Mga Banal na Kasulatan
Mormon 9


Kabanata 9

Nananawagan si Moroni sa mga hindi naniniwala kay Cristo na magsisi—Nagpahayag siya tungkol sa isang Diyos ng mga himala, na nagbibigay ng mga paghahayag at nagbubuhos ng mga kaloob at palatandaan sa matatapat—Tumitigil ang mga himala dahil sa kawalang-paniniwala—Susunod ang mga palatandaan sa mga yaong naniniwala—Ang mga tao ay pinayuhang maging matatalino at sundin ang mga kautusan. Mga A.D. 401–421.

1 At ngayon, ako ay nangungusap din hinggil sa mga yaong hindi naniniwala kay Cristo.

2 Dinggin, kayo ba ay maniniwala sa araw ng inyong kaparusahan—dinggin, kung kailan ang Panginoon ay paparito, oo, maging ang yaong dakilang araw kung kailan mabibilot ang lupa tulad ng isang balumbon na pergamino, at matutunaw ang mga elemento sa matinding init, oo, sa dakilang araw na yaon kung kailan kayo ay dadalhin upang tumayo sa harapan ng Kordero ng Diyos—sa gayon, inyo bang sasabihing walang Diyos?

3 Sa gayon, itatatwa pa ba ninyo ang Cristo, mapagmamasdan ba ninyo ang Kordero ng Diyos? Inaakala ba ninyo na kayo ay makapananahanang kasama niya sa ilalim ng kamalayan ng inyong pagkakasala? Inaakala ba ninyo na kayo ay magiging maligaya na manahanan kasama ang yaong banal na Katauhan, kapag ang inyong mga kaluluwa ay pinahihirapan ng kamalayan ng inyong pagkakasala na pinagmalabisan ninyo ang kanyang mga batas?

4 Dinggin, sinasabi ko sa inyo na kayo ay higit na magiging kaaba-abang manahanan kasama ang isang banal at makatarungang Diyos sa ilalim ng kamalayan ng inyong karumihan sa harapan niya, kaysa kayo ay manahanan kasama ng mga isinumpang kaluluwa sa impiyerno.

5 Sapagkat dinggin, kapag kayo ay dinala upang makita ang inyong kahubaran sa harapan ng Diyos, at gayundin ang kaluwalhatian ng Diyos, at ang kabanalan ni Jesucristo, iyon ay magsisindi ng isang ningas ng apoy na hindi maapula sa inyo.

6 O, sa gayon, kayong mga hindi naniniwala, bumaling kayo sa Panginoon; magsumamo nang buong taimtim sa Ama sa pangalan ni Jesus, na marahil ay masusumpungan kayong walang bahid-dungis, dalisay, kaaya-aya, at maputi, na nalinis sa pamamagitan ng dugo ng Kordero, sa dakila at huling araw na yaon.

7 At muli, nangungusap ako sa inyo na nagtatatwa sa mga paghahayag ng Diyos, at nagsasabi na ang mga yaon ay natapos na, na wala nang mga paghahayag, ni mga propesiya, ni mga kaloob, ni pagpapagaling, ni pagsasalita ng mga wika, at pagbibigay-kahulugan ng mga wika;

8 Dinggin, sinasabi ko sa inyo, siya na nagtatatwa sa mga bagay na ito ay hindi nalalaman ang ebanghelyo ni Cristo; oo, hindi niya nabasa ang mga banal na kasulatan; kung sakali man, hindi niya nauunawaan ang mga ito.

9 Sapagkat hindi ba’t ating nababasa na ang Diyos ay siya rin kahapon, ngayon, at magpakailanman, at sa kanya ay walang pag-iiba-iba ni anino ng pagbabago?

10 At ngayon, kung nagwawari kayo sa inyong sarili ng isang diyos na nag-iiba, at may anino ng pagbabago, sa gayon nagwawari kayo sa inyong sarili ng isang diyos na hindi Diyos ng mga himala.

11 Ngunit dinggin, aking ipakikilala sa inyo ang isang Diyos ng mga himala, maging ang Diyos ni Abraham, at ang Diyos ni Isaac, at ang Diyos ni Jacob; at siya ang yaon ding Diyos na lumikha sa kalangitan at sa lupa, at lahat ng bagay na nasa mga ito.

12 Dinggin, kanyang nilikha si Adan, at sa pamamagitan ni Adan ay naisakatuparan ang pagkahulog ng tao. At dahil sa pagkahulog ng tao, pumarito si Jesucristo, siya na Ama at Anak; at dahil kay Jesucristo ay naisakatuparan ang pagtubos sa tao.

13 At dahil sa pagtubos sa tao, na natupad sa pamamagitan ni Jesucristo, sila ay naibalik sa kinaroroonan ng Panginoon; oo, kung saan ang lahat ng tao ay tinubos, dahil isinakatuparan ng kamatayan ni Cristo ang pagkabuhay na mag-uli, na nagsasakatuparan sa pagtubos mula sa walang katapusang pagtulog, kung saang pagkakatulog ay gigisingin ang lahat ng tao sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos kapag ang trumpeta ay tumunog; at babangon sila, kapwa hindi kilala at tanyag, at lahat ay tatayo sa harapan ng kanyang hukuman, na mga tinubos at kinalagan mula sa walang hanggang gapos ng kamatayang ito, kung aling kamatayan ay isang temporal na kamatayan.

14 At pagkatapos ay sasapit ang paghuhukom ng Banal sa kanila; at pagkatapos, darating ang panahon na siya na marumi ay mananatili pa ring marumi; at siya na matwid ay mananatili pa ring matwid; siya na masaya ay mananatili pa ring masaya; at siya na malungkot ay mananatili pa ring malungkot.

15 At ngayon, O kayong lahat na nagwawari sa inyong sarili ng isang diyos na hindi makagagawa ng mga himala, tatanungin ko kayo, ang lahat ba ng bagay na ito ay lumipas na, na aking sinabi? Ang katapusan ay dumating na ba? Dinggin, sinasabi ko sa inyo, Hindi; at ang Diyos ay hindi tumitigil na maging isang Diyos ng mga himala.

16 Dinggin, hindi ba’t ang mga bagay na ginawa ng Diyos ay kagila-gilalas sa ating mga paningin? Oo, at sino ang makauunawa sa mga kagila-gilalas na gawa ng Diyos?

17 Sino ang magsasabi na hindi isang himala na sa pamamagitan ng kanyang salita, ang langit at lupa ay nalikha; at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang salita, ang tao ay nalikha mula sa alabok ng lupa; at sa pamamagitan ng kapangyarihan ng kanyang salita, ang mga himala ay nagawa?

18 At sino ang magsasabi na si Jesucristo ay hindi gumawa ng maraming dakilang himala? At maraming dakilang himala ang ginawa sa pamamagitan ng mga kamay ng mga apostol.

19 At kung may mga himalang ginawa noon, bakit titigil ang Diyos na maging isang Diyos ng mga himala at gayunman ay nananatili pa ring isang hindi nagbabagong Katauhan? At dinggin, sinasabi ko sa inyo na hindi siya nagbabago; kung sakali man, siya ay titigil na maging Diyos; at siya ay hindi tumitigil na maging Diyos at isang Diyos ng mga himala.

20 At ang dahilan kung bakit siya tumitigil ng paggawa ng mga himala sa mga anak ng tao ay dahil nanghina sila sa kawalang-paniniwala, at lumihis sa tamang landas, at hindi nakikilala ang Diyos na siyang nararapat nilang pagkatiwalaan.

21 Dinggin, sinasabi ko sa inyo na sinumang naniniwala kay Cristo, nang walang pag-aalinlangan, anuman ang kanyang hingin sa Ama sa pangalan ni Cristo ay ipagkakaloob sa kanya; at ang pangakong ito ay para sa lahat, maging hanggang sa mga dulo ng mundo.

22 Sapagkat dinggin, ganito ang winika ni Jesucristo, na Anak ng Diyos, sa kanyang mga disipulong mananatili, oo, gayundin sa lahat ng kanyang mga disipulo, sa pandinig ng maraming tao: Humayo kayo sa buong daigdig, at ipangaral ang ebanghelyo sa bawat nilikha;

23 At siya na naniniwala at nabibinyagan ay maliligtas, ngunit siya na hindi naniniwala ay mapapahamak;

24 At ang mga palatandaang ito ay susunod sa kanila na mga naniniwala—sa aking pangalan ay magpapalayas sila ng mga diyablo; magsasalita sila ng mga bagong wika; magsisihawak sila ng mga ahas; at kung iinom sila ng kahit anumang nakamamatay na bagay ay hindi iyon makasasakit sa kanila; ipapatong nila ang kanilang mga kamay sa may karamdaman at magsisigaling sila;

25 At sinuman ang maniniwala sa aking pangalan, nang walang pag-aalinlangan, patutunayan ko sa kanya ang lahat ng aking mga salita, maging hanggang sa mga dulo ng mundo.

26 At ngayon, dinggin, sino ang sasalungat sa mga gawain ng Panginoon? Sino ang makatatatwa sa kanyang mga salita? Sino ang mag-aalsa laban sa pinakamakapangyarihang lakas ng Panginoon? Sino ang hahamak sa mga gawain ng Panginoon? Sino ang hahamak sa mga anak ni Cristo? Dinggin, lahat kayong humahamak sa mga gawain ng Panginoon, sapagkat kayo ay mamamangha at masasawi.

27 O, sa gayon, huwag manghamak, at huwag mamangha, kundi makinig sa mga salita ng Panginoon, at humingi sa Ama sa pangalan ni Jesus ng anumang bagay na inyong kakailanganin. Huwag mag-alinlangan, kundi maging mapagpaniwala, at magsimula tulad noong unang panahon, at lumapit sa Panginoon nang inyong buong puso, at isagawa ang inyong sariling kaligtasan nang may takot at panginginig sa harapan niya.

28 Maging matalino sa mga araw ng inyong pagsubok; hubaran ang inyong sarili ng lahat ng karumihan; huwag humingi upang sayangin lamang sa inyong mga pagnanasa, kundi humingi nang may katatagang hindi matitinag, upang hindi kayo magpatalo sa tukso, sa halip kayo ay maglingkod sa tunay at buhay na Diyos.

29 Tiyaking kayo ay hindi nabinyagan nang hindi karapat-dapat; tiyaking hindi kayo nakikibahagi sa sakramento ni Cristo nang hindi karapat-dapat; kundi tiyaking inyong ginagawa ang lahat ng bagay nang karapat-dapat, at gawin ito sa pangalan ni Jesucristo, na Anak ng Diyos na buhay; at kung gagawin ninyo ito at magtitiis hanggang wakas, hindi kayo maitataboy sa anumang paraan.

30 Dinggin, nangungusap ako sa inyo na parang ako ay nangungusap mula sa mga patay; sapagkat alam kong mapapasainyo ang aking mga salita.

31 Huwag ninyo akong hatulan dahil sa aking hindi-kasakdalan, ni ang aking ama, dahil sa kanyang kahinaan, ni sila na naunang sumulat sa kanya; sa halip magbigay-pasasalamat sa Diyos na kanyang ipinaalam sa inyo ang aming mga kahinaan nang inyong matutuhan na maging higit na matatalino kaysa sa amin noon.

32 At ngayon, dinggin, isinulat namin ang talang ito alinsunod sa aming kaalaman, sa mga titik na aming tinatawag na binagong wikang Egipto, na ipinasa sa amin at binago namin, alinsunod sa paraan ng aming pagsasalita.

33 At kung ang aming mga lamina ay naging sapat ang laki, isinulat sana namin ito sa Hebreo; ngunit binago rin namin ang Hebreo; at kung nakapagsulat kami sa Hebreo, dinggin, kayo ay hindi makakikita ng kahinaan sa aming talaan.

34 Ngunit nalalaman ng Panginoon ang mga bagay na aming naisulat, at gayundin, walang ibang mga taong nakaaalam ng aming wika; at sapagkat walang ibang taong nakaaalam ng aming wika, kaya nga, siya ay naghanda ng mga paraan sa pagbibigay-kahulugan ng mga yaon.

35 At nasulat ang mga bagay na ito upang ang aming mga kasuotan ay maalisan ng dugo ng aming mga kapatid na nanghina sa kawalang-paniniwala.

36 At dinggin, ang mga bagay na ito na aming ninais hinggil sa mga kapatid namin, oo, maging ang kanilang pagpapanumbalik sa kaalaman kay Cristo, ay alinsunod sa mga panalangin ng lahat ng banal na nanahanan sa lupain.

37 At nawa ay ipagkaloob ng Panginoong Jesucristo na matugunan ang kanilang mga panalangin alinsunod sa kanilang pananampalataya; at nawa ay maalala ng Diyos Ama ang tipang kanyang ginawa sa sambahayan ni Israel; at nawa ay kanyang pagpalain sila magpakailanman, sa pamamagitan ng pananampalataya sa pangalan ni Jesucristo. Amen.