2023
Sumulong at Mag-ani!
Oktubre 2023


“Sumulong at Mag-ani!” Kaibigan, Okt. 2023, 32.

Kaibigan sa Kaibigan

Sumulong at Mag-ani!

Larawan
Alt text

Mga larawang-guhit ni Garth Bruner

Noong bata pa ako ay sa California, USA ako nakatira kasama ng pamilya ko. Tuwing tag-init, nag-aani kami ng mga ubas sa isang ubasan. Malaki ang pamilya namin, at nagtulungan kaming lahat sa trabaho. Bata man ako, pero tinuruan ako ng tatay ko na magtrabaho nang husto.

Naggugupit kami noon ng mga bungkos ng ubas mula sa puno ng ubas. Pagkatapos ay inilalagay namin ang mga ubas sa isang trey na bakal. Kapag puno na ang trey, dinadala namin ito sa aking ama. Ikinakalat niya ang mga ubas para matuyo at maging mga pasas sa mainit na araw. Binabayaran ng may-ari ng ubasan ang aking ama sa mga pasas na ginawa namin.

Tuwing dadalhin namin ang mga ubas sa tatay ko, sinasabi niya sa amin, “Sumulong kayo at mag-ani.”

Kaya nagpupunta kami sa susunod na puno ng ubas para anihin ang susunod na bungkos ng mga ubas. Paulit-ulit namin itong ginawa. Nagtuon kami sa susunod na puno ng ubas at sa gawaing naghihintay sa amin. Hindi namin hinayaan ang aming sarili na magambala ng mga bagay na natapos na.

Linggu-linggo, binabayaran kaming magkakapatid ng aking ama sa aming trabaho. Tinuruan Niya kaming mag-ukol ng 10 porsiyento para sa ikapu. Iniipon namin ang iba pa. Kapag may sapat na kaming pera, bumibili kami ng eroplanong yari sa kahoy o ng paborito naming kendi. Ginugugol namin ang mga Sabado ng hapon sa paglalaro sa parke kasama ang aming mga eroplano at kinakain ang aming candy.

Ang pagsasabi ng tatay ko na “sumulong at mag-ani” ay naging tradisyon ng aking pamilya. Itinuturo nito sa amin ang kahalagahan ng kasipagan. Mahalaga para sa atin na “sumulong at mag-ani” sa lahat ng ginagawa natin. Kapag nagsipag tayo at sinunod ang ipinagagawa sa atin ng Diyos, magkakaroon tayo ng kagalakan sa buhay.