Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 20: Pamumuhay sa Batas ng Kalinisang-Puri


Kabanata 20

Pamumuhay sa Batas ng Kalinisang-Puri

Ano ang maaari nating gawin upang mapangalagaan ang kalinisang-puri ng ating sarili at ng ating pamilya?

Pambungad

“Kung nais ninyong mapasainyo ang mga pagpapala ng Espiritu ng Panginoon, kailangan ninyong panatilihin ang inyong katawan, ang templo ng Diyos, na malinis at dalisay,” sabi ni Pangulong Harold B. Lee.1

Ginamit niya ang isang liham ng pamimighati mula sa isang lalaking lumabag sa batas ng kalinisang-puri upang ilarawan ang kahalagahan ng payong ito: “Noong tinatamasa ko pa ang Espiritu ng Panginoon at ipinamumuhay ang ebanghelyo, ang mga pahina ng banal na kasulatan ay nabubuksan sa akin nang may bagong pang-unawa at ang kahulugan ng mga pahina ng banal na kasulatan ay bigla na lamang dumarating sa aking kaluluwa. Ngunit mula noong mahatulang itiwalag, hindi ko na maunawaan ang binabasa ko; may alinlangan na ako kapag binabasa ko ang mga talata na noo’y inakala kong nauunawaan kong mabuti. Nasisiyahan ako noon sa pagsasagawa ng mga ordenansa ng ebanghelyo para sa aking mga anak, na basbasan ang aking mga anak, binyagan sila, pagtibayin sila, mangasiwa sa kanila kapag sila ay may sakit. Ngayo’y naroon lamang ako sa isang tabi at sinasaksihan ang ibang tao na nagsasagawa ng mga ordenansang iyon. Dati’y nasisiyahan ako sa pagpunta sa templo, ngunit ngayo’y nakasara ang mga pintuan ng templo sa akin. Dati’y nagrereklamo ako nang kaunti tungkol sa mga kontribusyon na hinihiling ng Simbahan, sa pagbabayad ng ikapu, pagbabayad ng mga handog mula sa ayuno, pagbibigay ng kontribusyon doon at dito. Ngayon bilang natiwalag na miyembro, hindi ako pinahihintulutang magbayad ng ikapu; nakasara na ngayon ang mga kalangitan sa akin dahil hindi ako makapagbayad ng ikapu. Hindi na ako kailanman sa buong buhay ko muling magrereklamo sa mga kahilingan ng Simbahan na magsakripisyo ng aking kabuhayan. Napakabait ng mga anak ko sa akin, ngunit alam kong sa kaibuturan ng kanilang kaluluwa, ikinahihiya nila ang ama na ang pangalan ay kanilang taglay.”2

Sabi ni Pangulong Lee, “Ang lalaki o babae na ang mata ay nakatuon sa walang hanggang layunin ng buhay na walang hanggan, ay tunay na mayaman, dahil ang kanyang buong kaluluwa ay nasisindihan ng apoy na ipinagkakaloob sa tao na napanatiling karapat-dapat ang kanyang buhay.”3

Mga Turo ni Harold B. Lee

Bakit mahalagang sundin ang batas ng kalinisang-puri?

Upang mapagsama ang lalaki at babae sa sagradong ugnayan na ito ng kasal, kung saan inihahanda ang mga katawang lupa bilang tabernakulo para sa mga espiritung mula sa langit, inilagay ng Panginoon sa kaibuturan ng bawat binata at dalaga ang hangaring makasama ang isa’t isa. Ang mga ito’y sagrado at banal na simbuyo ng damdamin ngunit tunay na napakalakas. Upang hindi maging mababa ang tingin sa buhay o kaya’y maabuso ang mga prosesong ito ng buhay para lamang bigyang-kasiyahan ang mga pita ng tao, inilagay ng Diyos sa kategoriya ng mabibigat na krimen na ibinabala sa atin sa Sampung Utos ang, una, pagpatay, at ikalawa lamang dito, ang seksuwal na kahalayan. “Huwag kang papatay! Huwag kang mangangalunya!” (Tingnan sa Exodo 20:13–14.)… Pinapayuhan kayo ng Simbahan na maging mayumi sa inyong pananamit at kilos at iwasan ang masasamang kaisipan na mag-uudyok sa inyong mga labi na magsalita ng kahalayan at upang maging masama at masagwa ang inyong paguugali. Upang makamtan ang buong kaligayahan sa banal na kasal, ang mga bukal ng buhay ay kailangang panatilihing dalisay.4

Maging banal. Isa ito sa mga pinakadakilang kautusan.

“Punuin din ang iyong sisidlan ng pag-ibig para sa lahat ng tao, at sa sambahayan ng pananampalataya, at puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay; sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos; at ang doktrina ng pagkasaserdote ay magpadadalisay sa iyong kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit.

“Ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina, at ang iyong setro ay hindi nagbabagong setro ng kabutihan at katotohanan; at ang iyong pamamahala ay magiging walang hanggang pamamahala, at sa walang sapilitang pamamaraan ito ay dadaloy sa iyo magpakailanman at walang katapusan.” (D at T 121:45–46.)

Ngunit hindi kailanman tayo magkakaroon sa mundong ito ng kapangyarihan, ng lakas, ng pagsama ng Espiritu Santo maliban na natutuhan nating maging banal sa isip, sa pag-uugali, at sa ating kilos.5

Isuot ninyo ang baluti ng kabutihan. Huwag magpatukso sa sandali ng kahinaan. Pangalagaan ang moog na iyan ng kadalisayan. Ang inyong katawan ay templo ng Espiritu Santo, kung pananatilihin ninyo itong malinis at dalisay.6

Ipamuhay ang batas ng kalinisang-puri nang higit na perpekto kaysa ginawa ninyo noon, sa pamamagitan ng pag-iisip ng mga dalisay na kaisipan. Tandaan ang sinabi ng Guro, “Narinig ninyong sinabi, Huwag kang mangangalunya: Datapuwa’t sinasabi ko sa inyo, na ang bawa’t tumingin sa isang babae na taglay ang masamang hangad ay nagkakasala na ng pangangalunya sa kaniyang puso” (Mateo 5:27–28). Ngayon, kailangang maging dalisay ang ating mga kaisipan. Paglabanan ang anumang nakaugalian ninyo na maaaring humantong sa mga imoral na gawa, at iwasan ang imoralidad na maaaring sumira sa inyong buhay.7

Anu-ano ang ibubunga ng paglabag sa batas ng kalinisang-puri?

Hindi kailanman nagkaroon noon ng gayong hamon sa doktrina ng kabutihan at kadalisayan at kalinisang-puri. Ang mga pamantayan ng kagandahang-asal ay iginuguho ng mga kapangyarihan ng kasamaan. Wala nang mas mahalaga pa tayong magagawa maliban sa ituro nang may kapangyarihan, sa paggabay ng Espiritu ng Panginoon, hanggang sa abot ng ating makakaya at himukin ang ating mga tao sa daigdig na mamuhay nang malapit sa Panginoon sa oras na ito ng matinding tukso.8

Ang pinakamalaking banta ngayon ni Satanas ay sirain ang pamilya, at kutyain ang batas ng kalinisang-puri at ang kabanalan ng tipan ng kasal.9

Isa sa aming komperensiya ng istaka ang nagtapos sa pamamagitan ng isang kawili-wiling mensahe kamakailan lamang. … Nang tumayo ang pangulo ng istaka upang tapusin na ang komperensiya, tumingala siya sa balkonahe na puno ng mga kabataan at nagsabing, “May gusto akong sabihin sa inyong mga kabataan na nariyan sa balkonahe. Marahil habang ako ang pangulo ng inyong istaka, bawat isa sa inyo’y lalapit sa akin para sa panayam—tulad ng pagsulong sa pagkasaserdote, o para sa ilang katungkulan kung saan kayo tinawag, o para sa mga rekomendasyon sa templo—at kabilang sa maraming bagay ay ang mapanuring tanong na itatanong ko sa inyo. Malinis ba ang inyong puri? Kung matapat kayong makasasagot nang, ‘Opo, Pangulo, malinis ang aking puri,’ magiging masaya kayo. Kung ang isasagot ninyo’y, ‘Hindi po,’ kayo’y magiging malungkot; at kung magsisinungaling kayo sa akin, mapupuno ng kapaitan ang inyong kaluluwa habang kayo’y nabubuhay.”…

Balang-araw makakaharap [natin] ang ating Manlilikha at tulad ng sabi ni Moroni—at medyo matinding salita ito—sabi niya, “Inaakala ba ninyo na magiging maligaya kayo na manahanan kasama ang Banal ng Israel habang ang inyong mga kaluluwa ay ginigiyagis ng kabatiran ng inyong pagkakasala?” Sabi niya, “Mas magiging masaya kayo na mamuhay sa piling ng mga isinumpang kaluluwa sa impiyerno kaysa sa kinaroroonan ng Banal ng Israel habang marumi kayo.” [Tingnan sa Mormon 9:3–4.]10

Kapag nilalabag natin ang mga kautusan, sinasaktan natin ang ating sarili at ang ibang tao. Ang pagkakamali ay kadalasang nagbubunga ng kalungkutan, poot, o paglayo, kundi tayo magsisisi. Sa katunayan, nababawasan ang ating pagpapahalaga sa sarili; pinabababa natin ang papel na ating ginagampanan bilang mga anak ng Diyos; maaaring sikapin nating takasan ang katotohanan ng kung sino tayo talaga!

Kapag nagkakasala tayo nababawasan ang ating pagiging epektibong miyembro ng pamilya ng sangkatauhan… Maaaring masira natin ang iba; maaari pa tayong gumanti sa pamilya ng sangkatauhan sa baluktot na paraan na siyang magiging kabiguan natin, at sa gayon ang paghihirap ng tao ay nadaragdagan. Ang karumihan ng puri ng mga magulang ay makapagdudulot ng magkakarugtong na reaksiyon na maaaring lumaganap sa mga henerasyon, bagaman maaaring maiba ang uri ng galit at poot ng mga bigong anak. Ang kawalan ng pagmamahalan sa tahanan ay lumilikha ng mga reaksiyon na nakaaapekto sa ating lahat; malaki ang kabayaran ng sangkatauhan sa ganitong uri ng kabiguan. Ano ang higit na may kaugnayan sa mga pangangailangan ng pamilya ng sangkatauhan maliban sa pagiging malinis natin, upang magkaroon ng pagmamahalan sa tahanan—sa katunayan, upang masunod ang bawat kautusan?11

Walang sinumang lalaki o babae na may mataas na katungkulan sa simbahan ngunit hindi nakaaabot sa mga pamantayang inaasahang ipamuhay niya ang hindi makatatangay ng maraming tao na nagtiwala sa kanya. Nasugatan niya ang kanilang konsiyensiya; natangay niya pababa ang mga mas mahihina sa pananampalataya at binibilang ng marami ang araw ng kawalan nila ng pagmamahal sa simbahang ito kapag ang isang sinaligan nila ay hindi nakaabot sa pamantayan na inaasahan nilang mapananatili ng taong iyon.12

Nabigyang-diin ko na ang kasamaan ng kasalanan; na ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan at sa pamamagitan ng pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo, kayo na mga nagkasala ay matatagpuan ang kapatawaran at landas tungo sa kagalakan sa buhay na ito at kabuuan ng buhay sa kabila sa pamamagitan ng tunay na pagsisisi.13

Ano ang responsibilidad ng mga nagtataglay ng pagkasaserdote na may kaugnayan sa batas ng kalinisang-puri?

Mga kapatid, kailangan tayong magpasiya muli na susundin natin ang batas ng kalinisang-puri: at kung nakagawa man tayo ng mga kamalian, simulan natin ngayon na ituwid ang mga pagkakamaling ito. Lumakad tayo palapit sa liwanag; at sumasamo ako sa inyo, mga kapatid, huwag ninyong abusuhin ang kahangahangang pagkakataon na nasa inyo bilang kalalakihan. Kayo na maaaring maging katuwang ng Manlilikha sa paglalang ng mga kaluluwa ng tao ay, sa pamamagitan ng isang uri ng pakikipagugnayan na labag sa batas, maaaring magdudulot lamang ng kahihiyan at wawasakin ang puso ng inyong asawa at mga anak. Mga kapatid, sumasamo kami sa inyo na panatilihing malinis ang inyong pagkatao, at lumakad sa landas ng katotohanan at kabutihan, at sa gayon ay makamtan ang papuri ng Ama sa Langit sa inyo na kanyang mga anak.14

Nais kong bigyang-babala ang malaking pangkat na ito ng pagkasaserdote laban sa malaking kasalanan ng Sodoma at Gumora, na tinaguriang kasalanan na pumapangalawa lamang sa mabigat na kasalanan ng pagpatay. Ang tinutukoy ko ay ang kasalanan ng pangangalunya, na, tulad ng alam ninyo, ay siyang ipinangalan ng Guro nang banggitin Niya ang di-pinahihintulutang seksuwal na kasalanan ng pakikiapid gayundin ng pangangalunya. Bukod pa rito, ang kasing-bigat na kasalanan ng homoseksuwalidad, na tila lumalaganap dahil sa pagtanggap ng lipunan ng Babilonia sa daigdig, na hindi dapat kapalooban ng mga miyembro ng Simbahan.

Bagama’t nasa mundo tayo, hindi tayo kailangang maging makamundo. Ang anumang pagtatangka ng mga paaralan o bahayaliwan upang iwagayway ang mga seksuwal na kasalanan, na wala namang ginawa kundi ang pukawin ang pag-eeksperimento, ay kailangang [kalabanin] ng pagkasaserdote ng simbahang ito nang buong-lakas at walang-tigil, habang gamit ang lahat ng paraan na naaayon sa batas.15

Kapag itinuring ng isang anak ng Diyos, lalo na ng nagtataglay ng pagkasaserdote at aktibo noon pa man sa Simbahan, na laruan lamang ang ipinagkaloob sa kanya ng Diyos na kapangyarihan sa paglikha o kaya’y itinuring ang kanyang kaugnayan sa kanyang kasintahan bilang pagbibigay kasiyahan lamang sa kanyang pagnanasa sa laman, siya ay naglalaro ng laro ni Satanas. Alam ni Satanas na ang gayong pag-uugali ay tiyak na paraan ng pagsira sa kapinuhan na kailangan sa pagtanggap ng pagsama ng Espiritu ng Panginoon.16

Paano matuturuan ng mga magulang ang kanilang mga anak upang maunawaan at maipamuhay ang batas ng kalinisang-puri?

Ang pinakamabisang pagtuturo sa simbahan ngayon ay ginagawa sa pamilya kung saan ang responsibilidad ng ama at ina sa tahanan ay ituro ang pangunahing alituntunin sa kanilang mga anak habang maliliit pa ang mga ito: ang pananampalataya, pagsisisi, pananalig sa Tagapagligtas, ang mga sinaunang alituntunin ng kalinisang-puri, kabanalan, dangal, at iba pa. Ang pinakamalakas na puwersang hahatak sa mga bata upang malayo sa mga bagay na ito ng mundo ay ang takot na mawala sila sa kinalalagyan sa samahan ng walang hanggang pamilya. Kung naturuan sila mula sa kanilang pagkabata na mahalin ang pamilya at igalang ang tahanan, magdadalawang-isip sila bago nila naising gawin ang bagay na habampanahong hahadlang sa kanilang pagiging kabilang sa walang hanggang tahanan ng pamilya. Sa atin, ang kasal, pagkakaroon ng mga anak, kalinisang-puri, at kabanalan ay ilan sa pinakamahahalagang katotohanan na nasa atin—ang pinakamahahalagang bagay.17

Tiniyak ba natin na sa pag-unlad ng munting kaluluwang ipinagkatiwala sa atin, na hindi natin siya kailanman iniwan nang hindi ginagamit ang kahustuhan natin sa gulang upang turuan siya “kung paano” kumilos batay sa ating karanasan. Itinatag ba natin, sa kanyang paglaki, ang pundasyon at balangkas ng matibay, matagumpay, at maligayang buhay, o ipinaubaya natin ang lahat sa kawalang-katiyakan ng pagbabakasali, at umasang kahit paano’y pangangalagaan siya ng Maykapal habang nagkakaroon siya ng mga karanasan?

Marahil maikikintal ng karanasan sa tunay na buhay ang kaisipan na sinisikap kong simulan. … Isang batang piloto na magisang lumilipad sa ibabaw ng paliparan sa palagiang pagsasanay…ang biglang sumigaw, gamit ang radyo, sa opisyal na nasa control tower: “Wala akong makita! Nabulag ako.” Kung nataranta rin ang nasa control tower, tiyak na napahamak ang batang piloto at ang mamahaling eroplano; ngunit, sa kabutihangpalad, ang opisyal sa control tower ay may malawak na karanasan na nakababatid na sa ilang pangyayari ay maaaring pansamantalang mabulag ang isang bagito sa ilalim ng matinding tensiyon. Mahinahong kinausap ng opisyal ang kabataang naroon sa itaas, sa pagbibigay direksiyon sa proseso ng dahan-dahang pagbaba nang paikot habang nag-uutos ng pagdadala ng mga kagamitang kailangan sa biglaang pangangailangan, sakaling magkaroon ng aksidente. Matapos ang makapigil-hiningang sandali na tila walang katapusan sa lahat ng nanonood, nailapag ng nabulag na piloto ang mga gulong ng kanyang eroplano sa paliparan at napahinto niya ito. Mabilis na isinugod ng mga tauhan ng ambulansiya ang binatilyo sa ospital ng base-militar para gamutin.

Ano kaya ang nangyari kung nabigla ang opisyal na nasa control tower o kaya’y umiwas sa kanyang tungkulin, o kaya’y wala itong alam sa gayong uri ng biglaang pangyayari? Ang sagot ay gayundin ang mangyayari sa isang kabataan kung wala siyang matalinong tagapayo na may karanasan, kapag naharap siya sa nakabibiglang krisis na hindi niya sanay sagupain. Sa kapwa pangyayari, mapipinsala ang buhay, kundi man ito mawasak, at mawawalan ng pagkakataon na abutin ang pinakamataas na mararating. …

Marinig nawa ng lahat ng ina ang pagdaing at katanungan ng isang minamahal at magiliw na batang babae na, sa sandaling tila abot-kamay na ang kanyang pangarap noong bata pa siya na makasal sa templo, ay nakalabag sa batas ng kalinisang-puri at ngayo’y…patuloy na inuusig ng kanyang budhi. Ang kanyang mga tanong ay: “Paano ko malalaman na nasa panganib ako? Bakit wala akong lakas na lumaban?” Gaya ng nabulag na piloto, bulag din siyang lumilipad, ngunit sa kasamaang-palad, walang tauhan sa control tower na gagabay sa kanya upang makalapag nang ligtas sa krisis na kanyang kinakaharap. Dapat sana’y naibulalas niya ang kanyang problema sa isang matalinong ina!

Naging labis bang abala ang ina sa kanyang gawain sa Simbahan o sa tahanan o sa pakikihalubilo o mga samahan kung kaya hindi nagkaroon ng samahan na siya sanang mag-aanyaya sa kanyang anak na babae na magbahagi ng mga lihim hinggil sa gayong sagradong bagay? Marahil ito’y isang ina na kontento nang maturuan ang kanyang anak sa mga kurso ng akademiya ukol sa maseselang paksa, na kadalasan ay humihimok lamang sa mga estudyante na mag-ekspirimento. Marahil di niya batid na sa kanyang sala mismo dumarating sa araw-araw, sa pamamagitan ng radyo, magasin, at telebisyon ang pangit, ngunit mga balatkayong ideya ng pag-ibig at buhay, at kasal na, kadalasan, ay napagkakamalian ng mga kabataan na landas tungo sa kaligayahan.18

Kayong mga ina, manatiling malapit sa inyong mga anak na babae. Habang bata pa sila, huwag ninyong hayaang sabihin sa kanila ng sinuman ang tungkol sa mga tinatawag na katotohanang ukol sa kapangyarihang lumikha ng tao. Sa sandaling magsimulang magtanong ang inyong maliliit na anak, ang mga bata tungkol sa mumunting bagay na may intimasiya, maupo kayo at kausapin sila tungkol sa mga bagay ayon sa abot ng kanilang pang-unawa. Pagkatapos ay sasabihin nilang, “Sige po, Inay, salamat po.” At ilang panahon pa kapag tinedyer na sila, magtatanong sila muli, ngayo’y medyo mas malalim na. Sa gayo’y magsisimula na silang makipagtipanan, at saan sila lalapit para humingi ng payo? Kung nagawa ninyo ang inyong tungkulin, lalapit sila’t magtatanong sa Ina kung ano ang payo niya doon at dito, at sa gabi ng kanyang kasal, hihingi siya ng payo mula sa kanyang ina, hindi sa kababaihang nasa lansangan.

At kayong mga ama, maging barkada ng inyong mga anak na lalaki. Huwag kailanman isantabi ang inyong anak kapag nais niyang hingin ang payo ninyo tungkol sa mga bagay na nais niyang ikuwento sa kanya ng isang ama. Nariyan ang kaligtasan sa tahanan. Nariyan ang kaligtasan ng inyong kabataan. Huwag ninyong ipagkait sa kanila ang kaligtasang iyon, kayong mga ama at ina.19

Ang isa sa mga bagay na dapat nating gawin sa pagtuturo sa ating kabataan ay ikondisyon sila kung paano nila haharapin ang tuksong dumarating sa sandaling hindi inaasahan….

Ang may pangunahing responsibilidad ay ang ama ng batang lalaki. Hindi ibig sabihin nito na dapat gumising ang ama isang umaga at tawagin ang kanyang anak na lalaki sa kanyang tabi at sa loob ng labinlimang minuto ay sabihin sa kanya ang lahat ng katotohanan ng buhay. Hindi iyan ang kailangan ng bata. Kailangan niya ang isang ama na sasagot kapag nais niyang magtanong tungkol sa maseselang bagay. Sabik siyang malaman; nais niyang malaman ang mga bagay.

Kung ang kanyang ama ay magiging prangka at matapat, at sasabihin sa kanya sa abot ng kanyang pang-unawa habang siya’y lumalaki, ang amang iyon ang babalikan ng anak para hingan ng payo sa mga darating na taon. Ang ama ay magiging angkla sa kaluluwa ng batang iyon, habang kumukuha ang ama mula sa kanyang aklat ng karanasan ng mga aral na maaari niyang ibigay sa kanyang anak upang tulungan siyang makapaghanda laban sa posibilidad ng pagkahulog sa patibong sa sandaling hindi inaasahan.20

Sana’y maikintal ko sa inyong isipan ngayon, kayo na arawaraw ay kailangang lumakad sa umuugoy na tulay [na nasa ibabaw ng] kamunduhan at kasalanan na dumadaloy na tulad ng maalong sapa sa ilalim ninyo. Sana kapag may kirot ng pag-aalinlangan at takot na dahilan ng paglayo ninyo sa panalangin at pananampalataya at pagmamahal, nawa’y marinig ninyo ang aking tinig na tila tumatawag sa inyo mula sa malayo sa tulay ng buhay, “Manampalataya—ito ang daan—dahil mas nakikita ko ang nasa unahan kaysa sa inyo.” Nawa’y itulot ng Diyos na madama ninyo ngayon ang pagmamahal na dumadaloy mula sa aking kaluluwa tungo sa inyong kaluluwa, at mabatid ang matinding awa ko sa bawat isa sa inyo habang kinakaharap ninyo ang mga problema ngayon. Ngayon na ang panahon na ang bawat isa sa inyo’y kailangang tumayo sa sarili ninyong paa. Ngayon na ang panahon na walang sinumang lalaki at babae na makatatagal sa hiram na liwanag. Bawat isa’y kailangang magabayan ng liwanag na nagmumula sa kanyang sarili. Kung wala kayo nito, hindi kayo makatatagal.21

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Talakayan

  • Bakit kailangan tayong mag-isip ng mabubuting kaisipan upang maipamuhay natin ang batas ng kalinisang-puri?

  • Anong mga pagpapala ang dumarating sa mga malinis ang puri at banal?

  • Bakit ang kawalan ng kalinisang-puri ang landas tungo sa kapahamakan, kapwa sa pisikal at espirituwal? Paanong sagisag ng “pagtakas sa katotohanan ng kung sino tayo talaga” ang kawalan ng kalinisang-puri?

  • Ano ang responsibilidad ng mga nagtataglay ng pagkasaserdote sa pangangalaga nila sa kanilang sarili at sa mga mahal nila sa buhay mula sa mga panganib ng kawalan ng kalinisang-puri?

  • Ano ang dapat ituro ng mga ama at ina sa kanilang mga anak tungkol sa seksuwal na kalinisan? Ano ang maaaring gawin ng mga magulang upang makatiyak na magkakaroon ng sapat na tiwala ang kanilang mga anak upang ibahagi sa kanila ang mga bagay na may kinalaman sa intimasiya?

  • Anong mga impluwensiya sa daigdig sa ngayon ang makababawas sa ating kakayahang paglabanan ang mga tukso sa pagiging mahalay? Bakit lalong angkop ang payong “walang lalaki at babae na makatatagal sa pamamagitan ng hiram na liwanag” sa pagsunod sa batas ng kalinisang-puri sa daigdig sa ngayon?

Mga Tala

  1. Sa Conference Report, Mexico and Central America Area Conference 1972, 103.

  2. The Teachings of Harold B. Lee, inedit ni Clyde J. Williams (1996), 105.

  3. By Their Fruits Shall Ye Know Them, Brigham Young University Speeches of the Year (ika-12 ng Okt. 1954), 8.

  4. The Teachings of Harold B. Lee, 213–14.

  5. Stand Ye in Holy Places (1974), 215.

  6. The Teachings of Harold B. Lee, 215.

  7. The Teachings of Harold B. Lee, 608.

  8. The Teachings of Harold B. Lee, 85.

  9. The Teachings of Harold B. Lee, 227.

  10. Talumpati sa pangkat ng mga estudyante at pinuno ng mga estudyante sa Ricks College, ika-3 ng Marso 1962, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 19–20.

  11. The Teachings of Harold B. Lee, 226–27.

  12. The Teachings of Harold B. Lee, 504.

  13. Decisions for Successful Living (1973), 219.

  14. The Teachings of Harold B. Lee, 218.

  15. The Teachings of Harold B. Lee, 232.

  16. The Teachings of Harold B. Lee, 224.

  17. Panayam kay Tom Petit para sa NBC, ika-4 ng Mayo 1973, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 22–23.

  18. “My Daughter Prepares for Marriage,” Relief Society Magazine, Hunyo 1955, 348–49.

  19. The Teachings of Harold B. Lee, 227–28.

  20. The Teachings of Harold B. Lee, 228.

  21. “Fortifying Oneself against the Vices of the World,” talumpating baccalaureate na ibinigay sa Ricks College, ika-6 ng Mayo 1970, Historical Department Archives, Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, 18–19.