Kaibigan
Pagpapatawad na Tulad ni Nephi
Enero 2024


“Pagpapatawad na Tulad ni Nephi,” Kaibigan, Ene. 2024, 4–5.

Pagpapatawad na Tulad ni Nephi

Ayaw ni Aisea na manatiling galit kay Josh magpakailanman.

Ang kuwentong ito ay nangyari sa USA.

Tumakbo si Aisea at sinipa ang bola papunta sa ka-team niyang si Timothy. Minasdan niya ang pagsipa ng paa ni Timothy sa bola papunta sa goal.

“Score!” sigaw ni Timothy nang tumama ang bola sa net.

Nagtatalon sa tuwa si Aisea. Nanalo sila sa laro!

Nang lumakad siya palabas ng field, ang ganda ng pakiramdam niya! Pero pinagsalitaan siya ng masakit ni Josh, na isa sa mga bata sa kabilang team.

Larawan
alt text

Nagulat at nasaktan si Aisea. Hindi niya alam kung ano ang sasabihin. Nagyuko siya ng ulo at dahan-dahang lumakad papunta sa mga ka-team niya.

“Panalo tayo!” sabi ni Timothy. “Ang galing ng pagkapasa mo, Aisea.”

Pero hindi maganda ang pakiramdam ni Aisea. Hindi, pagkatapos ng sinabi ni Josh sa kanya! Nalungkot siya at nagalit.

Sa buong maghapon, parang may bigat na humihila kay Aisea pababa. Ayaw na niya kay Josh.

Nang gabing iyon, naupo si Aisea kasama ang kanyang pamilya para sa oras ng pagbabasa ng banal na kasulatan. Sinubukan niyang makinig sa pagbabasa ng ate niya. Pero hindi niya mapigilang isipin ang sinabi ni Josh.

Binuklat-buklat ni Aisea ang mga pahina ng kanyang Aklat ni Mormon. Tumigil siya sa isang talata sa 1 Nephi. Tungkol iyon sa panahon na malupit kay Nephi ang mga kapatid niya.

“At ito ay nangyari na, na tahasan ko silang pinatawad,” sabi sa banal na kasulatan.*

Larawan
alt text

Pinatawad ni Nephi ang kanyang mga kapatid? naisip ni Aisea. Kahit naging napakalupit nila?

Naisip ni Aisea si Josh. Ayaw niyang manatili ang sama-ng-loob niya kay Josh magpakailanman. Sampung taong gulang pa lang siya noon!

Gustong tularan ni Aisea si Nephi. Puwede niyang patawarin si Josh, tulad ng pagpapatawad ni Nephi sa kanyang mga kapatid. At kung magsabing muli si Josh ng masakit na salita, hihilingan lang niya ito na huwag gawin iyon.

Sumigla siya at napayapa ang loob niya. Parang sinasabi ng Espiritu Santo na, “Tama ang ginagawa mo.”

“Aisea, ano ang natutuhan mo mula sa mga talatang ito?” tanong ni Inay.

Tumingala si Aisea. “Sorry po, iba ang binabasa kong talata,” sabi niya. Sinabi niya sa kanyang pamilya ang nangyari sa soccer.

Niyakap nina Inay at Itay si Aisea. “Sorry at naging salbahe si Josh sa iyo,” sabi ni Itay. “Hindi totoo ang sinabi niya. Pero OK lang na masaktan ka roon.”

Ngumiti si Aisea. “Salamat po. Nagalit po ako talaga sandali. Pero ngayong nabasa ko na ang mga banal na kasulatan, ayaw ko nang magalit sa kanya. Gusto ko pong patawarin siya. At gumaan na po ang pakiramdam ko!”

“Magaling!” Ngumiti rin si Inay. “Hindi palaging madaling magpatawad. Pero tama ka. Sulit iyon.”

Tumingin si Aisea sa kanyang mga banal na kasulatan. Nakatulong sa kanya iyon! Nawala na ang mabigat na pasanin. Sa halip ay sumigla siya at napayapa.

Larawan
PDF ng Kuwento

Mga larawang-guhit ni Alyssa Tallent