2004
Pangwakas na Pananalita
Mayo 2004


Pangwakas na Pananalita

Nawa’y mabanaag sa ating buhay at mga gawain ang ating patotoo sa … dakilang saligan ng mga alituntunin ng gawaing ito.

Mga kapatid, halos tapos na ito. Sa pagtatapos natin sa makasaysayang kumperensyang ito, pumapasok sa isipan ang mga salita ng walang kamatayang “Himno” ni Rudyard Kipling:

Ang gulo ay naglalaho;

Lumisan na’ng mga pinuno.

Patuloy sakripisyo ‘nyo,

Aba’t nagsisising puso.

Panginoon ng mga Hukbo,

Manatili kayo rito.

(“God of Our Fathers, Known of Old,” Hymns, Blg. 80)

Pag-uwi natin sa ating tahanan, nawa’y dalhin natin ang diwa ng dakilang kapulungang ito. Nawa’y manatili sa atin ang ating narinig at naranasan bilang tumatagal na pag-ibig at kapayapaan, isang saloobin ng pagsisisi at pagpapasiyang mas manindigan sa maningning na liwanag ng ebanghelyo.

Nawa’y mabanaag sa ating buhay at mga gawain ang ating patotoo sa mas pinakinang na dakilang saligan ng mga alituntunin ng gawaing ito.

Nawa’y mag-ibayo sa ating tahanan ang diwa ng pag-ibig, ng kapayapaan, ng pagpapahalaga sa isa’t isa. Nawa’y mapaunlad tayo sa ating mga pagsisikap at maging mas mapagbigay tayo sa iba. Nawa’y tumulong tayo sa nasa paligid natin sa pakikipagkaibigan at paggalang.

Ang ating mga dalangin nawa ay magpaabot ng pasasalamat sa Nagbigay ng lahat ng mabuti, at ng pagmamahal sa Kanya na ating Manunubos.

Ngayon, mga kapatid, medyo atubili ako pero may gusto akong sabihin sandali. Napansin ng ilan sa inyo na wala dito si Sister Hinckley. Sa kauna-unahang pagkakataon sa loob ng 46 na taon simula nang maging General Authority ako, ngayon lang siya hindi dumalo sa pangkalahatang kumperensya. Sa pagsisimula ng taong ito’y nagpunta kami sa Aprika para ilaan ang Accra Ghana Temple. Pag-alis doon ay lumipad kami papuntang Sal, isang tigang na isla sa Atlantiko, kung saan nakasama namin ang mga miyembro ng branch doon. Pagkatapos ay nagpunta kami sa St. Thomas, isang isla sa Caribbean. Doo’y nakipagkita kami sa ilan pa nating mga miyembro. Pauwi na kami nang mawalan siya ng malay dahil sa pagod. Nahirapan na siya simula noon. Siya’y 92 na ngayon, bata lang nang kaunti sa akin. Palagay ko’y gastado na ang orasan, at hindi namin alam kung paano ito ibabalik sa dati.

Nalulungkot ako. Sa buwang ito’y 67 taon na kaming kasal. Siya ang ina ng lima naming magagaling na anak, lola ng 25 naming mga apo at ng dumaraming mga apo-sa-tuhod. Lagi kaming magkasama sa paglipas ng mga taong ito, magkatuwang at magkasama sa lungkot at ligaya. Maraming ulit na siyang nagpatotoo hinggil sa gawaing ito, nagbabahagi ng pagmamahal, panghihikayat, at pananampalataya saan man siya magpunta. Ang mga babae sa iba’t ibang panig ng mundo ay sumusulat at nagpapasalamat sa kanya. Patuloy kaming umaasa at dumadalangin para sa kanya at ipinararating mula sa kaibuturan ng aming puso ang pasasalamat sa lahat ng nag-asikaso sa kanya at nagbantay sa kanya at sa dakilang pananampalataya at mga dalangin ninyo para sa kanya. Ngayon sa ating pag-uwi, gusto kong sabihing:

Patnubayan ka nawa ng Diyos;

Hanggang sa muling magkita …

Kung manganib ka’t mangamba,

Diyos nawa’y patnubayan ka …

Damhin ang pagmamahal N’ya;

[Sa kamataya’y iligtas ka.]

Patnubayan ka nawa ng Diyos.

(“Patnubayan Ka Nawa ng Diyos,” Mga Himno, Blg. 90)

Bawat lalaki, babae, at bata, ay dapat lumisan sa kumperensyang ito na mas mabuting tao kaysa noong magsimula ito noong isang araw. Iniiwan ko sa bawat isa sa inyo ang aking basbas at pagmamahal, sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.