2014
Dalawang Maluwalhating Araw na Puno ng mga Inspiradong Mensahe
Nobyembre 2014


“Dalawang Maluwalhating Araw na Puno ng mga Inspiradong Mensahe”

“Naranasan natin ang dalawang maluwalhating araw na puno ng mga inspiradong mensahe,” sabi ni Pangulong Thomas S. Monson sa pagtatapos ng Ika-184 na Ikalawang Taunang Pangkalahatang Kumperensya noong araw ng Linggo, Oktubre 5, 2014.

Kabilang sa mga mensaheng iyon ang kahalagahan ng pagkakaroon ng patotoo upang mapagtiisan ninyo ang lahat ng sitwasyon; pagsunod sa landas ng Tagapagligtas at pagiging isang tapat na disipulo; pagsunod at pagsang-ayon sa mga propeta; matalinong paggamit ng kalayaan sa pagpili; at pagkakaroon ng tahanan na may pagmamahalan, kaligtasan, mabuting halimbawa, at pag-aaral ng ebanghelyo.

Sa kanyang pambungad na mensahe sa araw ng Sabado, ipinahayag ni Pangulong Monson na patuloy na lumalago ang Simbahan. “Tayo ngayon ay mahigit 15 milyon na at patuloy pang dumarami,” sabi ni Pangulong Monson. “Ang ating gawaing misyonero ay sumusulong nang walang balakid. Mahigit 88,000 missionary natin ang naglilingkod, at nagbabahagi ng mensahe ng ebanghelyo sa buong mundo.”

Sa sesyon sa Sabado ng hapon, sina Elder Carlos H. Amado at Elder William R. Walker ng Unang Korum ng Pitumpu ay ini-release at pinagkalooban ng emeritus status. Sina Elder Arayik V. Minasyan at Elder Gvido Senkans ay na-release bilang mga Area Seventy.

Sa unang pagkakataon sa pangkalahatang kumperensya, ilang tagapagsalita na hindi Ingles ang pangunahing wika ang nagbigay ng kanilang mga mensahe sa kanilang sariling wika. Si Elder Chi Hong (Sam) Wong ay nagsalita sa wikang Cantonese, sina Elder Eduardo Gavarret at Elder Hugo E. Martinez sa Espanyol, at si Elder Carlos A. Godoy sa Portuges.

Puno ng mga tao ang may 21,000 upuan na Conference Center at punung-puno rin ang Temple Square sa Salt Lake City, Utah, USA, sa bawat sesyon ng kumperensya, na isinalin sa mahigit 90 wika at isinahimpapawid sa mahigit 170 mga bansa at teritoryo. Bukod pa rito, ang mga mensahe ay nasa telebisyon, radyo, satellite transmission, at Internet, at sa mga mobile device. Ang kumperensyang ito ay tanda ng 90-taong anibersaryo ng brodkast sa radyo at ng 65 taong anibersaryo ng brodkast ng kumperensya sa telebisyon.

Nagsalita si Pangulong Thomas S. Monson sa sesyon sa Linggo ng hapon ng pangkalahatang kumperensya.