2004
Sa Pagsikat ng Umagang Maningning
Mayo 2004


Sa Pagsikat ng Umagang Maningning

Napakaluwalhati ng panahong ito. Panibagong araw na naman sa gawain ng Diyos.

Di ba’t napakaringal na awitin? Salamat kay Liriel Domiciano at sa koro. Napakadakilang pahayag ng pananampalataya—“Buhay ang aking Manunubos.” Salamat muli sa nakaaantig at kahanga-hangang musika.

Gusto ko munang pasalamatan ang lahat ng miyembro ng Simbahan at ang iba, sa lubos na kabaitan ninyo sa amin ni Sister Hinckley. Naging mapagbigay at bukas-palad kayo sa amin. Naaantig kami ng lahat ng ginagawa ninyo para sa amin. Kung ganito ang magiging pakikitungo sa buong mundo, magiging kakaiba ito. Pagmamalasakitan natin ang bawat isa sa Diwa ng Panginoon na umalo at nagpagaling.

Ngayon, mga kapatid, nagsalita sa inyo si Elder Packer bilang isang lolo. Liliwanagin kong mabuti ang isa sa mga paksang tinalakay niya. Ako rin, ay matanda na, mas matanda pa ako sa kanya, kung ayos lang sa inyo iyon. Matagal na ako rito, malayo na ang narating ko, at marami na akong napuntahan. Sa mga sandali ng pagmumuni, nagtataka ako kung bakit grabe ang kaguluhan at pagdurusa sa halos lahat ng dako. Ang panahon nati’y puno ng panganib. Madalas nating marinig ang sinabi ni Pablo kay Timoteo: “Datapuwa’t alamin mo ito, na sa mga huling araw ay darating ang mga panahong mapanganib” (2 Timoteo 3:1). At pagkatapos ay inilarawan niya ang mga mangyayari. Sa tingin ko’y totoong mapanganib itong mga huling araw at akma rito ang paglalarawan ni Pablo (tingnan sa 2 Timoteo 3:2–7).

Pero dati nang may panganib sa sangkatauhan. Sinabi sa atin sa Apocalipsis na “nagkaroon ng pagbabaka sa langit: si Miguel at ang kanyang mga anghel ay nakipagbaka sa dragon; at ang dragon at ang kaniyang mga anghel ay nakipagbaka,

“At hindi sila nanganalo; ni nasumpungan pa man ang kanilang dako sa langit.

“At inihagis ang malaking dragon, ang matandang ahas, ang tinatawag na Diablo at Satanas, ang dumadaya sa buong sanglibutan; siya’y inihagis sa lupa, at ang kaniyang mga anghel ay inihagis na kasama niya” (Apocalipsis 12:7–9).

Marahil mapanganib nga ang panahong iyon. Ang Makapangyarihan mismo ang nakalaban ng tala sa umaga. Naroon tayo noong mga sandaling iyon. Napakatindi nga marahil ng sagupaang iyon, na malaking tagumpay sa huli.

Hinggil sa mapanganib na panahong iyon, kinausap ng Panginoon si Job mula sa buhawi at sinabing,

“Saan ka nandoon nang ilagay ko ang mga patibayan ng lupa? …

“Nang magsiawit na magkakasama ang mga bituin pang-umaga. At lahat ng mga anak ng Dios ay naghihiyawan sa kagalakan?” (Job 38:4, 7).

Bakit masaya tayo noon? Sa palagay ko’y dahil sa nagtagumpay ang mabuti laban sa masama at ang buong sangkatauhan ay nasa panig ng Panginoon. Tinalikuran natin ang kaaway at sumama sa puwersa ng Diyos, at nagtagumpay ang puwersang iyon.

Ngunit matapos gawin ang desisyong iyon, bakit paulit-ulit natin itong ginagawa matapos tayong isilang sa lupa?

Hindi ko maintindihan kung bakit marami ang nagtaksil sa desisyong minsan na nilang ginawa nang maganap ang malaking digmaan sa langit.

Pero kitang-kita na ang paligsahan ng mabuti at masama, na nagsimula sa digmaang iyon ay hindi pa tapos. Patuloy pa rin ito hanggang sa ngayon.

Sa palagay ko’y tumatangis ang ating Ama dahil marami sa Kanyang mga anak ang gumamit sa kalayaan sa pagpili na ibinigay Niya at pinili ang masamang landas sa halip na piliin ang mabuti.

Naipamalas ang kasamaan noon pa mang una nang patayin ni Cain si Abel. Nadagdagan ito hanggang sa panahon ni Noe at “nakita ng Panginoon na mabigat ang kasamaan ng tao sa lupa, at ang buong haka ng mga pagiisip ng kaniyang puso ay pawang masama lamang na parati.

“At nagsisi ang Panginoon na kaniyang nilalang ang tao sa lupa, at nalumbay sa kaniyang puso” (Genesis 6:5–6).

Inutusan Niya si Noe na gumawa ng arka “na sa loob nito’y kakaunti, sa makatuwid ay walong kaluluwa,” ang maliligtas (1 Pedro 3:20).

Ang mundo’y nalinis. Humupa ang baha. Muling lumaganap ang kabutihan. Ngunit hindi pa nagtatagal nang ang sangkatauhan, napakarami nila, ang nagbalik sa dating gawi ng pagiging suwail. Ang mga naninirahan sa mga bayan ng kapatagan, sa Sodoma at Gomorra, ay mga halimbawa ng katiwaliang kinasadlakan ng tao. At “[ginunaw] ng Dios ang mga bayan ng Kapatagan” nang lubusan (Genesis 19:29).

Sigaw ni Isaias:

“Pinapaghiwalay ng inyong mga kasamaan kayo at ang inyong Dios, at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagpakubli ng kaniyang mukha sa inyo, upang siya’y huwag makinig.

“Sapagka’t ang inyong mga kamay ay nadumhan ng dugo, at ang inyong mga daliri ng kasamaan; ang inyong mga labi ay nangagsalita ng mga kasinungalingan, ang inyong dila ay nagsasalita ng kasamaan” (Isaias 59:2–3).

Gayundin ang ibang mga propeta sa Lumang Tipan. Ang pinakapunto ng kanilang mensahe ay pagbatikos sa kasamaan. At ang panganib ng panahong iyon ay hindi kakaiba sa Lumang Daigdig. Nasusulat sa Aklat ni Mormon na sa Kanlurang Hemispero ang mga hukbong Jaredita ay nakipaglaban hanggang kamatayan. Ang mga Nephita at Lamanita ay nakipaglaban din hanggang sa libu-libo ang nangamatay at napilitan si Moroni na magtago para iligtas ang kanyang sarili (tingnan sa Moroni 1:3). Ang huli at dakilang samo niya, sa atin sa ngayon, ay panawagan sa kabutihan:

“At muli, pinapayuhan ko kayo na kayo ay lumapit kay Cristo, at manangan sa bawat mabuting kaloob, at huwag humipo ng masamang kaloob ni ng maruming bagay” (Moroni 10:30).

Noong narito pa ang Tagapagligtas, Siya’y “naglilibot na gumagawa ng mabuti” (Mga Gawa 10:38), ngunit binatikos Niya ang pagpapaimbabaw ng mga eskriba at Fariseo at sinabing sila’y “libingang pinaputi” (Mateo 23:27). Nagalit Siya sa mga mamamalit ng salapi sa templo at sinabing, “Ang aking bahay ay … bahay-panalanginan: datapuwa’t ginawa ninyong yungib ng mga tulisan” (Lucas 19:46). Ito rin ay mapanganib na panahon. Ang Palestina ay bahagi ng Imperyo ng Roma, na, dahil malupit na pinamunuan, ay mapang-api at balot ng kasamaan.

Ang mga liham ni Pablo ay pagsamo sa mga tagasunod ni Cristo na maging matatag, dahil baka sila’y mahulog sa bitag ng kaaway. Ngunit sa huli’y nanaig pa rin ang diwa ng pagtalikod sa katotohanan.

Nabalot ng kamangmangan at kasamaan ang daigdig, na nauwi sa Panahon ng Kadiliman. Nagpropesiya si Isaias: “Tatakpan ng kadiliman ang lupa, at ng salimuot na dilim ang mga bayan” (Isaias 60:2). Sa pagdaan ng mga siglo ay laganap ang sakit at nanaig ang kahirapan. Namatay sa “bubonic plague” o Black Death ang 50 milyong katao noong ika-14 na siglo. Hindi ba’t panahon ito ng matinding panganib? Buti’t nalampasan ito ng tao.

Ngunit kahit paano, sa matagal na panahong iyon ng kadiliman ay nasindihan ang isang kandila. Sa panahon ng Renaissance ay umusbong ang kaalaman, sining, at agham. Nagkaroon ng samahan ng matatapang at magigiting na kalalakihan at kababaihan na kumikilala sa Diyos at sa Kanyang banal na Anak. Ang tawag natin dito’y Repormasyon.

At matapos mabuhay ang maraming henerasyon sa mundo—sa gitna ng labanan, poot, kadiliman at kasamaan—ay dumating ang dakilang araw ng Panunumbalik. Ang maluwalhating araw na ito’y nagsimula noong magpakita ang Ama at Anak kay Joseph. Ang bukang-liwayway ng dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon ay dumating sa mundo. Lahat ng mabuti, maganda at banal sa mga nakaraang dispensasyon ay ibinalik sa pinaka-kakaibang panahon.

Ngunit may kasamaan din. Ang isang pagpapamalas ng kasamaang iyon ay ang pag-uusig. Naroon ang poot. Itinaboy ang mga tao at sapilitang lumikas sa taglamig.

Tulad iyon ng panimula ni Charles Dickens sa kanyang A Tale of Two Cities: “Iyon ang pinakamainam na panahon, at pinakamasama … iyo’y panahon ng Liwanag, at ng Kadiliman, noo’y sumibol ang pag-asa, na naglaho rin dahil sa taglamig.”

Sa kabila ng malaking kasamaan sa mga panahong ito’y maluwalhati pa rin ito. Ito’y panibagong araw sa gawain ng Diyos. Ang gawaing iyon ay lumago at tumatag at lumaganap na sa buong mundo. Naantig na nito sa kabutihan ang buhay ng milyun-milyon, at simula pa lamang ito.

Ang pagsikat ng umagang ito’y nagbunga na rin ng pagbuhos ng sekular na kaalaman sa daigdig.

Isipin na lamang ang paghaba ng buhay. Isipin ang kababalaghan ng makabagong medisina. Nakamamangha. Tingnan ang pagsulong ng edukasyon. Pati ang malaking pagsulong sa paglalakbay at komunikasyon. Tila walang hangganan ang kakayahan ng tao kapag binigyang-inspirasyon ng Diyos ng langit at nagbuhos ng liwanag at kaalaman.

Marami pa ring alitan sa mundo. Matindi ang kahirapan, karamdaman, at poot. Malupit pa rin ang tao sa kanyang kapwa. Gayunma’y maluwalhating sisikat ang araw. Ang “Araw ng katuwiran” ay dumating “na may kagalingan sa kaniyang mga pakpak” (Malakias 4:2). Inihayag ng Diyos at ng Kanyang Mahal na Anak ang kanilang sarili. Kilala natin Sila. Sinasamba natin Sila “sa espiritu at sa katotohanan” (Juan 4:24). Mahal natin Sila. Iginagalang natin Sila at hangad nating gawin ang Kanilang kalooban.

Nabuksan ng mga susi ng walang hanggang priesthood ang mga bagay na hindi batid noon.

Umaga na, anino’y napawi

Ating masdan ang bandila ng Sion.

Sa pagsikat ng umagang maningning,

Dakilang magliliwanag ang mundo ngayon.

(“Umaga Na,” Mga Himno, blg. 1)

Mapanganib na panahon? Oo. Mapanganib na panahon ito. Ngunit bago pa man likhain ang mundo’y nanganganib na ang sangkatauhan. Gayunman, sa kabila ng kadiliman ay may silay ng magandang liwanag. At ngayon sa dagdag na ningning ay nakasikat ito sa mundo. Taglay nito ang plano ng Diyos para sa kaligayahan ng Kanyang mga anak. Taglay nito ang dakila at di-masayod na kababalaghan ng Pagbabayad-sala ng Manunubos.

Napakalaki ng pasalamat natin sa Diyos ng Langit sa Kanyang mabuting pangangalaga sa Kanyang mga anak sa pagbibigay sa kanila, sa kabila ng mga panganib sa kawalang hanggan, ng pagkakataong maligtas at magkamit ng kadakilaan sa Kanyang kaharian, kung mamumuhay lamang sila nang matwid.

At dahil dito bawat isa atin ay may napakalaking responsibilidad. Sinabi ni Pangulong Wilford Woodruff noong 1894:

“Ang Diyos ay nasa panig ng mga taong ito. Mapapasaatin ang paghahayag na kailangan natin, kung gagampanan natin ang ating tungkulin at susunod sa mga utos ng Diyos… . Habang ako’y … nabubuhay gusto kong gampanan ang tungkulin ko. Nawa’y gawin ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kanilang tungkulin. Narito ang Banal na Priesthood… . Napakalaki ng responsibilidad nila. Nakamasid sa atin ang Diyos at ang lahat ng mga propeta. Ito ang dakilang dispensasyon na binanggit noon pa mang una. Nagtitipon tayo … sa kapangyarihan at utos ng Diyos. Ginagawa natin ang gawain ng Diyos… . Gampanan natin ang ating misyon” (sa James R. Clark, tinipon, Messages of the First Presidency of The Church of Jesus Christ of Latter-day Saints, 6 na tomo [1965–75], 3:258).

Ito ang malaking hamon sa atin, mga kapatid. Ito ang pagpiling gagawin natin sa tuwina, tulad ng ginawa ng mga naunang henerasyon. Dapat nating tanungin ang ating sarili,

Sino’ng panig sa Diyos?

Ipabatid ngayon.

Itong aming tanong;

Sino’ng panig sa Diyos?

(“Sino’ng Panig sa Diyos?” Mga Himno, blg. 162)

Nauunawaan ba natin talaga ang malaking kahalagahan ng nasa atin. Ito ang bunga ng mga henerasyon ng tao, ang huling kabanata sa buong palabas ng karanasan ng tao.

Pero hindi ibig sabihin na nakahihigit na tayo kaysa sa iba. Sa halip, dapat tayong magpakumbaba. Dahil dito’y tungkulin nating tumulong sa iba nang may pagmamalasakit sa Diwa ng Panginoon na nagturong, “Iibigin mo ang iyong kapuwa na gaya ng iyong sarili” (Mateo 19:19). Dapat nating alisin ang pagmamagaling at kalimutan ang pansariling kapakanan.

Kailangang gawin natin ang lahat sa pagsusulong ng gawain ng Panginoon sa pagtatayo ng Kanyang kaharian sa lupa. Hindi natin maaaring ikompromiso ang doktrinang natanggap natin sa pamamagitan ng paghahayag. Makapamumuhay at makapagtatrabaho tayong kasama ng iba, na iginagalang ang paniniwala nila’t hinahangaan ang katangian nila. Magkapit-bisig tayo sa paglaban sa mga maling doktrina, awayan, at poot—mga panganib na nakapaligid sa tao noon pa mang una.

Maaari tayong makipagkapitbahay nang hindi isinusuko ang ating doktrina, kaya nating maging matulungin, mabait at bukas-palad.

Tayo, sa henerasyong ito, ang bunga ng lahat ng nangauna sa atin. Hindi sapat ang makilala bilang miyembro ng Simbahang ito. Banal ang ating tungkulin. Harapin natin ito at gawin.

Mamuhay tayo bilang tunay na mga tagasunod ni Cristo, na nagmamahal sa lahat, na gumaganti ng kabutihan sa masama, na itinuturo sa pamamagitan ng halimbawa ang mga paraan ng Panginoon, at isinasakatuparan ang malawak na serbisyong inatas Niya sa atin.

Nawa’y mamuhay tayong marapat sa dakilang pagbuhos ng liwanag at pang-unawa at walang hanggang katotohanan, na dumating sa atin sa kabila ng mga nagdaang panganib. Kahit paano, sa lahat ng mga taong nabuhay sa mundo, tayo ang isinilang sa kakaiba at kagila-gilalas na panahong ito. Magpasalamat, at higit sa lahat maging tapat. Ito ang aba kong dasal, sa pagpapatotoo ko sa katunayan ng gawaing ito, sa banal na pangalan ni Jesucristo, amen.