2022
“Ayaw Kong Tumanda!”
Hulyo 2022


“Ayaw Kong Tumanda!”

Parang nakakatakot ang hinaharap.

Larawan
mom giving girl a hug

“Maligayang kaarawan sa iyo!” pagkanta ng lahat.

Hinipan ni Chakell ang lahat ng kandila sa kanyang cake sa isang ihip. Ngumiti siya habang binabati siya ng kanyang pamilya.

Siya ay 10 taong gulang na ngayon, at ang kaarawang ito ang magiging pinakamasaya!

“Napakabilis mong lumaki,” sabi ni Inay.

“Dalawang numero na ang edad mo!” sabi ni Itay sa malalim niyang boses.

“Hindi magtatagal ay magiging kasingtanda na kita,” sabi ng ate niyang si Chantele.

Medyo nawala ang ngiti ni Chakell. “Hindi pa ako ganoon katanda!” sabi niya. “10 taong gulang pa lang ako.”

“Pero sa susunod na taon ikaw ay nasa Young Women na, at pagkatapos ay nasa middle school ka na,” sabi ni Chantele. “Pagkatapos ay matututo ka nang magmaneho, at magiging matanda ka na!”

Biglang nag-iba ang pakiramdam ni Chakell. Kumikirot ang tiyan niya nitong mga nakaraang araw, lalo na kapag nag-aalala siya tungkol sa hinaharap.

Binalewala niya ang nadarama niya at ngumiti. “Kain tayo ng cake!”

Kalaunan nang gabing iyon, umupo si Chakell sa kanyang kama at binuklat ang isa sa mga paborito niyang aklat. Pero hindi siya makapagpokus sa binabasa niya. Parang nakabaluktot pa rin ang sikmura niya.

Ang mga kaarawan ay palaging nagpapaisip kay Chakell tungkol sa pagtanda. Habang mas tumatanda siya, tila mas nakakatakot ang hinaharap. Dahil hindi niya alam kung ano ang mangyayari, kinakabahan siya!

Patuloy na pumasok sa isipan ni Chakell ang pag-aalala.

Hindi na ako ulit magiging isang bata!

Paano kung hindi sapat ang talino ko para sa middle school?

Paano kung hindi ako makaroon ng mga kaibigan?

Magbabago ang buhay ko!

Dumaloy ang mainit na luha sa kanyang mga pisngi. Pinahiran niya ang kanyang mga mata at suminghot.

Nakarinig siya ng mahinang katok sa pinto. “Umiiyak ka ba?” tanong ni Inay. Umupo siya sa kama ni Chakell. “Hindi ka ba masaya sa kaarawan mo?”

Lumapit si Chakell kay Inay, at niyakap siya nito.

“Masaya po ang kaarawan ko,” sabi niya, habang nakasandal sa balikat ni Inay. “Pero ayaw ko pong tumanda! Takot na takot po ako.”

Hinaplos ni Inay ang kanyang buhok. “Ang paglaki o pagtanda ay maaaring nakakatakot. Pero masaya rin ito!”

Pinahid ni Chakell ang mga luha sa kanyang mga mata. “Parang hindi po ito masyadong masaya,” sabi niya. “Parang mahirap po.”

Tumango si Inay. “Mahirap talaga kung minsan,” sabi niya. “Pero maaari kang maging matapang! Alam mo ba na ang buhay mo ay nilayong maging isang pakikipagsapalaran? Ipinadala ka rito ng Ama sa Langit para magkaroon ng kamangha-manghang mga karanasan.”

Larawan
girl as a grownup in graduation clothes

Tiningnan ni Chakell ang aklat na hawak niya. Gustung-gusto niyang magbasa tungkol sa mga pakikipagsapalaran. Hindi niya naisip na isang paglalakbay ang buhay.

“Pero paano po ako magiging matapang kung hindi ko po alam kung ano ang mangyayari?”

“Iyan ang dahilan kaya tayo nananampalataya.” Ngumiti si Nanay. “Ang pananampalataya ay pagpayag na akayin tayo ng Ama sa Langit at paniniwala na tutulungan Niya tayong maging matapang. Tinulungan Niya akong maging matapang sa maraming pagkakataon na natakot ako sa mga bagong bagay. At tutulungan ka rin Niya.”

“Talaga po?”

“Totoo,” sagot ni Inay. “Maaari kang manalangin at humingi ng tulong anumang oras.”

Pinagaan nito ang pakiramdam ni Chakell. “OK po.”

Bago siya matulog, lumuhod si Chakell at nanalangin. “Tulungan po Ninyo akong maging matapang,” bulong niya. “Tulungan po Ninyo akong huwag matakot sa hinaharap.”

Nang matapos siya, nakadama ng kapanatagan at payapang damdamin si Chakell. Medyo nakakatakot ang hinaharap. Ngunit sa tulong ng Ama sa Langit, maaari din itong maging kamangha-manghang paglalakbay!

Larawan
Page from the July 2022 Friend Magazine.

Mga paglalarawan ni Natalie Briscoe