2023
Ang Priesthood Blessing ni Timeon
Oktubre 2023


“Ang Basbas ng Priesthood ni Timeon,” Kaibigan, Okt. 2023, 12–13.

Ang Priesthood Blessing ni Timeon

Lumundag si Timeon papunta sa troso.

Ang kuwentong ito ay naganap sa Kiribati.

Larawan
1. A young boy named Timeon and his friends are swinging from the rafters in a hut. 2. Two missionaries give Timeon a blessing after he gets hurt. His mother is kneeling next to all of them.

Umakyat si Timeon sa troso sa itaas niya. Pagkatapos ay inilagay niya ang kanyang mga binti sa ibabaw nito at bumitin nang patiwarik.

“Sobrang ganda ng lugar na ito!” sabi ni Natieta na nasa ibaba.

Natagpuan ni Timeon at ng kanyang mga kaibigan ang bakanteng kubo sa puno noong linggong iyon. Napakagandang laruan nito! Ang trosong pinagkakabitan ng bubong ay tamang-tamang paglambitinan.

“Pustahan, kaya kong tumalon sa kabila—tulad ng isang unggoy,” sabi ni Timeon.

“Magkita tayo sa gitna!” sabi ni Toani.

Ginamit ni Timeon ang kanyang mga bisig para umugoy pasulong ang kanyang katawan. Pagkatapos ay lumundag siya papunta sa troso ng kanyang kaibigan. Inabot niya ang kanyang mga kamay, na handang kumapit.

Pero dumulas ang kanyang mga daliri! Bumagsak si Timeon sa lupa.

“Aray!” sabi ni Timeon. Tumakbo ang kanyang mga kaibigan para tulungan siya.

“Okay ka lang ba?” tanong ni Natieta.

Sinubukan ni Timeon na bumangon, pero nakadama siya ng matinding sakit sa kanyang braso.

“Hindi ko alam kung kaya kong gumalaw” sabi niya. Sinikap niyang huwag umiyak, pero tumulo ang mga luha sa kanyang mga pisngi.

“Pasensya ka na, Timeon,” sabi ni Natieta. “Tutulungan ka naming umuwi.”

Tinulungan si Timeon ng kanyang mga kaibigan na lumakad sa isla. Halos palubog na ang araw nang makarating sila sa kanyang tahanan.

“Ano’ng nangyari?” tanong ni Inay.

“Naglalaro po kami sa bakanteng kubo,” sabi ni Toani. “Bumagsak po si Timeon mula sa trosong nilalambitinan niya.”

Ni hindi maiunat ni Timeon ang kanyang braso. Napakasakit niyon!

Pinasalamatan ni Inay ang mga kaibigan ni Timeon sa paghahatid sa kanya nang ligtas sa kanyang tahanan. Tinulungan niya siyang humiga sa banig at naglagay siya ng mga unan sa buong paligid niya.

Nasasaktan pa rin si Timeon. Pero walang doktor na malapit na maaaring bumisita sa gabi. Paano kung patuloy itong sumakit sa buong magdamag?

Narinig ni Timeon ang isang tinig na sumisigaw ng pagbati mula sa labas ng bahay. “Mauri!” Ang mga missionary iyon.

“Masaya kaming makita kayo, mga elder,” sabi ni Inay. “Puwede ba ninyong bigyan ng basbas ng priesthood ang anak ko? Nabali niya ang braso niya at napakasakit nito.”

“Siyempre naman po.” Ngumiti si Elder Aitu kay Timeon. “Gusto mo ba ng basbas ng priesthood, Timeon?”

Alam ni Timeon na ang mga basbas ng priesthood ay nag-aanyaya ng kapangyarihan mula sa Diyos para matulungan at mapagaling ang mga tao. May pananampalataya siya na matutulungan siya ng Ama sa Langit. Tumango siya. “Opo, sige po!”

Larawan
1. A young boy named Timeon and his friends are swinging from the rafters in a hut. 2. Two missionaries give Timeon a blessing after he gets hurt. His mother is kneeling next to all of them.

Ipinatong ng mga missionary ang kanilang mga kamay sa ulunan ni Timeon. Binigkas nila ang kanyang buong pangalan at binasbasan siya sa pamamagitan ng kapangyarihan ni Jesucristo para gumaan ang pakiramdam niya.

Hindi nagtagal ay hindi na gaanong masakit ang braso ni Timeon. Nakadama siya ng kapanatagan at kapayapaan. Nakatulog pa nga siya.

Nang magising siya, umaga na. Masakit pa rin ang braso niya, pero hindi kasing sakit noong una.

“Kumusta ang pakiramdam mo?” tanong ni Inay.

“Mas mabuti po,” sabi niya. “Palagay ko po’y totoo ang kapangyarihan ng priesthood.”

“Masaya ako na nakatulong sa iyo ang basbas!” Niyakap ni Inay si Timeon, nag-ingat na huwag mabunggo ang kanyang braso. “Ngayo’y humingi tayo ng tulong para sa braso mo para matiyak na gagaling ito.”

Tinulungan ni Inay si Timeon na sumakay sa bisikleta. Pagkatapos ay sumakay si Inay sa kanyang likuran. Dinala ni Inay si Timeon sa kanilang kapitbahay, na maaaring makatulong.

Ngumiti si Timeon habang ginagamot ng kanilang kapitbahay ang kanyang braso. Ang kapangyarihan ng priesthood ay tunay na kapangyarihan mula sa Diyos. At labis siyang nagpapasalamat!

Larawan
PDF ng kuwento

Mga larawang-guhit ni Melissa Kashiwagi