2024
Gusto ni Bjorn na Maging Anghel
Disyembre 2024


“Gusto ni Bjorn na Maging Anghel,” Kaibigan, Disyembre 2024, 30–31.

Gusto ni Bjorn na Maging Anghel

“Kung minsa’y tinatawag nating anghel ang mga tao kapag gumagawa sila ng kabaitan para sa atin,” sabi ni Papi.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.

Tumingin si Bjorn sa paligid sa lahat ng malaking karton sa bago niyang tahanan. Kalilipat lang ng pamilya niya sa Estados Unidos mula sa Argentina.

Nakakatakot lumipat nang napakalayo. Lahat ay hindi pamilyar. Pero alam niya na kung kasama niya ang kanyang pamilya, magiging OK ang lahat.

Habang tinutulungan ni Bjorn ang kanyang pamilya na buksan ang mga kahon, dumampot ng isang malaking kahon si Mami at ngumiti. “Nasa loob ng isang ito ang mga palamuti natin sa Pasko!” sabi niya.

Ngumiti si Bjorn. Gustung-gusto niya ang Pasko at nasasabik na siyang ipagdiwang ito kasama ang kanyang pamilya. Kinakabahan pa rin siyang tumira sa isang bagong lugar, pero ang pagkaalam na halos Pasko na ay nagpasaya sa kanya.

Makalipas ang ilang araw, sama-samang naupo ang pamilya ni Bjorn para sa isang home evening lesson tungkol sa Pasko. Ipinaliwanag ni Papi na ito ay panahon ng pagbibigay ng mga regalo.

“Yehey! Mga regalo!” sabi ni Bjorn.

“Oo, masayang tumanggap ng mga regalo,” sabi ni Mami. “Pero mas mahalaga pa ang magregalo sa Tagapagligtas.”

“Paano po tayo magreregalo kay Jesus?” tanong ni Bjorn.

“Kapag naglilingkod tayo sa iba tulad ng ginawa ni Jesus, nagpapasaya ito sa Kanya,” sabi ni Mami.

Kinaumagahan nakarinig ng katok si Bjorn sa pinto sa harapan. Napatayo siya mula sa kama at tumakbo para tingnan kung sino iyon. Pero nang buksan nina Papi at Mami ang pinto, walang tao. Sa halip, dinampot ni Mami ang isang maliit at makintab na regalo sa may pintuan.

“Saan kaya ito galing?” tanong ni Bjorn.

“Hindi ko sigurado,” sabi ni Inay. “Baka sa isang anghel!”

Nanlaki ang mga mata ni Bjorn. “Gaya ng isang anghel mula sa langit?”

Ngumiti si Papi. “Hindi. Kung minsa’y tinatawag nating anghel ang mga tao kapag nagpapakita sila ng kabaitan sa atin. Para silang mga katulong ng Ama sa Langit dito sa lupa.”

Tumalon sa ere si Bjorn. “Gusto ko ring maging anghel! Gusto kong magpakita ng kabaitan sa iba. Iyan ang magiging regalo ko kay Jesus sa Pasko.”

“Magandang ideya!” sabi ni Papi. “Magugustuhan ni Jesus ang regalo mo.”

Batang lalaking nakakita ng regalo sa beranda

Sa natitirang mga araw ng linggo, nakakakita si Bjorn ng bagong regalo sa may pintuan pagkagising niya tuwing umaga. Nadama niya na may lubos na nagmamahal sa kanya kapag nag-iwan ang mga anghel ng mga regalo para sa kanyang pamilya. Ginusto niyang ipakita sa kanyang pamilya na mahal din niya sila.

Kaya kumilos si Bjorn. Lihim siyang naghanda ng mga regalo para sa kanyang mga magulang at kapatid. Pinakintab niya ang sapatos ni Papi habang nasa trabaho ito at nagdrowing ng puso para kay Mami. Pagkatapos ay ibinalot niya ang isa sa kanyang mga paboritong laruang kotse para sa kanyang kapatid. Bumili siya ng bubble gum para sa kapatid niyang babae.

Maingat na isinulat ni Bjorn ang mga pangalan sa bawat regalo at inilagay ang mga ito sa ilalim ng Christmas tree. Sabik na siyang makita ang masasayang mukha nila! Iniisip pa lang niya iyon ay sumigla na ang kalooban niya.

Sa Araw ng Pasko, ibinigay ni Bjorn ang kanyang regalo sa bawat miyembro ng pamilya. Sabik na sabik siya kaya hindi siya mapakali sa kanyang upuan.

Pamilyang nagbubukas ng mga regalo sa Pasko

Nang makita ni Papi ang makintab na sapatos niya, sinabi niya, “Wow, salamat, Bjorn! Ang gandang tingnan.”

Binuksan ng kapatid na lalaki at kapatid na babae ni Bjorn ang kanilang mga regalo, pagkatapos ay lumundag para yakapin si Bjorn. “Salamat!” sabi nila.

Napangiti si Mami nang alisan niya ng balot ang larawang idinrowing ni Bjorn para sa kanya. “Nakatulong ka na para maging espesyal ang Paskong ito, Bjorn. Salamat sa pagiging munting anghel namin,” sabi niya.

Sumaya ang kalooban ni Bjorn. Alam niya na ang pagpapakita ng pagmamahal sa kanyang pamilya ang perpektong regalong dapat ibigay kay Jesus!

PDF

Mga larawang-guhit ni Daniel Duncan