Kaibigan
Ang Pahiwatig ng Potato Chip
Enero 2024


“Ang Pahiwatig ng Potato Chip,” Kaibigan, Ene. 2024, 14–15.

Ang Pahiwatig ng Potato Chip

Matindi ang pakiramdam ni Maya na dapat niyang tingnan ang mga sangkap.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.

Larawan
alt text

Hiniwa ni Maya ang mga strawberry at idinagdag ang mga iyon sa mangkok ng fruit salad. Prutas ang paborito niyang pagkain. Gustung-gusto niya ang lahat ng matitingkad na kulay. At hindi niya kinailangang mag-alala tungkol sa pagkain nito!

Maraming allergy sa pagkain si Maya. Kinailangan niyang mag-ingat dahil talagang magkakasakit siya kapag nakakain siya ng maling pagkain. Noong maliit pa siya, hindi sinasadyang nakainom siya ng gatas ng baka at nahirapan siyang huminga. Kinailangan siyang dalhin sa ospital. Ayaw niyang mangyari ulit iyon.

Kung minsan ay mahirap kumain ng mga pagkaing iba kaysa sa kinakain ng kanyang mga kaibigan at pamilya. Pero alam niya na mahalaga na manatili siyang ligtas.

Dinala ni Maya ang fruit salad sa counter. “Handa na ang salad.”

Tumingala si Itay mula sa palayok na hinahalo niya. “Magaling! Parating na ang mga bisita natin.”

Narinig ni Maya ang katok sa pintuan at tumakbo siya para buksan ito. Nginitian siya ng pamilya Johnson at ng mga missionary mula sa balkonahe. Ang mga Johnson ay mga kaibigan ng pamilya. Masaya si Maya na makita silang muli. Binuksan niya ang pinto para makapasok ang lahat.

Habang naghihintay sila ng hapunan, ipinakita ng isa sa mga missionary kay Maya ang isang magic trick. Hindi niya malaman kung paano nito nakukuha ang barya mula sa tainga niya!

Hindi nagtagal ay oras na para kumain. Si Brother Johnson ang nagdasal. Pagkatapos ay pumila na silang lahat para maglagay ng pagkain sa plato nila.

Nang si Maya na ang kukuha, kumuha siya ng maraming fruit salad. Nilaktawan niya ang ilang pagkain na alam niyang may gatas.

Pagkatapos ay dumampot siya ng malaking supot ng chips at naglagay ng kaunti sa plato niya. Kamukha iyon ng chips na nakain na niya dati. Sumubo siya ng isa.

Pero nang magsimula siyang ngumuya, nagkaroon siya ng matinding pakiramdam. Tingnan mo ang mga sangkap, sabi ng isang tinig sa kanyang isipan.

Larawan
alt text

Tumigil sa pagnguya si Maya. Tiningnan niya ang listahan ng mga sangkap na nasa supot. May gatas ang chips!

Kumuha ng napkin si Maya at iniluwa kaagad ang chip. Napuno ng luha ang kanyang mga mata. Hindi pa niya iyon nalunok. Pero may mangyayari pa rin bang masama?

“Inay! Itay!” Nagmamadaling pumunta si Maya sa kanyang mga magulang. “Naisubo ko po ang isang chip na may gatas!”

“OK lang,” sabi ni Inay. “Inom ka lang ng gamot.” Nilunok ni Maya ang tabletang iniabot sa kanya ni Inay at huminga siya nang malalim. Kinandong ni Itay si Maya habang hinihintay nilang tumalab ang gamot.

Pagkaraan ng ilang minuto, sabi ni Inay, “Kumusta na ang pakiramdam mo?”

Takot pa rin si Maya. Pero wala siyang naramdamang masama sa katawan niya. “Palagay ko po OK lang ako. Pero puwede po ba akong humingi ng basbas?”

“Oo naman,” sabi ni Itay. “Magpatulong tayo sa mga missionary.”

Larawan
alt text

Umupo si Maya sa isang silya, at ipinatong ni Itay at ng mga missionary ang mga kamay nila sa ulo niya. Binasbasan nila siya na maging ligtas. Kumalma si Maya. Nawalang lahat ang masamang pakiramdam niya.

“Paano mo naisip na tingnan ang mga sangkap sa supot?” tanong ni Inay.

“Nadama ko po ang babala ng Espiritu Santo!”

Niyakap siya nang mahigpit ni Itay. “Natutuwa ako’t nakinig ka.”

Tumango si Maya. Alam niya na minahal siya at pinagmalasakitan ng Ama sa Langit.

Larawan
PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Chrisanne Serafin