2004
Ang Panawagan na Maging Matapang
Mayo 2004


Ang Panawagan na Maging Matapang

Maging matapang tayong sumalungat sa gusto ng marami, matapang na manindigan sa prinsipyo. Tapang, hindi kompromiso, ang kalulugdan ng Diyos.

Mga kapatid, nakakatuwa kayong pagmasdan. Nakakatuwang isipin na sa libu-libong mga kapilya sa mundo sa oras na ito, ang mga kapwa ninyo mayhawak ng priesthood ng Diyos ay tumatanggap ng brodkast sa pamamagitan ng satellite transmission. Iba-iba ang nasyonalidad ninyo, at marami ang wika ninyo, ngunit may isang bagay na nagbibigkis sa ating lahat. Pinagkatiwalaan tayong humawak ng priesthood at kumilos sa ngalan ng Diyos. Tayo’y tumanggap ng sagradong tungkulin. Malaki ang inaasahan sa atin.

Noon, ang bantog na si Charles Dickens ay nagsulat tungkol sa mga oportunidad na naghihintay. Sa kanyang klasikong pinamagatang Great Expectations, may inilarawan si Dickens na nagngangalang Philip Pirrip, na kilala bilang “Pip.” Kakaiba ang pagkasilang ni Pip. Siya’y ulila. Buong puso niyang pinangarap na maging iskolar at maginoo. Pero tila nabigo siya sa lahat ng ambisyon niya’t pangarap. Ganyan ba minsan ang pakiramdam ninyong mga kabataan? Iniisip ba ito ng mas matatanda sa atin?

Isang araw, isang abogado sa London na nangangalang Jaggers ang lumapit kay Pip at sinabing may di-kilalang tao na nagpamana sa kanya ng kayamanan. Inakbayan ng abogado si Pip at sinabing, “Ang laki pala ng mamanahin mo.”

Ngayong gabi, habang tinitingnan ko kayo at natatanto kung sino kayo at kung ano ang mararating ninyo, sinasabi kong, “Malaki ang mamanahin ninyo”—hindi dahil sa di-kilalang tagapagpala, kundi dahil sa kilalang tagapagpala, ang ating Ama sa Langit, at malaki ang inaasahan sa inyo.

Sa buhay na ito ay tiyak na daraan tayo sa mga sagabal, patibong, at bitag. Ito ang landas na puno ng mga sangang-daan at pagliko. Laging may desisyong gagawin. Para matalinong makapili, kailangan ng tapang: ng tapang na magsabing, “Hindi,” at tapang na magsabing, “Oo.” Mga desisyon ang makapagsasabi ng magiging tadhana ng tao.

Ang panawagan na maging matapang ay palaging dumarating sa atin. Ganyan na noon at ganyan pa rin sa habampanahon.

Ang tapang ng isang lider ng militar ay naitala ng isang batang sundalo na nakasuot ng kulay-abong uniporme ng Confederacy noong Digmaang Sibil sa Amerika. Inilarawan niya ang impluwensya ni General J. E. B. Stuart sa mga salitang ito:

“[Sa maselang punto sa digmaan,] kumaway siya sa kaaway at sumigaw ng, ‘Sulong mga bata! Sulong! Sundan n’yo lang ako!’…

“… May tapang at resolusyon [sumunod sila] sa kanya gaya ng isang malaking rumaragasang baha,” at ang pakay ay nasunggaban at nakamtan.1

Mas nauna pa rito, at sa mas malayong lugar, isa pang lider ang gayon din ang samo: “Magsisunod kayo sa hulihan ko.”2 Hindi siya heneral ng digmaan. Sa halip, Siya ang Prinsipe ng Kapayapaan, ang Anak ng Diyos. Ang mga sumunod sa Kanya noon at ang sumusunod sa Kanya ngayon, ay nagtamo ng mas makabuluhang tagumpay, na ang bunga ay walang katapusan. Palaging kailangang maging matapang.

Nakikita sa banal na kasulatan ang katotohanang ito. Ipinakita ni Jose, na anak ni Jacob, na ipinagbili sa Egipto, ang katapangan sa asawa ni Potiphar, na nagtangkang umakit sa kanya, nang sabihin niyang: “Paano [ko] … magagawa itong malaking kasamaan, at kasalanan laban sa Dios? At … [siya’y] hindi nakikinig sa kaniya … at … lumabas.”3

Sa ating panahon, isang ama ang nagsagawa ng halimbawang ito ng tapang sa buhay ng kanyang mga anak sa pagsasabing, “Kung mapunta kayo sa lugar na di ninyo dapat mapuntahan—umalis kayo!”

Sino nga ba ang hindi magiging inspirado sa buhay ng 2,000 kabataang mandirigma ni Helaman na nagturo at nagpakita na kailangan ang tapang sa pagsunod sa mga turo ng mga magulang, ng tapang na maging malinis at dalisay?4

Marahil sa bawat isa sa mga ito’y walang makahihigit kay Moroni, na naging matapang sa pagsisikap na maging mabuti hanggang sa wakas.5

Lahat ay napalakas ng mga salita ni Moises: “Kayo’y magpakalakas at magpakatapang, huwag kayong matakot, ni mangilabot … : sapagka’t ang Panginoon mong Dios ay siyang yumayaong kasama mo; hindi ka niya iiwan ni pababayaan ka niya.”6 Sila’y hindi Niya binigo. Hindi Niya tayo bibiguin. Sila’y hindi Niya iniwan. Hindi Niya tayo iiwan.

Ang matamis na katiyakang ito ang gagabay sa akin at sa inyo—sa ating panahon, sa ating buhay. Siyempre mahaharap tayo sa takot, daranas ng pambabatikos, at pagsalungat. Maging matapang tayong sumalungat sa gusto ng marami, matapang na manindigan sa prinsipyo. Tapang, hindi kompromiso, ang kalulugdan ng Diyos. Ang tapang ay isang panuntunan sa buhay at kaakit-akit na katangian kapag ang turing dito’y di lamang kahandaang mamatay nang may dangal, kundi bilang determinasyon na mamuhay nang disente. Duwag ang taong takot gawin ang inaakala niyang tama dahil baka pagtawanan siya ng iba. Tandaan na lahat ng tao’y may kani-kanyang kinatatakutan, ngunit ang humaharap sa kanilang takot nang may dignidad ay matapang din naman.

Mula sa sarili kong karanasan sa katapangan, hayaan ninyong ibahagi ko ang isang halimbawa mula sa serbisyo-militar.

Ang pagpasok sa United States Navy sa mga huling buwan ng Ika-II Digmaang Pandaigdig ay malaking hamon para sa akin. Nalaman ko ang tungkol sa katapangan, kagitingan, at mga halimbawa ng katapangan. Ang tandang-tanda ko’y ang lakas ng loob ng 18 taong gulang na marino—hindi siya miyembro—na hindi nahiyang magdasal. Sa 250 katao sa pulutong, siya lang ang gabi-gabing lumuluhod sa tabi ng kanyang kama, kung minsa’y sa gitna ng pangungutya ng mga usisero, pagbibiro ng mga di mananampalataya, at, yukod ang ulong nagdarasal sa Diyos. Hindi siya kailanman pumalya. Hindi kailanman nag-atubili. Siya’y matapang.

Gustong-gusto ko ang mga salitang ito mula sa makatang si Ella Wheeler Wilcox:

Madali lang ang maging mabait

Kapag ang buhay ay tila isang awit,

Ngunit ang tunay na tao ay iyong ngingiti

Kahit lahat ng bagay ay magkamali-mali.7

Ganyan si Paul Tingey. Noon lang isang buwan ay dumalo ako sa libing niya dito sa Salt Lake City. Lumaki si Paul sa mabuting tahanan ng Banal sa mga Huling Araw at nagmisyon para sa Panginoon sa Germany. Naging kompanyon niya sa misyon si Elder Bruce D. Porter ng Unang Korum ng Pitumpu. Inilarawan ni Elder Porter si Elder Tingey bilang isa sa mga pinaka-dedikado at matagumpay na misyonerong nakilala niya.

Sa pagtatapos ng kanyang misyon, nakauwi si Elder Tingey, natapos niya ang kanyang pag-aaral sa unibersidad, pinakasalan ang kanyang kasintahan, at magkasama nilang pinalaki ang kanilang pamilya. Siya’y naging bishop at naging matagumpay sa kanyang adhikain.

Pagkatapos, nang walang gaanong babala, tinamaan ng nakamamatay na sakit ang kanyang nervous system—ang multiple sclerosis. Bagamat alipin ng sakit na ito, buong tapang na nakibaka si Paul Tingey ngunit siya’y namalagi sa bahay-kalinga hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay. Doo’y pinasaya at pinasigla niya ang iba.8 Sa tuwing dadalo ako sa mga miting ng Simbahan doon ay pinasisigla ni Paul ang aking espiritu, tulad ng ginagawa niya sa iba.

Nang idaos sa Salt Lake City ang World Olympics noong 2002, napili si Paul na magdala ng sulo ng Olympics sa partikular na distansya. Nang ibalita ito sa bahay-kalinga, tuwang-tuwa ang mga pasyenteng naroon, at malakas na palakpakan ang narinig sa buong kabahayan. Nang batiin ko si Paul, sinabi niya sa kaunting pananalita, “Sana hindi ko mabitawan ang sulo!”

Mga kapatid, hindi nabitawan ni Paul Tingey ang sulo ng Olympics. Hindi lang iyan, buong tapang niyang dinala ang sulong ipinagkatiwala sa kanya sa buhay na ito hanggang sa siya’y pumanaw.

Espirituwalidad, pananampalataya, determinasyon, tapang—na kay Paul Tingey lahat ito.

May nagsabing ang katapangan ay hindi ang kawalan ng takot kundi ang pagsupil nito.9 Kung minsan, kailangan ang tapang upang magbangon mula sa kabiguan at muling magsikap.

Noong tinedyer pa ako’y naging manlalaro ako ng basketball. Nang tila matatalo ang team namin, agad akong pinaglaro ng coach namin pagkasimula ng second half. Inagaw ko na ang bola, nag-dribble habang tumatakbo ako papunta sa ring, at ibinato ko na para ma-shoot. Nang makawala ang bola sa dulo ng daliri ko, nalaman ko kung bakit hindi man lang ako hinarang ng mga kalaban: hindi pala sa amin ang basket na pinag-syutan ko! Tahimik akong nagdasal: “Ama, ‘wag po sanang ma-shoot ang bola.” Umikot sa ring ang bola at nahulog palabas.”

Nagsigawan ang mga manonood, “Monson, Monson,—paalisin—si Monson!” Iyon nga ang ginawa ng coach.

Makaraan ang maraming taon, bilang miyembro ng Konseho ng Labindalawa, sumama ako sa iba pang mga General Authority sa pagdalaw sa bagong yaring kapilya kung saan, bilang eksperimento, ay sinubukan namin ang isang hinabing karpet na nasa sahig ng gymnasium.

Habang sinusuri ng ilan sa amin ang sahig, si Bishop J. Richard Clarke, na noo’y nasa Presiding Bishopric, ay biglang naghagis ng bola sa akin na may hamong, “Palagay ko, hindi mo kayang i-shoot ito mula diyan sa kinatatayuan mo!”

Medyo lampas ako nang kaunti sa linyang pang three-points para sa propesyunal. Hindi ko pa nasubukang mag-shoot ng bola nang gayon kalayo sa buong buhay ko. Sigaw naman ni Elder Mark E. Petersen ng Labindalawa sa iba pa, “Palagay ko kaya niya!”

Nagbalik sa alaala ko ang kahihiyan ko noon, ang pag-shoot sa ibang basket. Gayunman, tinantiya ko at ibinato ang bolang iyon. Pasok sa net ang bola!

Pagkabato sa akin ng bola, si Bishop Clarke ay muling naghamon: “Alam kong hindi mo kayang ulitin iyon!”

Nagsalita si Elder Petersen, ‘Siyempre kaya niya iyan!’

Umalingawngaw sa puso ko ang mga salita ng makata: “Akayin n’yo kami, O akayin n’yo kami dakilang Manlilikha; / Mula sa kadiliman / Upang muling makibaka.”10 Ibinato ko ang bola. Bumulusok ito papunta sa basket at pumasok.

Doon natapos ang aming pag-iinspeksyon.

Nang pananghalian na, sinabi sa akin ni Elder Petersen, “Alam mo, pwede kang manlalaro sa NBA.”

Ang pananalo o pagkatalo sa basketball ay naglalaho sa ating alaala kapag iniisip natin ang ating mga tungkulin bilang mayhawak ng priesthood ng Diyos—kapwa Aaronic at Melchizedek Priesthood. May banal tayong tungkulin na ihanda ang ating sarili sa pagsunod sa mga utos ng Panginoon at sa pagtugon sa mga tawag na natatanggap natin para maglingkod sa Kanya.

Tayong naorden sa priesthood ng Diyos ay makagagawa ng kaibhan. Kapag naging marapat tayo sa tulong ng Panginoon, mapatatatag natin ang mga batang lalaki, matutulungan natin ang kalalakihan, makagagawa tayo ng mga himala sa paglilingkod sa Kanya. Walang hangganan ang ating mga oportunidad.

Bagamat tila malaki ang ating tungkulin, napalalakas tayo ng katotohanang: “Ang pinakamalakas na puwersa sa daigdig ngayon ay ang kapangyarihan ng Diyos na kumikilos sa pamamagitan ng tao.” Kung tayo’y naglilingkod sa Panginoon, tutulungan Niya tayo. Gayunman ang tulong na iyon ay batay sa ating pagkamarapat. Para maging ligtas sa buhay na ito, para maligtas ang sangkatauhan, kailangan natin ang patnubay ng walang hanggang marinong iyon—ang dakilang Jehova. Tumitingala tayo sa Diyos at dumadalangin, para matanggap ang tulong mula sa langit.

Malinis ba ang ating mga kamay? Dalisay ba ang ating puso? Sa pagbabalik-tanaw sa kasaysayan, mapupulot natin ang isang aral ng pagiging mula sa salita ng naghihingalong si Haring Dario. Sa wastong seremonya, si Dario ay kinilala bilang lehitimong hari ng Egipto. Ang kalaban niyang si Alexander the Great, ay idineklara bilang lehitimong anak ni Amon. Siya rin ay Faraon. Nang makita ni Alexander si Dario na naghihingalo, ipinatong niya ang kanyang kamay sa ulo ni Dario para pagalingin ito, at inutusang magbangon at mamuno pa rin bilang hari, na nagsasabing, “Isinusumpa ko Dario, sa ngalan ng mga diyus-diyosan na tunay na gagawin ko ang mga bagay na ito at walang pandaraya.” Sumagot si Dario na may magiliw na pagsansala: “Alexander, anak, … palagay mo ba’y maaabot mo ang langit sa mga kamay mong iyan?”11

Mga kapatid, habang natututuhan natin at ginagampanan ang mga tungkuling ibinigay sa atin, gagabayan tayo ng Panginoon at aantigin ang puso ng mga pinaglilingkuran natin.

Maraming taon na ang nakararaan, binisita ko ang isang matandang balo na nagngangalang Mattie, na matagal ko nang kilala at naging bishop niya ako. Lubos akong nagdadalamhati sa labis niyang kalungkutan. Ang mahal niyang anak na lalaki ay nakatira sa malayo, at maraming taon na nitong hindi dinadalaw ang kanyang ina. Maraming oras ang ginugol ni Mattie sa paghihintay sa harap ng bintana. Sa likod ng nagninisnis at madalas hawiing kurtina, sinasabi ng bigong ina sa kanyang sarili, “Darating si Dick; Darating si Dick.”

Ngunit hindi dumating si Dick. Lumipas ang mga taon. Pagkatapos, tulad ng sinag ng araw, naging aktibong muli sa Simbahan si Dick, na isa sa dati kong kabataan sa Aaronic Priesthood na kasalukuyang nakatira sa Houston Texas, na malayo sa kanyang ina. Pumunta siya sa Salt Lake para bumisita sa akin. Tinawagan niya ako pagdating niya, at tuwang-tuwang ibinalita ang pagbabago sa kanyang buhay. Itinanong niya kung may oras ako para sa kanya kung dadalawin niya ako sa opisina. Masaya ang naging sagot ko. Gayunman, sinabi ko, “Dick, bisitahin mo muna ang Inay mo, at pagkatapos saka mo ako puntahan.” Masaya niyang ginawa ang kahilingan ko.

Bago siya makarating sa opisina ko, nakatanggap ako ng tawag mula kay Mattie, ang kanyang ina. Tuwang-tuwa na may pagluhang sinabi niya, “Bishop, alam kong darating si Dick. Sinabi ko sa iyo na darating siya. Nakita ko siyang parating sa bintana.”

Di lumipas ang maraming taon sa libing ni Mattie, magiliw naming pinag-usapan ni Dick ang karanasang iyon. Nasaksihan namin ang isang sulyap ng kapangyarihan ng Diyos sa pagpapagaling sa pamamagitan ng pananampalataya ng isang ina sa kanyang anak.

Lumilipas ang panahon. Sumasabay rito ang mga tungkuling kailangan nating gawin. Hindi nangangaunti o nababawasan ang ating tungkulin. Dumarating at nawawala ang malalaking labanan, ngunit ang digmaan para sa kaluluwa ng tao ay nagpapatuloy nang walang humpay. Tulad ng tunog ng trumpeta dumarating ang salita ng Panginoon sa inyo, at sa akin, at sa mga mayhawak ng priesthood sa lahat ng dako: “Dahil dito, ang bawat tao ngayon ay matuto ng kanyang tungkulin, at kumilos sa katungkulang itinalaga sa kanya, nang buong sigasig.”12

Nawa lahat tayo’y magkaroon ng tapang na gawin ito, ang siyang dalangin ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga tala

  1. Sinipi sa Emory M. Thomas, Bold Dragoon—The Life of J. E. B. Stuart (1986), 211–12.

  2. Mateo 4:19.

  3. Genesis 39:9–10, 12.

  4. Tingnan sa Alma 56.

  5. Tingnan sa Moroni 1–10.

  6. Deuteronomio 31:6.

  7. “Worth While,” sa The Best Loved Poems of the American People, pinili ni Hazel Felleman (1936), 144.

  8. Tingnan sa “Have I Done Any Good?” Hymns, no. 223.

  9. Tingnan sa Mark Twain, sa Gorton Carruth at Eugene Ehrlich, pat., The Harper Book of American Quotations (1988), 111.

  10. Mula sa “Alma Mater” ng Yonkers High School.

  11. Hango mula sa Abraham in Egypt, ni Hugh Nibley (1981), 192.

  12. Doktrina at mga Tipan 107:99.