2022
Ang Espesyal na Aklat
Nobyembre 2022


Ang Espesyal na Aklat

Larawan
Border art from the Book of Mormon Stories surrounds Bernice (about age 5) who is holding the book. Her head pops out of the cover. Her parents are in the background.

“Kayo naman ang magbasa, Papa,” sabi ni Bernice. Binuklat niya ang mga banal na kasulatan. Tinabihan siya nina Maman at Papa sa sopa.

Binasa ni Papa ang unang talata. “Alam ko na mahal niya ang kanyang mga anak.”

“Alam ko na mahal niya ang kanyang mga anak,” pag-ulit ni Bernice.

“Gayon pa man,” sabi ni Papa, “hindi ko alam ang kahulugan ng lahat ng bagay.”*

Mahirap bigkasin ang gayon pa man. Hindi pa marunong magbasa si Bernice, at hindi niya alam kung ano ang kahulugan ng lahat ng salita. Pero gustung-gusto niyang ulitin ang mga salita kapag sama-samang nagbabasa ng banal na kasulatan ang kanyang pamilya.

Kinabukasan sa oras ng pagbabasa ng banal na kasulatan, may sorpresa si Papa. “May espesyal akong ibibigay sa iyo,” sabi niya. Binigyan niya si Bernice ng isang aklat. May larawan ito ng mga tao at isang bangka sa harapan.

“Para sa akin po ba ito?” tanong ni Bernice. Niyakap niya ang malaking aklat.

“Para sa iyo,” sabi ni Papa. “Tingnan mo ang loob.”

Binuklat ni Bernice ang aklat. Nanlaki ang mga mata niya. Napakaraming makukulay na larawan.

“Ano po ang tawag dito?” tanong ni Bernice.

Itinuro ni Papa ang mga salita sa pabalat. “Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon,” sabi niya.

Binakas ni Bernice ang mga salita sa pabalat. “Mga Kuwento sa Aklat ni Mormon,” sabi niya.

“Pareho ang mga kuwento riyan sa binabasa natin sa mga banal na kasulatan,” sabi ni Maman.

Itinuro ni Bernice ang isa sa mga larawan. “Sino po ito?” tanong niya.

“Hmm. Nakikita mo ba ang pana at mga palaso?” tanong ni Maman.

Tumango si Bernice.

“Naaalala mo ba ang nabasa mo tungkol sa isang taong may nabaling pana?” tanong ni Papa.

“Si Nephi?” sabi ni Bernice.

“Oo, si Nephi iyan,” sabi ni Papa.

Ngumiti si Bernice. “Salamat po, Papa. Salamat po, Maman. Gustung-gusto ko ang aklat na ito.”

Gabi-gabi, binabasa ni Bernice ang kanyang aklat ng banal na kasulatan kasama sina Maman at Papa. Itinuro niya ang mga larawan. Natuto siyang bumigkas ng ilang mahihirap na salita. At natuto siyang magbasa ng ilang madadaling salita nang mag-isa!

Sumaya siya sa pagbabasa ng mga banal na kasulatan. Masaya siya na nababasa niya ang mga iyon kasama sina Maman at Papa!