2004
Buhay May-asawa at Pamilya: Ang Sagradong Responsibilidad Natin
Mayo 2004


Buhay May-asawa at Pamilya: Ang Sagradong Responsibilidad Natin

Sa lipunan kung saan iniiwasan ang kasal at pagiging magulang, at nilalait ang mga pamilya ay tungkulin nating igalang ang ating kasal, arugain ang ating mga anak, at patatagin ang ating pamilya.

Noong bagong kasal pa lang ako, naupo kami ng tatlo kong kapatid na lalaki sa opisina ni Itay para pag-usapan ang negosyo. Pagkatapos ng miting at paalis na kami’y tumigil si Itay, at sinabing: “Mga anak, hindi maayos ang pakikitungo ninyo sa mga asawa ninyo. Dapat mas pakitaan ninyo sila ng kabaitan at respeto.” Naantig ako sa mga salita ni Itay.

Ngayo’y saksi tayo sa walang-tigil na pagsalakay sa buhay may-asawa at pamilya. Tila ito ang pangunahing target ng diyablo na laitin at sirain. Sa lipunan kung saan iniiwasan ang kasal at pagiging magulang, at nilalait ang mga pamilya ay tungkulin nating igalang ang ating kasal, arugain ang ating mga anak, at patatagin ang ating pamilya.

Para maigalang ang kasal ang mag-asawa ay dapat magmahalan, maging tapat at igalang ang isa’t isa. Sagrado ang bilin sa atin na “mahalin ang inyong asawa nang buo ninyong puso … pumisan sa kanya at wala nang iba” (D at T 42:22).

Itinuro ni propetang Malakias: “Ang Panginoon ay naging saksi sa iyo at sa asawa ng iyong kabataan, na ginawan mo ng paglililo: bagaman siya’y iyong kasama, at siyang asawa ng iyong tipan… . Kaya’t ingatan ninyo … at huwag nang manglilo laban sa asawa ng kaniyang kabataan” (Malakias 2:14–15). Ang habambuhay na makapiling ang ating asawa, pagsunod sa tipan, pagkakaroon ng karunungan, at pagmamahalan ngayon at magpakailanman ay tunay na pribilehiyo.

Naaalala ko ang katagang, “Umiiral ang pag-ibig kapag ang pagpapahalaga mo sa kaligayahan o kaligtasan ng iba ay tulad ng pagpapahalaga mo sa sariling kaligayahan o kaligtasan” (Harry Stack Sullivan, Conceptions of Modern Psychiatry, [1940] 42–43).

Ang buhay may-asawa ay dapat at kailangang maging ugnayan ng pagmamahalan, pag-uunawaan na nagbibigkis sa babae’t lalaki. Kapag nauunawaan ng mag-asawa na ang pamilya ay inordena ng Diyos at ang buhay may-asawa ay maaaring mapuno ng mga pangako at pagpapala sa kawalang-hanggan, ang paghihiwalay at diborsyo ay bihirang maiisip sa tahanan ng Banal sa mga Huling Araw. Matatanto ng mag-asawa na ang mga sagradong ordenansa at tipan na ginawa sa Bahay ng Panginoon ang daan upang makabalik sila sa piling ng Diyos.

Ang mga magulang ay may banal na tungkuling “… turuan [ang mga anak] … sa aral ng Panginoon” (Mga Taga Efeso 6:4). “Ang unang kautusan na ibinigay ng Diyos kina Adan at Eva ay tungkol sa pagiging magulang ng mag-asawa” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Okt. 1998, 24). Kung gayon, responsibilidad natin hindi lamang ang kapakanan ng ating kabiyak kundi maging ang pangangalaga sa ating mga anak, dahil ang “mga anak ay mana na mula sa Panginoon” (Mga Awit 127:3). Maaari nating palakihing mabuti ang ating mga anak at “[turuan silang] manalangin, at magsilakad nang matwid sa harapan ng Panginoon” (D at T 68:28). Bilang mga magulang, dapat ituring ang ating mga anak na mga regalo ng Diyos, at gawin ang ating mga tahanan na lugar kung saan mamahalin, tuturuan, at pangangalagaan ang ating mga anak.

Paalala sa atin ni Pangulong Monson: “Ang pamumuno ay hindi kaginhawahan kundi bigat ng pananagutan… . ‘Ang kailangan ng kabataan ay kaunting kritiko at mas maraming huwarang [tutularan].’ Mga isang daang taon pa ay hindi na mahalaga kung anong klase ang sasakyan natin, anong uri ang bahay natin, magkano ang pera natin sa bangko, o ano ang suot nating damit. Marahil ang mundo’y mas iinam dahil naging mahalaga tayo sa buhay ng isang musmos” (Pathways to Perfection [1973], 131).

Bagamat kung minsan sa buhay tayo’y napapagod, naiinis, o maraming ginagawa para asikasuhin ang mga anak natin, hindi natin dapat kalimutan ang walang hanggang kahalagahan na nasa ating mga tahanan—ang ating mga anak. Anuman ang ginagawa natin, may kausap na kanegosyo, o kaya’y bagong kotse, lahat ng ito’y walang halaga kung ihahambing sa kahalagahan ng batang kaluluwa.

Si John Gunther, isang ama na namatayan ng anak dahil sa kanser sa utak, ay nagpayo sa mga may anak na habang nariyan pa ang mga anak ninyo ay “yakapin silang mahigpit at magalak nang lubos” (Death Be Not Proud: A Memoir [1949], 259).

Ikinuwento ni Pangulong Harold B. Lee ang magaling na gurong si Horace Mann, “na nagsalita sa dedikasyon ng isang … paaralan ng mga batang lalaki. Sinabi niyang, ‘Daan-daang libong dolyar ang halaga ng paaralang ito, ngunit kahit isang bata lang ang mailigtas nito’y sulit na ang pagkagawa nito.’ Isang kaibigan ang lumapit [kay Mr. Mann] pagkatapos ng miting at nagsabing, ‘Masyado ka yatang nadala ng damdamin mo? … Sinabi mo na kung ang paaralang ito na nagkakahalaga ng daan-daang libong dolyar ay makapagligtas ng kahit isang bata lang ay sulit na ang pagkagawa nito? Hindi totoo ‘yon, di ba?’

“Tinitigan siya ni Horace Mann at sinabing, ‘Totoo kaibigan. Sulit ang pagkatayo nito kung ang batang iyon ay anak ko; sulit ang pagkagawa nito’” (“Today’s Young People, Ensign, Hunyo 1971, 61).

Pagmamahal, pangangalaga, at pag-aaruga sa mga anak ang ilan sa mahahalagang gagawin natin sa kawalang hanggan. Ang mga yaman ng mundo ay maglalaho, ang pinakatanyag na awit o palabas ngayon ay malalaos, ngunit ang isang anak ay pangwalang-hanggan.

“Ang mag-anak ang sentro ng plano ng Tagapaglikha para sa walang hanggang tadhana ng Kanyang mga anak” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo”). Dahil dito’y kailangang magtulungan ang mga magulang at mga anak na patatagin at pagyamanin ang ugnayan ng pamilya sa araw-araw.

May kuya ako na nakapagtrabaho sa malaking unibersidad. Ikinuwento niya ang isang estudyanteng magaling na hurdler. Bulag ang binata. Tinanong siya ni Rex, “Hindi ka ba natutumba?” “Kailangang eksakto ang kilos ko,” sagot ng atleta. “Nagsusukat ako bago ako lumundag. Minsa’y hindi ko ginawa at muntik akong namatay.” At sinabi ng binata na maraming oras siyang tinuruan at tinulungan ng kanyang ama at ipinakita sa kanya kung paano ang paglundag, hanggang sa maging isa siya sa mga pinakamahusay.

Paanong mabibigo ang binatang ito sa gayong uri ng tambalan—ng ama at anak.

Mga kabataan, maaari kayong makaimpluwensya sa kabutihan sa inyong tahanan sa pagtulong ninyong makamit ang makabuluhang mga mithiin ng pamilya. Hindi ko malilimutan ang family home evening noon kung saan ang bawat pangalan namin sa pamilya ay inilagay sa isang sumbrero. Ang mapipili mong pangalan sa sumbrero ang siyang “sikretong kaibigan” mo sa loob ng isang linggo. Napuno ng pag-ibig ang puso ko isang Martes pagkauwi ko mula sa trabaho. Wawalisan ko sana ang garahe gaya ng pangako ko, pero malinis na pala ito. May liham na nakasabit sa pinto ng garahe na nagsasabing, “Sana’y masaya ang araw mo—ang lihim mong kaibigan.” At nang Biyernes ng gabi sa paghiga ko’y naroon ang paborito kong tsokolate, na nakabalot pa at may nakasulat na: “Itay, mahal na mahal kita! Salamat po, ang lihim mong kaibigan.” At higit sa lahat, pag-uwi ko mula sa miting sa Linggo ng gabi, nakita kong nakahanda na ang mesa, at nakasulat sa napkin sa tapat ko ang, “SUPER TATAY” sa malalaking titik at sa panaklong ay, “ang lihim mong kaibigan.” Mag-family home evening kayo, dahil dito itinuturo ang ebanghelyo, dito nagkakaroon ng patotoo, at napatatatag ang pamilya.

Kahit hangad sirain ng kaaway ang mga pangunahing sangkap sa masayang kasal at mabuting pamilya, titiyakin ko sa inyong ang ebanghelyo ni Jesucristo ay may mga kagamitan at turo na kailangan para labanan at gapiin ang kaaway sa digmaang ito. Kung igagalang lamang natin ang ating kasal sa pamamagitan ng higit na pagmamahal at pagmamalasakit sa ating kabiyak; pag-aalaga sa ating mga anak sa magiliw na paraan at sa ating magandang halimbawa; at espirituwal na patatatagin ang ating pamilya sa pagdaraos tuwina ng family home evening, panalangin, at pag-aaral ng banal na kasulatan, pinatototohanan ko sa inyo na ang buhay na Tagapagligtas na si Jesucristo, ang gagabay sa atin at magtatagumpay tayo sa pagsisikap na magkaroon ng walang hanggang pamilya. Ito ang patotoo ko sa pangalan ni Jesucristo, amen.