inyong buhay. Alalahanin na ang ating Tagapagligtas ang Prinsipe ng Kapayapaan. Ang kapayapaan sa buhay na ito ay nagmumula sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo. Kapag patuloy tayong nagdarasal sa umaga at sa gabi, nag-aaral ng ating mga banal na kasulatan araw-araw, nagkakaroon ng lingguhang family home evening, at dumadalo sa templo nang regular, tayo ay masigasig na tumutugon sa Kanyang paanyaya na “lumapit sa Kanya.” Habang lalo nating nakakagawian ito, mas tumitindi ang hangad ni Satanas na ipahamak tayo ngunit humihina ang kanyang kakayahang gawin ito. Sa paggamit ng mga kasangkapang ito, nagagamit natin ang ating kalayaang tanggapin ang buong kaloob ng Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo.

Hindi ko sinasabi na lahat ng pakikibaka sa buhay ay mawawala kapag ginawa ninyo ang mga bagay na ito. Isinilang tayo sa mundo para umunlad mismo mula sa mga pagsubok. Ang mga hamon sa buhay ay tumutulong sa atin na maging mas katulad ng ating Ama sa Langit, at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagtutulot sa atin na makayanan ang mga hamong iyon.10 Pinatototohanan ko na kapag tayo ay masigasig na lumapit sa Kanya, makakayanan natin ang bawat tukso, bawat dalamhati, at bawat hamon na kinakaharap natin, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala:

  1. Tingnan sa Moises 5:11.

  2. Tingnan sa Moises 4–5.

  3. Tingnan sa Abraham 3:25.

  4. 2 Nephi 2:11.

  5. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 18:36; tingnan din sa mga talata 34–35.

  6. Kabilang sa ilang halimbawa ang:

    Sinabi ni Pangulong Thomas S. Monson: “Kapag binasa at pinagnilayan natin ang mga banal na kasulatan, madarama natin ang magiliw na mga bulong ng Espiritu sa ating mga kaluluwa. Mahahanap natin ang mga sagot sa ating mga katanungan. Nalalaman natin ang mga pagpapalang dumarating sa pagsunod sa mga utos ng Diyos. Nagkakaroon tayo ng tiyak na patotoo tungkol sa ating Ama sa Langit at sa ating Tagapagligtas na si Jesucristo, at sa Kanilang pagmamahal sa atin. Kapag hinaluan natin ng panalangin ang pag-aaral ng banal na kasulatan, tiyak na malalaman natin na ang ebanghelyo ni Jesucristo ay totoo. … Kapag naaalala natin ang panalangin at nag-uukol tayo ng oras na bumaling sa mga banal na kasulatan, ang ating buhay ay lalo pang pagpapalain at ang ating mga pasanin ay pagagaanin.” (“Hindi Tayo Kailanman Nag-iisa,” Liahona, Nob. 2013, 122).

    Sabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Walang alinlangan na ipinapangako ko sa inyo na kung susundin ng bawat isa sa inyo ang simpleng programang ito, kahit ilang beses na ninyong nabasa ang Aklat ni Mormon, darating sa inyong buhay at sa inyong tahanan ang Espiritu ng Panginoon, na lalong magpapalakas sa paninindigan ninyong sundin ang Kanyang mga utos, at lalong magpapatatag sa patotoo na tunay na buhay ang Anak ng Diyos” (“Isang Patotoong Buhay na Buhay at Tunay” Liahona, Ago. 2005, 6).

    Sinabi ni Pangulong Howard W. Hunter: “Ang mag-anak ay labis na pinagpapala kapag tinitipon ng matatalinong ama at ina ang kanilang mga anak sa paligid nila para sama-samang magbasa mula sa mga pahina ng banal na kasulatan, at pagkatapos ay tatalakayin nang malaya ang magagandang kuwento at ideya ayon sa pagkaunawa ng lahat. Ang kabataan at ang mga musmos ay madalas magkaroon ng kamangha-manghang ideya at pagpapahalaga sa mga pangunahing literatura ng relihiyon” (“Reading the Scriptures,” Ensign, Nob. 1979, 64).

    Sabi ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Madalas ay pinagsisikapan nating dagdagan ang mga aktibidad sa ating mga stake. Nagsusumigasig tayong itaas ang porsiyento ng mga dumadalo sa mga sacrament meeting. Nagpapakapagod tayong itaas ang porsiyento ng mga binata nating nasa misyon. Nagpupunyagi tayong maragdagan ang bilang ng mga nagpapakasal sa templo. Lahat ng ito ay kapuri-puring mga pagsisikap at mahalaga sa pag-unlad ng kaharian. Ngunit kapag abala ang bawat miyembro at pamilya sa regular at patuloy na pagbabasa ng mga banal na kasulatan, likas na darating ang iba pang mga aktibidad na ito. Lalago ang mga patotoo. Magiging mas tapat ang pangako. Titibay ang mga pamilya. Dadaloy ang personal na paghahayag” (“The Power of the Word,” Ensign, Mayo 1986, 81).

    Sinabi ni Pangulong Spencer W. Kimball: “Natuklasan ko na kapag nagiging mababaw ang pakikipag-ugnayan ko sa kabanalan at kapag tila walang banal na taingang nakikinig at walang banal na tinig na nagsasalita, na napakalayo ko na. Kapag ibinubuhos kong muli ang sarili ko sa mga banal na kasulatan, kumikitid ang agwat at nagbabalik muli ang espirituwalidad. Natagpuan ko ang sarili ko na mas lalong nagmamahal sa mga dapat kong mahalin nang buong puso at isipan at lakas, at sa higit na pagmamahal ko sa kanila, nagiging mas madali para sa akin ang sumunod sa mga payo nila” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 83).

    Sabi ni Pangulong Marion G. Romney: “Natitiyak ko na kung mapanalangin at regular na babasahin ng mga magulang, sa ating mga tahanan, ang Aklat ni Mormon kapwa nang sarilinan at nang kasama ang kanilang mga anak, mapapasaating mga tahanan at sa lahat ng nakatira doon ang diwa ng aklat na iyon. Madaragdagan ang pagpipitagan; mag-iibayo ang paggalang at pag-unawa sa isa’t isa. Maglalaho ang pagtatalo. Papayuhan ng mga magulang ang kanilang mga anak nang may higit na pagmamahal at karunungan. Ang mga anak ay higit na tutugon at susunod sa payo ng kanilang mga magulang. Mag-iibayo ang kabutihan. Ang pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig—ang dalisay na pag-ibig ni Cristo—ay mananagana sa ating tahanan at buhay, maghahatid ng kapayapaan, galak, at kaligayahan” (“The Book of Mormon,” Ensign, Mayo 1980, 67).

    Sinabi ni Pangulong Boyd K. Packer: “Ang tunay na doktrina, kapag naunawaan, ay nagpapabago ng asal at pag-uugali. Ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo ay mas mabilis na makapagpapabuti sa pag-uugali kaysa sa mismong pag-aaral ng pag-uugali” (“Huwag Matakot,” Liahona, Mayo 2004, 79).

    Sinabi ni Elder David A. Bednar: “Bawat panalangin ng pamilya, bawat pag-aaral ng banal na kasulatan, at bawat family home evening ay isang hagod ng pinsel sa canvas ng ating kaluluwa. Walang iisang pangyayari na magmumukhang kaakit-akit para hangaan nang husto o manatili sa alaala. Ngunit tulad ng mga hagod ng pinturang dilaw at ginto at brown na bumagay sa isa’t isa at lumikha ng kahanga-hangang obra-maestra, gayundin hahantong sa makabuluhang espirituwal na mga bunga ang palagian nating paggawa ng tila maliliit na bagay” (“Mas Masigasig at Mapagmalasakit sa Tahanan,” Liahona, Nob. 2009, 19–20).

  7. Tingnan sa 2 Nephi 2:13.

  8. Linda S. Reeves, “Proteksyon Laban sa Pornograpiya—Tahanang Nakatuon kay Cristo,” Liahona, Mayo 2014, 16–17.

  9. Sinabi ni Pangulong Howard W. Hunter: “Sa espiritung iyan ko inaanyayahan ang mga Banal sa mga Huling Araw na asamin ang templo ng Panginoon bilang dakilang simbolo ng pagiging miyembro ninyo. Pinakamarubdob na hangarin ng puso ko ang maging karapat-dapat ang bawat miyembro ng Simbahan na pumasok sa templo. Malulugod ang Panginoon kung bawat miyembrong nasa hustong gulang ay maging karapat-dapat sa—at magkaroon ng—current temple recommend. Ang mga bagay na dapat at hindi natin dapat gawin para maging karapat-dapat sa temple recommend ang mismong mga bagay na titiyak na tayo ay magiging maligaya bilang mga indibiduwal at pamilya. Maging mga tao nga tayong mapagdalo sa templo. Dumalo sa templo nang madalas kung ipahihintulot ng ating mga personal na sitwasyon. Maglagay ng larawan ng templo sa bahay ninyo nang makita ito ng inyong mga anak. Ituro sa kanila ang mga layunin ng bahay ng Panginoon. Pagplanuhin sila habang bata pa na makapunta roon at manatiling marapat sa pagpapalang iyon” (“Exceeding Great and Precious Promises,” Ensign, Nob. 1994, 8).

  10. Tingnan sa 2 Nephi 2:2.