Kaibigan
Tumigil sa Pag-scroll si Janeelyn
Marso 2024


“Tumigil sa Pag-scroll si Janeelyn,” Kaibigan, Marso 2024, 36–37.

Tumigil sa Pag-scroll si Janeelyn

Gusto niya talagang makita ang susunod na video. At ang susunod pa. At ang susunod pa.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa Malaysia.

Larawan
alt text

Nag-swipe ng kanyang hinlalaki si Janeelyn sa phone screen. Mabilis na nagdaan sa screen ang mga video. Huminto siya sandali para panoorin ang isa, pagkatapos ay nag-scroll ulit. Pagkatapos ay tumigil siya sa isa pang video. Napakaraming masamang pananalita, pero nakakatawa iyon, kaya patuloy siyang nanood. At patuloy na nag-scroll.

“Janeelyn! Gusto mong magdrowing?” Ikinaway ng nakababata niyang kapatid na si Jojo ang isang papel.

Sumulyap si Janeelyn. “Hindi pa ngayon.”

“OK.” Sumimangot si Jojo at ibinaba ang papel.

Scroll. Scroll. Scroll. Mga video ng cute na mga hayop. Mga video ng bantog na mga tao. Mga video ng mga batang nagsasayaw. At ilang video na alam ni Janeelyn na hindi magandang panoorin. OK, siguro hindi lang kaunti. Nagsimulang madama ni Janeelyn na dapat siyang tumigil sa panonood sa mga ito.

Pero nagpo-post din ang mga tao ng maraming mabubuting bagay, naisip niya. Natuto pa siya ng mga bagong paraan ng pagdodrowing mula sa ilang video.

“Janeelyn,” pagtawag ni Inay.

“Po?” Ni hindi man lang tumingala si Janeelyn sa pagkakataong ito.

“Seafood fried rice ang hapunan natin ngayong gabi,” sabi ni Inay. “Puwede mo ba akong tulungang lutuin iyon?”

Mahilig si Janeelyn sa seafood fried rice. Pero ayaw pa niyang tumindig sa ngayon.

“Puwede po bang ako na lang ang maghanda ng mesa?” tanong niya. “Tutulong din po akong maghugas ng mga pinggan pagkatapos.”

“Sige,” sabi ni Inay. “Pero kailangan mong ihanda ito nang maayos kapag sinabihan kita. At oras na para ibalik mo ang cellphone. Usapang marangal?”

“Sige po,” sabi ni Janeelyn.

Patuloy na nanood ng mga video si Janeelyn. Muli, nadama niya na hindi niya dapat tingnan ang mga iyon. Pero gusto niya talagang makita ang susunod na video. At ang susunod pa. At ang susunod pa. Scroll. Scroll. Ang hirap tumigil!

Sa wakas ay ibinaba na ni Janeelyn ang cellphone. Siguro puwede niyang tapusin na lang ang isang huling video . …

Hindi, matibay na sinabi ni Janeelyn sa kanyang sarili. Napahiwatigan na siya ng Espiritu Santo, at gusto niyang pakinggan iyon. Nakaaligid pa rin ang kamay niya sa cellphone. Nakakatukso talaga! Pumikit nang husto si Janeelyn.

Mahal na Ama sa Langit, tahimik niyang dasal. Sinisikap ko pong mabuti na makinig sa Espiritu Santo, pero kailangan ko po ng tulong. Gusto ko pong tumigil sa panonood ng mga video na ito, pero hindi ko tiyak kung paano. Sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Noon mismo, tinawag siya ni Inay para ihanda ang mesa. Agad tumayo si Janeelyn at ngumiti. Isang paraan iyon para makalayo siya sa cellphone.

Inihanda ni Janeelyn ang mga pinggan sa mesa. “Inay, may nakita po akong ilang masasamang bagay sa cellphone,” sabi niya.

Nag-angat ng ulo si Inay mula sa kanyang pagluluto. “Anong klaseng mga bagay?”

“Tulad po ng, masasamang salita at masasamang video.” Nagkibit-balikat si Janeelyn. “Pero hindi naman po lahat ay masama.”

“Ano ang ginawa mo nang makita mo ang masasamang bagay?” tanong ni Inay.

Tumahimik sandali si Janeelyn. Naglagay siya ng tasa sa bawat puwesto.

“Patuloy po akong nanood,” sabi niya. “Hindi ko po alam kung bakit. Pero pinatigil ako ng Espiritu Santo, kaya humingi po ako ng tulong sa panalangin.”

Naglagay ng isang plato ng mainit na seafood fried rice si Inay sa mesa. “Kung minsa’y talagang mahirap tumigil sa paggawa ng mga bagay kahit alam nating masama ang mga iyon,” sabi niya. “At kapag nangyari iyan, ang pinakamagandang magagawa natin ay magdasal.”

Napangisi si Janeelyn. “Tama po pala ang ginawa ko.”

“Oo naman.” Iniabot ni Inay kay Janeelyn ang mga kutsara para ilagay sa mesa. “At hindi masama ang lahat ng nasa internet. Matutulungan tayo nitong makipag-ugnayan sa mga kaibigan at magbahagi ng mga ideya. Pero maaaring mahirap ding lumayo sa lahat ng masasamang bagay. Mula ngayon, kung manonood ka ng mga video, magkasama na lang nating panoorin ang mga iyon. Sa gayon ay matutulungan ka namin ni Itay mo kung may makikita kang masama.”

Tumango si Janeelyn. Sa susunod ay manonood siya ng mga video na kasama sina Inay at Itay. Pero bago iyon, maraming masasayang bagay siyang magagawa nang walang cellphone.

“Maaari mo bang sabihin sa lahat na oras na para maghapunan?” tanong ni Inay.

“Opo! At pagkatapos ng hapunan, magdodrowing kami ni Jojo!”

Larawan
alt text
Larawan
PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Mitch Miller