2012
Paano Naman ang Pakikipagdeyt?
Disyembre 2012


Para sa Lakas ng mga Kabataan

Paano Naman ang Pakikipagdeyt?

Larawan
Larry M. Gibson

Ang harapang pakikipag-usap sa ibang tao ay kailangan upang mabuo ang tunay na mga pagkakaibigan.

Dahil nagkaroon ako ng pribilehiyong makausap ang mga binatilyo at dalagita sa Simbahan sa iba’t ibang lugar, madalas kong marinig na bagama’t marami sa inyo ang interesadong bumuo ng mas mabuting pakikipagkaibigan sa miyembro ng opposite sex, kadalasan ay nahihirapan kayo sa pag-alam kung paano iyan mangyayari.

Kung tutuusin dahil sa lahat ng social media, dapat mas madali tayong magkaugnayan ngayon kaysa noon. Sa ilang pagkakataon, gayunman, maaaring ang teknolohiya ang sanhi ng pagkakaroon natin ng hindi gaanong makabuluhang mga relasyon o pakikipag-ugnayan. Ang tweeting, texting, e-mailing, at friending ay hindi makalilikha ng tunay at makabuluhang relasyon o ugnayan. Ang harapang pakikipag-usap sa ibang tao ay kailangan upang mabuo ang tunay na mga pagkakaibigan.

Panahon na para ibalik ninyong mga kahanga-hanga naming kabataan ang dating kahulugan ng pagsasama-sama ng mga kabataang lalaki at babae para magkakila-kilala. Maaaring narinig na ninyo ang salitang ito; ang karanasang ito ang tinatawag noon na pagdedeyt.

Larawan
grupo ng mga kabataan

Mga Sagot sa mga Bagay na Madalas Itanong

Marami sa inyo ay may mga tanong tungkol sa pakikipagdeyt at sa payo na ibinigay sa bagong polyetong Para sa Lakas ng mga Kabataan. Narito ang ilang naitanong na sa akin, kasama ang mga sagot mula sa napakagandang gabay na aklat na ito.

Hindi ko po tiyak kung handa na akong makipagdeyt. May espesyal na mga dahilan po ba kung bakit dapat akong makipagdeyt?

Ang pakikipagdeyt ay makabuluhan sa ilang kadahilanan. Ipinaliliwanag ng Para sa Lakas ng mga Kabataan na ang pakikipagdeyt ay “nagtutulot sa isang kabataang lalake at kabataang babae na mas makilala ang isa’t isa. Sa mga kulturang tinatanggap ang pakikipagdeyt, matutulungan kayo nito na matutong makihalubilong mabuti, makipagkaibigan, magkaroon ng makabuluhang kasayahan, at sa huli ay makahanap ng makakasama sa kawalang-hanggan.”1

Narinig natin na hindi tayo dapat makipagdeyt kung wala pa tayong 16 na taong gulang at huwag seryosong makipagdeyt kahit kanino habang bata pa tayo. Bakit?

Sinasabi sa Para sa Lakas ng mga Kabataan na: “Huwag makipagdeyt hangga’t wala pa kayong 16 na taong gulang. Kapag nagsimula kayong makipagdeyt, sumama sa isa o mas marami pang magkapareha. Iwasan ang madalas na pakikipagdeyt sa iisang tao. Ang seryosong pakikipagrelasyon nang napakabata pa ay maglilimita sa bilang ng mga taong makikilala ninyo at maaaring humantong sa imoralidad.”2

Gusto ng isang binata na makipagdeyt ako sa kanya, pero pakiramdam ko ay hindi kami magkapareho ng mga pamantayan. Ano ang dapat kong gawin?

Itinuturo ng Para sa Lakas ng mga Kabataan na: “Makipagdeyt lamang sa may matataas na pamantayan at makatutulong sa inyo na mapanatili ang inyong mga pamantayan. … Laging maging mabait at magalang kapag nagyayaya kayo ng deyt o kapag tinatanggap o tinatanggihan ninyo ito.”3

Kung minsan wala akong ibang maisip na deyt maliban sa panonood ng sine. Ano ang dapat kong gawin?

Ibinibigay ng Para sa Lakas ng mga Kabataan ang nakatutulong na mga alituntuning ito: “Magplano ng mga aktibidad na ligtas, maganda, at hindi magastos at nakatutulong sa inyo na makilalang mabuti ang isa’t isa. Pumunta lamang sa mga lugar kung saan masusunod ninyo ang inyong mga pamantayan at mananatiling malapit sa Espiritu.”4

Ang apat na simpleng panuntunang ito—mga deyt na ligtas, maganda, hindi magastos, at kung saan nananatiling malapit ang Espiritu—ay nagbibigay ng ideya ukol sa maraming magagandang pakikipagdeyt.

Kapag ginugunita naming mag-asawa ang mga unang pagdedeyt namin, ang agad pumapasok sa aming isipan ay ang mga pagkakataong kaunti lang ang ginastos namin o kaya’y wala talaga kaming ginastos, kung saan may kasama kaming isa pang magkapareha, at nagkaroon kami ng makabuluhang mga pag-uusap at interaksyon.

Pangangalaga sa Dangal ng Isa’t Isa

Hayaang magtapos ako sa isa pang mahalagang pagsipi mula sa Para sa Lakas ng mga Kabataan at pagkatapos ay isa pang huling punto. Una, “Tandaan na ang isang binatilyo at isang dalagita na nagdedeyt ay may responsibilidad na pangalagaan ang dangal at puri ng isa’t isa.”5 Sa inyong mga pakikipagdeyt, tiyaking wala kayong gagawin na ikahihiya ninyo. Gaya ng itinuro ni Pangulong Thomas S. Monson, “Sa pakikipagdeyt, magpakita ng respeto sa inyong kadeyt, at umasang gayundin ang ipakikitang respeto sa inyo ng inyong kadeyt.”6

Ang Pagkakaiba ng Pagdedeyt at Panliligaw

Ang pinakahuli, bagama’t inilalarawan ng ilan ang pagdedeyt bilang “pagliligawan,” ang pagdedeyt ng mga kabataan sa Simbahan ay hindi nangangahulugan na “mag-steady” na sila o hindi na sila maaaring makipagdeyt sa iba. Ayon sa mga pamantayan ng Simbahan, ang layon ng pagdedeyt ay bigyang pagkakataon na makilala ang isa’t isa na maaaring humantong sa mga pagkakaibigan.

Kapag naging adult na kayo—pagkatapos magmisyon ng kabataang lalaki—sinasabi ng Panginoon na, “Ang babae ay di maaaring walang lalake at ang lalake ay di maaaring walang babae, sa Panginoon” (I Mga Taga Corinto 11:11). Sa panahong ito nagiging pagliligawan ang pagdedeyt gaya ng binigyang-diin sa Para sa Lakas ng mga Kabataan: “Gawing prayoridad ang pakikipagdeyt at pag-aasawa. Humanap ng mapapangasawang karapat-dapat pumunta sa templo upang mabuklod sa inyo para sa buhay na ito at sa buong kawalang-hanggan. Ang pagpapakasal sa templo at pagbuo ng walang hanggang pamilya ay mahalaga sa plano ng kaligayahan ng Diyos.”7

Mga Tala

  1. Para sa Lakas ng mga Kabataan (2011), 4.

  2. Para sa Lakas ng mga Kabataan, 4–5.

  3. Para sa Lakas ng mga Kabataan, 4–5.

  4. Para sa Lakas ng mga Kabataan, 4–5.

  5. Para sa Lakas ng mga Kabataan, 4–5.

  6. Thomas S. Monson, “Standards of Strength,” New Era, Okt. 2008, 5.

  7. Para sa Lakas ng mga Kabataan, 4–5.

Mga paglalarawan ng Publishing Services at ni David Stoker © IRI