2012
Hindi Mag-iisa Kailanman
Disyembre 2012


Mga Kabataan

Hindi Mag-iisa Kailanman

Sa nakaraang tatlong taon, nagkaroon ako ng pagkakataong masubukan. Natanto ko na anuman ang pagdaanan mo, nariyan ang Diyos at hindi mo kailangang pagdaanan iyon nang mag-isa.

Kaagad pagkatapos ng ika-16 na kaarawan ko, natuklasan ko na may eksema ako. Tuwing umaga hindi ko kayang tingnan ang sarili ko sa salamin at makita ang pantal-pantal sa buong katawan ko. Ipinasiya ko na ituring itong isang pagkakataon para masubukan. Sa halip na maawa sa sarili ko, sinikap kong gawin ang itinuro sa akin ng mga guro ko sa Young Women: bilangin ang mga pagpapala sa akin araw-araw sa kabila ng mga pagsubok. Kahit hindi makinis ang kutis ko ngayon, nagpapasalamat ako sa pamilya ko at mga kaibigan at sa aking mga talento sa musika. Nagpapasalamat ako na may dalawang binti ako, dalawang kamay at paa, mga mata para makakita, at mga tainga para makarinig. Alam ko na ang tunay na kagandahan ay nasa kalooban ng isang tao, hindi sa panlabas na kaanyuan.

Ngunit unti-unti kong dinamdam ang eksema ko. Hindi na ako palakaibigan na tulad ng dati at hindi na ako ngumingiti. Tiniyak ng maraming doktor na kinonsulta ko na magiging “makinis” ang kutis ko bago sumapit ang Pasko. Pero hindi pa rin. Araw-araw akong nanalangin na bigyan ako ng lakas na madaig ang aking pagkamahiyain dahil sa sakit ko sa balat.

Panay ang sabi sa akin ng lahat na huwag kong isipin ang mahirap na kalagayan ko, na dapat akong kumilos nang normal at magkunwaring wala akong sakit sa balat. Pero hindi madaling gawin iyon. Paulit-ulit nang isinasalaysay sa akin ng nanay ko ang mga kuwento sa mga banal na kasulatan, sa pag-asang mapanatag ako at mapalakas ang loob ko.

Sabi sa Doktrina at mga Tipan 24:8, “Maging matiisin sa mga paghihirap, sapagkat ikaw ay magdaranas ng marami; subalit tiisin ang mga ito, sapagkat, masdan, ako ay makakasama mo, maging sa katapusan ng iyong mga araw.” Binigyan ako ng talatang ito ng payo na susundin ko habambuhay. Isinulat ko ang mga ito sa mga bookmark, sa notbuk, at sa kuwarto ko. Isa na ito ngayon sa mga paborito kong talata na naghihikayat sa akin na gawin ang lahat ng makakaya ko sa kabila ng pagsubok sa akin.

Naging mahirap tiisin ang pagsubok na ito, ngunit ngayon ay mas handa ako sa darating pang mga pagsubok. Inihanda ako ng Ama sa Langit para maharap ko ang anumang darating na mga hamon. Alam ko na ngayon na anuman ang pagdaanan ko, hindi ko kailangang pagdaanan iyon nang mag-isa.

Ang Nawawalang Tupa, ni Del Parson